Chapter 31 - Chapter Six

"HOW'RE you?"

Napangiti si Mark Kenneth nang marinig ang tinig sa kabilang linya. Linggo ng umaga at abala siya sa paggawa ng project nang tumunog ang telepono sa kanyang silid.

"Okay lang. Ikaw, kumusta ka na?" Itinabi niya ang kanyang ginagawa. Isang araw din niyang hindi narinig ang magandang tinig ni Rainie. Ang sabi ng dalaga, abala ito sa eskuwela. Siya man ay abala rin.

Nasa ikalawang taon na sa kolehiyo si Mark Kenneth. Sa isang private conservatory sa Maynila siya nag-aaral. Nanunuluyan siya sa isang boardinghouse. Ang nais sana ni Tito Fred ay ibili siya ng condominium unit ngunit nagpakatanggi-tanggi siya. Sobra-sobra na ang pagpapaaral nito sa kanya. Isa pa ay nais niyang maranasan ang mga karaniwang nararanasan ng mga estudyante sa kolehiyo. Wala siyang kasama sa kuwarto dahil binayaran ni Tito Fred ang buong kuwarto na dapat ay pandalawang tao. Mas magiging komportable raw siya kung masosolo niya ang kuwarto.

Masaya naman siya sa buhay. Nakakapag-aral siya nang walang anumang alalahanin. Mahusay siya sa klase. May mga propesor siya na nagsasabing malaki ang potensiyal niya. Sisikat daw siya sa larangan ng musika. Ang nanay niya ay maligaya sa piling ni Tito Fred. Wala siyang reklamo sa kanyang stepfather. Parang tunay na anak ang turing nito sa kanya. Ibinibigay nito ang lahat ng mga pangangailangan niya. Minsan, nalulula siya sa mga nais nitong ibigay sa kanya. Nang maikasal si Tito Fred sa kanyang ina, noon lamang niya napagtanto kung gaano ito kayaman. Ayaw niya itong abusuhin. Sapat lamang ang kinukuha niya. Ayaw niyang masanay sa mga luho.

Higit na nagpapasaya kay Mark Kenneth ang halos araw-araw na pag-uusap nila ni Rainie sa telepono. Tuwing bakasyon ay umuuwi ito. Halos hindi sila mapaghiwalay kapag nasa bansa ang dalaga. Nais nga rin niyang mag-ipon upang sa kanyang bakasyon ay siya naman ang pupunta kay Rainie. Okay na ang passport niya. Si Tito Fred daw ang bahala sa kanyang visa.

"Heto, lalong gumaganda."

Natawa siya nang malakas sa tugon ni Rainie. Alam naman na niya ang bagay na iyon. Hindi pa rin nagbabago ang kanyang pananaw: si Rainie pa rin ang pinakamagandang babae sa balat ng lupa para sa kanya. Noong huli itong umuwi ay natulala siya. Dalagang-dalaga na itong tingnan. May hubog na ang katawan.

"May girlfriend ka na ba riyan, Maken?"

Lalo siyang natawa sa tanong. Ganoon lagi ang tanong ni Rainie. "Wala, ano ka ba? Para isang araw lang tayong hindi nag-usap."

Nais niyang tumupad sa pangako niya kay Rainie. It was kind of silly, really. Wala siyang obligasyong mangako nang ganoon. Hindi rin naman kasi niya masabing may pinanghahawakan siya kay Rainie. Hindi nga niya alam kung ano ang talagang relasyon nila. Magkaibigan lamang ba sila o higit pa? Hindi niya magawang magkagusto o humanga man lang sa ibang babae. Tuwing may lumalapit sa kanyang babae, natatagpuan niya ang sarili na hinahanapan ito ng katangiang katulad ng kay Rainie.

"Naiinis ako rito sa bahay," ani Rainie na tila nagsu-sumbong. "Inaapi na naman ako ng mga stepsister ko."

"Baka naman ikaw ang umaapi? Parang ang hirap paniwalaan na ikaw ang inaapi. Buhay pa ba sila?" pagbibiro niya.

"Some loyalty, Maken," sarkastikong tugon nito.

Muli siyang natawa. "What did they do?"

"Mimi was mad at me because her boy broke up with her. Na-love at first sight daw sa akin ang loko. He's making ligaw, the Filipino style. Nakakatawa nga, eh. Nangharana pa talaga siya sa `kin, ang sagwa naman ng boses niya. My stepsister hates me so. Parinig nang parinig. She has been taunting me at school. Ang landi-landi ko raw. Home wrecker daw ako. Hello? Kasalanan ko ba kung naging sobra-sobra ang lamang ng ganda ko sa kanya? Akala naman niya, uurungan ko siya."

Hindi magawang tumawa ni Mark Kenneth kahit na medyo animated ang pagkukuwento ni Rainie. May nanliligaw na rito. Bigla siyang kinabahan. Paano kung mahanap na ni Rainie ang lalaking gusto nito? Paano kung magka-boyfriend na ito nang totoo? Natural lamang na paligiran ng kalalakihan si Rainie dahil napakagandang babae nito. Siya lamang naman ang nangako na hindi siya mai-in love sa ibang babae. Hindi nangako si Rainie sa kanya.

"You're silent," puna ni Rainie.

"May nagugustuhan ka na ba riyan?"

She giggled. It sounded so wonderful but he was not in the mood to appreciate it.

"Afraid?" panunukso nito. Nakuha pang manukso!

"Like hell!" bulalas ni Mark Kenneth. Magkalayo sila at hindi niya mababakuran si Rainie sa mga lalaking nagnanais dito.

"You know what I told Mimi's boy after his horrible harana? I said I love someone who's way better than him. I told him he's my shiny star and his name is 'Maken.'"

Napangiti siya nang maluwang. His heart was filled with so much love and joy. She still loved him. Nais niyang magtatalon sa tuwa.

"I have to go now."

"Rainie," tawag niya bago pa man ito mawala sa linya.

"Yes?"

"I love you."

"I know." He heard a kiss sound before she ended the call.

Tila nangangarap na inabot ni Mark Kenneth ang kanyang gitara at tumugtog. Mayamaya ay nakarinig siya ng katok. Ngiting-ngiti na tumayo siya at pinagbuksan ang kumakatok. Si Vann Allen ang kanyang bisita.

"`Tol," bati nito. "Dala ko na ang mga damit mong ipinalaba mo kay Nanay."

"Salamat," aniya habang niluluwangan ang pagkakaawang ng pinto. "Tuloy ka muna." Kinuha niya ang malaking supot na dala ni Vann Allen at inilagay iyon sa ibabaw ng kama. Ikinuha niya ito ng maiinom sa personal ref.

Napadako ang tingin ni Vann Allen sa gitara. "Puwede?" paalam nito.

"Oo naman." Iniabot niya ang gitara. Kaagad na tumugtog si Vann Allen. Magaling din ito sa musika. May gitara daw ito dati ngunit napilitang ibenta upang makabili ng blood pressure apparatus.

Nursing student si Vann Allen. Nakilala ito ni Mark Kenneth nang lumipat siya roon. Ito ang naging unang kaibigan niya sa Maynila. Magkapitbahay sila. Sideline ng nanay ni Vann Allen ang kumuha ng labada sa mga boarders. Kilalang masisipag ang miyembro ng pamilya nito.

Sa unang pag-uusap pa lang ay naging magkaibigan na sila. Nalaman ni Mark Kenneth na natural ang pagiging palakaibigan ni Vann Allen. Kaibigan nito ang halos lahat ng mga boarders. Kapag kasama niya itong naglalakad sa labas, hindi maubusan ng mga taong binabati si Vann Allen. Biniro niya ito minsan na madali para dito ang maging pulitiko.

"Puwede bang tumambay muna rito? Puro gastos ang pinag-uusapan sa bahay, eh. Nagsasawa na `ko. Malapit na naman kasi ang bayaran sa eskuwela. Mukhang mag-i-special exam na lang ako."

Hindi lingid sa kanya ang problema ng pamilya ni Vann Allen sa mga gastusin. May tatlo pa kasi itong kapatid na nasa kolehiyo na rin. "May kaunting ipon ako, `tol. Kung gusto mo—"

"Huwag na, `tol. Hindi ko matatanggap. Ma-pride ako. May mahahanap din akong solusyon. `Eto naman, `wag mo nga akong yabangan. Por que ba hacendero ka, eh, my karapatan ka nang magyabang sa `kin?"

Natawa si Mark Kenneth. Ganoon lagi ang dialogue ni Vann Allen tuwing mag-aalok siya ng tulong. Mukhang hindi naman offended ang kaibigan niya. Hindi ito ma-pride, masyado lang sigurong nahihiya sa kanya. Naiintindihan niya ito. Kung hindi siguro napangasawa ng nanay niya si Tito Fred ay magkatulad na magkatulad sila ng sitwasyon.

Bilib din siya kay Vann Allen. Masayahin ang kaibigan niya sa kabila ng lahat ng problema. Palagi itong nakangiti, palaging maaliwalas ang mukha. Kahit anong hirap ng buhay, nakakahanap pa rin ito ng kasiyahan.

"Mag-artista ka na lang," biro ni Mark Kenneth.

Artistahin ang mukha ni Vann Allen. Napakagandang lalaki nito, matangkad at maputi. Ito na yata ang may pinakamakinis na kutis sa mga lalaking nakita niya. Minsan, natutukso itong bakla dahil nasobrahan ang pagiging magandang lalaki. Sa halip na mapikon, nagbibiro pa ito at umaaktong tila bakla.

"Kung magkakaroon lang ako ng pagkakataon, Maken, susunggaban ko na. Minsan nga, parang gusto ko nang pumila sa mga audition ng mga network. Kaya lang, ang gusto nina Nanay at Tatay ay makatapos ako."

"Makakaraos ka rin, Vann. Sa tiyaga mo at ng pamilya mo, uunlad din kayo. Sigurado ako ro'n."

"Salamat, `tol. Salamat din sa kahirapan dahil nagkakaroon ng challenge ang buhay. Kung walang challenge, hindi masaya."

Iyon ang gustung-gusto ni Mark Kenneth sa kanyang kaibigan. Hindi ito nagpapatalo sa mga problema. Nananatili pa rin ang maganda nitong disposisyon sa buhay.

"Kapag hindi ka na ma-pride, lapitan mo ako kung kailangang-kailangan mo ng tulong. Hindi ka magda-dalawang-salita sa `kin."

"Salamat, `tol. Tatandaan ko `yan. O, jamming muna tayo." Vann Allen strummed the guitar. Kaagad na nakilala ni Mark Kenneth ang kanta. It was a Beatles' song.

Hinayaan niyang umpisahan ni Vann Allen ang kanta bago niya sinabayan. Vann Allen was gifted with a beautiful voice.

BINATI ni Mark Kenneth si Vann Allen nang makita niya ito sa harap ng boardinghouse. Kauuwi lang niya galing ng eskuwela. Mukhang kagagaling lang din ni Vann Allen ng eskuwela dahil nakaputing uniporme pa ito.

"Inabangan talaga kita, `tol," anito pagkatapos gantihan ang pagbati niya. "May hihingin sana akong pabor."

"Ano `yon? Kahit ano, Vann." Siguro ay napagtanto nitong walang silbi kung paiiralin ang pride. Malaki-laki ang laman ng ATM niya. Hindi siya magastos kaya kaunti lamang ang nababawas doon. Mapapahiram niya ng pera ang kaibigan. Hindi naman siguro magagalit si Tito Fred.

"Marunong ka bang sumayaw?"

"Ha?" nagtatakang tanong ni Mark Kenneth. Bakit itinatanong ni Vann Allen kung marunong siyang magsayaw?

"Samahan mo akong mag-audition bukas."

"Ha?" Kulang na lang ay lumuwa ang mga mata niya. Mag-aartista si Vann Allen? Talagang sineryoso nito ang suhestiyon niya. Pero bakit kailangang kasama siya?

ANO BA ang ginagawa ko rito?

Hindi na mabilang ni Mark Kenneth kung ilang beses na niyang naitanong iyon sa sarili. Hanggang ngayon ay hindi niya mapaniwalaang nagpatangay siya sa kalokohan ni Vann Allen.

Well, hindi siguro ito kalokohan para sa kanya. He just wants to help his family.

Naiintindihan naman niya iyon, pero kailangan ba talaga na kasama siya? Sa dinami-rami ng mga kaibigan ni Vann Allen, bakit siya?

Nasa isang audition sila. Audition para sa isang commercial ng lollipop. Limang lalaki raw ang kailangan. Dalawang tao na lang at sila na ang sasalang. Kaibigan daw ng isang propesor ni Vann Allen sa unibersidad ang casting director ng commercial na iyon. Iyon ang nagsuhestiyon na sumubok si Vann Allen at baka suwertehing makapasok nang malaman nitong nangangailangan ng pera si Vann Allen.

Nang nagdaang gabi ay naging abala sina Mark Kenneth at Vann Allen sa pag-choreograph ng sayaw. Nasorpresa pa si Mark Kenneth nang malamang may kaunti pala siyang talento sa pagsayaw.

Ang commercial daw ay magtatampok sa limang lalaki na sumasayaw at kumakanta habang may mga lollipops sa bibig.

"Paano kung hindi pumayag na sabay tayo?" bulong ni Mark Kenneth kay Vann Allen nang pumasok na sa loob ng isang silid ang nasa unahan ng pila. Isang tao na lang bago sila.

"Papayag `yon. Magtiwala ka lang sa charm ko."

Isinama siya roon ni Vann Allen dahil mahiyain daw ito sa totoong buhay. Nais niyang matawa nang sabihin iyon ng kaibigan. Mahiyain pa ito sa lagay na iyon? Ipinaliwanag ni Vann Allen na may stage fright ito. Hindi iyon malala dahil nawawala naman daw iyon kapag may kasama ito sa entablado. Baka raw manigas si Van Allen habang nag-o-audition kung wala itong kasama. Tutal naman daw ay grupo ang mag-eendorso ng lollipop, pakikiusapan nito ang mga nagpapa-auditon na sabay na sila.

Hindi alam ni Mark Kenneth kung paano siya napapayag. Kinakabahan na siya. Oo at nagtatanghal siya sa harap ng mga kaklase niya noon, ngunit propesyonal ang mga kakaharapin nila ngayon. Parang hindi niya kaya.

"Bibigyan na lang kita ng pera, Vann," sabi niya nang pumasok na rin ang nasa unahan nila. Sila na ang susunod. "Umuwi na tayo, utang-na-loob."

"Masyado kang tense. Mag-relax ka nga." Inayos nito ang buhok niya. Ito ang naglagay ng gel doon.

"Ang sweet naman. Magdyowa ba kayo?" pang-aasar ng lalaking nasa likuran nila.

"Inggit ka?" ani Vann Allen sa kaparehong tono. "Dyowain mo rin `yang katabi mo."

Kaagad na gumuhit ang inis sa mukha ng lalaki. "Masyado kang maganda. Hindi ka makukuha rito. Hindi bagay sa `yo ang maging endorser ng lollipop. Dapat, sa isang commercial ng beauty soap o facial wash ka mag-audition. Ano ba ang sabong ginagamit mo sa mukha mo?"

"Perla," sagot ni Vann Allen na ikinatawa ni Mark Kenneth. Nabawasan ang kaba niya. "Gumamit ka rin n'on para umayos `yang mukha mo. Rough road na rough road ang dating, eh. Kung hindi umubra ang Perla, gamitan mo ng Champion o Mr. Clean. Hayaan mo, kapag naging endorser din ako ng mga produktong iyon, padadalhan kita ng one year supply."

"Next," anang nagtatawag.

Hindi na nakahirit pa ang mapang-asar na lalaki dahil tumayo na si Vann Allen at pumasok sa silid.

Muling nilukob ng matinding kaba si Mark Kenneth. Kung hindi papayag na magsabay sila, hindi na siya mag-o-audition.

Hindi pa lumilipas ang dalawang minuto ay sumungaw ang kaibigan niya sa pinto at sinutsutan siya. Sinenyasan siyang pumasok.

Huminga siya nang pagkalalim-lalim bago tumayo at nagtungo sa pinto. Oh, God, help me.