Chapter 14 - Chapter One

"INTERESADO ang Sounds na kunin tayo."

Bahagyang nanigas si Maki sa ibinalita ni Clinton sa kanila nang umagang iyon. Nasa practice house sila upang pag-usapan ang magiging plano nila para sa kanilang banda. Malapit nang matapos ang kontrata nila sa recording company nila. Plano na talaga nilang lumipat sa ibang recording company dahil malaki ang naging problema nila sa recording company nila. Hindi na maganda ang pamamalakad niyon. Hindi na tama ang hatian ng kita.

Napatunayan nilang dinadaya sila ng kompanya. They even planned to file a legal case against them. Napakatagal na nila sa kompanya at sayang ang pinagsamahan nila. Naging sakim kasi sa kita ang bagong administrasyon.

Ilang buwan na rin silang tahimik sa music scene dahil sa problemang iyon. Alam niyang naghahanap na ng bagong recording company ang manager nilang si Tatay Eustace, ngunit hindi niya naisip na ikokonsidera nito ang Sounds.

It was very stupid of her to think that way, actually. Sounds was currently the top recording company in the country. Mahusay ang lahat ng mga contract artists niyon. Tatay Eustace had always wanted the best for "Stray Puppies," ang pangalan ng kanilang banda. Their band was one of the country's best pop-rock band and they deserved only the best recording company.

"They're interested?" tanong niya. "Really?"

"Kataka-taka ba `yon?" wika ni TQ, ang kanilang drummer. "We are one of the best."

Nagkibit-balikat siya. "Well, I guess not. Pipirma ba tayo?"

"I'm consulting you, guys. Sinabi lang ni Tatay Eustace sa akin `to kagabi. Sabihin ko raw sa inyo. Pag-usapan daw natin habang nagde-date sila ni Nanay Eliza. Pag-uwi raw nila, dapat ay may desisyon na tayo," wika ni Clinton.

Kahit paano ay napangiti siya. Tatay Eustace and Nanay Eliza always dated. Bilib siya sa samahan ng mag-asawa. Kahit matagal nang kasal ang mga ito, tila forever na ang mga ito sa honeymoon stage. Minsan nga ay tila nagliligawan pa ang mga ito. They were the living proof that true love existed.

"Mukhang maganda ang pamamalakad sa Sounds," ani David, ang kanilang keyboardist. "Maganda ang reputasyon. Malinis ang records."

"'Sounds is our best option.' Those were Tatay's words,'" ani Clinton.

"Sila lang ba ang option natin?" tanong niya. "Wala na bang iba?"

"Mayroon," sagot ni Clinton. "But Sounds is the best."

"So we should sign," ani TQ.

"Sounds is okay with me," sabi ni David.

"Me, too," Clinton said. "What do you think, Miss Lead Vocalist?"

Bumuntong-hininga siya. "Three against one. Walang mangyayari kahit tumanggi ako."

Bahagyang nagsalubong ang mga kilay ni Clinton. "Ayaw mo ba sa Sounds?"

"Hindi sa ayaw. I just happen to know its president slash founder."

"You know John Robert Asistio?" manghang tanong ni TQ. "I didn't know that. But that's great. Hindi tayo mahihirapan kung sakali."

"It's not really that great. Well, he's our neighbor and my sister's admirer. He's one of those people who were extremely disappointed when I turned my back on classical music," malungkot na sabi niya.

Hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa kanya ang naging ekspresyon ng mukha ni John Robert nang malaman nitong iiwan niya ang pagiging pianista upang maging lead vocalist ng isang rock band. It was absurd, according to him. He said it was the biggest mistake she ever did in her whole life.

It was obvious that he was extremely disappointed. Tila mas naapektuhan pa nga ito kaysa sa sarili niyang ama. Dahil dito, naisip niyang magbago ng isip. Naisip niyang pagbigyan ito. He had always admired her as a classical pianist.

"Oh," sabay-sabay na sambit ng mga ito.

"I wonder if he's still disappointed up to now," aniya.

Inakbayan siya ni Clinton. "It has been years, Maki. I'm sure he got over it already. Napakatagal mo na sa pagiging vocalist ng banda. You're great as the piano girl but you are happy being the vocalist. Siguro ay naisip na niya `yon."

He realized Clinton was right. Napakatagal na nilang hindi nagkikita ni John Robert. Siguro ay hindi na ito dismayado sa ginawa niya. Siguro ay naintindihan na nito kung bakit niya kailangang gawin iyon noon; kung bakit kinailangan niyang talikuran ang buhay na nais ng kanyang ama para sa kanya.

She would meet John Robert again. She had not seen or talked to him for many years. She remembered she even had an intense crush on him.

Napangiti siya. Disisais lamang siya nang inakala niyang umiibig siya rito. But she was older now. She knew more things clearly.

"When are we going to meet him?" tanong niya. May kaunting excitement sa tinig niya. Nais din naman niyang makita uli si John Robert. Mula nang ma-disband ang Lollipop Boys ay hindi na ito madalas na nakikita ng publiko. Kung lumalabas man ito sa telebisyon ay hindi na niya alam dahil masyado siyang abala sa mga gigs ng banda nila upang mapanood pa iyon.

Her excitement grew. Was he still the same handsome guy she had always adored?

"Your face is glowing. May matamis ba kayong nakaraan ni Robert?" panunukso ni TQ.

Natawa siya. "Si Ate Kristina ang kinalolokohan niya noon. Ewan ko lang ngayon. God, it's been so long. I suddenly want to see him."

"Close siya sa family mo?" tanong ni David.

Tumango siya. Nabura ang ngiti niya. Kung mapapalapit uli siya kay John Robert, magkakaroon siya ng koneksiyon sa kanyang ama at sa pamilya nito.

Would it be a good thing?

"Siguro ito na ang pagkakataon para maayos na ang lahat ng issues sa pagitan ninyo ng papa mo. Malay mo, tanggap na niya ngayon ang desisyon mo," ani Clinton.

"I doubt it," aniya sa malungkot na tinig.

She was nineteen when she joined Stray Puppies. Nag-aaral siya sa isang private conservatory noong mga panahong iyon. Stray Puppies was already very famous at that time. Kasabayan niyon ang Lollipop Boys sa pag-uumpisa sa music industry. Scott, the lead vocalist that time, was diagnosed with laryngeal cancer so he was forced to quit singing.

Ang akala ng lahat ay katapusan na ng Stray Puppies. Ngunit ayaw pumayag ni Tatay Eustace. Ayaw rin ni Scott na masira ang mga pangarap ng iba pang miyembro nang dahil lang sa pagkakasakit nito. He said Stray Puppies must continue soaring even without him. He was the one who suggested that the group looked for a new member, a new vocalist.

They held an audition.

May isang kaibigan siyang lalaki na fan na fan ng Stray Puppies. Gusto raw nitong mapabilang sa grupo. Humingi ito ng tulong sa kanya sa arrangement ng kantang gagamitin nito sa audition nito. Pakiramdam daw nito ay makukuha ito kung tutulungan niya ito.

Kahit abala siya sa walang-katapusang ensayo niya sa piano ay naisingit niya ang kaibigan niyang iyon sa kanyang schedule. Nakiusap din itong samahan niya ito sa audition nito.

Tinakasan niya ang kanyang ama para masamahan ito. Nais din naman niyang makita kung paano ang proseso ng audition sa isang banda. Besides, she was also a fan of Stray Puppies.

Noong nasa audition na sila, ikinuha rin siya ng kanyang kaibigan ng form at hinikayat siyang mag-audition din. Just for kicks, just for fun, then charge it to experience, ayon dito.

Kahit hindi siya seryoso ay sinagutan niya ang form. Hindi niya maintindihan noon kung bakit. Siguro ay masyado nang monotonous ang buhay niya kaya nais niyang sumubok ng ibang bagay. Nagsasawa na rin siguro siya sa classical music kaya nais naman niyang subukan ang pop-rock.

Napangiti siya nang maalala niya ang unang pagkakataong nakaharap niya ang buong miyembro ng Stray Puppies, sina Tatay Eustace, at Nanay Eliza.

"Hello," bati niya sa mga ito pagpasok niya sa silid kung saan naghihintay ang mga ito. Hindi pa rin niya alam kung ano ang ginagawa ng isang katulad niya roon. Hindi naman pianista ang hinahanap ng mga ito kundi bokalista.

Could she even sing pop-rock songs?

"You got to be kidding me," anang lalaking may cute na mukha pero patpatin. Nakilala niyang si TQ ito. "A girl?"

"I didn't know girls are not allowed in this audition," aniya sa mga ito. Pero ang totoo ay siya lamang ang babae sa mga nag-audition.

"Give the girl a chance, guys," anang matandang lalaki. Ito siguro ang manager. Hinarap siya nito at binigyan ng isang matamis na ngiti. "I'm Tatay Eustace, the group's manager. You're Mary Kirsten Mendoza?"

"Yes, but you can call me 'Maki,'" aniya.

"Maki then. Do you play any musical instrument?"

"I play the piano," aniya.

"The keyboard is mine," sabi kaagad ng lalaki na nakilala naman niyang si David.

"And the drums," dagdag niya.

"Mine," ani TQ.

"Bass guitar, too," wika niya habang nangi-ngiting nakatingin kay Clinton, ang bahista ng grupo.

He smiled. "Mine."

"All right, I can sing."

"That is what we are looking for," ani Tatay Eustace. "Start, princess."

Saglit na binistahan niya ang kanyang ayos. Mukha nga siyang naligaw na prinsesa roon. She was wearing a peach dress na floaty ang tela at may mga ruffles. There was a beautiful headband on her hair. She looked too girly. Kahit siguro magaling siyang kumanta ay hindi pa rin siya matatanggap. She was not rock star material.

Isinalang niya ang CD niya, then she sang.

"I want to break free. I want to break free. I want to break free from your lies. You're so self satisfied I don't need you. I've got to break free. God knows, God knows I want to break free." Bago niya ipinikit ang kanyang mga mata ay nakita pa niya ang pagkamangha sa mga mukha ng mga ito. She just sang. Ni hindi niya alam kung maganda sa pandinig ng mga ito ang tinig niya. May ilang mga kaklase siyang nagsasabi na may maganda siyang tinig kaya hindi siya nahiyang sumubok mag-audition.

"I want, I want, I want, I want to break free..."

Nagmulat siya ng mga mata pagkatapos niyang kumanta. Bigla siyang nakaramdam ng nerbiyos. Sa ibang pagkakataon ay baka pinagtawanan niya ang kanyang sarili. Ngayon pa siya ninerbiyos kung kailan tapos na.

"You're in," anang isang lalaki na noon lang niya napansin. Namukhaan niya si Scott, ang bokalista ng banda. Maputla ito. He looked sick. Tila hirap din ito sa pagsasalita. "You'll be the next lead vocalist of Stray Puppies," anito.

"But she's a girl!" protesta ni TQ.

"So?" balik dito ni Scott. "Pauwiin na ninyo ang ibang mga nag-o-audition. I want her. She has an amazing and powerful voice. Kung sino ang nais pasubalian iyon, magtaas ng kamay," hamon pa nito.

Walang nagtaas ng kamay. She must really have an amazing voice. Bigla ay tila nais niyang magmalaki.

"Pero maiiba ang image natin," patuloy sa pagtutol ni TQ. "Look at her. She's too pretty."

Hindi niya alam kung ano ang itutugon doon. Kahit inaayawan siya nito, na-flatter pa rin siya sa sinabi ni TQ. Noon lamang may nagsabi nang direkta sa kanya na maganda siya.

"I like you," anang matandang babaeng katabi ni Tatay Eustace. "I like you a lot."

"Me, too," ani Tatay Eustace. Unti-unting sumilay ang isang misteryosong ngiti sa mga labi nito. "This should be a challenge for me. A girl as the front person of Stray Puppies. Magugulat ang mga fans, sigurado. But I have a strong feeling they will love Stray Puppies even more with you as the lead vocalist."

Nang araw na iyon, umuwi siyang tulala. Hindi niya alam kung ano ang nangyari. Pakiramdam niya ay sumuong siya sa isang bagay na hindi niya kayang takasan. Papatayin siya ng kanyang ama kapag nalaman nito ang ginawa niya.

Tulirong-tuliro siya noon, hindi alam ang kanyang gagawin. Ngunit mas nanaig ang kagustuhan niyang maging parte ng isang grupo. It seemed fun. Wala siyang masasabing matalik na kaibigan. Pulos na lang piano ang kaharap niya. Nais din niyang maiba ang ikot ng kanyang buhay. Maybe, she really wanted to break free.

MULA noon ay palihim na nagpupunta si Maki sa practice house. Hindi na siya pumasok sa conservatory. Being with Stray Puppies was more than fun. She found a family in the boys and in Tatay Eustace and Nanay Eliza. Tila siya nagkaroon ng mga instant kuya sa katauhan ng mga bandmate niya.

Noong una ay nailang siya sa mga kasamahan niya. Ngunit nawala agad iyon nang mapanatag na siya sa mga ito. Nasakyan din niya ang kakulitan ng mga ito.

Una siyang naging malapit kay TQ. Kahit pala tutol ito sa kanya sa umpisa ay mabait ito at napakasayang kasama. They got along well. Unti-unti nitong natanggap na siya na ang front person ng grupo.

With Tatay Eustace's help, she explored her voice. It was so fun to sing. Pakiramdam niya ay nailalabas niya ang lahat ng nasa loob niya kapag kumakanta siya. According to Nanay Eliza, she had an amazing versatile voice. She could sing anything.

Alam niyang hindi na niya maiiwan ang grupo. Pakiramdam niya ay nahanap na niya ang tamang lugar niya sa mundo. Napagtanto niya kung ano talaga ang nais niyang gawin: ang kumanta. Ngunit natatakot siya sa kanyang ama.

Hindi naglaon ay nalaman ng kanyang ama na hindi na siya pumapasok sa conservatory. Galit na galit ito sa kanya. Hindi na siya maaaring magsinungaling kung saan siya nagpupunta tuwing umaalis siya ng bahay.

Sinabi niya ang totoo. Sinabi niya sa kanyang ama na nais niyang kumanta. Sinampal siya nito. Natulala siya. Madalas nitong mapalo ang kamay niya tuwing nagkakamali siya sa pagtugtog ng piano, ngunit iyon ang unang pagkakataon na sinampal siya nito.

"You'll quit that group, Mary Kirsten! Hindi ka magiging singer lang. What the hell were you thinking? Singing is not for you. You'll be a very famous pianist. Ang taas ng pangarap ko sa `yo para lang magbanda ka. Kung kailan naman malapit ka nang makapasok sa Conservatoire de Paris ay saka ka nagkakaganito!"

Pangarap ng kanyang ama na makapag-aral siya sa Conservatoire de Paris. Kung doon daw siya magtatapos, magiging madali na ang pagsikat niya sa Europa. Napakatayog ng pangarap nito para sa kanya, pangarap na sa kanyang sarili ay alam niyang hindi niya kayang abutin dahil hindi naman iyon ang gusto niya.

Kinailangan niyang mamili at mas pinili niya ang Stray Puppies.

Pinalayas siya ng kanyang ama. Nagtungo siya sa Cavite kung saan nakatira ang mga kabanda niya. Kasamang naninirahan ng mga ito sina Tatay Eustace at Nanay Eliza.

Stray Puppies had a very interesting story. Dating palaboy ang apat na lalaki. Tatay Eustace and Nanay Eliza adopted them when they were little boys. Legal na tinaglay ng apat na bata ang apelyidong "Quirino." Nalaman niyang mahusay sa musical instruments si Nanay Eliza. Tinuruan nito ang apat na lalaki sa pagtugtog. They lived like an ordinary family. At naging parte siya ng pamilyang iyon.

Mula nang mamatay ang mama niya, naramdaman uli niya kung paano magkaroon ng totoong pamilya. Napagtanto niyang hindi kailangang magkakadugo ang mga tao upang makabuo ng isang pamilya.

Napalapit siya nang husto sa apat na lalaki nang manirahan siya kasama ang mga ito. Nagkaroon siya ng ina at ama sa katauhan nina Tatay Eustace at Nanay Eliza.

Si Scott ang naging katulong niya sa tinig niya. Marami itong pointers sa kanya tungkol sa pagkanta, maraming mga bilin. Awang-awa siya rito minsan. Kahit hirap na hirap na ito ay tinutulungan pa rin siya nito. He was getting weaker each day.

"Do not ever leave this group, Maki. Kahit ano'ng mangyari sa hinaharap, huwag mo silang iiwan. Payapa kong lilisanin ang mundong ito dahil nariyan ka na para sa kanila." Iyon ang huling bilin ni Scott sa kanya.

He died two days after her official debut. The cancer metastasized to his brain. It was sad but they had to move on. Hindi magiging maligaya si Scott saan man ito naroon kung magluluksa sila nang matagal.

She was happy with her life. Masaya siya kung saan man siya naroon ngayon. Siguro, nakita naman iyon ng kanyang ama. Siguro, hahayaan na siya nito at patatawarin sa hindi niya pagtupad sa mga pangarap nito.