Chereads / (FILIPINO) Belle Feliz's Lollipop Boys / Chapter 16 - Chapter Three

Chapter 16 - Chapter Three

NAGING abala si Maki kasama ang Stray Puppies nang mga sumunod na araw. Naging visible sila sa publiko. They had guestings and gigs everywhere. Ilang buwan din silang tahimik dahil sa kinasangkutan nilang problema sa dating recording company nila kaya bumabawi sila ngayon.

Bumubuo rin sila ng kanilang pinakaunang album sa Sounds. They were working with Mark Kenneth or "Maken" with the songs. Gusto niya ang lahat ng kantang nilikha nito para sa kanila.

Medyo naninibago siya sa pagiging busy uli nila. Sa gabi ay may gigs sila, sa araw ay kailangan nilang magpunta sa Sounds upang mag-recording. Makakasanayan uli niya siguro ang pagiging abala.

Sa mga panahong nagre-recording sila sa Sounds ay bihira niyang makita si John Robert. Palagi itong nasa opisina nito. She was a bit disappointed. Madalas na lang niyang sinasabi sa kanyang sarili na wala siyang karapatang madismaya.

"Violin?" nagtatakang tanong niya kay Maken isang umaga habang nakatingin sa music scores na ibinigay nito sa kanila. Pinag-uusapan nila ang magiging carrier single ng album ng Stray Puppies. Lalagyan daw nito ng violin track ang kanta.

"Yes," sagot nito. "Hindi lang naman tayo ang gagawa nito. May ibang mga banda na ang nakagawa. Hindi lang pang-classic ang violin. Puwede nang i-incorporate iyon sa rock song. Actually, ideya ni John Robert ito. Ang sabi niya, magaling ka rin sa violin. Kaya naisip kong ikaw na rin ang tumugtog ng track."

"Will this song be good?" nag-aalangang tanong niya. Hindi niya malaman kung bakit nagkaroon siya ng hindi magandang pakiramdam. John Robert suggested it? It was weird. Or she was just being silly? Siguro, gusto lamang ni John Robert na mapaganda ang album nila. They were the newest artist of Sounds. Gusto lamang siguro nitong maging maganda ang lahat sa upcoming album nila. This was his business.

"Sa palagay ko, oo," ani Clinton.

"I think it's cool," sabi ni TQ.

"Let's try it," wika ni David.

Tumango na rin siya. Alam niyang magiging maganda ang kantang iyon.

TAHIMIK na pumasok sa recording studio si John Robert. Sinadya niyang panoorin ang recording session ng Stray Puppies. He wanted to see Kirsten play the violin again. Parte iyon ng plano niya. Unti-unti ay ibabalik niya ito sa classical music.

Binati siya ng mga technician pagpasok niya sa recording studio. Nakahanda na si Kirsten sa loob, nasa balikat na nito ang violin.

Nginitian niya ito. She smiled back. Napatulala siya sandali. Ang ganda nito. Ano pa kaya kung nakaayos pa ito nang husto? May suot itong salamin sa mga mata. Wala itong makeup. Itinaas nito ang buhok at inipit iyon ng lapis. Natatakpan ng bangs nito ang isang mata nito. She was wearing a black sweatshirt and cargo shorts. Hindi niya gusto ang suot nito ngunit nagagandahan siya nang husto rito. Maybe because of her smile.

Lalo siyang nagandahan dito nang tumugtog na ito ng violin. Napakatalentado talaga nito. The technicians were even amazed.

Inabangan niya ang paglabas nito ng studio pagkatapos ng recording.

"Is there anything that you're not good at?" he said lightly.

"Dancing," nakangiting sagot nito. "I can't dance at all. I know you're good at it."

Hinawakan niya ang kamay nito at bahagyang hinila ito. "I'll treat you to lunch," aniya habang hila-hila pa rin ito. Hindi niya ito bibigyan ng pagkakataong tumanggi.

"Sasama ako sa `yo," anito habang pilit binabawi ang kamay nitong hila-hila niya. "Let go of my hand. It's rough, I know."

Hindi niya pinakawalan ang kamay nito. Totoong hindi ganoon kalambot ang kamay nito tulad ng ibang mga babae, ngunit hindi naman nakapagtataka iyon. Sa galing nito sa mga instrumento, malamang na hindi magiging karaniwang kamay ng babae ang mga kamay nito. Isa pa, gusto niya ang pakiramdam habang hawak-hawak ang kamay nito. It felt so nice. In fact, it felt more than nice.

Tumigil siya sandali sa paglalakad. Hinarap niya ito at tinitigan. Tumaas ang kamay niya patungo sa buhok nito. Inalis niya ang lapis sa buhok nito. Her hair dropped beautifully. Sinuklay niya ng mga daliri ang buhok nito. Her hair was silky and soft. It also felt nice.

HINDI maiwasan ni Maki na bahagyang mailang habang kasalo niya sa tanghalian si John Robert. Hindi siya makakain nang mabuti.

"May grado ba `yang suot mo?" tanong nito mayamaya. Ang tinutukoy nito ay ang suot niyang salamin sa mga mata.

Tumango siya. "I often use contacts."

"Kailan pa lumabo ang mga mata mo?"

Napangiti siya. Kahit hindi niya nakikita ang kanyang sarili, alam niyang may halong lungkot ang ngiting ibinigay niya rito. Hindi talaga siya nito nakilala noon.

"Dati pa akong nagsasalamin. Tuluyan lang lumabo nang husto ang mga mata ko noong nasa kolehiyo ako."

Tumango ito. "I see. Magkuwento ka naman tungkol sa mga nangyari sa `yo nang umalis ka sa inyo."

"I became a member of a band," simpleng tugon niya. Ayaw niyang pag-usapan nila ang bagay na iyon ngayon.

"I know. Are you happy with your choice?"

Sinalubong niya ang tingin nito. "I am."

May dumaang pagkadismaya sa mga mata nito. Ngunit kaagad ding naglaho iyon.

"You are very good. Did you ever think of going solo?"

"Ikokontrata mo ako?" tudyo niya.

"Sure, why not?"

"Thanks, but no thanks. Marami na ang nag-alok sa akin na magsolo. Tinanggihan ko silang lahat. I love my group, Rob. They're my family. Hindi ko sila iiwan. We'll always stick together. I promised Scott that I'll never leave them. Hindi ko babaliin ang pangako ko."

"You love them that much?"

"Yes. Kahit hindi 'Quirino' ang ginagamit kong apelyido, pakiramdam ko, Quirino na rin ako."

"You have your own family, Mary Kirsten," anito.

"Call me 'Maki.' Everyone calls me that."

"Kirsten," giit nito.

Bumuntong-hininga siya. "We're not being friendly to each other, Rob." Sumubo siya. Hindi na nagiging maganda ang atmosphere sa paligid nila.

Nagbaba ito ng tingin. "I'm sorry."

"It's okay." Patuloy siya sa pagsubo. Kung kanina ay nahihiya siyang kumain, ngayon ay hindi na. Sumubo na siya nang sumubo. Natigil lamang siya nang mapansin niyang tumahimik ito bigla.

Nag-angat siya ng tingin at nakita niyang tila amused na amused na nakatingin ito sa kanya.

"Matakaw ka pala," komento nito.

Nahiya siya. Malakas talaga siyang kumain. Hindi naman kasi siya tabain.

"Go on, eat. Huwag kang mahiya. You're lovely even when you're pigging out. I wonder if you'll ever be unlovely. Gusto mo pa ba?" Tila aliw na aliw ito sa kanya.

"Puwede pa bang um-order?" sabi na lang niya sa naaaliw na ring tinig.

Tinawag nito ang waiter. Nagpadala pa ito ng maraming pagkain sa mesa nila. Pati ito ay nahawa sa katakawan niya. Naparami na rin ang kain nito.

Masaya na silang nagkuwentuhan habang kumakain.

Palabas na sila ng restaurant nang makasalubong nila ang isang pamilyar na magandang babae. Papasok naman ito sa restaurant. Natigilan siya. Kilalang-kilala niya ang babae kahit na matagal na rin niya itong hindi nakikita.

Nginitian ng babae si John Robert. "Rob, it's nice to see you here." Lumipat sa kanya ang tingin nito. "Kirsten?" tila hindi makapaniwalang sambit nito.

Nginitian niya ito. "Ate Kristina."

"Ate... Hindi na ako sanay na marinig `yan. Sanay na akong sa TV ka lang nakikita. It's been years. You look well," anang Ate Kristina niya.

"Ikaw rin." Napakaganda pa rin nito. Masaya siyang makita uli ito.

Ibinalik nito ang tingin kay John Robert. "Paalis na ba kayo? Samahan mo ako, Rob. Have a cup of coffee while I eat."

Napatingin si John Robert sa kanya. "Another round of dessert?" alok nito.

Umiling siya. "Kailangan na ako sa studio. Kayo na lang."

"Can you go back by yourself?"

Natawa ang ate niya. "Of course, Rob," anito. "Ano naman ang akala mo kay Kirsten, batang munti? She can go back by herself." Iniangkla na nito ang braso nito sa braso ni John Robert.

"Tama," aniya. "Have fun. It's nice to see you again, Ate." Naglakad na siya palayo sa mga ito.

Kahit may parte sa kanya na nais makasama kahit sandali lang ang kanyang kapatid ay mas nais niyang lumayo nang mga sandaling iyon. There was a familiar awful feeling that was creeping through her heart. Pamilyar na pamilyar sa kanya ang damdaming iyon dahil madalas niyang maramdamam iyon noon tuwing makikita niyang magkasama ito at si John Robert.

Ipinilig niya ang kanyang ulo. Kung wala siyang karapatang makaramdam niyon noon, lalo na siguro ngayon.