Chereads / (FILIPINO) Belle Feliz's Lollipop Boys / Chapter 22 - Chapter Nine

Chapter 22 - Chapter Nine

NATAPOS din ni Maki ang recording para sa solo album niya. John Robert was certain it would be a great album, and she trusted him.

Naging mas madalas na ang mga gigs ng Stray Puppies dahil nabakante na siya. Madalas ding nasa mga gigs nila si John Robert. Minsan ay kasama nito ang mga kaibigan nitong dating miyembro ng Lollipop Boys. Kilala na niya ang mga Lollipop Boys maliban kay Vann Allen na nakabase sa ibang bansa. Mababait ang mga ito.

Ang kanyang ama ay hindi na niya nakakasama mula nang matapos siya sa recording. Ngunit madalas niya itong tawagan. Their relationship was improving. Hindi na ito gaanong malamig sa kanya. Kahit pa madalas na tungkol sa piano ang pinag-uusapan nila, pinapahalagahan pa rin niya ang bawat pag-uusap nila sa telepono. Nitong huli ay hinihikayat siya nitong magkaroon ng recital kasabay ng paglabas ng album niya. Hindi niya ito binigyan ng depinidong sagot.

Isang araw ng Linggo ay nasa isang variety show uli ang Stray Puppies. Their album reached the gold mark and Sounds would award them. Nagpapasalamat siya nang husto dahil muling tinangkilik ng mga tao ang musika nila. Hindi lang niya alam kung sino ang representative ng Sounds. She was hoping it would be John Robert. Ilang araw na silang hindi nagkikita dahil kapwa sila abala.

Nang nasa entablado na siya ay hinanap ng mga mata niya si John Robert sa audience, ngunit wala ito. Kahit na dismayado siya ay pinaghusayan pa rin niya ang pagkanta. Nang matapos ang number nila ay in-interview sila nina Jillian Belgica at Paul Vincent, ang mga hosts ng variety show. They were also John Robert's close friends and the country's hottest stars.

Nagpasalamat siya sa mga taong sumuporta sa album nila. Hinikayat din niya ang mga hindi pa bumibili ng album nila na bumili na.

Nang tawagin ni Paul Vincent ang representative ng Sounds na magbibigay sa kanila ng award, hindi niya inaasahang pangalan ni John Robert ang babanggitin nito. She was surprised but very happy to see him. Ngiting-ngiti siya habang pinanonood ang pag-akyat nito sa entablado. Hindi humiwalay ang mga mata niya sa mukha nito habang nagsasalita ito. Nang maibigay nito ang award, kinamayan nito ang tatlong lalaki. Kinintalan naman nito ng halik ang mga labi niya.

"Congratulations," bati nito sa kanya.

Nanlaki ang kanyang mga mata. Hindi niya magawang magsalita. Kahit na hindi niya nakikita ang kanyang sarili, alam niyang namumula siya nang husto.

Tumikhim sina TQ, Clinton, at David. Naghiyawan ang mga audience.

"Hmm, lahat ba ng female artist, hinahagkan mo sa lips kapag nagiging gold ang album?" tanong ni Jillian kay John Robert sa mapanuksong tinig. "May kiss din ako kapag naging gold ang album ko?"

Paul Vincent cleared his throat. Inilayo nito si Jillian kay John Robert. Lalong lumakas ang hiyawan ng mga tao. Jillian and Paul were rumored to be an item. They didn't deny or confirm a relationship. Ang hindi alam ng lahat, malapit nang ikasal ang dalawa.

She gave her final thanks while blushing. Nang nasa backstage na sila ay hinampas niya ito sa dibdib.

"What was that?" sita niya rito. Pakiramdam niya ay nanunukso ang lahat ng mga taong nakatingin sa kanila. Lalo tuloy siyang nahihiya.

"I just want the whole world to know that you're mine," nakangiting tugon nito.

Pumalatak si TQ. "Showbiz na showbiz, Rob," anito.

Inakbayan siya nito. "I love you and I missed you. Akin ka na buong araw, ha?"

Napapangiting tumango na rin siya. Alam na ng buong mundo na sila na. Tuloy-tuloy ang mga magagandang nangyari sa kanya. Minsan, natatakot siya. Baka kasi kung ano ang ikinasaya niya ngayon, siyang ikalungkot niya bukas.

Ipinilig niya ang kanyang ulo. Paano siya nakapag-iisip ng mga negatibong bagay? Dapat ay maging masaya na lamang siya.

"WHAT are you doing here?"

Kaagad na napatayo si Maki mula sa pagkakaupo sa sofa nang marinig ang tinig ng kanyang nakatatandang kapatid. Nginitian niya ito. "Ate, kumusta ka na?" masayang bati niya rito.

Dumalaw siya nang araw na iyon sa bahay nila. Nais niyang kumustahin ang kanyang ama. Libre siya nang araw na iyon at abala naman si John Robert sa trabaho kaya nagpasya siyang dumalaw na lang sa kanyang ama. Pagdating niya roon, nalaman niyang kaaalis-alis lamang ng kanyang ama kasama ang Tita Freya niya. Ang kapatid lamang niya ang nasa bahay. Upang hindi masayang ang pagpunta niya roon, ang kapatid na lamang niya ang kanyang kukumustahin.

"What are you doing here?" tanong uli nito sa halip na ibalik sa kanya ang pangungumusta niya. Humalukipkip ito at tumikwas ang isang magandang kilay. Mukhang hindi ito nasisiyahan sa presensiya niya.

"Mangungumusta lang sana ako," aniya na bahagyang natigilan. Kailan kaya ito magkakaamor sa kanya? Kailan nito tatanggapin na kapatid siya nito? Kailan siya nito mamahalin bilang kapatid?

She scoffed. "You know what? I really hate you. I hate you for simply existing."

Napalunok siya. Nagsimulang mamasa ang kanyang mga mata. Naiintindihan naman niya kung bakit ito nakakaramdam ng ganoon. Ngunit sana ay maisip nito na hindi naman niya sinadya ang existence niya. Hindi niya kasalanan kung nailuwal siya sa mundo.

"Ate..."

"Do not call me that!" her Ate Kristina snapped. "I hate everything about you, Mary Kirsten. I can't believe Papa gave us an almost similar name. Sinira mo ang magandang pamilya namin. Kayo ng nanay mo. Inagaw mo sa akin si Papa. Wala na siyang bukambibig kundi ang pangalan mo, kung gaano ka kagaling. Nakakainis na ikaw ang nakamana ng talento niya sa pagtugtog. Sana ako na lang ang magaling sa piano para hindi siya nagdusa nang mawala ka at mas pinili mong kumanta para sa isang grupo."

Tuluyan na siyang naiyak. Hindi niya alam kung kanino siya mas naaawa. Sa sarili niya o sa ate niya. Sa nakikita niya ay matagal din nitong kinimkim ang lahat ng mga sinasabi nito sa kanya.

"Masaya ako nang umalis ka. Natahimik kami. Naging maayos ang pagsasama namin. Bakit kailangan mong magbalik?" Ngumiti ito nang mapait. "Si Papa kasi. Hindi niya makalimutan ang pangarap niya para sa `yo. Pati tuloy si John Robert ay nagamit niya."

Nagsalubong ang mga kilay niya. "Si Rob?"

"Oo. Rob is the most special guy for me, Kirsten. Mula noon hanggang ngayon. Pati siya, inagaw mo. Papa used him to bring you back to classical music. Hindi ka talaga niya gusto. Pinapirma niya kayo ng kontrata para madali niya kayong mabuwag. Iyon talaga ang motibo niya. Hindi niya aalagaan ang banda mo. Sisirain niya iyon. And he is succeeding. Malapit nang lumabas ang solo album mo. I'm sure you've been thinking of going back to playing the piano because the Mary Kirsten that John Robert really likes is a piano girl. Ni hindi mo namamalayan, wala na ang grupo mo dahil sa kanya. Babalik ka kay Papa. Susundin mo uli ang lahat ng gusto niya. Then John Robert would leave you. Babalik siya sa akin kasi ako naman talaga ang mahal niya."

Daig pa niya ang nasaksak sa dibdib sa sobrang sakit na kanyang naramdaman. Umiling siya habang patuloy na tumutulo ang kanyang mga luha. "Nagsi-sinungaling ka lang," aniya.

"Di tanungin mo sina Papa at Rob. Mag-isip ka nga. Bakit bigla na lang nagkainteres sa `yo si Rob samantalang ako talaga ang gusto niya noon pa man? Hindi ka ba nagduda nang bigla siyang lumapit sa `yo nang husto?"

"He won't do that to me."

"He did it for Papa. Hindi niya matanggihan ang ama ng babaeng mahal niya."

"Kung totoo `yang sinasabi mo, bakit mo hinayaan na makipaglapit sa akin si Rob? Hindi ka ba nagseselos? Hindi ka ba nasasaktan?"

"Noong una, wala akong magawa dahil magagalit nang husto sa akin si Papa. Pero hindi ko na matiis. He kissed you on TV. Damn you!"

"You're just saying all these because of hate."

"Maybe. But I'm telling the truth. Kahit pa puntahan mo ngayon din si Rob. Kung mahal mo ang grupo mo, huwag mong hayaang magtagumpay nang tuluyan ang plano nila. Stay with your pseudo-family. Stay away from us. We don't need you. Mas matatahimik ang buhay namin kung wala ka. Papa would eventually let go of his obsession to see you shine in classical music. Go away and never come back."

Nagtatakbo siya palabas ng bahay. Umiyak siya nang umiyak sa loob ng sasakyan. Ayaw tanggapin ng sistema niya ang mga sinabi ng ate niya. Gusto niyang isipin na hindi ito nagsasabi ng totoo. Hindi magagawa ni Rob ang bagay na iyon sa kanya. Ngunit bakit kabadong-kabado siya? Bakit malakas ang loob ng ate niya na papuntahin siya kay John Robert at magtanong?

"Okay lang po kayo?" tanong ng driver niya. "Uuwi na po ba tayo?"

Pinahid niya ang kanyang mga luha. "Sa Sounds po tayo, Manong," sabi niya rito. Kailangan niyang malaman ang buong katotohanan.

Habang patungo roon ay taimtim na nagdasal siya. Sana ay hindi totoo ang lahat. Kapag nagkaila si John Robert at pinasubalian nito ang lahat ng sinabi ng kanyang kapatid, mas paniniwalaan niya ito.

PAGDATING ni Maki sa Sounds ay kaagad na nagtungo siya sa opisina ni John Robert. Masayang sinalubong siya nito at hinagkan sa pisngi.

"I'm glad you came. Missed na kita." Natigilan ito nang mapansing namumula ang mga mata niya. "Are you okay? Did you just cry?" Puno ng pag-aalala ang tinig nito. Hinaplos nito ang pisngi niya. "Who made you cry?"

Huminga siya nang napakalalim. "Galing ako ng bahay namin. Bibisitahin ko sana si Papa pero wala siya doon. Si Ate ang nadatnan ko. She said something horrible that made me cry."

Tila bigla itong kinabahan. "What did she say?"

Muling nangilid ang mga luha sa mga mata niya. "Totoo bang pinlano mong buwagin ang Stray Puppies para makabalik ako sa pagiging pianista? Totoo bang magkasama kayo ni Papa sa planong iyon?"

Guilt crossed his face. Tila nais nitong magsalita ngunit hindi nito alam kung saan mag-uumpisa. Her heart was broken into pieces. Nalaglag ang mga luha niya. How could he do that to her?

"Damn you!"

She was about to storm out of his office when he held her arm. Pumalag siya ngunit hindi siya nito pinakawalan.

"Listen to me first," he said frantically. "Aaminin ko, iyon ang plano ko noong una. I've always believed that you would be a great pianist. Hindi ko maialis sa isipan ko ang image mong tumutugtog ng piano. Ginusto kitang ibalik sa buhay na iyon. Akala ko kasi, doon ka dapat."

Tiningnan niya ito nang matalim. "Talagang balak mo kaming sirain? Sisirain mo ang isang bagay na hindi mo alam kung paano nabuo? Ang sama mo." Muli siyang pumalag.

Niyakap siya nito nang mahigpit. "Binalak, Kirsten. Hindi ko naman itutuloy. I saw how happy you were with your group. Ayokong alisin ka sa isang lugar na masaya ka."

Pinagsusuntok niya ang likod nito. Nais na niyang humagulhol ng iyak. "Kaya ipinagawa mo sa akin ang isang album? Ang sabi ni Ate, iyon ang unang phase ng plano ninyo para buwagin kami. Wala akong kamalay-malay, inilalayo mo na pala `ko sa mga kagrupo ko. I hate you, Rob."

"Makinig ka naman," pagsamo nito. "Maniwala kang hindi ko itutuloy ang planong iyon. Nagsasabi ako ng totoo. Your album is just a one-shot deal, remember? Hindi kita pipiliting iwan mo ang grupo mo."

"Pero alam mong puwede kong kusa iyong gawin para sa `yo. Pinlano mo talaga ang lahat. All were lies. Hindi mo ako totoong mahal. Napakiusapan ka lang ni Papa. Everything that happened in the past months were fake. Niloko mo ako." Napahagulhol na siya.

Iyon talaga ang nakakapanghina sa kanya. Lahat ng mga magandang pinagsamahan nila ay hindi totoo. She couldn't even cling to those memories because they were not real. Kapag maaalala niya ang lahat ng masasayang sandali nila, maaalala rin niyang niloko siya nito. Ginamit nito ang nararamdaman niya para dito upang makuha nito ang gusto nito.

At hinayaan niya ito. She opened her heart to him. She didn't guard her heart for possible pain that he would bring.

He looked at her, his eyes were pleading. "I love you. Lahat ng ipinakita ko sa `yo ay totoo. Mahal na mahal kita, Kirsten. Patawarin mo ako kung nagbalak ako nang masama sa grupo mo. Wala pa akong alam noong mga panahong iyon. Hindi ko talaga sisirain ang Stray Puppies."

"Hindi ako ang mahal mo kundi si Ate Kristina. Ang sabi niya, siya naman talaga ang gusto mo. Napilitan ka lang makipaglapit sa akin dahil sa pakiusap ni Papa."

"It's a lie, Kirsten. Siguro, noon ay nagkagusto ako sa kanya pero hindi ko siya opisyal na niligawan. Hindi kailanman naging kami. We are just friends. She's lying to you."

"Gusto kong maniwala sa `yo pero hindi ko magawa, Rob. Niloko mo pa rin ako. Your intentions for having my group under your record label were unforgivable."

"Don't say that, please. Hindi ko kayang mawala ka, Kirsten. I'll work hard for your forgiveness."

"Go on with the album. Gawin mo lahat ng gusto mo. Para naman makita ninyo ni Papa ang pinaghirapan n'yo. Para may makita kang outcome ng sakripisyo mo. Mabuhay ka sa ilusyon na masaya ako sa ganoon. Na iyon talaga ang gusto ko. Hindi ko hahayaang sirain n'yo ni Papa ang pamilya ko. Hindi ko iiwan ang Stray Puppies. Not for you."

"I'm not asking you to leave them. Bakit ayaw mong paniwalaan na hindi na kita pipiliting maging pianista uli?"

"Alam mo ba kung bakit mas pinili ko ang pagkanta kaysa sa pagiging magaling na pianista? I love the piano. I love playing it. I love the wonderful music it creates. Pero unti-unting nawawala ang kaligayahan ko sa pagtugtog dahil sa pamimilit ni Papa. I can't enjoy it anymore. Dumating ako sa puntong parang ayoko nang tumugtog. I was starting to hate it. At ayaw kong tuluyang kamuhian ang isang bagay na mahal na mahal ko. I had to let it go. Kailangan kong lumayo. Hindi n'yo maintindihan iyon ni Papa. Hindi n'yo naisip na hindi na ako masaya. Kasi abala kayo sa pagiging masaya kapag nakikita n'yo akong tumutugtog. I've always wanted a place where I can belong. A place I can call 'home.'

"The Quirinos gave me that place. Nalaman ko sa kanila ang totoong kahulugan ng pamilya. Hindi sila namimilit. They just let me. Many people loved my voice. Kaya hayaan ninyo ako ni Papa na maging masaya, please. Leave me alone."

Muli siyang pumalag at sa pagkakataong iyon ay pinakawalan na siya nito. Umiiyak na nilisan niya ang opisina nito. Ang sakit-sakit ng dibdib niya.

"HINDI ka pa raw kumakain. Dinalhan kita ng pagkain. Kumain ka na."

Nagkunwari si Maki na hindi niya narinig ang sinabi ni TQ. Nasa music room siya sa bahay nina Tatay Eustace at Nanay Eliza. Hindi siya umalis sa puwesto niya. Wala siya sa mood makipagkulitan dito.

Nasa ilalim siya ng piano at nakahiga sa carpet. Kanina ay umiiyak siya, katitigil lamang niya. Pagod na siya at nagdesisyon siyang tama na. Nailabas na niya ang kanyang sama ng loob. Wala na rin namang mangyayari kung patuloy siyang iiyak. Wala namang magbabago. Mananatili ang katotohanang niloko siya ni John Robert.

Matinding lungkot ang umaalipin sa kanya. She thought she had found the right man for her. She was wrong, and it was so painful.

Narinig niyang bumuntong-hininga si TQ. Hindi nagtagal ay yumuko ito at sinamahan siya sa ilalim ng piano. Nahiga na rin ito sa tabi niya.

"Nag-away ba kayo ng boyfriend mo?" tanong nito.

"Wala na akong boyfriend," balik niya rito sa malamyang tinig.

"Iyan ba ang dahilan ng pag-iyak mo?" tanong nito sa masuyong tinig. Dumapa ito at tumingin sa kanya. Hinaplos nito ang ilalim ng mga mata niya. "Gusto mong pag-usapan?"

Kanina ay desidido siyang sarilinin lamang ang lahat, ngunit napagtanto niyang kailangan din niya ng mapaghihingahan ng sama ng loob. TQ had always been a good brother. Ang akala niya noon ay mahihirapan siyang pakisamahan ito. Surprisingly, they hit off well. Dito niya natutuhan ang lahat ng kakulitang alam niya.

She told him everything.

Gumuhit ang galit sa mukha nito pagkatapos niyang magsalaysay. Kinabahan siya sa naging anyo nito. TQ may be a jolly person, but he looked so dangerous when angry.

Galit na umunat ito. Nakalimutan yata nitong nasa ilalim sila ng piano sa sobrang galit nito. Nauntog ito. Bumalik ito sa sahig at namilipit sa sakit.

She burst out laughing. Hindi niya akalaing matatawa siya nang mga sandaling iyon. Parang kanina lamang ay umiiyak siya. Nakakatawa kasi ang hitsura nito nang mauntog ito.

His face softened when he saw her laugh. "You'll get over him," he told her gently. "Thank you, Maki. For sticking with us. For not leaving us. Thank you for being happy with us."

"Teodoro Quirino," aniya sa nagbibirong tinig. "You must hit your head pretty hard. Hindi bagay sa `yo ang ganyang tono."

Natawa na rin ito. "Tama ka." Dumausdos ito palabas at tumayo. Hinawakan nito ang paa niya at hinila siya palabas ng ilalim ng piano. "Kumain ka na. Huwag kang magpakagutom dahil lang sa John Robert na `yon."