Chereads / (FILIPINO) Belle Feliz's Lollipop Boys / Chapter 33 - Chapter Eighth

Chapter 33 - Chapter Eighth

KAHIT ngumunguya ay pilit na nginitian ni Rainie ang mga kasalo niya sa mesa. Kasalo niya ang mga Lollipop Boys sa pagkain ng hapunan. Kagaya ng nakasanayan niya, nagpapasubo siya kay Maken. May plato sa harap niya ngunit wala iyong pagkain. Hinayaan niya si Maken na magpakain sa kanya.

Nais niyang matawa sa ekspresyon ng mukha ng mga kasama nila. Tila namamangha ang mga ito sa nakikita sa kanila. Ano ba ang nakakamangha roon? Sinusubuan lamang siya ni Maken.

"Unbelievable," bulong ni Enteng.

"Adorable," sabi naman ni Nick na nangingiti habang nakatingin sa kina Rainie at Maken.

"Cute," ani Rob.

Hindi pinansin ni Rainie ang mga kasalo sa mesa. "More fish," sabi niya kay Maken. Kaagad nitong dinamihan ang isdang nasa kutsara at isinubo iyon sa kanya.

Iniumang ni Vann Allen sa bibig ni Maken ang isang kutsarang punung-puno ng pagkain. "Ah," anito. Isinubo ni Maken ang pagkain. "Kumain ka rin naman. Baka manghina ka at hindi makasayaw niyan. Mahal na mahal mo talaga itong si Ulan, ano?"

Natawa nang malakas si Rainie. Mabuti na lamang at nalunok na niya ang kinakain, kung hindi ay nagtalsikan na ang mga iyon palabas ng kanyang bibig. Alam niyang makakasundo niya ang Lollipop Boys. They were fun to be with, lalo si Vann Allen na tila likas ang pagiging masayahin.

Pagkatapos kumain ay nagtungo sina Rainie at Maken sa hardin. Naglatag ng blanket sa damuhan si Maken at tumingin sila sa langit.

"Ang pangit ng langit dito. Hindi ko masyadong makita ang mga stars," reklamo ni Rainie.

"Oo nga, eh. Itinawag ko na pala kay Tito Fred na nandito ka. Pinapauwi ka na niya sa hacienda. Nami-miss ka na rin niya, eh."

Lumabi siya. "Dito muna ako. Ayaw mo na ba `ko rito? Ayoko pang umuwi sa hacienda. I can be your PA."

Na-miss din niya ang kanyang ama ngunit mas na-miss niya si Maken. Nadalaw na kasi siya nang ilang ulit ng dad niya sa Amerika. Si Maken ay hindi niya nakita at nakasama nang matagal.

"Sigurado ka?"

"Yes. Hundred percent sure."

"You have no idea how busy we are. Baka mainip ka lang. Baka mainis ka dahil hindi kita maaasikaso. Nang malaman kong magbabakasyon ka rito, humingi ako ng bakasyon kay Tita Angie. Hindi puwede, eh. Marami siyang tinanggap na mga project."

"Okay lang talaga. I'd be very happy to follow you around. Gusto ko ring makita kung paano ka magtrabaho. I always find things to amuse me. Just let me be with you."

Hinila siya nito at niyakap. "Masaya ako. Masaya ako na nandito ka. Sige, dito ka muna. Kakausapin ko si Tita Angie para makasama ka sa amin kahit saan."

"My shiny Maken," bulong niya. "You are so up there. I'm so proud of you."

"Thank you."

Nais manatili ni Rainie sa puwesto nila ngunit hindi maaari. May rehearsal pa raw si Maken kasama ng mga boys. Guest daw ang mga ito kinabukasan sa isang variety show.

Pinanood niya ang Lollilop Boys habang nagre-rehearse. Ang galing-galing ni Maken. Hindi siya magsasawang panoorin ito. Hindi lang si Maken ang masarap panoorin, pati na rin ang mga kasama nito. They were not just pretty faces. May substance ang mga karakter ng limang lalaki. They had the talent. They obviously loved what they were doing. They were great.

NANG mga sumunod na araw ay sumama si Rainie sa mga lakad ng Lollipop Boys. Nalulula siya sa dami ng commitments ng grupo. Nalulula rin siya sa suportang ibinibigay ng mga tao. Minsan ay nabibingi siya sa lakas ng tilian ng mga babae at mga bakla. Walang palya ang lakas ng tilian saanman magtungo ang Lollipop Boys.

Namangha nang husto si Rainie sa bagong mundong ginagalawan ni Maken. Minsan, nais na niyang magreklamo. Hindi ito maramot sa ngiti at minsan ay naiinis siya kapag pinapakilig nito ang maraming babae sa pamamagitan ng ngiti. She wanted his smiles to be hers exclusively. Ang nais niya ay siya lamang ang kinikilig dahil sa ngiting iyon.

She reminded herself repeatedly that she couldn't be selfish. She should stop acting like a real spoiled brat. She had to be open-minded and selfless for Maken. She didn't want to disappoint him.

Kung may konsolasyon man siya, iyon ay ang pag-aalaga sa kanya ni Maken sa kabila ng lahat. Hindi nito nalilimutan ang presensiya niya. Kapag hindi ito nakasalang, kasa-kasama niya ito at nagkukuwentuhan sila.

Ang sabi niya, magiging personal assistant siya ni Maken, ngunit siya ang mas inaasikaso nito. Madalas, siya ang nakaupo sa komportableng upuang nakatalaga sa binata. Kapag inuumaga sa mga shooting si Maken, mas komportable ang higaan niya kaysa rito. Sinisiguro nitong gusto niya ang lahat ng mga pagkaing nasa set.

Minsan, biglang umulan sa outdoor photo shoot ng Lollilop Boys. Sa halip na si Maken ang payungan upang hindi mabasa, mas siya ang siniguro nitong hindi mababasa.

Everyone believed Rainie was special in his life. Even the other Lollipop Boys started adoring and spoiling her. She even called herself a Lollipop Girl. Hindi lamang siya ang Lollipop Girl. The other boys had their own special girls that the fans didn't know. She already met Jillian and Mitch. Noon niya nalaman na hindi totoo ang halos lahat ng mga lumalabas na balita tungkol sa mga sikat. The Lollipop Boys were linked to many women in the entertainment business but they always protected the girls that were very dear to them. Hanggang maaari, hindi dapat ma-expose sa publiko ang mga ito. Siya lamang ang makulit na gustung-gusto na visible siya sa mga mata ng publiko.

Isang araw ay may shooting ang Lollipop Boys para sa isang music video. Nasa isang theme park sila. Nang maging abala ang lahat ay nagdesisyon si Rainie na mag-ikut-ikot muna. Nawili yata siya sa paglalakad dahil napalayo siya. Noong una, ang akala niya ay nakakatuwang manood ng shooting. Minsan, nakakatuwa pero minsan ay nakakabagot din. Paulit-ulit lang kasi minsan. Pabalik na siya nang may humarang sa kanyang tatlong babae.

Nginitian siya ng mga babae. Alanganing sinuklian niya ang ngiti. Hindi niya kilala ang mga humarang sa kanya. Napansin niyang maraming bitbit ang mga ito na kung anu-ano.

"Kayo po si Miss Rainie, `di ba?" tanong ng nasa gitna. Tila ito rin ang leader ng tatlo.

"Yes. What can I do for you, girls?"

"Ang ganda-ganda po ninyo," sabi uli ng nasa gitna. Admiration was very visible on her. She was looking at her like a fan who was looking at her idol. Baka napagkamalan siyang artista at balak nitong magpapirma ng autograph. She almost grinned. Pang-artista talaga ang lebel ng kagandahan niya.

"Gee, thanks," ang tanging naisagot ni Rainie.

"Kapatid po kayo ni Maken, `di ba?"

Nawala ang kanyang ngiti. "Don't use 'po' on me," aniya sa malamig na tinig. "You are obviously older than me."

Hindi naman naapektuhan ang babae sa kalamigan niya. "Puwede po bang magpaabot ng mga regalo?"

As if on cue, the other girls gave her the things they were carrying. Ayaw sana ni Rainie na kunin ang mga iyon ngunit ipinilit ng mga ito. Hindi siya magkandatuto sa pagbitbit ng mga ibinigay ng tatlong babae. Pinigil niya ang sarili na ipagbabato ang mga iyon dahil baka may makakita sa kanyang reporter. Si Maken ang magsa-suffer kapag tinarayan niya nang todo-todo ang mga fans ng Lollipop Boys.

"Thank you po, Miss Rainie," halos sabay-sabay na wika ng tatlong babae. "Sige po," wika ng leader bago tumalikod ang mga ito.

"Ang bait-bait ng kapatid ni Maken, `no?" dinig pa ni Rainie na sabi ng isa sa mga babae.

"Oo nga," tugon naman ng isa. "Ang ganda-ganda pa niya. Wala sigurong pangit sa lahi nila. Ang balita ko, sa Amerika siya nag-aaral. Ang sosyal, `no?"

"Marami ang nagsasabi na mahal na mahal ni Maken ang kapatid niya. Spoiled na spoiled nga raw si Miss Rainie. Ang suwerte-suwerte niya, `no? Nakakasama niya palagi ang Lollipop Boys. Sana ako rin."

Natulala si Rainie. Magkapatid—iyon ang tingin ng lahat sa kanila ni Maken. The girls didn't even consider her as a rival.

Halos wala sa sariling bumalik siya sa set. Hindi niya makita sa paligid si Maken. Tanging si Vann Allen ang naroon.

"Ulan, sa'n ka galing? Kanina ka pa hinahanap ni Maken. Ba't ang dami mong dala?"

Padabog na ibinigay niyar ito ang mga dala niya. "Ipinabibigay ng mga fans," bruskong sabi niya.

"Ano'ng problema mo?" nagtatakang tanong ni Vann Allen. "Inaway ka ba ng mga fans?"

"Hindi. Ang babait nga nila," sarkastikong tugon niya.

Inilapag ni Vann Allen sa isang mesa ang mga ibinigay ni Rainie. Kinalkal nito ang laman ng isang paper bag. "Relax ka nga lang," anito nang hindi tumitingin sa kanya. "Pumikit ka at mag-inhale-exhale habang kumakain ako ng peanut brittle." Inilabas nito mula sa isang paper bag ang isang garapon ng peanut brittle.

Hindi siya sumunod. "Vann, what do you think of us? Me and Maken? Magkapatid din ba ang tingin mo sa `min?" Frustrated na frustrated na siya.

Umiling ang binata. "May mga kapatid akong babae, Ulan. Mahal ko silang lahat pero hindi ko sila kailanman sinubuan. Kahit na may sakit sila, hindi ko sila nagawang subuan. Madalas, gusto ko na rin silang sabunutan sa pagiging maarte nila. Eh, mas maarte ka pa sa mga kapatid ko. Spoiled brat na spoiled brat ang dating mo. Si Maken lang naman ang nakakasakay sa trip mo. Kasi mahal ka niya. Mahal na mahal ka niya. At alam kong ganoon ka rin sa kanya. Kitang-kita sa mga mata mo."

Napangiti na si Rainie. Lumipad na ang lahat ng frustrations niya. "Talaga?"

Tumango si Vann Allen habang ngumunguya. Nilunok muna nito ang kinakain bago muling nagsalita. "Alam mo bang minsan, naiinggit kami kay Maken? Sailing smoothly kasi ang buhay niya. Wala siyang problema sa pamilya, pera, career, at love life. Parang kusang nareresolba ang mga problema niya. Kapag kailangan namin ng advice, siya ang nilalapitan namin. Siya rin ang pinakaresponsable sa amin.

"Ang suwerte-suwerte mo sa kanya. Kahit nasa malayo ka, faithful siya sa `yo. Noon, hindi ko maintindihan kung ano talaga ang mayroon sa inyo. Nang makita ko na, nainggit ako nang husto. Sana ako rin. So, don't let anything come between you and Maken. Eh, ano naman kung magkapatid ang tingin ng publiko sa inyo? Ang mahalaga, alam ninyo ang totoo."

Bigla niyang nayakap si Vann Allen. Bawat salita nito ay tumagos sa buto niya. Lahat ng mga sinabi nito ay totoo. "Thank you, Vann Allen. Matalino ka rin pala, akala ko, maganda ka lang," biro niya.

"Mas maganda at mas matalino ako sa `yo," anito na nagbakla-baklaan.

Natawa nang malakas si Rainie. He was adorable.

"Nandito ka lang pala. O, ba't nakayakap ka kay Vann? Halika nga rito."

Kumalas si Rainie kay Vann Allen at nilingon si Maken na hindi niya namalayang nakalapit na sa kanila. Medyo hinihingal si Maken, tila nahirapang hanapin siya. Niyakap niya ito nang mahigpit.

Tama si Vann Allen. Hindi siya dapat magpaapekto sa sasabihin ng ibang tao. Everything would be all right between them.

ISANG mahigpit na yakap ang isinalubong kay Rainie ng kanyang ama. Umuwi sila ni Maken sa hacienda. Dalawang araw lamang mananatili roon si Maken dahil kailangan kaagad nitong bumalik sa trabaho. Matagal na raw ang dalawang araw na off. Pinagbigyan lamang ito ni Tita Angie dahil sa pakiusap ng kanyang ama.

"Welcome home, darling," anang kanyang ama.

Kumalas si Rainie sa ama at ngumiti. Sunod niyang niyakap si Nanay Lydia. Mukhang masaya ang pagsasama ng dalawa.

"Kumusta po?" tanong niya sa mag-asawa. It was great to see them happy together.

"Maayos naman, anak," sagot ni Nanay Lydia.

"`Buti naman at naisipan mo sa wakas na umuwi rito," wika ng kanyang ama na bahagyang ngumuso.

Natawa nang bahagya si Rainie. "Nagtatampo ang dad ko," tudyo niya.

Lalong ngumuso ang kanyang ama. "Talaga! Mas mahal mo si Maken kaysa sa akin."

Natawa sina Rainie at Maken.

Nagkuwentuhan pa sila sandali bago sila hinayaang magpahinga ng mga magulang nila. Nagtungo si Rainie sa kanyang silid at hinayaan si Maken na makapagpahinga sa silid nito. Alam niyang wala pa itong tulog. Sa biyahe ay halos hindi na niya makausap ang binata dahil antok na antok ito.

Ang sabi ng kanyang ama, kahit sa bayan nila ay maraming tagahanga si Maken. Minsan daw ay sumusugod pa ang mga taga-karatig-pook sa hacienda kapag nalalaman ng mga itong naroon ang binata. Mula raw nang maging celebrity si Maken ay nagdagdag na raw ang daddy niya ng mga bantay sa palibot ng hacienda. Binabawalan na rin daw ng kanyang ama ang mga tao na istorbuhin si Maken kapag naroon ito. Doon lang kasi nakakapagpahinga nang maaayos si Maken.

Inayos ni Rainie ang mga gamit niya sa closet. Doon muna siya nang ilang araw. Hindi siya sasama kay Maken kapag bumalik ito sa Maynila. Parang ayaw niyang malayo kay Maken ngunit nais din naman niyang makasama ang kanyang ama.

Katatapos lang niya sa pag-aayos nang may kumatok sa pinto ng silid. "Tuloy!" Ang kanyang ama ang pumasok sa silid.

"Nagpapahinga ka na ba, darling?"

"Nope, Dad," aniya habang nauupo sa kama. "I'm not really tired."

Tinabihan siya nito. "How's being in the world of famous celebs?"

Inihilig niya ang ulo sa balikat ng ama. "Jungle. Masaya naman minsan, eh. Minsan, nakakapagod talaga. Everyone thinks I'm Maken's real sister. And it makes me sad, Dad."

"Do you still feel the same way towards Ken?" tanong nito sa seryosong tinig.

"Are you thinking that someday, I'd get over it?" malungkot na tugon niya. "I don't feel the same way. Nagbago na ang nararamdaman ko para sa kanya. It grew stronger, Dad. Sigurado ako, wala na akong mamahalin nang higit pa sa kanya."

"You're just seventeen, anak."

"So?"

"Marami ka pang makikilalang lalaki. Marami pang mangyayari sa buhay mo. Huwag mong ikulong ang puso mo sa iisang pag-ibig."

"Don't you find it so amazing? It had always been Maken. Bata pa ako pero alam ko na kung ano at sino ang gusto ko. Magkalayo man kami nang matagal, ganoon pa rin ang damdamin ko para sa kanya."

"Oh, darling, you are so ideal. Hindi ko alam kung ikatutuwa ko `yan o ikalulungkot. Natatakot akong masaktan ka rin. Nag-iba na ang mundong ginagalawan ni Ken."

"Just let me, Dad. Hindi niya ako sasaktan. I trust Maken. Someday, we'll be together."

"So, what are you going to take up in college?" pag-iiba ng usapan ng daddy niya.

"Agriculture," ani Rainie, saka ngumisi.