Chereads / (FILIPINO) Belle Feliz's Lollipop Boys / Chapter 30 - Chapter Five

Chapter 30 - Chapter Five

PALIHIM na sinundan ni Rainie ang kanyang ama. Hindi niya sinasadyang makita itong palabas ng bahay nila sa dis-oras na iyon ng gabi.

Hindi siya nahirapang sundan ang daddy niya dahil maliwanag ang bilog na buwan. Curious siya kaya sinundan niya ito. Malakas ang kutob niya na makikipagkita ito kay Aling Lydia.

Iba rin ang trip ng kanyang ama. Hindi naman nito kailangang palihim na gawin iyon. Kung talagang gusto nitong makita si Aling Lydia, wala siyang magagawa roon. Anak lang siya, ama ito, sino ba sa kanila ang masusunod? Minsan talaga, mahina mag-isip ang mga taong umiibig.

Hindi siya nagkamali ng kutob. Nakipagkita nga kay Aling Lydia ang daddy niya. Sa ilog ang tagpuan ng dalawa. It was kind of romantic, if she had to be honest. Kumikinang ang tubig sa ilog dahil sa repleksiyon ng buwan.

Nagkubli sa isang puno si Rainie at sinikap manahimik. Dinig na dinig niya ang usapan ng dalawa.

"Mahal na mahal kita, Lydia," madamdaming wika ng kanyang ama. Kahit si Rainie ay naramdaman ang sinseridad sa tinig nito. She knew he meant those words.

"Alam mo na kung ano ang nararamdaman ko para sa `yo, Fred," tugon ni Aling Lydia. "Hindi iyon kaagad magbabago."

"Kung ganoon, bakit ayaw mong magpakasal?" tanong ng kanyang ama sa tinig na puno ng frustration. "I want to be with you. I want to pamper you. Ang dami-dami kong gustong ibigay sa `yo. Hayaan mo naman ako, Lydia. Let's get married. Matatanggap din ng mga bata na nagmamahalan tayo. Magiging masaya sila para sa `tin."

Bumuntong-hininga si Aling Lydia. "Ayokong dumating ang araw na sisisihin ako ng anak ko dahil hindi niya natupad ang pangarap niya. Ayokong dumating ang panahon na isusumbat niya sa akin na ako ang dahilan kung bakit hindi niya naabot ang bituin niya. Malaki ang potensiyal ni Ken. Alam kong kikislap siya nang husto sa larangan ng musika. Ipinagmamalaki kong talented ang anak ko, Fred. Kitang-kita rin ang matinding pagpupursige niya upang makamit ang mga pangarap niya. Ayoko siyang biguin. Importante ka sa akin pero mas importante ang kaligayahan ng anak ko."

"Hindi kita maintindihan, Lydia. Makakatulong ako nang malaki sa pagkamit niya ng mga pangarap niya. Hindi siya mahihirapan. Tutustusan ko ang pag-aaral niya ng musika. Ibibigay ko sa kanya ang lahat ng pangangailangan niya. Ituturing ko siyang tunay na anak."

"Pero hindi iyon ang gusto niya, Fred."

"Ano ang kailangan kong gawin para pakasalan mo ako?"

"Kapag napapayag mo sina Rainie at Ken. Kapag naging maluwag sa kalooban ni Rainie ang kasal, Fred. Galing na rin sa `yo, hindi bukal sa loob niya ang pagpayag niya sa pagpapakasal ng kanyang ina sa ibang lalaki. Kapag naging bukal sa loob niya ang lahat, magpapakasal ako sa `yo." Sa paraan ng pagsasalita ni Aling Lydia, tila sigurado ito na kailanman ay hindi magiging bukal sa loob ni Rainie ang pagpayag sa relasyon ng mga ito.

Dahan-dahang nilisan ni Rainie ang lugar na iyon. Ingat na ingat siya upang hindi makagawa ng ingay. Pinahid niya ang mga luhang naglandas sa kanyang mga pisngi.

Umuwi siya sa malaking bahay. Binuksan niya ang lahat ng ilaw na madaanan niya. Hinintay niya ang kanyang ama sa sala. Hindi naman siya naghintay nang matagal.

Nagtatakang nilapitan siya nito. "Bakit gising ka pa?"

She sobbed.

Kaagad na bumakas ang pag-aalala sa mukha ng daddy niya. Niyakap siya nito. "Hey, what's wrong, darling? I'm just asking. Hindi ka sinisita ni Dad. Hindi rin ako galit sa `yo."

"If you and Aling Lydia get married, would you send Maken to the best conservatory to study music? You'd let him shine? You'd help him reach the heaven to shine like a real star? If I give you my approval, will you promise that you'll do all those?"

"Rainie, darling, what are you talking about?"

"Will you?" she asked in between tears.

"Of course, darling. Pag-aaralin ko siya. Ituturing ko siyang tunay na anak."

"Okay, deal. You can now marry Nanay Lydia." Pinahid niya ang kanyang mga luha at ngumiti nang masigla. It took her so much effort to do that. "Tomorrow, magpapogi ka nang husto. We'll ask her again. Hindi natin siya titigilan hangga't hindi siya pumapayag."

"Thank you so much, anak!"

"You're welcome, Dad." Tumayo na siya at nagtungo sa hagdan. "I'll sleep now."

Rainie convinced herself that she was doing the right thing. The two loved each other. Sino siya para kumontra? Bibihira na lang ang ganoong klase ng pag-ibig. Higit sa lahat, mapapabuti ang buhay ni Maken. Hindi ito mahihirapan sa pag-aaral ng musika. He would attend the best private conservatory in land. He would shine like the stars in heaven.

Pagdating kay Maken, ayaw niyang maging maramot. Ang nais niya ay makamit ni Maken ang mga pangarap nito. Ang nais niya ay marinig ng buong mundo ang napakagagandang musika na nililikha nito. Ayaw niyang manatili ito roon at maging magsasaka.

He would be the brightest star in heaven. She smiled. Yes, she did the right thing.

"SMILE, Kuya."

Sinimangutan ni Mark Kenneth si Rainie. "Huwag mo nga akong tatawagin niyan," naiinis na sabi niya.

Lumabi ang dalagita. "Masyado kang masungit. Smile. Kahit na matipid lang. Sige na. Show me a smile."

Iniiwas niya ang tingin. Ayaw niyang ngumiti. Naiinis siya.

"Why do you look so pissed off? It's a very beautiful day. Hindi umulan at mukha namang hindi uulan. It's perfect for today's occasion."

"Huwag mo nga akong kausapin," masungit na balik niya.

"Sino'ng kakausapin ko? Busy ang mga parents natin."

"Sarili mo. Kausapin mo ang sarili mo." Bad mood si Mark Kenneth kanina pa. Araw ng kasal ng nanay niya at ni Sir Fred. Tama si Rainie, maganda ang panahon. Natuloy rin ang kasal. Wala siyang nagawa para tutulan iyon. Paano niya gagawin iyon kung si Rainie mismo ang nagpursige nang husto para sa ama nito?

Sinuyo ng mag-ama ang nanay niya. Si Rainie ay humingi ng tawad sa kanyang ina na kaagad namang nakamtan ng dalagita. Giliw na giliw kasi rito ang nanay niya.

Hindi niya alam kung bakit biglang nagbago ang opinyon ni Rainie. Noong una ay sumagi sa isip niya na umaarte lamang ito at may binabalak na hindi maganda. Ngunit nakita niyang totoo ang mga ipinapakita ni Rainie. Mukhang aliw na aliw pa nga ito sa pagtulong sa pagsuyo sa kanyang ina.

Muntik pa nga siyang matawa nang minsang marinig niyang inuutusan ni Rainie ang ama. "Dad, do some paninilbihan. Mag-igib ka, `tapos magsibak ka ng kahoy. Linisin mo na rin ang bahay at magluto ka ng masarap. How would Nanay Lydia say 'yes' when all you do is sit around and sweet talk?"

Napapayag ng mag-ama ang nanay niya. Hindi na isinatinig ni Mark Kenneth ang pagtutol. Hinayaan na niya ang kanyang ina sa ikaliligaya nito. Ayaw niyang maging maramot na anak. Kitang-kita namang mahal talaga nito si Sir Fred. Kahit ano ang gawin niya, hindi siya magiging sapat upang lubos na lumigaya ang kanyang ina. Siya na mismo ang nagsabi na magpakasal na ito, na huwag na siyang alalahanin.

Alam niyang may paraan. Kung gugustuhin niya, makakahanap siya ng paraan upang matupad ang kanyang pangarap.

Naiinis siya dahil nalaman niyang babalik na sa Amerika si Rainie sa susunod na araw. Naiinis siya dahil hindi nito iyon sinabi agad. Hindi man lang siya nakapaghanda. Naiinis siya dahil umasa siya na mananatili na ito roon, na hindi na ito babalik sa Amerika. Ang sabi kasi noon ni Rainie ay hindi nito gusto ang stepfather at stepsisters nito.

"Let's dance." Bago pa man siya makatugon ay nahila na siya ni Rainie patungo sa dance floor.

Sa harap ng malaking bahay ginanap ang reception ng kasal. Imbitado ang lahat ng mga taga-hacienda. Ibinigay ni Sir Fred ang isang en grandeng kasal sa kanyang ina. Mukhang lahat naman ay masaya sa kinahantungan ng dalawa. Walang nag-isip na oportunista ang kanyang ina.

Naiilang na inilagay ni Mark Kenneth ang mga kamay niya sa baywang ni Rainie. Kaswal na ipinaikot ng dalagita ang mga braso nito sa leeg niya. Walang bakas ng pagkailang sa anyo nito. Magkapantay na sila ng taas dahil sa takong ng sapatos na suot nito.

Napakaganda ni Rainie nang araw na iyon. Basta na lang nito ipinusod ang mahabang buhok kaya maraming hibla ang nahulog. Sadya ang pagkakagawa niyon at bumagay iyon nang husto kay Rainie. Manipis lang ang makeup nito, simple lamang ang suot na pink na gown.

Para kay Mark Kenneth, si Rainie na ang pinakamagandang babae sa balat ng lupa. Patawarin sana siya ng nanay niya kung naging pangalawa na lamang ito.

"Alam ko kung bakit ka naiinis," nakangising sabi ni Rainie. "Aalis na kasi ako, eh. Sa bakasyon na uli ako makakabalik dito."

"Hindi ba puwedeng dito ka na lang?" Nais na niyang lumuhod at makiusap. Ang nais niya ay hindi na malayo sa kanya si Rainie. Ang nais niya ay doon na lamang ito.

Lumabi ang dalagita. "Ayoko nga."

"Bakit?" Ayaw ba siya nitong makasama palagi? Nagsasawa na ba ito sa kasimplehan ng lugar nila?

"Ayokong maging kapatid ka. Mas gusto kong pag-aralang ituring na mga kapatid ang mga reincarnation ng stepsisters ni Cinderella kaysa ituring tayong magkapatid ng mga tao."

"Ha?" Naguluhan si Mark Kenneth sa naging sagot ni Rainie.

Ngumiti ito nang matamis. "Don't think too much about it. Uuwi pa rin naman ako tuwing bakasyon, eh. Promise `yon. Hindi na ako papalya sa pag-uwi."

"Mami-miss kita," pag-amin niya. Mangungulila talaga siya kapag wala na si Rainie.

"Me, too. Maken, I want you to promise me something."

"Ano?" Kahit na ano pa ang hilingin ni Rainie, mangangako siyang gagawin niya iyon.

"You can look at other girls. You can ask them on a date even. I don't care if you play with them. Just don't fall in love with them. Promise me."

Hinapit niya ang dalagita at niyakap. "Promise," bulong niya sa tainga nito. Paano naisip ni Rainie na may mamahalin pa siya nang higit kaysa rito? Paano niya gagawin iyon kung ito lang ang nais ng kanyang puso?

"CAN'T you just stay?"

Nginitian ni Rainie ang kanyang ama. Nasa silid niya ito at tinutulungan siyang mag-empake. Aalis na siya kinabukasan. Mag-uumpisa na kasi uli ang pasukan niya.

"I can't stay here."

"Your mother will understand. Ilang taon ka ring nasa kanya. You love it here. You're happy here."

Tama ang daddy niya. Mas masaya siya sa hacienda ngunit mas gusto niya sa Amerika. "Dad, you just got married. Hindi mo rin ako maaasikaso nang husto dahil nasa honeymoon stage pa kayo ni Nanay Lydia. Alam mo naman ako, selosa."

"Ganoon din ang mom mo sa States."

Niyakap ni Rainie ang ama. "Don't convince me to stay here, please. I don't want to."

Malungkot na napabuntong-hininga ito. "Kagaya ka rin ng mom mo. Mas gusto ang lungsod, ang ingay at ilaw."

"That's not true, Dad." Kahit pa nasanay na siya sa siyudad, gusto rin niya sa hacienda. "I'm in love with him, Dad." She decided to tell him the truth. "Ayokong makita kami ng mga tao na naninirahan sa iisang bubong. Ayokong isipin nila na nagtuturingan na kaming magkapatid. When you married Nanay Lydia, magkapatid na kami sa mga mata ng mga tao."

Natawa ang kanyang ama. She smiled bitterly. She expected that he wouldn't take her feelings seriously.

"Anak, you're just fond of Maken. You are not in love with him. Ano ang alam mo sa pag-ibig? Nadadala ka lang sa closeness ninyo. He treats you extra special, that must be it, baby. When you get older, you'll realize it isn't love. You'll get over it, you'll see."

Nais igiit ni Rainie na hindi ganoon ang nadarama niya. She was sure it was love. Nakakainis na por que bata siya ay iniisip na ng kanyang ama na hindi niya alam kung ano ang totoo niyang nadarama. She knew, what she felt for Maken would not fade that easy.

"Kapag lumipas na ang maraming taon at in love pa rin ako sa kanya, hahayaan mo kaming magpakasal. Wala akong maririnig na anumang pagtutol mula sa `yo," wika niya sa seryosong tinig.

"Deal," natatawang sabi ng daddy niya. Tila hindi nga ito seryoso.

Alam ni Rainie, sa isip-isip ng kanyang ama, hindi iyon mangyayari. Na para bang natural na maglalaho ang nadarama niya ngayon para kay Maken pagdating ng araw. She would show him.

Kinabukasan, nilisan niya ang Pilipinas. Kitang-kita sa mukha ni Maken ang lungkot. Hinagkan niya ang magkabilang pisngi ng binata bago niya ito iniwan. Someday, they would be together.