SINALUBONG ni Mark Kenneth ang kanyang ina na galing ng palengke. Kinuha niya ang mga dala-dala nito at siya na ang nag-akyat ng mga iyon sa kanilang kubo. Nang kalkalin niya ang mga pinamili ay napangiti siya nang makakita ng isang song hits. Bagong labas iyon.
"Salamat, `Nay," aniya habang binubuklat ang song hits. "Pero sana ay hindi ka na lang bumili nito."
Ginulo ng kanyang ina nang buong pagsuyo ang buhok niya. "Ano ka ba? Iyan na nga lang ang nag-iisang luho mo, eh. At magkano lang ba iyan? Ang gusto ko nga sana ay iyong magandang songbook ang bilhin ko para sa `yo, hindi iyang ganyang pipitsugin. Parang xerox lang siya. Malabo pa ang mga larawan."
Nayakap ni Mark Kenneth ang ina. "Salamat po." Napakasuwerte talaga niya sa nanay niya. Kahit mumurahing song hits lamang ang nabili nito ay malaking bagay na iyon para sa kanya. May koleksiyon siya ng mga song hits. Pinag-aaralan niya ang mga nota ng mga kanta. Minsan, iniiba niya ang mga arrangement niyon. Iyon ang libangan niya.
"Nakasalubong ko sa bayan si Sir Fred," anito habang nagsasalin ng tubig sa isang baso.
Hindi sumagot si Mark Kenneth, hinayaan niyang magpatuloy sa pagkukuwento ang kanyang ina. Napapansin niyang lalong nagiging malapit sa isa't isa ang nanay niya at si Sir Fred. Hindi na rin nakakaligtas sa kanya ang usap-usapan ng mga ilang tauhan sa hacienda. May namumuong relasyon na raw sa pagitan ng nanay niya at ni Sir Fred.
Ang totoo, hindi niya alam kung ano ang mararamdaman. Nais niyang tumutol. Hindi man niya nakasama nang matagal ang kanyang ama, ayaw niyang may pumalit sa puwesto nito sa buhay nila. Sa isang banda, nais niyang muling maging maligaya ang kanyang ina. Napapansin kasi niyang may kakaibang kinang ang mga mata nito ngayon, mas tumatamis ang mga ngiti.
Alam din niyang hindi basta-basta kung magkakaigihan ang dalawa. Langit si Sir Fred, lupa ang kanyang ina. Sa mga pelikula at teleserye lamang nagkakaroon ng magandang wakas ang ganoon.
"Masayang-masaya ang amo natin," pagpapatuloy ng nanay niya pagkatapos uminom. "Uuwi raw ang unica hija niya. Dito raw magbabakasyon ang magandang miss."
Napangiti si Mark Kenneth. Uuwi si Rainie! Hindi niya maipaliwanag kung bakit tuwang-tuwa siya sa batang iyon. Lumawak ang kanyang ngiti. Hindi na siguro ito bata ngayon. Katorse na.
Giliw na giliw siya kay Rainie. Madalas itong makulit at spoiled brat. Kapag hindi nakukuha ang gusto ay nagdadabog kaagad. Madalas, itinatanong niya sa sarili kung paano siya napapasunod sa mga nais nito. Parang gusto niyang laging ibigay ang lahat ng gusto ni Rainie. Gusto niya itong napapasaya lagi. Parang ang sarap titigan ng maganda nitong mukha tuwing nasisiyahan ito dahil nakuha ang gusto.
"My darling brat"—iyon ang lihim na tawag niya kay Rainie.
Hindi madalas na magbakasyon sa Pilipinas si Rainie ngunit sa bawat bakasyon ay siya ang kasa-kasama nito. Siya ang parang yaya at kalaro. Nag-umpisa iyon noong minsang makita niya si Rainie sa isang sari-sari store. Walong taong gulang ito noon.
Nagsalubong ang mga kilay ni Mark Kenneth nang makita niya si Señorita Rainie sa harap ng tindahan ni Aling Nena. Anak ng may-ari ng hacienda si Rainie. Ang alam niya ay tuwing bakasyon lang ito naroon. Taga-Amerika ito at nasa poder ng ina.
Ang cute-cute pala ni Rainie. Matambok at mamula-mula ang mga pisngi. Tila kay sarap pisilin at panggigilan ng mga iyon. Kulut-kulot ang buhok nitong kulay-kalawang. Kulay-tsokolate ang mga mata. Manipis at mapupula ang mga labi at tamang-tama ang tangos ng ilong. Ito na yata ang pinakamagandang batang nasilayan ng kanyang mga mata.
Nabigla siya nang sutsutan siya ni Rainie at lapitan. "I'm thirsty. Buy me a bottle of Coke."
"Ha?"
"`Bili mo `ko Coke."
Ang totoo ay naintindihan niya ang naunang sinabi ni Rainie kahit pa may twang ang Ingles nito. Magaling yata siya sa eskuwela. Nasa honor roll siya. Nagulat lang siya sa sinabi nito at sa paraan ng pagkakasabi. Tila close sila sa isa't isa samantalang ngayon lamang sila nag-usap.
Halos wala sa loob na bumili siya ng Coke kay Aling Nena. Ipinalagay niya iyon sa supot at ibinigay kay Rainie.
Nakangiting tinanggap nito iyon. "Thank you," anito bago sumipsip sa straw.
Hindi maipaliwanag ni Mark Kenneth ang ligayang pumuno sa kanyang dibdib dahil sa ngiti ng bata. Lalo itong gumanda sa kanyang paningin.
Umupo sa isang bangko si Rainie sa harap ng tindahan. Umupo si Mark Kenneth sa tabi ng bata. Nais pa niyang pagmasdan ang mukha nito.
"What's that?" tanong ni Rainie habang nakaturo sa isang bubble gum na nasa garapon. Bilog iyon, kulay-pula, at walang sariling supot.
"Bubble gum. Gusto mo?"
Nakangiting tumango ito.
Ibinili nga niya nang ilang piraso si Rainie. Tuwang-tuwa ito sa bubble gum. Humahawa kasi ang kulay niyon sa balat.
Natawa nang malakas si Mark Kenneth nang pahiran ni Rainie ang mga labi ng pulang bubble gum. Pulang-pula ang mga labi nito habang ngumunguya ng bubble gum.
"What's your name?"
"Mark Kenneth. Do not talk to strangers. Hindi ba ibinilin iyon sa `yo ng mga magulang mo?"
"Itinuro. You look nice naman, eh."
"Nasaan ang tatay mo? Bakit mag-isa ka lang dito?"
Nagkibit-balikat si Rainie. "He was talking to some people a while ago. Nainip ako. I walked around. I got thirsty." Pinalobo nito ang bubble gum.
Naaaliw na pinanood ni Mark Kenneth ang bata. Hindi nagtagal ay nakita niyang parating si Sir Fred. Magalang na binati niya ang ginoo nang makalapit na sa kanila.
"Dad!"
"Narito ka lang palang bata ka. I've been looking all over for you. I told you to wait for me." Wala namang galit o paninita sa tinig ng ginoo, bagkus ay tila giliw na giliw pa. Alam naman nitong hindi pababayaan ng mga tauhan ang unica hija nito. Parang lahat sila ay giliw na giliw kay Rainie.
"I got bored," tugon ni Rainie habang nakalabi. "I found a new friend, Dad," anito, sabay turo sa kanya. "He's Mark Kenneth."
Nginitian siya ni Sir Fred. "Ken. Inistorbo ka pala ng anak ko. Salamat sa pag-aasikaso sa kanya." Masuyo pa nitong ginulo ang kanyang buhok.
"Okay lang po, Sir," nahihiyang tugon niya.
"Mauuna na kami. Dumaan ka sa bahay para makapaglaro kayo ni Rainie."
Tumango na lamang si Mark Kenneth. Pinanood pa niya ang pag-alis ng mag-ama. Nang mawala na ang dalawa sa kanyang paningin ay binilang niya ang natira niyang pera. Napakamot siya sa ulo. Kulang na kulang na iyon para makabili ng isang song hits. Ang tagal pa naman niyang inipon iyon.
"Okay lang," nangingiting sabi niya.
Mula noon, naging malapit na sina Mark Kenneth at Rainie sa isa't isa. Madalas na ipasundo si Mark Kenneth ni Sir Fred para dalhin sa bahay ng mga ito. Doon ay maglalaro sila ni Rainie. Madalas ay mga pambabaeng laro ang nilalaro nila ngunit ayos lang iyon sa kanya, tutal ay naglalaro din naman sila ng taguan at tumbang preso.
Nakaramdam siya ng matinding excitement. Ano na kaya ang hitsura ni Rainie? Gaano na karami ang mga pagbabagong naganap sa buhay nito? Papansinin pa kaya siya nito? Ituturing pa rin ba siyang kaibigan?
"Ken," untag ng kanyang ina.
"Po?"
"May itatanong sana ako sa `yo, anak." May nahimigan siyang pag-aalinlangan sa tinig nito.
"Ano po iyon?" Bahagya siyang nagtaka sa iniaakto ng ina. Bakit hindi na lang siya tanungin nang diretso? Bakit tila alalang-alala ito? Maselan na bagay ba ang itatanong nito?
"K-kung... kung s-sakali b-bang u...u-umibig uli ako, ayos lang ba sa `yo, anak? Kung sakali lang naman." Diniinan nito ang pagkakasabi sa salitang "sakali."
Kaagad na umahon ang kaba sa dibdib ni Mark Kenneth. Hindi niya alam kung paano sasagutin ang tanong.
"Kalimutan mo na ang tanong na iyon, anak," anang nanay niya bago pa man siya makaisip ng isasagot. Naging mailap ang mga mata nito.
Napalunok siya. Umiibig na ba uli ang kanyang ina? Kanino? Kay Sir Fred?
TUWANG-TUWA si Rainie na makatuntong uli sa Hacienda Tafalla. Halos walang nagbago sa lugar. It was still the same beautiful and quiet haven.
Labis din ang katuwaan ng kanyang ama sa muli nilang pagsasama. Pinagpahinga muna siya nito sa kanyang silid. Kahit ang silid ay walang ipinagbago. It was still the same princess room that she loved.
Kahit pagod ay hindi siya makatulog. Parang umaapaw ang energy sa katawan niya. She was too happy to be home. Parang nakakahinga siya nang maluwag dahil malayo siya sa kanyang ina at sa bago nitong asawa. Ayaw niyang tanggapin na masaya ang mommy niya sa naging desisyon nito. Pagkatapos na pagkatapos ng seremonya ng kasal ay nagpahatid na siya sa airport. Pakiramdam niya ay wala siyang kakampi sa Amerika. Sa Pilipinas ay marami siya niyon.
Binuksan ni Rainie ang kanyang maleta at inilabas ang mga pasalubong para kay Maken. Mga simpleng bagay lamang ang mga iyon tulad ng damit, sapatos, at pabango. She also brought him some collectible songbooks. Sana ay magustuhan nito ang mga iyon.
Nang mailagay niya ang mga pasalubong sa isang malaking paper bag ay bumaba na siya. Nagtaka ang kanyang ama nang makita siyang hindi nagpapahinga.
"Where are you going, darling? Kadarating mo lang."
She smiled at her father. "I'm visiting Maken. Siya lang naman ang malapit na kaibigan ko rito. I brought a lot of stuff for him. I can't wait to see him."
He smiled back. "You really adore each other. Come, I'll go with you."
"Okay!" masiglang wika niya.
Nagtungo sila sa bahay nina Maken. Bahagyang nadismaya si Rainie nang malaman niyang nasa eskuwelahan pa ito. May ensayo raw sa choir. Pauwi na rin daw siguro ito kaya nagpasya siyang maghintay na lamang doon.
Hinainan sila ng nanay ni Maken ng suman at juice. Na-miss niya ang suman kaya kaagad siyang sumubo. Iyon ang laging ibinibigay sa kanya ni Maken tuwing dumadalaw ito sa kanila. Iyon ang paborito niyang panghimagas.
Dahil abala sa pagkain, hindi kaagad napansin ni Rainie ang mga kakaibang tinginan ng dad niya at ng nanay ni Maken. Nang mapansin niya iyon ay siya namang pagpasok ni Maken sa loob ng kubo. Kinalimutan niya ang mga magulang nila.
Tumayo siya at sinalubong ng yakap si Maken. "I missed you," masayang sabi niya habang yakap-yakap ito.
Ang laki ng itinangkad ni Maken. Ang laki rin ng inilaki ng katawan. Dati ay may-pagkapayatot ito. Tinutukso siya ng kanyang ama dati na namamayat si Maken dahil sa kanya. Hindi raw ito makakain dahil abala sa pagsusubo sa kanya. Gustung-gusto raw niya sa bukid pero ayaw naman niyang tumapak sa putik. Si Maken ang laging pumapasan sa kanya.
Sandaling nagulat si Maken bago nagawang gumanti ng yakap. "Rainie," ang tanging nasabi nito.
Dumistansiya siya nang kaunti at pinagmasdan ang mukha ni Maken. Ang laki rin ng iginandang lalaki nito. Her heart rate suddenly increased. Hindi niya maipaliwanag kung bakit. Lalo iyong bumilis nang ngitian siya ni Maken nang napakasuyo. He was so handsome. His boyish smile made him look like an angel. May innocence sa mga mata.
"Na-miss din kita."
Iyon ang nagpanumbalik kay Rainie sa katinuan. She gently shook her head to shoo those thoughts away. But then again, what was wrong in admiring Maken? He was really handsome. Mas guwapo na ito ngayon kaysa sa mga lalaking kaklase niya sa Amerika.
Niyaya sila ng ina ni Maken na dumulog sa mesa at ipagpatuloy ang merienda. Tumalima sila. Hindi na kumilos si Rainie. Si Maken na ang nagsubo sa kanya ng suman. She was so happy.