"ANG SABI ko naman sa `yo, ayos lang kahit na hindi ka na tumulong. Sa bahay ka na lang. Mag-aral ka."
Hindi nilingon ni Mark Kenneth ang kanyang ina. Patuloy siya sa kanyang ginagawa. Nasa bukid sila at nagbubunot ng mga punla. Sa isang bahagi ng bukid ay may mga nagtatanim ng mga nabubunot nila. Abala ang lahat ng mga taga-hacienda dahil panahon ng pagtatanim ng palay. Tumingin siya sa langit. Makulimlim nang araw na iyon. Sana ay mamaya na umulan.
"Wala naman po akong aaralin. Nagawa ko na po lahat ng mga assignments ko kagabi."
Ayaw na ayaw ng kanyang ina na tumutulong siya sa bukid. Hindi raw bagay sa kanya ang trabaho roon. Pero ayaw niya itong sundin. Marunong siya sa mga gawain sa bukid. Mabilis siyang magbunot at magtanim ng mga punla. Hanggang maaari, nais niyang tulungan ang kanyang ina sa trabaho sa bukirin.
Matagal nang nagtatrabaho ang kanyang ina sa Hacienda Tafalla. Mula pa raw noong bata ay sanay na ito sa mga gawain doon, minsan ay sa hayupan at minsan ay sa bukid. Malakas ang kanyang ina, daig nga minsan ang mga lalaking trabahador doon.
Ngunit kahit malakas ang nanay niya, awang-awa pa rin siya rito. Batak na batak na ang katawan sa kakatrabaho. Ang gusto sana niya ay sa bahay na lang ang kanyang ina. Kung buhay pa sana ang kanyang ama ay ganoon siguro ang mangyayari. Natuklaw ng isang makamandag na ahas ang kanyang ama noong minsan itong mamundok. Wala pa siyang dalawang taong gulang nang mangyari iyon. Mula noon, naging nanay at tatay na ang kanyang dakilang ina.
"Hanggang maaari, ayokong masanay ka sa mga gawain sa bukid, Ken. Alam ko namang hindi ito ang nais mong gawin."
Bumuntong-hininga si Mark Kenneth. Tama ang nanay niya. Hindi sa hindi niya mahal ang lupa. Ang lupa ang nagpapakain at nagpapaaral sa kanya ngunit ayaw niyang maging magbubukid. Iba ang nais niya. Ngunit hindi na niya hinahayaan ang sarili na mangarap masyado. Alam kasi niyang sa pagsasaka rin ang bagsak niya. Ang kanyang nais ay napagtanto niyang mas kapritso kaysa pangarap. Wala naman siyang gaanong mapapala roon.
Nasa huling taon na siya ng high school. Baka hindi muna siya mag-aral ng kolehiyo. Alam niyang nag-ipon nang husto ang kanyang ina para doon ngunit ayaw muna niyang galawin iyon. Alam niyang hindi biro ang pag-aaral ng kolehiyo, hindi lang sa pag-aaral mismo kundi pati sa gastos. Ayaw niyang pahirapan pa nang husto ng nanay niya ang katawan nito sa pagtatrabaho.
Hindi naman sa ayaw niyang mag-aral. Gustung-gusto nga niya iyon. Siguro, nais muna niyang mag-ipon silang mag-ina nang husto para hindi gaanong mahirap.
"`Nay, kaya ko naman po, eh. Huwag ninyo akong alalahanin. Masyado po ninyo akong inaalagaan. Iyong mga ibang kaedad ko rito sa hacienda, mas mabibigat ang ginagawang trabaho. Kung tutuusin, kaya ko rin ang mga ginagawa nila. Ayaw n'yo lang po. Mas tataas po sana ang natatanggap nating suweldo."
"At ano? Mapapabayaan mo ang pag-aaral mo? Liliban ka tuwing maraming gawain dito? Hindi iyon ang buhay na pinangarap ko para sa `yo. Hindi rin ganoon ang pangarap mo para sa sarili mo."
"Sa pagsasaka rin naman po ako mauuwi, eh."
"Huwag mong sabihin `yan!" May bakas na ng iritasyon ang tinig ng kanyang ina. "Gagawin ko ang lahat para hindi ka maging magsasaka lang. Makakamit mo ang gusto mo, anak. Gagawin ko ang lahat para maabot mo ang mga pangarap mo."
Muling napabuntong-hininga si Mark Kenneth. "Kayo naman po ang mahihirapan nang husto, `Nay. Puwede namang maging songwriter ako at magsasaka at the same time."
Hindi niya alam kung kanino niya namana ang kanyang hilig sa musika. Ang kanyang ina ay walang hilig doon. Ayon na rin dito, wala ring hilig ang kanyang ama sa larangang iyon. Pangarap niyang maging isang kompositor. Mula pagkabata ay hilig na niyang lumikha ng musika. Nais niyang marinig ng buong mundo ang kanyang musika. Isang pangarap iyon na alam niyang mahirap abutin.
"Iba pa rin kung pampropesyonal ang lebel mo, anak. Iba pa rin kung magkakaroon ka ng tamang edukasyon sa musika. Ang galing-galing mo yata. Dapat lang dahil anak kita." Labis-labis ang pagmamalaki sa tinig ng kanyang ina.
Napakalaki ng pasasalamat ni Mark Kenneth dahil ito ang naging nanay niya. Nakasuporta ito lagi sa mga pangarap niya. Kung naiba lang siguro ang kanyang ina, sasabihin nitong huwag na lang siyang mangarap ng ibang buhay sa labas ng hacienda.
Nalaman ng nanay niya na may espesyal na paaralan para sa musika. Ang nais nito ay sa isang conservatory siya mag-aral. Pero hindi niya gusto ang ideyang iyon dahil may-kamahalan ang babayarang fee dahil espesyal ngang paaralan iyon. Ang sabi ng kanyang ina ay kakayanin nito.
Nang magtapos ng elementarya si Mark Kenneth ay ibinili siya ng gitara ng nanay niya. Lagi na lang daw kasi niyang hinihiram ang lumang gitara ng kapitbahay nilang si Mang Gusting. Si Mang Gusting din ang nagturo sa kanya sa basic na pagtugtog ng gitara. Marami rin naman ang nagsasabing magaling siya. May talento raw siya.
Confident naman siya sa talent niya. Pero alam niyang dapat ay maging praktikal siya ngayong mga panahong ito. Kung mag-aaral man siya, dapat ay iyong kursong makakatulong sa kanilang mag-ina ang kukunin niya. Hindi naman gaanong mahalaga ang proper education sa music. Ang mahalaga, nakakatugtog siya. Ang mahalaga, kahit paano ay nakakalikha siya ng mga kanta. Hindi man iyon marinig ng buong mundo, sapat nang naging masaya na siya sa pagbuo niyon.
Pagsapit ng tanghalian ay nagtungo silang mag-ina sa ilalim ng isang puno ng akasya upang doon kumain. Si Mark Kenneth na ang naglabas ng mga baon nilang tinapa at kamatis. Hindi pa man sila nagsisimulang kumain ay may isang tauhan na lumapit sa kanila.
May ibinigay itong isang food container. "Para sa inyong mag-ina. Ipinabibigay ni Sir Fred, Lydia."
Si Sir Fred Tafalla ang tagapagmana ng buong hacienda. Kaedad lamang ito ng kanyang ina. Diborsiyado si Sir Fred. Sa Amerika ito dati naninirahan ngunit mula nang mamatay ang mga magulang ay doon na ito pumirmi. Mahal na mahal ito ng mga tauhan. Napakabait kasi.
Napangiti ang kanyang ina. "Talaga? Pakisabi, salamat. Kayo?"
Binuksan ni Mark Kenneth ang food container. Tatlong malalaking hiwa ng inihaw na pork-chop ang laman niyon. Paborito niya iyon. Kaagad siyang naglaway.
"Mayroon din kami. O, sige, kain na tayo," anang trabahador bago sila iniwan.
Nakailang kagat na si Mark Kenneth nang bigla siyang magtaka. Napapansin niyang madalas nang mangyari iyon. Madalas magpadala ng pagkain sa kanila si Sir Fred. Napapansin niyang nadadalas na rin ang paglapit nito sa nanay niya.
Napatingin siya sa kanyang ina. May isang magandang ngiting naglalaro sa mga labi nito: isang kinikilig na ngiti. Biglang binundol ng matinding kaba ang kanyang dibdib.
Hindi iyon maaari!
New York City.
"YOU ARE not marrying him!" hiyaw ni Rainie. "You totally lost your mind."
Tila tuluyan nang nainis ang kanyang ina. "Watch me, darling."
Nagpapadyak siya. Oh, how she hated her mother.
"Stop doing that," naiiritang saway nito. "You are fourteen, for pity's sake. Act your age, Rainie. Stop being a brat."
"You raised a brat! You are not marrying Mr. Bass!" galit na sabi niya. Nag-iinit na ang sulok ng kanyang mga mata.
Her mother sighed. "Would it calm you down if I tell you that I fell deeply in love with him?"
"Bullshit!"
"Rainie Anne Tafalla! Sabihin mo uli sa harap ko `yan at malilintikan ka na sa akin! Iyan ba ang natututuhan mo rito? Go to your room! I'm marrying William Bass and that's final. Gusto mo man o ayaw mo."
Naluluhang tinalikuran niya ang ina. "I'm going home to Dad."
Her mother sighed. "Bakasyon mo na sa school. Your father had been asking me to send you to Philippines. Ang sabi ko, pagkatapos na lang ng kasal ko. Okay lang daw."
"He's okay with you getting married again?" hindi makapaniwalang tanong niya. Muli niya itong hinarap. Inaasahan pa naman niya ang kanyang ama na kakampi sa kanya.
"Go to your room, baby. We'll talk when you've calmed."
Nagtatakbo si Rainie patungo sa kuwarto niya. Ikinandado niya ang pinto upang hindi makapasok ang kanyang ina. Nagtungo siya sa kama at niyakap ang isang unan. Sunud-sunod ang naging patak ng kanyang mga luha.
It was really happening. Her family was falling apart. She was five years old when her parents got divorced. Kung tutuusin, wala pa siyang gaanong muwang noon. Ngunit nasaktan talaga siya nang maghiwalay ang mga magulang niya. She felt so abnormal.
Nang medyo tumanda na siya, nalaman niyang hindi lamang siya ang may mga magulang na hiwalay. Marami siyang mga kaklase na hindi kompleto ang pamilya. May mga katulad niyang diborsiyado ang mga magulang. Ngunit ang nais talaga niya ay magkaroon ng normal na pamilya—may nanay at tatay na naninirahan sa iisang bubong. Napapagod na siya sa pagiging tila bola na pinagpapasa-pasahan ng mga magulang.
Sa kanyang ina nanatili si Rainie mula noong maghiwalay ang kanyang mga magulang. Tuwing bakasyon ay nakakasama niya ang kanyang ama. Minsan ay umuuwi siya sa Pilipinas. May hacienda roon ang kanyang ama. Ngunit mas madalas na ang kanyang ama ang nagtutungo sa New York upang makasama siya.
She just wanted a happy and complete family. May mali ba sa nais niya? Bakit hindi niya iyon makuha-kuha? And now, her mother was getting married.
She cursed. Sa hinaba-haba ng panahong naghiwalay ang mga magulang niya, may mga nakarelasyon ang kanyang ina. Natutuwa siya tuwing nakikipaghiwalay ito sa mga boyfriend nito. Pilit niyang iginigiit na nakatadhana talaga itong bumalik sa dating asawa. Ni minsan, hindi nakipagrelasyon sa iba ang kanyang ama. She firmly believed he was still in love with her mom. Tuwing sinasabi niya iyon ay iniismiran siya ng kanyang ina, sabay sabing hindi ito nakipaghiwalay upang muli lang bumalik sa dating asawa. What kind of thinking was that? Everyone deserved a second chance.
Nang makipag-date kay William Bass ang mommy niya, hindi niya inakalang magiging seryoso ito sa lalaking iyon. He was a billionaire, sure, but he was also a chronic playboy. Kung sinu-sinong babae ang idine-date ni William. He also raised two annoying bitches. Ayaw niyang maging stepsisters ang mga iyon na kung tumingin sa kanya ay tila napakababa niya dahil lamang sa pagiging Asyano niya. Ayaw niyang maging si Cinderella kahit pa siya ang tipo ng tao na hindi nagpapaapi kahit kanino.
She was truly surprised when her mother announced that William proposed and she said "yes." She didn't want her mother to marry that playboy. She wanted her to go back to her father. She didn't want to be associated with the Bass family. Wala siyang pakialam kahit ang mga ito pa ang may-ari ng buong Amerika.
She wanted her father!
Dinampot ni Rainie ang telepono at tinawagan ang ama sa Pilipinas. Bahagya siyang nakaramdam ng tuwa nang sagutin kaagad nito ang tawag.
"How's my little princess?" bati nito sa magiliw na tinig.
"I'm not so little anymore, Dad," tugon niya sa ganoon ding tono.
"You'd always be my little princess, darling. How are you? Are you doing well?"
"I'm not okay. I'm not doing well," halos paasik na sabi niya. "Dad, Mom is getting married!" Halos mag-hysteria na siya.
Marahan itong natawa. "Cool it, baby. It's good news. It's about time, you know. Matagal na rin kaming hiwalay ng mom mo."
"I cannot believe you just said that!" galit na sabi niya. Hindi iyon ang inaasahan niyang sasabihin ng kanyang ama. He also sounded happy and okay with it. Tila masaya pa itong ikakasal na ang kanyang ina. "I hate you, Dad."
Muling natawa ang daddy niya. Ngalingaling pagbagsakan niya ito ng telepono. Her parents didn't care about her feelings. Hindi iniisip ng mga magulagn niya ang magiging epekto sa kanya ng paghihiwalay ng mga ito. Puro sariling kaligayahan lamang ang mahalaga.
"Rainie, baby, your mother is in love with that man. She is marrying him because of that. Isn't that romantic?"
Naipadyak na naman niya ang paa sa sahig. "No! She's marrying that man because he's a billionaire. That guy is a certified playboy. He would just hurt Mom. You would let that happen to the woman you love so much? Don't let her marry that William, Dad. Do something."
Napabuntong-hininga ito. "Rainie, your mom and I, we are through. We wanted to stick together just for you but we figured that if we do that, we'd hate each other so. Bata ka pa para maintindihan na ganoon talaga minsan. Sometimes, you have to let go of someone or something you love to save your sanity. Your mom and I, we were not meant for each other. We'll never be together again. Let her marry William Bass. She seems happy and in love. Nangako raw si William sa kanya na magiging faithful. Pinanghahawakan ng mom mo `yon. Siguro, ang mom mo na ang magpapatino sa William na iyon."
Nagtubig ang kanyang mga mata. Ayaw tanggapin ng sistema niya ang bagay na iyon. Wala na ba talagang pag-asang magkabalikan ang mga magulang niya? Dapat na nga ba niyang tanggapin na kahit kailan, hindi na mabubuo ang pamilya nila?
"Pinayagan ka na ba ng mom mo na sa akin ka muna ngayong bakasyon mo?" tanong ng kanyang ama nang lumipas na ang maraming sandali at hindi pa rin siya tumutugon.
"I'm staying with you, Dad. Pagkatapos na pagkatapos ng wedding ni Mom, diretso na ako sa airport. They're going to Europe for their honeymoon. I guess we have to move into Mr. Bass' mansion. I don't wanna stay there with my two stepsisters. I hate them."
Suko na siya. Her mother could marry that playboy. Malakas naman ang pakiramdam niya na magpapakasal pa rin ang dalawa kahit pa hanggang langit ang pagtutol niya. What could a fourteen-year-old do anyway? They never listened to her because she was just a kid.
"That's great, darling. You'll enjoy your stay here." Mukhang masayang-masaya ang kanyang ama na uuwi siya sa Pilipinas.
Rainie had always loved the Philippines. Gustung-gusto niya sa probinsiya ng kanyang ama. Tahimik doon at simple lang ang pamumuhay. Ngunit ayaw ng kanyang ina sa simpleng buhay. Isa siguro iyon sa mga dahilan kung bakit nagkahiwalay ang kanyang mga magulang. Her mother had always loved the city. Her father had always been a country boy. Napilitan lamang yata itong manirahan sa Amerika noon dahil sa pagmamahal sa kanyang ina.
"I'll surely enjoy my stay there, Dad." Minsan, kapag nasa hacienda siya, napapansin niyang tila natatakot ang daddy niya na baka naiinip na siya sa pananatili niya roon. Pakiramdam yata nito ay katulad niya ang kanyang ina na hindi makatagal sa buhay sa probinsiya.
"Do you still remember Ken, baby?"
Napangiti nang maluwang si Rainie. Nakalimutan niya ang sama ng loob sa mga magulang niya nang marinig ang pangalang binanggit ng kanyang ama. "Of course, Dad. He's my most favorite boy in the whole world."
Matagal na rin pala mula noong huli silang magkita ni Ken. Anak ito ng isang tauhan sa hacienda nila. She fondly called him "Maken." "Mark Kenneth" kasi ang buong pangalan nito. Masyado nang common ang "Ken" na palayaw kaya naisipan niya itong gawan ng bago...
"Do you know why I was named 'Rainie'?" tanong ni Rainie bago niya isinubo ang pagkaing nasa kamay ni Mark Kenneth. Gustung-gusto niya kapag pinapakain siya nito na tila siya batang munti.
Tanghalian noon at nasa isang kubo sila na walang dingding. Tila lang iyon papag na nilagyan ng bubong. Nasa gitna ng palayan ang kubo. Pahingahan iyon ng mga taong nagbabantay ng mga tanim. Maambon nang tanghaling iyon. Abala sa pagtatanim ang mga tauhan. Sumilong ang mga ito sa isang shed upang mananghalian. Nakikulit doon si Rainie kaya nandoon din siya. Kasa-kasama niya si Mark Kenneth.
Naglagay uli ng pagkain si Mark Kenneth sa kamay at inilapit nito iyon sa bibig niya. Hindi siya marunong magkamay ngunit nais niyang kumain nang nakakamay. Minsan, hindi niya maintindihan ang sarili sa mga bagay na gusto niya. Gustung-gusto rin niya kapag sinusubuan siya ni Mark Kenneth. Kanina, nais nitong gumamit ng kubyertos ngunit itinapon niya iyon sa putikan. Tila nais mainis ni Mark Kenneth ngunit nginitian niya ito nang matamis. Tila natunaw kaagad ang inis nito.
"Bakit?" walang ganang tanong ni Mark Kenneth. It was as if he just asked her for indulgence.
"I was conceived on a rainy afternoon," sagot ni Rainie bago sumubo. "More fish," aniya habang ngumunguya. Tatlong klaseng inihaw na isda ang nakahain para sa kanila. Mayroon ding inihaw na pork-chop para kay Mark Kenneth. Hindi siya masyadong mahilig sa karne.
"Puno ang bibig mo," anito bago dinampot ang pork-chop at kumagat doon.
Nilunok muna niya ang pagkain bago nagsalita. "Bakit 'Mark Kenneth' ang ipinangalan sa `yo?" Inabot niya ang tubig at uminom.
Nagkibit-balikat ito. "Malay ko. Hindi ko na itinanong sa nanay ko, eh."
"Everyone calls you 'Ken.'"
Tumango lamang ito at hindi nagsalita. Tila siyang-siya sa pork-chop.
She wrinkled her nose. "'Ken' is so generic. Too common. I'll give you a new nickname." Saglit na nag-isip siya, pagkuwa'y napangiti nang maluwang. "Maken! From now on, you'll be my Maken."
"Bahala ka." Tila wala itong pakialam sa naisip niya, nagpatuloy lang sa pagkain. "Ken o Maken, pareho lang `yon."
Umusli ang kanyang nguso. "Food ko," aniya na tila nag-uutos. Kaagad naman siya nitong sinubuan.
Pagkatapos nilang kumain ay si Mark Kenneth na ang nagligpit ng mga pinagkainan. Pinunasan nitong maigi ang papag bago nilatagan ng kumot. Humiga roon si Rainie habang yakap-yakap ang kanyang teddy bear. Routine na para sa kanya ang pagtulog sa tanghali tuwing naroon siya.
Kinuha ni Mark Kenneth ang gitara at nagsimulang tumugtog.
"Sing my favorite song," hiling niya. Gustung-gusto niya ang tinig ni Mark Kenneth. Malamig at masarap pakinggan sa tainga.
Nagsimula itong kumanta ng isang kanta na galing sa Sesame Street.
Napangiti nang maluwang si Rainie habang pumipikit. Maken was her most favorite boy in the whole world. Alam niyang spoiled brat siya minsan. Alam niyang minsan, nasosobrahan ang kanyang kamalditahan at kakulitan. Alam niyang marami rin ang naiinis sa ugali niyang iyon. But Maken had always been patient with her. Tila sinasakyan nito ang lahat ng trip niya sa buhay. She also had the feeling that if he could, he would gladly give her everything she wanted.
She wanted to marry him someday. He would be exclusively hers.
Nais matawa ngayon ni Rainie sa alaalang iyon. Of course, she was not serious with that thought. She immediately got over it. At fourteen, she had met a lot of boys already. Mas guwapo pa kaysa kay Maken. Marami ring nagkakagusto sa kanya sa eskuwelahan. Pero ayaw muna niyang magka-boyfriend. Bata pa kasi siya. Alam niyang talamak na ang pagbo-boyfriend sa mga kaedad niya. Kumbaga, uso na iyon. Kung walang boyfriend, wala sa uso. Mahilig siyang makiuso ngunit sa larangan ng pag-ibig ay ayaw niyang makiuso.
"I'll wait for you here, baby." Ang boses ng kanyang ama ang nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan.
"I can't wait to see you, too, Dad. I missed you."
"I missed you more, baby. Behave, okay? Just let your mother in her happiness."
"All right. I got to go." Tuluyan nang nagpaalam si Rainie. Humiga siya sa kama at niyakap ang kanyang Barney stuffed toy. She was suddenly excited to see her most favorite boy.