"MORE! More! More!" hiyaw ni Jillian habang patuloy siya sa pagpalakpak.
Tuwang-tuwa siya sa apat na napakaguwapong lalaki na nagsasayaw at kumakanta sa harap niya. Parang nagkaroon ng reunion ang Lollipop Boys dahil sa kanya. Kulang na lang ang mga ito ng isa.
Naroon silang lahat sa loob ng condo unit niya. Sabado noon at panonoorin nila ang second part ng two-part episode ng TV drama nila ni Enteng. Noong nakaraang Sabado ay sila ni Tita Angie ang magkasamang nanood sa opisina nito. May taping noon si Enteng kaya hindi nila ito nakasama. Kanina ay nagulat siya nang bigla na lang itong dumating kasama ng mga kabarkada nito. Napakaraming dalang pagkain ng mga ito. Gusto raw mapanood ng mga ito ang ending ng kuwento nina Andrew at Clarice.
Natutuwa siyang naroon ang mga ito. Pinakamalapit siya kay Enteng ngunit mahalaga rin para sa kanya ang mga ibang miyembro ng Lollipop Boys. Parang kuya niya ang mga ito. Matagal-tagal na rin mula nang huli silang magkita-kita at magsama-sama. Maganda ang pagkakataon upang makapag-bonding sila.
Habang wala pa ang panonoorin nila ay humiling siya na sumayaw at kumanta ang mga ito tulad ng dati. Game naman na pinagbigyan siya ng mga ito. Wala pa ring kupas ang Lollipop Boys.
Umiling si Nick mayamaya. "Ayoko na," reklamo nito. "Hindi ko na gaanong memoryado ang lyrics at steps," anito habang umuupo sa tabi niya. Nagsisunuran ang iba. Umabot ng inumin ang mga ito.
"Ba't hindi kayo mag-comeback?" suhestiyon niya. Inabutan niya ng chips si Enteng na tumabi rin sa kanya. "Kahit isang album lang."
"Good idea," ani Rob. "But not possible as of now. Lima ang members ng Lollipop Boys, hindi apat. Vann is busy in his concert series in Europe. At isa pa, abala kami lahat sa kanya-kanya naming mga buhay."
Vann Allen was the most successful Lollipop Boy. Ito na rin yata ang pinaka-successful singer na Pilipino. He was a very famous Pop R&B singer in US and Europe. Sa Amerika na ito nakabase at bihira nang umuwi sa Pilipinas.
"Oo nga," ani Maken. "Busy kami lagi sa mga buhay namin. Kagaya na lang nitong si Enteng, busy sa panliligaw sa `yo. Kailan mo ba ito sasagutin?"
Dinampot niya ang remote control at binuhay ang TV. "Malapit nang magsimula," pag-iwas niya sa tanong.
Natawa ang mga ito. Tinukso-tukso pa siya ng mga ito hanggang sa mag-umpisa na ang palabas. Tumahimik na ang mga ito at itinuon ang buong atensiyon sa panonood. Ang unang episode nila noong nakaraang linggo ay humataw sa ratings. Ikinasorpresa iyon ng lahat. Hindi alam ng lahat na may ganoon katindi silang hatak ni Enteng sa mga viewer.
"Damn, that would be this year's Best Kiss in Television," ani Maken pagkatapos ng kissing scene nila ni Enteng. "It's fantabulous. All the emotions were there."
Nag-init ang kanyang mukha. Nahihiya siya na hindi niya malaman. Maken was right. The scene was perfectly romantic. Maganda ang anggulo nila ni Enteng. Umaapaw ang pagmamahal sa halikang iyon.
Inakbayan siya ni Enteng at nginitian siya nang napakasuyo. "We did great."
Tumango lang siya at pinagpatuloy ang panonood. Hindi niya napigilang maluha nang mamatay si Andrew.
Isinubsob niya ang mukha niya sa dibdib ni Enteng.
Natatawang niyakap siya nito. "Again?" panunukso nito.
"I just can't help it. It's very heartbreaking," tugon niya habang nakasubsob pa rin siya sa dibdib nito.
"Kailangan ba talagang mamatay si Andrew? Bad trip naman, o," reklamo ni Maken. "Ang ganda na, eh."
"Ganoon talaga. Kailangan, umaapaw sa drama," sabi ni Enteng dito.
"Sana hindi kayo matulad kina Andrew at Clarice," hiling ni Rob. "Sana ay magsama kayo nang matagal. Alam ko, magiging masaya kayo sa isa't isa. Alam ko ring magmamahalan kayo nang lubos."
"We're still just friends," aniya habang nagpupunas ng mga luha.
"Showbiz," sabay-sabay na wika ng tatlo.
Natatawang lumayo siya kay Enteng. "Totoo naman. Hindi ko pa sinasagot itong kaibigan ninyo."
"Sasagutin mo rin `yan sa lalong madaling panahon," ani Rob.
"Don't let anything ruin you two, okay?" payo ni Maken sa kanila. "Just stick together, no matter what. Magulo ang mundong ginagalawan ninyo pareho. Huwag n'yo nang intindihin pa ang mga ibang tao. Just be happy."
Natutuwa siya sa mga sinabi ng mga kaibigan nila. Siguro, hindi na niya maipagkakaila sa mga ito ang pagmamahal niya para kay Enteng. Masarap pala sa pakiramdam na may mga taong nakasuporta sa magiging relasyon nila.
"O, siya," sabi ni Enteng sa mga ito. "You all said your piece. Get the hell out of here and leave us alone."
Binato ito ni Maken ng throw pillow. "Tara na raw," sabi nito kina Rob at Nick. "Kailangan na nilang mapag-isa. Kailangan ko na ring umuwi. Kailangan kong ipagkalat sa cyber world ng mga Paullian na natupad na ang minimithi nila. May romantikong relasyon na sina Paul Vincent at Jillian."
Natatawang pinagbabato nila ito ni Enteng ng throw pillows. Pag-alis ng mga ito, nakadama siya ng kaunting pagkailang.
"Ent—"
Hindi na niya naituloy ang kanyang sasabihin dahil nailapat na nito ang mga labi nito sa mga labi niya. Ipinikit na lamang niya ang kanyang mga mata at tumugon sa halik nito.
"I love you," anito nang pakawalan nito nang bahagya ang mga labi niya.
"I love you, too," she said before gently nipping his lower lip.
Tila bombilyang nagliwanag ang buong mukha nito. "As what?"
She rolled her eyes before taking his mouth for a very passionate and hot kiss. "Ganoon ba humalik ang kapatid na babae sa kuya niya? Ganoon ba maghalikan ang mga magkakaibigan?" sarkastikong tanong niya rito pagkatapos niya itong hagkan.
Niyakap siya nito nang mahigpit. "Wala nang bawian. We are officially on now. You are mine and I am yours. I love you, Jilli. Tell me you love me again."
"I love you, Paul Vincent Alcaraz."
"Again."
"I love you so much, Enteng."
"Again."
Hinampas na niya ito sa likod. "Niloloko mo na ako, eh."
Dinampian nito ng halik ang mga labi niya. "Hindi kita niloloko. Gusto ko lang marinig nang paulit-ulit para makasiguro ako na hindi lang ako nananaginip."
"Hindi tayo nananaginip pareho." Sinalubong niya ang tingin nito. Naging seryoso ang mukha niya. "Sasabihin ba natin sa lahat na tayo na?"
Naging seryoso na rin ang mukha nito. "Gusto mo?"
Umiling siya. "Ayoko munang aminin ang totoong relasyon natin. Parang malaki kasi ang posibilidad na masisira lang tayo kapag nalaman ng lahat ang totoong estado ng relasyon natin. Ayoko ring mapalibutan tayo ng mga intriga. Do you get what I'm trying to say?"
"Perfectly. Naiintindihan ko. Iyan din talaga ang gusto kong gawin. We'll not confirm or deny anything. Hayaan mo silang mag-isip ng gusto nila. I'm just tired with our usual he's-my-brother-she's-my-sister crap. Uso naman sa showbiz ang ganoon. Hindi aamin sa relasyon hangga't hindi pa ikinakasal."
Napangisi siya. Ang buong akala niyang sasabihin nito ay hindi aamin sa relasyon ang mga artista hangga't hindi pa naghihiwalay. Ibig sabihin ay hindi nito iniisip na magkakahiwalay rin sila tulad ng madalas na nangyayari. Napakasarap ding isipin na ikakasal sila pagdating ng araw.
"May mas maganda pa bang mangyayari sa buhay ko?" aniya. "Natupad na ang mga pinapangarap ko. Parang nakakatakot ding maging sobrang masaya. Baka kasi ang kasunod, sobrang kalungkutan naman."
Hinaplos nito ang pisngi niya. "Paano mo naiisip ang lungkot sa mga sandaling ito? Basta magkasama tayo, laging masaya. Aalagaan natin nang husto ang relasyon natin, Jillian. Hindi natin hahayaang matulad tayo sa iba."
Tumango na lang siya. Gagawin niya ang lahat upang manatili sila sa isa't isa. Hindi niya hahayaang mawala ang natupad niyang pangarap.
"I love you, Enteng."
"I love you, too, Jillian."
"I TELL myself that I can't hold out forever. I said there is no reason for my fear. `Cause I feel so secure when we're together. You gave my life direction. You make everything so clear."
Kahit anong pilit ni Jillian na pigilin ang kanyang kinikilig na ngiti ay lumabas pa rin iyon. Aware din siya na may nakatutok na camera sa kanya. Nasa isang Sunday variety show sila ni Enteng. He was singing solo. Katatapos lang ng number niya at nakiupo siya sa audience upang panoorin ito.
She knew he was singing for everyone. Parang masarap lang isipin na siya lang ang kinakantahan nito. He was looking at her. Tila pa ramdam na ramdam nito ang pagkanta. Kilig na kilig naman siya.
"And even as I wander, I'm keeping you in sight. You're a candle in the window, on a cold, dark winter's night. And I'm getting closer than I ever thought I might. And I can't fight this feeling anymore. I've forgotten what I started fighting for. It's time to bring this ship into the shore. And throw away the oars, forever."
Napakaganda talaga ng tinig nito. Hindi lang siguro siya ang babaeng kinikilig nang mga sandaling iyon. Ang kaibahan niya sa lahat, girlfriend na siya ni Paul Vincent. Nais niyang ipagsigawan iyon sa buong mundo ngunit nagpigil siya. It would not be a wise move.
Ang tanging pinagsabihan nila ng kanilang relasyon ay si Tita Angie. Hindi naman nila balak na itago nang matagal sa lahat ang tungkol sa kanila. Darating din siguro ang puntong aaminin nila ang lahat ngunit hindi pa sa ngayon. May magandang panahon para doon.
Masayang-masaya siya sa kinahinatnan ng relasyon nila. Enteng was a very great boyfriend. Napakalambing pa rin nito. Minsan, kahit maraming taong nakapaligid sa kanila ay hindi ito mapigilan sa paglalambing.
Madalas na silang nasusulat sa mga tabloid. Pero tikom ang mga bibig nila. Kusang mamamatay ang mga intriga tungkol sa kanila kung may uusbong na panibago o magkakaroon na sila ng umay factor.
Hanggang ngayon, hirap pa rin niyang paniwalain ang sarili na natupad na talaga ang pangarap niya. From friends, she and Enteng were now lovers. Habang-buhay siyang magpapasalamat sa Diyos sa ibinigay Nitong napakagandang regalo sa kanya.
In a jungle like show business, she found her one true love.
"Baby, I can't fight this feeling anymore."
Lalo siyang napangiti nang masuyo siya nitong ngitian. Nais niya itong sugurin ng yakap ngunit alam niyang hindi maaari. Sapat nang sinasabi ng mga mata niyang mahal niya ito.
Taimtim siyang nagdasal na sana ay wala nang dumating na pagsubok upang paghiwalayin sila.
NGITNGIT na ngitngit si Jillian habang pinanonood ang taped interview ni Isabela Lim sa isang showbiz news nang gabing iyon. May paiyak-iyak pang nalalaman ito.
"Drama queen talaga," naiinis na sabi niya. "Wala namang karapatan."
"It's getting worse, Jilli," wika ni Tita Angie na kasama niyang nanonood. Nasa loob sila ng condo unit niya.
Lalo siyang nagngitngit. Taliwas sa inaasahan nila, hindi natapos ang mga intriga sa kanila ni Enteng. Habang lumilipas ang mga araw ay lalong lumalala ang mga masasamang balita. Ang lahat ay kagagawan ng pakialamerang si Isabela.
Kung umakto ito ngayon ay tila aping-api ito. Tila nais nitong kunin ang simpatya ng lahat. Hindi nito direktang sinasabi ngunit parang pinalalabas nito sa lahat na inagaw niya rito si Enteng.
Maraming tao na ang kumbinsido na sila na ni Enteng kahit wala silang inaamin. Kumbinsido rin ang lahat na may relasyon din sina Enteng at Isabela dati. Kinukumbinsi ng bruha ang lahat na sinira niya ang relasyon ng dalawa. Nagkuwento pa ito ng mga pangyayaring ginawa raw niya upang puntahan siya ni Enteng kahit na magkasama ang mga ito. Totoong nangyari ang ilan sa mga sinabi nito. May instances na humihingi siya ng tulong kay Enteng at kaagad naman siya nitong pinupuntahan. Natural, best friend siya nito. Si Isabela ay ka-love team lang nito. Kapag hindi na nakaharap ang mga ito sa camera ay wala na.
Ngayon ay kumbinsido na siya na talagang malaki ang pagtingin nito sa nobyo niya at gagawin nito ang lahat upang masira sila.
"Ano ang mensahe mo kina Jillian at Paul kung sakaling nanonood sila?" tanong ng host dito.
"Sana maging masaya po sila," tugon nito habang nagpupunas ng mga luha. "Kung maaatim po nilang maging masaya."
"In scale of one to ten, gaano kasakit para sa `yo ang lahat, Isabela?"
"One thousand po. Ganoon po katindi."
Naiinis na pinatay na niya ang telebisyon. Dinampot niya ang kanyang cell phone at tinawagan ang kanyang kasintahan.
"Kaunting-kaunti na lang, Enteng, masasabunutan ko na `yang buwisit mong ex!" naiinis na bungad niya rito.
Natawa ito nang bahagya. "She's never my official girlfriend, ilang ulit ko bang sasabihin `yan sa `yo bago mo paniwalaan? Paano ko siya magiging ex?"
"Ex-love team. Hindi ka na tatanggap ng kahit anong project na kasama siya, naiintindihan mo?"
Lalo itong natawa. "Masyado ka nang napipikon, Jilli. Isang dekada na tayo sa showbiz. Dapat ay hindi ka na napipikon. Hayaan mo lang si Isabela. She's just in love with me. Hindi niya matanggap na hindi na ako mapapasakanya."
"Pinaasa mo siguro nang husto kaya kumapal masyado ang mukha. Sigurado ka bang hindi kayo nagkaroon ng romantikong relasyon?"
"Just a casual affair, nothing more. You sound like a typical jealous girlfriend."
"I'm a typical jealous girlfriend, Enteng."
"Ang init-init ng ulo mo. Kung nilalambing mo na lang kaya ako para matuwa tayo pareho."
Lumabi siya. "Wala ako sa mood. Talagang mainit na mainit ang ulo ko."
"Open your door."
"Why?" nagtatakang tanong niya.
"Just open it."
Nagtungo siya sa pinto at binuksan iyon. Kaagad na nawala ang init ng ulo niya nang makita ito sa labas ng pinto. Nasa tainga nito ang cell phone nito at may tangan itong malaking bouquet ng pink Ecuadorian roses. Napangiti siya at niyakap ito.
Pumasok ito sa loob at isinara ang pinto. Hinawakan nito ang baba niya at itinaas iyon, kapagkuwan ay hinagkan nito ang mga labi niya. Tumugon siya nang buong puso. Bakit niya pag-aaksayahan ng panahon si Isabela? Masisira lamang sila ni Enteng kung hahayaan niya itong sirain sila.
"I love you," he murmured against her lips.
Sasagot sana siya nang may biglang tumikhim. Saka lang niya naalalang naroon nga pala si Tita Angie. Nahihiyang kumalas siya kay Enteng at kagat-labing hinarap ito.
"We have two options," ani Tita Angie sa pormal na tinig. "Una, puwedeng maglayo muna kayo. Huwag muna kayong magpakita sa mga tao na madalas na magkasama. Pangalawa, umamin na lang kayo sa totoong estado ng relasyon ninyo."
Gumuhit ang pagkadismaya sa mukha ni Enteng. "Kailangan ba talaga naming patulan ang lahat?"
"Enteng, this is showbiz. Pinangangalagaan ko lang ang mga imahe ninyo. Ayokong isipin ng mga taong mang-aagaw si Jillian. Ayoko ring isipin ng mga tao na papalit-palit ka ng babae. Na hindi ka makontento sa isang babae."
"Ayokong pagpistahan ang relasyon namin," aniya rito. "Ngayon pa nga lang ay napakarami nang sumisira, ano pa kaya kung aamin kami?"
"So lie low muna? Importante kayong dalawa sa akin, alam ninyo `yan. Ayokong may makasira ng relasyon n'yong kauusbong pa lang."
Masuyong niyakap siya ni Enteng. "Everything would be okay," bulong nito sa kanya.
She hoped so.
NANG sumunod na mga araw ay hindi na madalas magsama sina Jillian at Enteng. Tinanggap na ni Enteng ang ilang mga offers sa kanya. Naging abala na ito.
Si Jillian ay lalong naging abala sa trabaho. Pinapaspasan niya ang pagtapos ng ilang mga commitments niya dahil humiling siya ng mahabang bakasyon mula kay Tita Angie. Nais niyang ipahinga ang pagal na katawan nang matagal. Iniisip pa niya kung saan siya maaaring magpunta.
Missed na missed na niya si Enteng ngunit tinitiis niya. Kinokontento na lamang niya ang kanyang sarili sa text at tawag. Hindi pa rin natatahimik ang lahat ngunit ramdam niyang malapit nang lumipas ang issue. Darating din ang araw na mawawala ang atensiyon sa kanila ni Enteng. Matatahimik din ang relasyon nila.
Todong pagpipigil ang ginawa niya upang huwag irapan si Isabela nang magkasalubong sila sa hallway ng istasyon nila. Nginitian naman siya nito. Halatang-halata na hindi iyon totoong ngiti.
"I enjoy being with Paul Vincent last night," anito sa kanya.
Napalingon sa kanila ang ilan pang mga taong naroon. Kahit ngitngit na ngitngit na siya rito ay tinamisan niya ang kanyang pagkakangiti para dito.
"Really? That's great, Isabela." Iyon lamang at nagtungo na siya sa dapat niyang puntahan.
She gritted her teeth. Her hands were balled in a fist. Alam niyang iniinis lamang siya ni Isabela at nagpainis naman siya. Nang maging sila ni Enteng a y hindi na niya ito tinatanong palagi kung saan ang lakad at sino ang kasama nito. May tiwala siya rito. Nang maging sila ni Enteng ay ayaw rin niyang maging palatanong. Kahit nasa isang relasyon sila, ang nais niya ay may privacy silang pareho. Ayaw niyang kailangan pa nitong magpaalam upang magpunta kung saan nito gusto o gawin ang mga bagay na gusto nito.
Madalas naman ay nagkukuwento ito tungkol sa mga lakad nito, sa mga taong nakakausap at nakakahalubilo nito. Ngunit hindi nito sinabing nakita nito ang bruhang si Isabela nang nagdaang gabi. Dapat ay sinabi nito sa kanya iyon.
Nang makarating siya sa kanyang dressing room ay agad na tinawagan niya si Enteng.
"Nasaan ka kagabi?" bungad agad niya nang sagutin nito ang tawag niya. She was very aware that she sounded like a typical nagging wife but she could not think properly. Inis na inis siya rito, inis na inis siya kay Isabela. At lalong inis na inis siya sa sitwasyon.
"In some bar. Nagyaya si Maken. Why?"
"Were you with Isabela?"
"I saw her there," pag-amin nito.
"Did you have fun with her?" Lalong tumindi ang inis sa tinig niya. Nagsabi lang naman ng totoo ang nobyo niya ngunit pakiramdam niya ay mas gusto niyang itanggi nito sa kanya na nagkita nga ito at si Isabela sa isang bar.
"We just talked," sagot nito. "What is happening with you, Jillian? May problema ba? Hindi ko naman sinadyang magkita kami roon."
Natutop niya ang kanyang noo. What was happening to her, indeed? Daig pa niya ang demanding teenager sa kanyang unang boyfriend. "I'm sorry, Enteng. I really am. I'm just so tired and frustrated. Nang-inis pa si Isabela kanina nang magkasalubong kami sa hallway."
"You're kinda adorable when you're jealous but I don't want you stressing yourself too much. You know I love you, right? Iyon lang lagi ang iisipin mo."
"I love you, too. Where are you now?"
"Laguna. Taping."
"Ingat."
"You, too. Uuwian kita ng maraming pasalubong. We'll have a nice and cozy dinner in your unit."
"`Sound's great."
"I'll see you tonight."
She made a kissing sound before ending the call. Kailangan na talaga niya ng pahinga. Napapraning na siya. Gusto niyang matahimik ang mundo niya kahit sandali lang. Nais niyang i-enjoy nang husto ang relasyon nila ni Enteng. Kailangang mawala ang stress sa katawan niya.
Tinawagan niya si Tita Angie upang ipakansela muna rito ang ilang commitments niya sa mga susunod na araw. Kahit isang linggong bakasyon lang. Ipinaliwanag niya kung bakit. Naintindihan naman siya nito. Ang sabi nito ay titingnan nito ang magagawa nito.
KINAGABIHAN, hindi nakarating sa bahay ni Jillian si Enteng. Nagkaroon ng aberya ang taping nito sa Laguna at kailangan nitong manatili ng magdamag doon. Naintindihan naman iyon ni Jillian. Alam niyang nangyayari iyon paminsan-minsan.
Nang sumunod na araw, muli siyang naging abala sa mga gawain niya. Masigla siya habang nagtatrabaho dahil nagawan ni Tita Angie ng paraan ang schedules niya. Bukas ay libre na siya. Superwoman talaga ang manager niya.
Ang plano niya ay umuwi muna sa Cagayan. Maganda ang lugar nila roon. Malayo sila sa mga kapitbahay kaya may privacy siya. Mapapahinga nang husto ang isip at katawan niya.
Katatapos lamang ng mall show niya nang makatanggap siya ng multimedia message mula sa hindi kilalang numero. Sindak na napatulala siya sa larawang ipinadala sa kanya. It was Enteng and Isabela kissing. Base sa background, sa isang bar nakunan ang mga ito.
Sunod-sunod ang naging patak ng kanyang mga luha. How could Enteng do this to her? Nataranta ang assistant niya nang bigla na lang siyang humagulhol.
Pag-uwi niya sa unit niya, nalaman niyang kalat na kalat na sa Internet ang mga litrato ng dalawa. Enteng was branded as a "two-timing playboy."
Wala siyang ginawa kundi umiyak nang umiyak hanggang sa mapagod siya at kusang nakatulog. Kinabukasan, umuwi siya sa probinsiya. Pinatay niya ang kanyang cell phone. Ayaw niyang makipag-usap kay Enteng. Hindi ito nagsinungaling sa kanya ngunit hindi nito sinabi ang buong detalye.
Why did he kiss that bitch?