Chapter 9 - 8

"For real?" nanlalaki ang mga matang sabi ni Fabielle habang nakatitig sa banging nasa harapan niya at sa mga nauna nang bumaba roon.

Hindi siya makapaniwala sa sinabi ng tour guide nila. It looked like a 30ft high cliff and the edge of it was really steep. Pagkatapos ay sasabihin nitong kailangan nilang babain un ng paupo at nang walang tali o kahit anong kakapitan?

"Eh opo. Iyan lang ho ang daan pababa eh." Kakamut-kamot sa ulong sabi nito.

"Eh bakit sila, sa kabila dumaan?" tanong niya rito nang mapansing sa ibang parte ng bangin dumaan ang ilang kasama nila sa tour. Mabato ang bahaging iyon ng bangin taliwas sa pinapadaanan ng tour guide na pakiramdam niya ay dudulas siyang diretsong paibaba anumang oras.

"Mas mahirap ho doon, Ma'am. Mas malalayo ang mga batong aapakan at mas matarik." Imporma ng tour guide.

"Sigurado ka kuya ha?" diskumpyadong tanong niya rito.

"Oho."

Huminga siya ng malalim saka muling tiningnan ang banging nasa harapan. Napalunok siya. Iyon lamang ba talaga ang pinakamadaling daan para makalabas na siya ng kuwebang iyon?

"Remind me again later that I would kill you if I would be able to leave this place alive." Baling ni Fabielle kay Josh mula sa likod niya. Wala naman siyang balak na totohanin ang bantang iyon. Sadyang naloloka na lang siya sa mga pinagdaanan nila sa loob ng kuwebang iyon. Naroong bumaba sa matataas na bato, lumundag, madulas at sadyaing magpadulas, gumapang sa maputik na parte ng kuweba na ayon sa tour guide ay hindi naman talaga putik kundi dumi ng mga paniking naninirahan doon. Mukha na siyang gusgusing hindi maipaliwanag. But she was still grateful. Because most of the time that they were inside the cave, he was holding her hand. Syempre naman ay hindi natupad nito ang pangakong hahawakan lamang ang kamay niya dahil may ilang daanan sa kuwebang iyon na kailangang paisa-isa nilang lampasan. Gayunpaman ay lagi itong nakaalalay sa kanya. Pakiramdam tuloy niya ay close na sila nito kaya nagagawa na niya itong pagbantaan.

Isa pa, sa totoo lang ay ito ang may kasalanan kung bakit itinuloy niya ang spelunking na iyon. Kasalanan iyon ng encouragements nito, ng mga ngiti nito at ng paghawak nito sa kamay niya. Gusto niyang mapapalatak doon. Sinasabi na nga niya at delikado ang lalaking ito sa kanya.

Mukha namang hindi ito natakot sa banta niya dahil nagawa pa nitong tumawa. At kakaibang comfort ang dulot niyon sa kanya. Bahagyang naibsan ang kaba niya bagaman wala pa rin sa plano niya ang sundin ang sinabi ng tour guide. Paano kung ikamatay pa niya iyon? Ginastusan pa niya ang ikamamatay niya, ganoon?

"Mauuna na ako. I'll catch you if ever you fall." Nakangiti pa ring sabi nito maya-maya at hindi pa nakuntento, nagawa pa siya nitong kindatan bago nito hinawakan ang braso niya at bahagya siyang iniurong palikod upang ito na ang mauna.

Hayan na naman ang kakaibang tibok ng puso niya. At aaminin na niya sa sarili niya na sa 27 years niya sa mundong ibabaw ay iyon ang unang pagkakataong nakakilala siya ng taong makakapagpabilis ng ganoon sa tibok ng puso niya. Gusto niyang ma-guilty dahil maging kay Jason ay hindi niya naranasan iyon. But then again, Jason was a one of a kind jerk, so nevermind.

Pinilit niyang burahin iyon sa isipan at itinuon na lamang ang pansin sa lalaking naghahanda nang bumaba. Parang wala lang na umupo na si Josh sa gilid at nagsimulang bumaba na tila ba pagkadali-dali lamang niyon.

"Ma'am pwede na ho kayong sumunod." untag ng tour guide mula sa gilid niya.

Napalunok siya. Hindi naman siguro iyon ganoon kahirap. At isa pa, baka forever na siyang nasa loob ng kuwebang iyon kung hindi siya bababa.

Sa nanginginig na tuhod ay umupo na rin siya sa gilid. Hindi naman iyon mukhang madulas bagaman napakatarik niyon sa paningin niya.

"Dahan dahan lang po Ma'am. Panatilihin niyo rin pong nakabalugtot ang katawan niyon para hindi kayo dumausdos pababa." Sa sinabi nito ay lalo lamang siyang kinabahan. So it was not safe!

"You can do it, Fabielle." Ang sigaw mula sa ibaba. Nang lingunin niya iyon ay napanganga siya nang makita si Josh na nasa ibaba na at nakuha pang kumaway sa kanya. How did he even get there so fast?

Pagkatapos muling huminga ng malalim ay sinubukan niyang humakbang paibaba habang nakaupo. Nakahinga siya ng maluwag nang magtagumpay siyang makababa ng bahagya nang hindi nadudulas. Mukhang hindi naman pala siya pinagti-trip-an lang ng tour guide nila nang sabihin nitong hindi naman madulas ang bababain niya.

Nagkalakas din siya ng loob na tuloy-tuluyin ang pagbaba. Alam niyang ang bagal ng pagbaba niya. But at least she was progressing. Hindi tuloy niya napigilang ma-excite nang mapagtantong kakaunti na lamang ang layo niya mula sa pinakaibaba kung saan naman nakatayo si Josh.

O baka naman kay Josh ka lang talaga nae-excite?

Gusto niyang mapailing. Nanginginig na nga ang mga tuhod niya sa ginagawa, nakuha pang maglumandi ng isip niya.

Itinuon na lamang niya ang pansin sa pagbaba. She felt a bit overexcited when after a few minutes, she was already a meter and a half away from the bottom. Malapit nang matapos ang paghihirap niya. Ngunit sa pagmamadaling makababa ay nagkamali siya ng hakbang. Tuloy-tuloy siyang dumausdos paibaba. Wala na siyang nagawa kung hindi ang mapapikit at mapatili.

Hinihintay na lamang niya ang paglagpak niya sa mabatong babagsakan nang maramdaman niya ang paglapat ng kung ano sa braso niya. Something hard and warm was securing her from the waist. Ilang minuto muna siyang nanatiling nakapikit. Was she okay? O nasa langit na siya at hindi lang niya naramdaman ang pagkamatay niya nang bumagsak siya?

"'You okay?"

Awtomatikong bumukas ang mga mata niya at bumungad sa kanya ang mukha ng pinakaguwapo na yatang anghel. Okay, she haven't seen an angel before but who cares? Josh looked so much like an angel in her dreams.

"B-buhay pa naman ako, hindi ba?" wala sa sariling naitanong niya. Sumilay ang magandang ngiti sa mga labi nito. Pagkuwan ay umangat ang isang kamay nito sa mukha niya. Lumapat iyon sa kaliwang pisngi niya at bago pa man siya makapag-react ay mariin nitong pinisil iyon. "Aray! Para saan---?" reklamo niya.

"You are very much alive." Ang nakangiti pa ring sabi nito. "And still as cute as ever."

Naudlot ang iba pang sasabihin niya sa huling sinabi nito. Was he... flirting with her? At ang mas malala, bakit kinikilig siya sa sinabi nito? Wala pang beinte-kwatro oras na kasama niya ito!

"Ahm... Ah..." ang tanging naisatinig niya. Nakakaloka! Pati ang bokabularyo niya yata ay nilipad na kung saan nang dahil sa lalaking ito!

Ngunit mukha namang hindi ito na-weirdo-han sa kanya. Sa halip ay lalong lumawak ang pagkakangiti pagkuwan ay walang sabi sabing hinapit siya nito sa beywang niyang hawak pa rin nito at itinayo siya ng maayos. Sa ginawa nito ay lalong nagkalapit ang mga mukha nila. Maging ang mainit na hininga nito ay humahaplos na sa mukha niya.

"Let's get moving." Ang nakangiti pa ring sabi nito. And to her disappointment, he finally let her go.

Disappointment talaga, Fabielle?

Tumikhim siya upang i-compose ang sarili. Hindi dapat nito mahalata ang naging epekto ng mga pinaggagawa nito sa kanya. At ano nga ba ang mga ginawa nito kung hindi ang alalayan at tulungan lamang naman siya.

Oo, Fabielle. Mabait lang siya. 'Wag kang assuming. Pagkukumbinsi niya sa sarili saka nagsimula nang maglakad kasunod ng mga grupong nauna na sa kanila. Ngunit hindi pa man siya tuluyang nakakalayo ay may humawak na sa kamay niya. That oh-so-familiar warm hand. Kitang kita rin niya sa peripheral vision niya ang pag-agapay nito sa paglalakad niya. Gayunpaman ay hindi niya ito nilingon.

"K-kaya ko nang maglakad mag-isa." Labas sa ilong na sabi niya.Totoo namang kaya na niyang maglakad mag-isa dahil patag naman na ang nilalakaran nila. Hindi nga lamang sincere ang sinabi niya dahil hindi niya maikakaila sa sariling gusto niyang hawak-hawak nito ang kamay niya.

"I know." Sagot nito na nakapagpalingon sa kanya. Hindi ito nakatingin sa kanya sa halip ay nakatuon ang pansin nito sa unahan nila. "Gusto ko lang hawakan ang kamay mo." Kasunod niyon ay ang pagpisil nito sa kamay niya.

Dumaloy ang kakaibang kuryente sa katawan niya mula sa magkahugpong na mga kamay nila. Ilang taon na siyang romance writer at sa halos lahat ng libro niya ay may mga ganoong eksena at mga ganoon pakiramdam siyang nilalagay, ngunit aaminin niya sa sarili niyang iyon ang unang beses na naranasan niya iyon, first hand. And it felt, well, nice actually.

Hindi na siya nagreklamo pa. Napagpasyahan niyang enjoy-in na lang ang mga bagong nararamdaman nang dahil sa lalaking kasama. Saka na niya iisipin kung tama bang nagpapaapekto siya rito. Saka na kapag nakalabas na sila ng buo pa rin sa mga kuwebang iyon.