Chapter 21 - Part 20

RAMDAM ni Juda ang katamtamang timpla ng init ng kakasilip na araw. Ang ilaw na likha nito ay pantay na nakasabog sa buong paligid. Payapa ang kinaroroonan niya, malinaw ang kalangitan, may mangilan-ngilang ibong lumilipad sa himpapawid. Ang pagdaiti sa balat ng may kalamigang hangin ay nagpapakalma ng kalooban ni Juda. Nakatayo siya sa lupain kung saan napapalibutan ng berdeng damo at dilaw na maliliit na bulaklak. Tila iyon maliliit na paru-paro na lumilibot sa paa niyang natatakpan ng matigas na botas.

Alam niya ang lugar na iyon. Sakop iyon ng Sauro, madalas silang mamasyal doon ni Gavin kasama ang ina niya noong bata pa lamang sila.

'Bakit ako nandito?'

"Juda!"

Napalingon si Juda kung saan nanggaling ang boses. Ang lambing at tinis ng boses na iyon ay napakapamilyar sa kanya.

"Juda!"

Ilang metro mula sa kanya ay nakatayo si Lily, suot ang puting bestida. Nakangiti itong tinitingnan ang malamlam na araw. Malayang nililipad ng hangin ang malambot nitong buhok. Mas lalong tumingkad ang malakrema nitong kutis sanhi ng repleksiyon ng umaga. Hindi maiwasan ni Juda ang mapangiti, naalala niya kung ano ang pakiramdam ng mga iyon sa kamay niya. Lahat ng parte ng pagkatao ni Lily ay maselan, malambot at mahina, bagay na ayaw na ayaw niya pero hindi niya mabigyan ng rason kung bakit sa tuwing nakikita niya ang babae ay wala siyang nais gawin kundi ang protektahan ito at alagaan.

Ngunit nagtaka siya nang sa pagkisap niya ay biglang kumulimlim ang langit. Nawala ang araw at mga ibon sa himpapawid at lumamig ang buong paligid. Tiningnan niya ulit ang babae ngunit wala na ang ngiti sa mga labi nito, nagsusumamong nakatingin ito sa kanya, titig na puno ng lungkot at sakit, nilangkapan pa iyon ng basang pisngi mula sa nag-uunahang luha.

"Anong nangyari? Bakit ka umiiyak?"

Walang lumabas na salita sa bibig nito pero yumuko at hinaplos ang tiyan sa pagtataka niya.

Mula sa suot nitong puting damit, unti-unting nagmarka doon ang dugo, unti-unti hanggang sa magkulay pula ang kalahati ng suot nito.

"Juda..." iyak na tawag ni Lily.

Marahas ang pagsinghap ni Juda ng hangin, parang piniga nang paulit-ulit ang baga niya hanggang sa malagutan siya ng hininga. Napabalikwas siya mula sa pagkakahiga at napahawak sa nanunuyong lalamunan.

'Panaginip?... Lily!'

Nagkukumahog na inabot niya ang drawer sa tabi ng kama, nasagi pa niya ang maliit na lampara na nasa taas niyon dahilan para matumba iyon at malaglag sa sahig ang hugis bilog na takip ng bombilya. Kinuha ng lalaki ang communication device, binuhay at tumipa, mayamaya ay lumitaw ang hologram ng mapa ng Earth.

Nang makita ang pumipintig na puting tuldok doon ay nanghihinang ibinaba niya ang aparato sa kama, noon pa niya nabawi ang normal na paghinga pero nagririgodon parin ang tibok ng kanyang puso.

"Fuck."

Ang tangi niyang nasambit habang inihilamos ang palad sa mukha.

"NAHIHIBANG ka na ba, Daiko?! Bakit mo dinala ang taong iyan dito?"

"Dr. Polim, alam naman po natin na simula nang mabasag ang mga fertility samples ay nahirapan na tayong magharvest. At bakit hindi p'wede? Base sa pagsusuri na ginawa ko, Nag-evolve ang fertility serum sa loob ng katawan ng taong ito nang maigi. Ibang klase ang epekto sa kanya, her body can produce class A quality of eggcell in a day, so kung magtuloy-tuloy ito, that would mean thirty harvests in a month. It's a blessing in disguise!

Hinawakan ni Dr. Polim ang magkabilang balikat ng assistant at mariing niyugyog. Matinding takot at pagkabahala ang nakaguhit sa kulubot na nitong mukha.

"Nakakalimutan mo ba na panauhin ng mga Sauro ang taong iyan? Paano kung malaman nila ang pagdukot mo niyan? Siguradong malalagot tayo sa mga dragon na iyon!"

"Siniguro kong makakabalik sa Earth ang taong iyan bago ko dinukot Dr. Polim, nang sa ganoon ay mahirapan ang mga dragon na malaman. At sa pagkakaalam ko, hindi naman maganda ang relasyon ng mga taga mundo sa Sauro kaya hindi sila mag-aaksaya ng panahon."

Nanghihinang napapailing ang matandang scientist. Nalaglag ang mga kamay nitong kanina ay mahigpit na nakakapit sa braso ni Daiko. Nababasa niya ang determinasyon sa anyo nito, masyado itong nalunod sa fertility project nila.

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na hirapan ang pagpaparami ng lahi sa panahon ngayon sa halos lahat ng planeta kaya inumpisahan nila ang proyektong iyon at so far, naging successful naman. They were one step to success a month ago pero natuldukan iyon nang mangyari ang aksidente sa laboratoryo at mabasag ang mga test tubes na pinaglagyan ng serum.

Akala nila ay magagawan pa nila ng paraan iyon pero sumuko ang katawan ng human source nila kaya natigil ang operasyon.

"Daiko, hindi mo kilala ang mga Sauro, lalo na si Juda."

"Huwag mong alalahanin ang bagay na iyan sa ngayon, Dr. Polim. Sisiguraduhin ko sa iyong ako ang haharap sa mga Sauro sa oras na umabot sa kanila ang kaalamang ito. Sasabihin kong wala kang kinalaman sa pagdukot na nangyari."

GABI na sa Sauros, natapos ang walang humpay na ensayo ng mga mandirigma sa pamumuno ni Juda. Pinagbubutihan ng lahat ang paghahanda para sa nararating na digmaan laban sa Anguis. Pauwi na si Gavin sa bahay, nasasabik na siyang makita ulit ang nagdadalantao niyang nobya. Kaya pala nag-iba ang pakiramdam nito dahil simtomas na iyon ng pagbubuntis. Mabigat sa loob niya na huwag payagan ang nobya na makasama sa pagpunta sa Earth pero sadyang hindi makabubuti para dito at hindi sila nagsisi sa desisiyon na iyon. Nasa ikadalawang buwan na ito at nagsisimula nang madagdagan ang timbang pero para sa kanya ay ito parin ang pinakamagandang nilalang na nakita. Nagpapasalamat siya dahil hindi naging mahirap para dito ang kalagayan, kahit na unang beses nitong mabuntis at hindi purong tao. May pinapainom naman na gamot ang doktor para maiwasan ang paghihirap nito.

Naghihintay ang sasakyan ni Gavin sa parking lot. Isa iyong kulay silver na patulis ang harapan habang ang likod ay kwadrado. Dalawa lamang ang pwedeng sumakay doon, sa susunod, kapag naisilang na ang anak nila ni Ara papalitan niya iyon ng mas malaki. Binuksan ng lalaki ang pintuan sa driver's seat, initsa ang dalang itim na bag sa kabilang upuan at sumakay. Isasara na sana niya ang pintuan nang masulyapan ang kapatid. Mula sa kinaroroonan niya ay makikita ang malaking salamin na bintana ng conference room ng head quarters. Bukas pa ang ilaw kaya kitang-kita ang loob sa bahagi na iyon.

'Masyado nang late. Bakit nandoon pa siya?'

Napapansin niya na nitong mga nakaraang araw ay puspusan ang ginagawa nito sa trabaho, halos hindi ito nagpapahinga, bihira na rin niya itong nakikita. Sa katunayan, naringgan pa niya ang ilan sa mga tao nito na nagrereklamo. Masyado na daw itong naging mahigpit sa ensayo at mas lumubha ang noon ay mainit nang ulo.

Napabuntong hininga si Gavin, umibis ng kotse at pinuntahan ang conference room. Kailangan siya ng kapatid.

"Juda, anong ginagawa mo? Magpapakamatay ka ba?! Sa ginagawa mong pagtatrabaho ngayon ay baka mauna ka pang malugutan ng hininga sa mga Anguis." Nakatayo si Gavin sa harap ng malaking lamesa sa loob ng conference room.

"Ginagawa ko lang ang trabaho ko, Gavin." anitong hinahalungkat ang mga mapa na nakalatag sa lamesa

"Alam ko pero sa nakikita ko ay inaabuso mo na ang sarili mo. Saan ka ba natutulog? Hindi na kita nakikita sa mansion. Or should I say, natutulog ka pa ba?!" Hindi sumagot ang lalaki, nagpatuloy lang sa ginagawa. "Sigurado akong hindi ka pa kumakain simula kanina. Pati ang mga tauhan mo nagrereklamo na."

Tumigil ito sa ginagawa at pagalit na tumitig sa kanya. "Sino sa kanila ang naglakas ng loob na umangal? Sabihin mo at pupugutan ko ng ulo!"

Nakapamaywang na napailing si Gavin. "You are a one pathetic guy. Nag-aalala na saiyo ang lahat dahil hindi na tama ang ginagawa mo sa sarili mo. Now, stop what you are doing and go home." utos ni Gavin sa lalaki. Kung hindi niya ito idadaan sa pilit ay lalo itong mababaon. Nakikita na niya na nabawasan ang timbang nito, haggard ang mukha dahil kulang sa pahinga.

Tila wala itong narinig na binalikan ang mga papeles, binuksan ang drawer at kumuha pa doon.

"Juda!" he roared and slammed the table. "Huwag mong hintayin na mawalan ako ng pasensiya!"

Lumaban din ito ng kasingbagsik na ungol. Knowing his brother, hindi ito patatalo sa angas at init ng ulo.

Pagkatapos nilang magpatigasan ay ibinagsak nito ang hawak na kumpol ng papel sa mesa at padaskol na tumayo. Sa mabibigat na hakbang ay lumabas ng kwarto, ibinalibag pasara ang pintuan. Napabuntong-hininga siya.

HALOS humiwalay ang dahon ng pintuan sa hamba nang pumasok si Juda sa kwarto niya. Ibinuhos niya ang lahat ng inis sa mga gamit na nahawakan. His brother hit a damn nerve, he even called him pathetic! Whoa!

'That asshole.'

Sa totoo lang, tama ang sinabi nito na masyado niyang inaabuso ang sarili sa trabaho. He needs it, dahil kailangang masiguro niya ang tagumpay laban sa mga Anguis, they can't afford to lose, he can't afford to lose. Tinraydor siya ni Elko. Kung hindi niya magagawan ng paraan na burahin ang mga Anguis sa landas ng Sauros ngayon, ay patuloy at mas lalaki ang hidwaan ng dalawang planeta.

Isa pang rason ay kailangan niya idivert ang utak mula sa pag-iisip sa pangyayari sa personal niyang buhay, kagaya nalang ng kasunduan sa pagpapakasal kay Frida. Matagal nang napag-usapan ng mga magulang nila ang bagay na iyan na isinawalang bahala niya lang noon. Frida is one of the high quality Sauro women. Nasa mataas na antas ng pamahalaan ang pamilya nito, kagaya nila. May pinag-aralan at matinong kausap, not to mention she's very good in bed. At kahit na matali siya dito, hindi ibig sabihin na mawawalan na siya ng laya. Marriage is just a knot para legal ang pagkakaroon ng anak but it wont stop them from doing the things they love, especially sa kanya na ginagawa ang lahat ng magustuhan. Sa katunayan, ang isang Sauro na may magandang posisyon sa lipunan kagaya niya ay maaring mag-asawa ng ikalimang beses kaya ang kasunduan na nangyari noon ay walang kwenta. But when that human girl came, bakit biglang iniisip niya ang lahat? Bakit kailangang intindihin niya ang lahat para dito? Naguguluhan siya, he hated himself for that dahil hindi naman iyon ang natural niyang karakter. Ayaw niyang magbago, not then, not now, never. Hindi siya kasinglambot ni Gavin na handang yumuko para sa isang babae. He's Juda, the commander of Sauro.

Pero kahit gaano ni Juda imudmod sa utak ang ideyang iyan, at the end of the day he can't stop himself from thinking about her.

Pasalampak na umupo ang lalaki sa malambot na king's chair, ipinatong ang kaliwang kamay sa handrest at binuksan ang communication device sa braso. Pinakiusapan niya si Gavin noong araw bago umalis ang mga ito papuntang Earth na gawan ng kahit anong bagay si Lily na maisusuot para kahit malayo ito nakikita niya ang lokasyon ng babae. Sa tuwing nakikita ang puting tuldok sa mapa ay parang kasama na rin niya ito.

Mariing nagtagpo ang mga kilay ni Juda nang hindi makita sa mapa ng Earth ang tuldok. Mabilis siyang tumayo at nagtungo opisinang kanugnog ng kwarto niya. Binuksan ang computer na nasa mesa, sa computer ay mas malaki ang coverage ng mapa. Tumipa siya ng ilang sandali at pinindot ang 'enter'. Bumukas ang imahe ng kalawakan. Tumipa ulit siya, unti-unti ay nagzoom in ang screen patungo sa kung saan ang lokasyon ng batong suot ni Lily. Halos mabasag ang panga ni Juda sa pagkatiim-bagang nang makita ang ilaw sa labas ng Earth.

"Polim, papatayin kita!"