Chapter 62 - TRUE FRIENDS

"Tatang, 'wag niyo na lang po muna sabihin sa kanyang ako si Binbin at manliligaw ni Marble ang kaibigan ko. Mas maganda seguro kung alam niyang trabahador niyo lang kami. Nang makita niyo rin kung ga'no kapursigido ang kaibigan ko sa panliligaw kay Marble," kumbinsi niya sa ama ni Marble na napalingon muna sa nagdidiwara pa ring asawa nang mga sandaling 'yon.

"Sa tingin mo ba magandang ideya 'yon?" baling ng kausap sa kanya, alanganin sa gusto niyang mangyari.

Napakamot siya sa batok, 'di rin alam ang isasagot.

"O siya sige. Mas maganda nga segurong 'di niya malamang ikaw si Binbin kasi kung anu-anong ikinukwento niyan sa mga kapitbahay namin tungkol sa'yo," pagsang-ayon na rin nito dahilan upang mapapilantik siya.

Nag thumbs up siya sabay tapik ng balikat nito. Tamang tama namang napatingin sa kanya ang karga nitong bata at ewan kung bakit napahikbi' ito't napaiyak kaya kumawala siya sa pagkakaakbay sa ginoo at lalapitan na sana si Gab nang mapansin na naman ni Aling Linda.

"O bakit umiyak si B1? Oy, ano nga bang pangalan mo?" baling sa kanya.

"Drick po."

"Ah Brick."

"Hindi po. Drick," pagtatama niya.

"'Yon nga, Brick. Ah basta 'yon na 'yun," anito, inihampas pa ang kamay sa ire, meaning stop na siyang sumagot.

"Lawayan mo si B1 baka mausog mo," utos sa kanya.

"B1?" litong napatingin siya sa karga ni Mang Luis.

Ngumiti naman ito sa kanya.

"Itong karga ko, si Babylyn. Kaya B1 ang palayaw kasi siya ang panganay. Iyang isa namang karga ng kasama mo, si Baby Ann at 'yan ang bunso kaya B2 ang palayaw niya," paliwanag ng ginoo.

"Ah si B1 at si B2 pala sila," saad niyang tila may naalalang palabas sa TV, si B1 at si B2.

"Sige na lawayan mo na si B1. Mahirap na baka may usog ka," utos na uli ng ginang.

Tumalima naman siya't sumunod sa gusto nitong mangyari. Kahit taga-Manila siya, nauunawaan pa rin niya ang salitang usog lalo pagdating sa mga bata. Medyo naniniwala naman siya d'on.

Samantalang si Gab ay sandaling umupo sa bakanteng silyang nakalagay pa sa sandalan ang sticker na 'DURALEX'.

"O ikaw, ano naman ang pangalan mo?" baling ng ginang sa kaibigan.

"Gab po, Tita. Manli--" sagot agad ng tinanong.

"Magkaibigan po kami. Kailangan lang po talaga namin ng trabaho ngayon Manang," putol niya agad sa sasabihin ni Gab sabay kindat dito nang mapatingin sa kanya at takang umawang ang mga labi.

Binawi ng babae ang anak mula sa kaibigan at pinaglipat-lipat ang tingin sa kanilang dalawa hanggang sa mahagip ng paningin nito si William na tila pinagsakluban ng langit at lupa habang iniinom ang dalawang tasang tinimpla kanina lang.

"Oy William, napabisita ka? Wala ka bang trabaho ngayon?" takang usisa nito sa binatang 'di na makakibo.

"Paalis na nga po ako. Hinatid ko lang po tong dalawang 'to." Bakas sa mukha nito ang tila pagiging broken-hearted sabay turo sa kanila.

"Sige na po aalis na ako," malungkot na paalam sa lahat at nagmamadali nang lumabas ng bahay.

"Dude, salamat ha?" magkasabay pa nilang habol ni Gab sa binatang napalingon sa dako nila at pilit ang ngiting kumawala sa mga labi.

Segurado na siya this time, may gusto nga ito kay Marble.

"Magkano naman Luis ang ipapasahod mo sa dalawang 'to?" baling na uli ng asawa sa lalaking hinihila pababa ang duyang nakasabit sa buo pang sungay ng Usa sa may bandang bintana ng bahay at nang maibaba'y inilapag do'n ang kargang anak na kaya pala umiyak dahil inaantok.

"Naku, hindi po kami nagpapabayad," mabilis na sabad ni Gab.

"Ows, 'di nga? Kahit abutan kayong isang linggo sa pagtatrabaho?" 'di makapaniwalang tanong ng ginang.

"Opo, wala pong bayad 'yon. Kami na po ang nagkukusang tumulong kay Tito sa trabaho," kumpirma na uli ng kaibigan.

Hinayaan na lang niya itong gawin ang gusto.

Ibig sabihin, isang linggo sila do'n? Parang nakakamiss naman ata ang pagmumukha ng tomboy na 'yon kung 'di niya ito makikita ng isang linggo.

Napangiwi siya. Bakit ba sumagi bigla sa isip niya ang payatot na 'yon? Inihilig niya ang ulo.

'Erase! Erase!'

Ano na kayang ginagawa ng engot na 'yon?

Wala sa sariling nakapa niya ang bulsa ng pantalon. Asan ang phone niya?

Nang maalalang naiwan pala sa kanyang kwarto'y nakaramdam siya ng lungkot. 'Di pala niya ito matatawagan.

Teka! Ba't ba ito lagi ang naaalala niya? Ano ba'ng merun sa mukhang kabayong 'yon at 'di mawala sa kanyang isip?

Inis siyang napaupo sa isa pang bakanteng silya at humalukipkip.

"Dude!" tawag ni Gab sa kanya at nilapitan na siya saka kinausap sa isang tabi.

"Dude, aalis muna ako, kukuha ng damit natin sa rest house. Tsaka bibili din akong mga pagkain natin. Okay lang ba sa'yo kung isang linggo tayo rito?" anito sa mahinang boses.

Ilang beses lang siyang tumango saka nag thumbs up.

Tinapik-tapik nito ang balikat niya.

"Maaasahan ka talaga, Dude. True friend talaga kita," anito saka bumaling sa mga magulang ni Marble.

"Ahmm- aalis lang po muna ako, kukuha po ng damit sa bahay para dito na lang po kami makitira muna hanggang matapos ang isang linggo," anito sa mag-asawang tango lang ang isinagot dahil si Aling Linda'y busy sa pagchat kay Binbin habang karga ang anak. Si Mang Luis nama'y papasok ng kusina upang magluto ng pananghalian nila.

Nagmamadaling lumabas ng bahay si Gab, maya-maya pa'y narinig niya ang pagharurot ng sasakyan nito.

"Aba, marunong palang magmaneho ng sasakyan ang kasama mo?" puna ni Aling Linda pagkadungaw sa bintana at nakita si Gab na nagmamaneho ng sasakyan.

"Ah opo, nagsa-sideline po kami mag-drive," maagap niyang sagot.

"Eh kanino ang sasakyan na 'yon?" usisa nito.

"Sa- sa kaibigan po niya. Madami po kasing sasakyan ang kaibigan niya kaya pinahiram na samin ang isang 'yon," pautal niyang sagot.

Tumango-tango naman ito.

"Linda, ano palang uulamin natin ngayong tanghali?" tawag ng asawa mula sa kusina.

"'Yong Odong na lang na may sardinas. Damihan mo nang 'di tayo mabitin ng kain lalo ngayong nadagdagan tayo ng dalawa," hiyaw ng ginang na tila ba nasa malayo ang kausap. pero ang totoo kurtina lang ang pagitan nito at ng asawa.

Napapangiti na lang siya. Sa mukha, mana si Marble sa ama, slight lang. Pero sa bunganga, 100% namana nito ang ina.

Ayun na naman! Si Marble na naman! Fuck! Ba't ba bigla na lang sumusulpot ang mukhang kabayong yun sa kanyang isip. Nakakaramdam na tuloy siya ng guilt sa 'di mawaring dahilan.

Kalahating oras marahil ang lumipas at patapos na rin magluto ng pananghalian, siya nama'y nagsilbing yayo sa batang tulog sa duyan nang dumating si Gab, pawisan, halatang tuliro.

"Dude, someone stole my phone at the market," pagbabalita nito.

"What? How did it happen?" gulat niyang usisa.

"Panay kasi tawag si Chelsea kaya sinagot ko na kahit nasa kalsada ako't naglalakad. And then your mother also called, hinahanap ka, sabi ko magkasama tayo at next week pa tayo uuwi. Then ayun na, pagkapatay ko lang ng tawag, biglang hinablot ng lalaki ang phone ko, hinabol ko pa nga pero 'di ko naabutan. Ayuko namang ipa-blotter sa pulis baka maalarma ang mga kapatid ni papa dito kaya hinayaan ko na lang," mahaba nitong kwento.

Mahina niyang tinapik ang balikat nito.

"Don't worry Dude. It might be a blessing in disguise para walang nangungulit satin habang andito tayo. Mag enjoy na lang tayo ngayon," aniyang binalewala ang nangyari sa kaibigan.

Mas maganda na nga segurong wala silang kumunikasyon sa Manila lalo na sa mga magulang niya. Panatag naman siyang walang mangyayaring masama kay Marble do'n kahit wala siya.

'Shit!' Si Marble na naman!