Chereads / (FILIPINO) Belle Feliz's Lollipop Boys / Chapter 20 - Chapter Seven

Chapter 20 - Chapter Seven

NAGULAT si Maki nang makitang pumasok si John Robert sa dressing room ng TV station kung saan ilo-launch ng Stray Puppies ang album nila sa Sunday afternoon variety show ng nasabing istasyon. Kasalukuyan siyang inaayusan ni Abbie. Wala itong pasabi na magtutungo ito roon.

Sinuklian niya ang ngiti nito. Lumapit ito sa kanya at tumayo sa likuran niya.

Hinagkan nito ang ibabaw ng ulo niya. "How are you?" masuyong tanong nito.

Tiningala niya ito. "I'm great. I'm kind of excited."

Yumuko ito at kinintalan ng halik ang mga labi niya. Nag-iinit ang mga pisnging napatingin siya kay Abbie. Nag-iwas ng tingin ang babae at tila nangingiti.

"What are you doing here?" tanong niya kay John Robert habang nag-iiwas ng tingin.

"Masama bang narito ako? Gusto kong mapanood ang bagong artists ko." May inilapag itong kahon sa harap niya. "I have something for you."

Nagtatakang inabot niya ang kahon at binuksan iyon. Bahagyang nagsalubong ang mga kilay niya nang makita ang nasa loob: it was a beautiful bejeweled headband. Nakakasilaw ang kinang ng mga mamahaling batong nagsisilbing palamuti niyon.

She touched the beautiful hair accessory.

"Put it on," anito habang hinahaplos ang buhok niya. "Nang makita ko `yan, alam kong babagay sa `yo."

"Ang ganda-ganda, parang hindi bagay sa akin," aniya habang nakatingin pa rin sa headband na ibinigay nito.

"You're being silly," sabat ni Abbie. Maingat na inalis nito ang headband mula sa kahon at inilagay iyon sa ulo niya. Ang plano nito kanina ay guluhin lamang ang buhok niya.

Dumistansiya nang kaunti si John Robert habang inaayos ni Abbie ang headband sa buhok niya. Sinuklay nito ang mahabang buhok niya pagkatapos.

"I look girly," aniya habang nakatingin sa repleksiyon niya sa salamin.

"But you are a girl," sabi sa kanya ni John Robert. Tila siyang-siya ito sa nakikita nitong ayos niya.

"You're done," deklara ni Abbie nang maayos na nito nang husto ang buhok niya. Pinatayo siya nito at pinaikot sa harap ni John Robert.

She was wearing a black minidress and a black high-cut Chuck Taylor. Si Tatay Eustace ang nakaisip ng imahe niyang ganoon. Ayaw raw nitong mawala ang pagiging prinsesa niya. Pero gusto rin nitong magkaroon siya ng rock star image. Naging signature na niya ang pagsusuot ng itim na bestida at sneakers. Everyone thought it was cool.

"Rock the house down," ani John Robert sa kanya.

Nakangiting tumango siya. Hanggang sa tawagin na siya ay nakangiti siya.

Hinanap niya sa audience si John Robert bago siya tumugtog. He gave her two thumbs-up. She did her best. She sang with all her heart.

Nang matapos ang number nila ay nag-promote na sila ng kanilang bagong album. The final outcome of the album was great. Lahat ng mga kanta ay magaganda. The photo collection was very artistic and lovely. The DVD special was hilarious. Maraming tao ang nagustuhan ang final outcome.

Pagkatapos nila roon ay nagkaroon sila ng interview sa isang music magazine. Kinailangan din nilang i-tape ang isang interview at guesting sa isang music channel.

Pagod na pagod na siya nang matapos ang lahat. Pakiramdam niya, kapag pumikit siya ay tuluyan na siyang makakatulog. Patungo na sila sa van nila nang makitang nakasandal sa kotse nito si John Robert.

Nilapitan niya ito. "Akala ko, umuwi ka na."

Hinagkan nito ang noo niya. "I just wanna tell you that you did great today. Pinapanood kita mula pa kanina. Hindi lang ako nagpapakita para hindi ka maistorbo. I won't take too much of your time now. Pumasok ka na sa sasakyan n'yo nang makapagpahinga ka na."

Niyakap niya ito. "Thank you."

Hinagkan nito ang ibabaw ng ulo niya. "Goodnight, honey." Inakay siya nito patungo sa van at inalalayang makasakay.

Nakatulog siya nang may magandang ngiti sa mga labi nang gabing iyon. Punong-puno ng kaligayahan ang puso niya. Sana ay hindi na mawala ang kaligayahang iyon sa puso niya.

NAPANGITI nang maluwang si Maki nang salubungin siya ng yakap ni John Robert. Sinadya niya ito nang araw na iyon sa opisina nito. Buong araw silang libre. Nitong mga nakaraang araw ay abalang-abala ang Stray Puppies sa kaliwa't kanan na gigs at guestings. Maganda ang benta ng album nila sa mga record stores. Nasa top hits ang carrier single nila sa mga radio stations at music channels. Their huge success was something they didn't expect.

"How's my lovely girl?" masuyong tanong nito.

Nginitian niya ito. "Fine."

Isinara nito ang pinto, pagkatapos ay inangkin nito ang kanyang mga labi. Kaagad na tumugon siya. Ilang araw na rin niyang hindi ito nakikita at nakakasama. She missed him terribly.

"I missed you like crazy," anito pagkatapos nitong pakawalan ang mga labi niya. "Seeing you on television and hearing your voice on the radio aren't enough. Papunta na sana ako sa `yo, naunahan mo lang ako. Alam kong off n'yo ngayon. Magbibilin lang sana ako sa mga tao rito at pupunta na ako sa `yo. Mamamasyal tayo maghapon."

"This isn't a casual visit actually, Rob," aniya. Nais niyang makausap na ito tungkol sa isang bagay upang makalabas na sila. "I'm here for business."

Nagtungo ito sa upuan nito habang hila-hila siya. Umupo ito roon at hinila siya paupo sa kandungan nito.

"All right, let's hear it," anito sa pormal na tinig.

Napabungisngis siya. "May tanong lang ako. Lahat ba ng mga nakakontrata mong artists ay sa kandungan mo nakaupo kapag nag-uusap kayo tungkol sa business?"

"Nope, ikaw lang. Now, spill it out so we can go have fun outside this stiff office."

Nagseryoso na nga siya. "Gusto kong tanggapin ang inaalok mong solo album."

Saglit na natigilan ito. "Sigurado ka?"

Tumango siya. "Kinausap ko kagabi sina Nanay at Tatay, pati sina Clint, Dave, at TQ. Ikinonsulta ko sa kanila ang plano mo. They were excited, actually. Gustong-gusto nila na makagawa ako ng solo album. I told them it's just a one-shot deal. Hindi na magkakaroon pagkatapos. Sana lang pumayag ka na ako ang mamimili ng mga piyesang gagamitin. I also need a lot of practice before the recording. Baka kasi kinakalawang na ang skills ko sa piano."

Mataman siyang tinitigan nito. "Are you really, really, really sure? If you are not happy doing it—"

"I realized I missed playing the piano. Magiging masaya ka kung makikita mo uli akong tumutugtog ng piano, `di ba? Magiging masaya ako dahil alam kong magiging masaya ka." Hinaplos niya ang pisngi nito at dinampian ng halik ang tungki ng ilong nito.

Niyakap siya nito nang mahigpit. "Thank you. Gagawin natin ang lahat upang maging maganda ang album na iyon."

I love you, John Robert. I'm doing this because I love you and I want to make you happy, nais niyang sabihin iyon ngunit nagpigil siya. Hindi iyon ang tamang oras para doon.

Hindi naman niya tuluyang tinalikuran ang pagtugtog ng piano. Mahal pa rin niya ang instrumentong iyon at mamahalin habang-buhay. Magiging maayos ang album na gagawin niya. Ipapakita uli niya sa lahat ang talento niya sa pagtugtog ng classical music.

"KIRSTEN has agreed to do the album," pagbibigay-alam ni John Robert kay Uncle Juan. Binisita niya ito nang gabing iyon pagkatapos niyang maihatid si Kirsten sa Cavite. Nais niyang malaman na nito ang lahat mula sa kanya bago pa man nito malaman iyon sa iba.

Ngumiti ito. "Alam kong magagawa mo, Rob. I never doubted that you could bring my daughter back to classical music. Thank you."

"I promised her it would be just one album. Hindi ko siya aaluking gumawa ng pangalawa o pangatlo. Hahayaan ko siya sa gusto niyang gawin."

Kumunot ang noo nito. "What do you mean?"

"Masaya po siya sa Stray Puppies, Uncle. Hanggang kaya niya, hindi niya iiwan ang grupo. Hindi ko po maaatim na sirain ang grupo niya. Ayokong pilitin si Kirsten na iwan ang grupo upang bumalik sa pagiging pianista."

"Hindi `yan ang usapan natin, Rob," anito na medyo umalsa na ang tinig. Nahaluan na ng galit ang tinig nito. "Kinuha mo ang Stray Puppies upang hindi pagkakitaan. Bubuwagin mo ang grupong iyon. Babalik sa akin ang anak ko. Kalilimutan niya ang pop-rock at magko-concentrate sa pagiging pianista. Doon siya nababagay."

"Why can't you let go, Uncle? It has been years. You should have let Kirsten to do things she was happy doing. Hindi niya basta-basta iiwan ang mga kagrupo niya. Parang mga kapatid na ang turing niya sa mga iyon. Let us not ruin things for her. Ilalabas ko ang solo album niya pero pagkatapos n'on ay hahayaan ko na siya sa gusto niya."

"You like her more as a piano girl, Rob. Pareho tayong tutol sa pagiging rock princess niya."

Bumuntong-hininga siya. "I love her. I love her because she's Mary Kirsten. I want her to be happy. Kung saan siya masaya, doon din ako."

"If you end up together, she's going back to me."

"Uncle—"

"I want to participate in the making of that album."

Wala na siyang nagawa kundi tumango. Nagsabi siya ng totoo rito. Mahal niya si Kirsten at gagawin niya ang lahat upang maging maligaya ito. Hindi niya ito pipilitin sa mga bagay na hindi nito gustong gawin. He was flattered that she was doing her solo album for him. Pagkatapos niyon ay hahayaan na niya ito sa mga bagay na nais nitong gawin. Kung mas pipiliin nitong bumalik sa classical music at iwan ang rock music ay susuportahan niya ito. Kung hindi man nito matatalikuran ang mga kabanda nito, mananatili siya sa tabi nito.

Siguro ay minahal na niya ito noon pa. Noong mga panahong pinagmamasdan niya ito nang palihim. Siguro ay hindi talaga ang pagtugtog nito ang hinangaan niya. Hinangaan niya ang buong pagkatao nito.

Sobra ang naging pagkadismaya niya nang umalis ito hindi dahil nanghinayang siya sa kakayahan nito sa pagtugtog. Siguro, pakiramdam niya noon ay siya ang tinalikuran ni Kirsten, ang inabandona nito.

Hanggang ngayon, hindi pa rin niya maintindihan kung bakit mas pinili nito ang Stray Puppies kaysa sa ama nito. Ngunit hindi na iyon mahalaga sa ngayon. Ang importante ay magkasama sila at masaya sa piling ng isa't isa.

Kapag hindi na ito gaanong abala, aayusin niya ang lahat para sa marriage proposal niya.

"DINNER sa inyo?" tanong ni Maki kay John Robert sa nag-aalangang tinig. Niyaya siya nitong lumabas nang gabing iyon. Nang itanong niya kung saan sila maghahapunan, sinabi nitong sa bahay ng mga ito.

"Yes, why?" nagtatakang tanong nito.

"Anong why? Ikaw ang dapat na tinatanong ko ng 'why.' Bakit mo ako dadalhin sa inyo para mag-dinner?"

Pinisil nito ang ilong niya. "Gusto ka uling makita nina Mommy, Daddy, at ni Ruther. Hindi na raw nila maalala kung kailan `yong huling pagkakataon na nakausap ka nila. Gusto rin daw nilang makilala ang girlfriend ko."

"G-girlfriend?" tanong niya na napipilan. "S-sino? A-ako?"

Nanggigigil na hinagkan nito ang kanyang mga labi. "Eh, ano pala ang tawag mo sa sarili mo? Para kang ewan."

Kinurot niya ang tagiliran nito. "You never made it official for us. Hindi ko nga naranasang maligawan," aniya na may bahid ng iritasyon sa tinig.

He chuckled softly. "I'm so sorry. Ligaw ba ang gusto mo? Sige, liligawan kita pero girlfriend na kita, ha?"

Lumabi siya. "Paano `yon?"

"Hindi ko rin alam, eh. Ikaw kasi, kung ano-ano pa ang sinasabi mo. Puwede bang girlfriend na kita, period? At inililigaw mo ang usapan. Sa bahay tayo kakain ng hapunan. My folks are expecting us. Knowing my mother, I'm sure she surfed the Net about your likes and dislikes. Siguradong mga paborito mong pagkain ang mga nakahanda."

"Rob..."

"No buts or complaints."

Wala na siyang nagawa kundi ang tumango. Kilala niya ang mga magulang at kapatid ni John Robert kahit noon pa. Iyon nga lang, bibihira niyang makahalubilo ang mga ito. Napakadalang kasi niyang lumabas noon ng bahay.

"Will they like me?" tanong niya sa alanganing tinig.

"They love you already. Are you nervous to meet them? Don't be. Mababait ang mga magulang ko. Matagal na nilang gustong makita ka uli pero masyado kang abala nitong mga nakaraang linggo."

"Parang naiilang lang ako na ipapakilala mo ako bilang... ano..."

Inakbayan siya nito. "Halika na, `punta na tayo."

Pinigil niya ito sandali. "Will I get to see Papa?" Alam niyang hanggang ngayon ay magkapitbahay pa rin ang papa niya at ang mga magulang nito.

"Gusto mong dumalaw? Kung gusto mo, lilipat tayo pagkatapos ng hapunan."

Hindi siya makasagot. Hindi niya alam ang kanyang sasabihin. Nais ba niyang dumalaw sa kanyang ama at sa pamilya nito? Ano ang magiging reception ng mga ito sa kanya?

Nagtungo na nga sila sa bahay ng mga ito. Matagal niyang naging kapitbahay sina John Robert noon ngunit hindi pa siya kailanman nakapasok sa magandang bahay ng mga ito. Kaagad na sinalubong sila ng mga magulang nito. Both were wearing warm and welcoming smiles on their faces.

Niyakap at hinagkan pa siya sa pisngi ng mommy nito. "We're glad to have you for dinner, Kirsten," anang mommy nito sa magiliw na tinig.

"We're fans," dagdag ng daddy nito.

Bahagya siyang nagulat nang humahangos na bumaba mula sa hagdan ang isang matangkad na binata. She smiled at him. It was Ruther, John Robert's only brother. Ang alam niya, sampung taon ang tanda ni John Robert sa kapatid nito. Nahirapan yatang muling magbuntis ang mommy nito noon.

Iniabot nito sa kanya ang gitara at Pentel pen na dala nito. "Please sign this," sabi kaagad nito sa kanya. Natatawang pinirmahan niya ang gitara.

John Robert rolled his eyes. "You could've waited until the dinner is over," anito sa kapatid nito.

"I can't wait," tugon ni Ruther. Humahangang tumingin ito sa kanya. "You are really lovely. Mas maganda ka ng ilang ulit sa personal. Friendly advice, leave my brother and be my girl." Kumindat pa ito sa kanya.

Natawa siya nang malakas. She liked Ruther instantly. Lalo siyang natawa nang batukan ito ni John Robert.

"Kirsten don't go for boys, Ruther," pang-aasar pa nito sa kapatid.

"Boys, enough," natatawang saway rito ng ina ng mga ito. "Let's have dinner."

Masaya siyang naghapunan kasama ng mga ito. Makulit si Ruther at maraming kuwento. Hindi niya mapaniwalaang binatang-binata na ito. Noong huling makita niya ito ay totoy na totoy pa ang hitsura nito. Masaya ring kakuwentuhan ang mga magulang ni John Robert. Ramdam na ramdam niyang tanggap siya ng mga ito. And she was glad.

Pagkatapos ng hapunan ay nagkuwentuhan pa sila sa hardin. Hindi nagtagal ay hinayaan sila ng mga ito na mapag-isa.

"Sana nag-enjoy ka," ani John Robert nang iwan sila ng pamilya nito. Inabot nito ang kamay niya at pinisil-pisil iyon.

"Oo naman. Salamat." Napatingin siya sa kabilang bahay, ang bahay ng kanyang ama. Hindi niya mapagdesisyunan kung magtutungo siya roon. She missed her father and she wanted to see him. Ngunit paano ang Tita Freya niya? Her stepmother would be very upset to see her.

Tumayo si John Robert at hinila siya patayo. Nagtatakang napatingin siya rito.

"Let's go visit your father," anito sa banayad na tinig. "He'll be happy to see you in person."

"Talaga?" Punong-puno ng pag-aalinlangan ang tinig niya. Magiging masaya ba talaga ang kanyang ama kapag nakita uli siya nito?

Nagtungo sila sa dating bahay niya. Napansin niyang halos walang pagbabago sa bahay. It was still the same house she remembered clearly. Ang katulong na nagpatuloy sa kanila ay kilala pa niya. Nang makita siya nito ay biglang nagliwanag ang buong mukha nito. Tila tuwang-tuwa ito na makita uli siya.

Nagulat siya nang mula sa kung saan ay lumitaw ang ate niya at yumakap kay John Robert.

"Rob! I'm glad you came. I missed you," anito habang yakap-yakap nito ang lalaki.

Napalunok siya. Nakaramdam kaagad siya ng selos. John Robert and her sister still looked so close together.

John Robert cleared his throat. Marahang inalis nito ang mga braso ng kanyang kapatid na nakapulupot dito. "I'm with Kirsten, Kristina. Binibisita niya kayo," anito habang tumitingin sa kanya.

Doon napadako ang mga mata ng kanyang kapatid sa kanya. Naging malamig ang mga mata nito.

"Oh, you're here. After many years, huh?"

"May bisita ba tayo, Kristina?"

Napalingon siya sa pinanggalingan ng tinig. It was her stepmother.

Natigilan ang Tita Freya niya nang makita siya. "What are you doing here?" tanong nito sa malamig na tinig.

Hindi niya alam kung ano ang isasagot niya rito. Kinakabahan siya. Their reception was too cold and she wanted to cry her heart out. They were supposed to be her family.

"Kirsten."

Nanigas siya nang marinig niya ang pamilyar na tinig na iyon. Dahan-dahan niyang nilingon ang kanyang ama. Nais niyang takbuhin ito at yakapin nang mahigpit. Nais niyang umiyak nang umiyak dito. Nais niyang ipaliwanag dito kung bakit mas pinili niyang talikuran ang pagiging pianista noon. Nais niyang ipaintindi rito ang mga rason niya para malaman nito ang mga saloobin niya.

"Follow me," utos ng kanyang ama.

Halos wala sa loob na sumunod siya.