Chapter 22 - Part 21

ISANG may kalakasang pagsabog na sinundan ng komusyon ang narinig ni Dr. Polim sa labas mula sa laboratory thirteen kung saan siya naroon. Nagtatakang hininto niya ang pagpatak ng asul na likido sa nakalatag na petri dish at ibinaba ang hawak na dropper.

"Ulmar, tingnan mo nga kung ano ang nangyayari sa labas. Bakit parang nagkakagulo yata?"

"Masusunod po, Doctor." anang assistant na huminto din sa ginagawa at humakbang palabas sa kwarto.

Hindi pa man naikot ng batang Piscis ang knob ng pinto ay bigla na lamang bumalandra ang humiwalay na dahon niyon dahilan para matamaan ang lalaki at tumilapon sa sahig.

"Anong--"

Pagkagulat ang rumehistro kay Dr. Polim nang matanaw kung sino ang pumasok sa silid.

Nagbabaga ang mga mata nitong nakatitig sa kanya na pakiramdam niya ay walang ibang intensyon kundi ang patayin siya sa pinakarumaldumal na paraan.

Sumunod na nagsipasukan ang ibang kasama nitong mga kawal kaya biglang sumikip ang buong silid.

"Juda..."

Sinulyapan niya ang kawawang si Ulmar na nakahandusay sa konkretong sahig at walang malay.

Sa ilang hakbang lang ay nasa harap na niya ang malaking Sauro. Hindi man lang niya nagawang gumawa ng kahit kaunting kilos sa panginginig ng buong katawan. Nakamulagat lang ang mga mata niyang nakatitig kay Juda. Naramdaman nalang ng matanda na umangat ang dalawa niyang mga paa mula sa sahig at tila nasasakal ang leeg niya. Marahas na sinaklot ng lalaki ang kwelyo ng suot niyang lab gown.

"Nasaan ang tao?"

Mababa lamang ang boses nito pero hatid niyon ay kilabot sa kanyang kaluluwa. Kung nakakamatay lang ang tingin ay kanina pa siya nakahandusay kasama si Ulmar. Kagaya niya ay nanginginig din ang kamay nitong nakahawak sa damit niya kaya lang ay sanhi ng matinding galit at marahil ay pagkontrol sa sariling huwag siyang gilitan ng leeg.

"J-Juda, w-wala akong kinalaman sa pagduko--" naiwan sa dulo ng kanyang dila ang susunod na salita dahil tumilapon na ang mahina niyang katawan sa pader ng silid. Nahigit niya ang kanyang hininga. Mukhang nagkalasug-lasog ang mga buto niya sa likod at balikat sa pagkakatama sa matigas na konkreto.

Hindi pa doon nagtatapos ang kalbaryo dahil tinungo ulit siya nito at muling inangat patayo, padaskol na idiniin sa pader.

"Na-saan ang tao?" tanong nito na mas pinadiinan pa ang pagkasalita.

"Uungg..." ungol niya sa kirot ng katawan. Imbes na tumigil ay muli siyang binalibag nito. Sa pagkakataong iyon ay nag-crack ang suot niyang life-gear sa ulo. Gawa iyon sa makapal na kalidad ng salamin at may lamang tubig na kapares ng tubig dagat. Dahil isda ang lahi nila, kailangan nila iyon para makahinga sa lupa. Kahit na nga ba makapal iyon, hindi parin iyon maiiwasang mabasag lalo sa isang malakas na impact kagaya ng aksidente.

Kilala niya si Juda, ito ang pumangalawa kay Silvio na siyang pinakapinuno ng hukbong sandatahan ng planetang Sauro. Marami na itong pinagtagumpayang malalaking digmaan laban sa ibang lahi at marahas ito sa pakikipaglaban. Hindi ito pala-salita, base sa personal niyang obserbasyon, lagi lang nakasunod sa kapatid na si Gavin sa tuwing pumupunta sa Piscis para sa isang transaksyon pero kahit walang namumutawi mula dito ay hindi maipagkakaila ang nakakatakot na aura na hatid nito. Idagdag pa ang mga naririnig niyang k'wento tungkol sa pagiging mainitin nito ng ulo. Alam niyang kaya nitong wasakin ang buong laboratory nang walang kahirap-hirap kung nanaisin.

"N-nasa... l-laboratory one." mahina niyang sabi. Tinakasan na ng boses ang lalamunan niya.

Binitiwan siya at itinulak palabas ng silid. Muntik nang humalik ang mukha niya sa sahig kung hindi lang siya bumunggo sa balikat ng isang kawal. Naiintindihan niya na nais nitong mauna siyang maglakad at ituro ang sinasabing silid.

Tumutulo na ang life-gear niya. Kung mauubusan iyon ng tubig bago siya makabalik ng dagat ay siguradong malalagutan siya ng hininga.

'Isusuko ko sa kanya ang sample human para matapos na ang lahat ng ito. Kahit mahalaga at malaki ang fertility project ay isasakripisyo ko kaysa mawala ang lahat. Nasaan na nga pala ang hangal na Daiko?'

Namangha siya nang paglabas ng hallway patungong laboratory one ay nagkalat ang mga isdang kawal sa ibat-ibang sulok ng gusali, kung hindi man basag ang ulo o life gear, ay walang mga malay.

Iyon na nga ba ang sinasabi niyang delubyo ng pagkidnap sa taong iyon. Nang dahil sa istupidong desisyon ng assistant niya ay nasayang ang buhay ng marami.

Huminto si Dr. Polim sa bakal na pintuan. Nag-encode ng password sa maliit na keypad na nakadikit sa gilid niyon saka bumukas nang tuluyan ang pintuan.

"Dr. Polim, anong ibig sabihin nito?" tanong ni Daiko nang makita ang mga Sauro sa likod niya. Tumakbo ito sa main control at umaktong poprotektahan.

"Ibiga--" napakislot si Dr. Polim nang biglang may dumaan na laser bullet sa gilid niya at diretsong tumama sa ulo ni Daiko. Wasak ang kalahati ng ulo ng batang assistant at bumagsak sa sahig.

Muli ay nanigas siya.

Maingat siyang kumilos para lingunin si Juda pero natigilan nang makita ang anyo ng lalaki.

Wala sa kanya ang atensyon nito sa halip ay nakamulagat na nakatitig sa gitna ng kwarto, tila napatda ito sa nasaksihan. Kung kanina ay kahindik-hindik ang pagkasuklam na nakabalot sa mukha, ngayon ay naglaho ang lahat ng iyon at napalitan ng matinding pagkalinda. Kagaya niya ay parang ipinako ito sa kinatatayuan at hindi magawang kumilos. Gimbal ang mga matang nakatingin sa nakatayong malaking tube na gawa sa salamin.

Hubot-hubad na nakatayo ang babeng human sample doon na nakalublob sa espesyal na likido. May nakatakip na oxygen mask sa ilong at bibig, ang mga tubo na nakatusok sa magkabilang palapulsuhan at paa nito ay nakakonekta sa kabuoang machine para magbigay ng tamang sustansya na kailangan ng katawan ng isang tao para tumagal kahit sa labas ng mundo. Nasa slumber mode ito, kailangang nasa ganoong estado ang utak nito habang isinasagawa ang experimento.

BLANGKO ang isip ni Juda. Literal na huminto ang paggana niyon nang masilayan ang babaeng matagal na niyang inasam na makita sa isang kalunus-lunos na sitwasyon. Malayo ang pinagkaiba ng hitsura nito kumpara noong huli nilang pagkikita. Ang mahaba at kulot nitong buhok na lihim niyang pinaglalaruan habang natutulog ito noong nasa Rattus sila ay wala na. Ang tanging naiwan lamang ay ang maputla pa sa puting papel na balat. Aakalain niyang wala nang dumadaloy na dugo sa sistema nito.

His insides were trembling, hindi niya mawari kung bakit. Ang labis na pagkamuhi, pagkagimbal, sakit, o marahil lahat na. Namamasa na ang likod at noo niya sa pawis pero bakit nanlalamig siya?

Mahina ang nagawa niyang paghakbang palapit sa tubong salamin. Gusto niyang itanggi na si Lily nga ang nasa loob niyon dahil hindi kaya ng isip at kalooban niya ang isipin na nangyari iyon sa kaisa-isang babaeng gusto niyang protektahan ng buong buhay, pero sumisigaw ang mabigat niyang puso.

'Lily.'

Hinaplos ni Juda ang salamin na nakapagitan sa kanila ng babae sa paraan kung paano niya hinahaplos ang makinis na pisngi nito noon.

Kahit nakapikit ito ay naaaninag niya ang matinding sakit na nararamdaman ng babae. Animo'y tinadtad ng libu-libong palakol ang puso niya sa mga tubong itinusok sa katawan nito. At ang pinakamasakit, ay makita ang mga pasa at sugat na natamo sa bandang puson ni Lily.

'Anong ginawa nila?'

Sa nanlalabong paningin sanhi ng nagbabantang luha ay sinuri niya ang katawan ng tube, kinapa ang bawat sulok. Hinanap ang control para mabuksan iyon pero wala siyang makita.

"Ang control... buksan n'yo..." mahina niyang sabi dahil sa pagpiyok ng kanyang boses. Nang walang sinuman ang kumilos ay sumigaw siya ng buong lakas na nagpadagundong sa buong silid "Buksan n'yo ang bagay na'tooo!"

"O-oo, Juda." anang matandang isda.

May tinipa si Dr. Polim sa main control at ilang sandali lang ay unti-unting nawala ang tubig sa loob ng tube. Tumunog ang makina niyon bago may narinig siyang 'click', hudyat ng pagbukas ng salamin.

Agad niyang binuksan iyon. Gustung-gusto na niyang yakapin at mahawakan ang babae ngunit labis ang pangamba niya na baka mas lalong masaktan ito.

"Ang mga tubo... tanggalin n'yo ng mga 'to."

Tumalima naman agad ang doktor.

Nang matanggal na ang lahat nang nakadikit sa babae ay buong ingat niya itong kinuha at dinala sa dibdib.

"Lily... Lily..." mahina niyang yugyog sa babae. Kinapa ang sariling bulsa at kinuha mula doon ang dalang kwintas na may berdeng bato at sinuot sa leeg ng dalaga.

Nang walang tugon mula dito ay dinama niya ang gilid ng leeg at inilapit ang tainga sa bibig nito. May naramdaman siyang mahinang pintig doon at narinig ang manipis na hininga.

"Buhay siya, Juda pero masyadong mahina ang katawan niya." si Dr. Polim

Hindi na halos naririnig ng lalaki ang paligid, ang buong sistema niya ay nakapokus na lang sa babaeng kandong.

"Lily..." haplos niya sa pisngi nitong ngayon ay nabahiran na ng mahaba ngunit manipis na peklat. Ang sugat na siya ang lumikha at pinagdusahan niya ng ilang buwan.

Nakakabaliw ang sakit na umuukit sa kalooban niya at hindi niya alam kung paano iyon pahihintuin, laglag ang balikat na mahigpit niyang niyakap ang may kalamigan at lupaypay nitong katawan. Ibinaon ang mukha sa gilid ng leeg ng walang malay na dalaga. Hindi na niya napigil nang walang humpay na kumawala sa mga mata ang mainit na luha na noon pa niya pinipigilan.