ALAM ni Maki na wala siyang karapatang magselos o mainggit, ngunit hindi niya mapigilan ang kanyang sarili. Nakatanaw siya sa labas ng bintana ng kanyang silid at pinanonood ang kanyang Ate Kristina habang tinutugtugan ito ng gitara ni John Robert.
Napabuntong-hininga siya. Bakit ba gustong-gusto niyang pinanonood ang mga ito? Nagseselos lang naman siya palagi at sumasama ang loob.
Wala yatang teenager sa Pilipinas na hindi nakakakilala kay John Robert. He was a member of a boy band called "Lollipop Boys." Sikat na sikat ang mga ito sa buong bansa. Wala yatang Pilipina na hindi nahuhumaling sa kaguwapuhan ng limang kalalakihan.
Mula nang dumating siya sa malaking bahay ng kanyang ama ay madalas na niyang nakikita si John Robert doon. Malapit ang pamilya nito sa pamilya nila.
Napangiti siya nang mapakla. Pamilya nila? Mula nang mamatay ang kanyang ina ay hindi na niya naramdamang may pamilya siya. Sa malaking bahay na iyon ay anak lamang siya ng kanyang ama.
Anak siya sa labas ni Juan Miguel Mendoza, isang kilalang pianista sa buong Asya. Lumaki siyang ang kanyang ina lamang ang kanyang kasama. Madalang niyang nakikita ang kanyang ama, at labis na ipinagtataka niya iyon. Bakit hindi siya katulad ng ibang mga bata na magkasama ang mga magulang?
Nang mamatay sa isang car accident ang kanyang ina ay nalaman niya kung bakit: hindi kasal ang kanyang mga magulang. May legal na pamilya ang kanyang ama. Dahil wala siyang mapuntahan pagkatapos mamatay ng kanyang ina ay napilitan ang kanyang ama na iuwi siya sa bahay nito.
Galit ang isinalubong sa kanya ng Tita Freya niya, ang legal na asawa ng kanyang ama. Malamig din ang naging trato sa kanya ng nakatatandang kapatid niyang babae, si Kristina.
It was the darkest time in her life. Sampung taong gulang lamang siya noon ngunit ramdam na ramdam niyang hindi siya welcome. Pakiramdam niya ay nag-iisa na lamang siya.
Minsan ay narinig niyang nag-aaway ang kanyang ama at ang Tita Freya niya nang dahil sa kanya.
"I'll hate you forever for doing this to me, Juan!" hiyaw ng Tita Freya niya. Her stepmother was crying already.
"I admit I made a huge mistake then. Pero minsan lang iyon, Freya. Minsan lang ako nagpatangay sa tukso at kahinaan. The woman had been so in love with me. Inakit niya ako. Hindi ko sinasadyang magtaksil. Nang mabuntis siya, hindi ko magawang talikuran ang responsibilidad ko sa bata. She's my own flesh and blood, my daughter. Hindi ko siya maaaring pabayaan ngayon. Wala siyang pupuntahan," nakikiusap na sabi ng kanyang ama.
"Fine! Let her stay here. Pero huwag mong aasahan na ituturing ko rin siyang anak. Hindi ko siya kayang mahalin kahit kailan! Every time I look at her, I would always remember that you betrayed me. Kahit minsan lamang nangyari at hindi mo sinasadya, nagtaksil ka pa rin sa akin. Si Maki ang buhay na patunay niyon."
Nasaktan siya nang husto sa mga salitang iyon ngunit pilit na lamang na hindi niya inintindi iyon. Kahit sino naman siguro ay iyon ang mararamdaman. Pakiramdam niya ay hindi sinasadyang mabuhay siya sa mundo. Walang may gusto sa kanya.
Mula noon ay sinikap niyang huwag masyadong magpakita sa Tita Freya niya. Madalas ay nasa silid niya lamang siya at nakikinig sa musika. Namana niya sa kanyang ama ang hilig niya sa musika.
Minsan ay pinasok niya ang napakagandang music room nito. Nais kasi niyang tumugtog ng piano. Umupo siya sa harap niyon at tumugtog.
Noong tatlong taong gulang siya ay nagkaroon sila ng kapitbahay na isang musikero, si Maestro Delfin. Palagi niyang naririnig na tumutugtog ito. Parang nasanay na ang mga tainga niya sa mga musika nito. Nalaman niyang kaya nitong tumugtog ng labintatlong musical intruments.
Si Maestro Delfin ang nagturo sa kanya kung paano tumugtog ng iba't ibang musical instruments. Namangha pa ito sa bilis niyang matuto. She was more than good, according to him.
Nakakalungkot lang isipin na hindi ang kanyang ama ang nagturo sa kanyang tumugtog. Ibang tao pa. Gayunman, utang niya sa kanyang ama ang talento niya sa musika.
Nadatnan siya ng kanyang ama na tumutugtog ng piano. Ang akala niya ay pagagalitan siya nito sa pakikialam niya sa gamit nito, ngunit ngiting-ngiti ito, tila manghang-mangha.
"You are very good, anak," sabi nito. "From now on, we'll practice together, okay?"
Tuwang-tuwa siya noon. Inisip niya na sa wakas ay magiging malapit na silang mag-ama. Ilang taon din niyang kinasabikan na makasama ito palagi.
Noong una ay natutuwa siya sa araw-araw na pag-eensayo nila. Nang lumaon ay nakaramdam na siya ng pagod at matinding hirap. Minsan ay nais nang sumuko ng katawan niya.
Sa lahat ng libreng oras niya ay nasa harap siya ng piano. Hindi na siya nakakapaglaro. Ni hindi na niya magawang makipagkuwentuhan sa mga kaibigan niya.
Walang katapusan ang practice niya. Napaka-istrikto ng kanyang ama pagdating sa bagay na iyon. Paggising sa umaga, piano kaagad ang kaharap niya. Bago siya matulog ay piano pa rin ang huling kaharap niya. Wala na siyang panahon sa ibang mga instrumentong gusto rin niyang tugtugin.
Hindi niya gaanong kilala si John Robert. Nakikita lang niya ito tuwing bibisita ito sa Ate Kristina niya. Alam niya, may gusto ito sa ate niya. Halata iyon sa mga tingin at ngiti nito sa kapatid niya. Hindi naman nakapagtataka iyon dahil napakaganda ng ate niya. Kinaiinggitan niya ang mahaba at alun-along buhok nito. Maliit na babae lamang ito ngunit bagay naman dito ang height nito. Bilugan ang maliit na mukha nito, at kapag ngumingiti ito ay lumalabas ang nag-iisang dimple nito sa kanang pisngi.
Walang-wala siyang panama sa kapatid niya. Matangkad nga siya ngunit wala namang hubog ang katawan niya. Patpatin siya. Disisais anyos na siya ngunit hindi pa siya tinutubuan ng dibdib. Unat na unat ang itim na buhok niya. May mga nagsasabi rin namang maganda siya ngunit mas maganda pa rin nang ilang ulit ang ate niya.
Napapansin niyang gusto rin ng ate niya si John Robert. Alam niyang mali na magkagusto siya sa lalaking gusto ng ate niya, ngunit hindi talaga niya mapigilan ang sarili niyang damdamin. Crush na crush talaga niya si John Robert.
Nag-umpisa ang pagkagusto niya rito nang minsang i-comfort siya nito.
Nasa parke siya ng kanilang subdivision isang dapit-hapon. Nanginginig ang mga kamay niya. Pagod na pagod na ang mga iyon. Puno na nga ng kalyo ang mga daliri niya.
Naroon siya dahil ayaw niyang makita ang kanyang ama. Napalo nito nang malakas ang mga kamay niya dahil nagkamali siya sa practice nila. Namali siya sa tiyempo ng nota. Ang nais nito ay sumunod lamang siya sa musical scores. Huwag daw niyang lagyan ng blend ang mga classics.
Idinahilan niyang pagod na siya. Maghapon na siyang nag-eensayo. Nagrereklamo na ang mga kamay niya. Ngunit lalo lamang siya nitong pinagalitan. Paano raw siya magiging mahusay at sikat na pianista tulad nito kung kaunting sakit lang ay nagrereklamo na siya?
Nagtampo siya sa kanyang ama. Kaunting sakit? May mas lalala pa ba roon? Minsan ay naninigas na ang mga kamay niya sa gabi dahil sa sobrang kapaguran. Kulang na lang ay dumugo ang mga iyon. Wala na siyang ginawa kundi tumugtog ng piano.
At saka, hindi naman niya pinangarap na maging mahusay at sikat na pianista tulad ng kanyang ama. Ang nais lamang niya ay tumugtog. She only wanted to enjoy music in the purest way. Ayaw niyang pinipilit siya. Hindi niya hinahangad na sumikat. Ang ginagawa ng kanyang ama ngayon ay hindi na nagpapasaya sa kanya.
"Hey."
Napapitlag siya nang may biglang magsalita sa tabi niya. Si John Robert iyon.
Kaagad na pinahid niya ang kanyang mga luha. Tumabi ito sa bench na kinauupuan niya.
"I want to offer you a hanky but I don't have one right now," wika nito.
Napatingin siya rito. Noon lamang niya ito nakita nang malapitan kahit pa matagal-tagal na rin niya itong nakikita na dumadalaw sa kanila. Noon lang din siya nito kinausap dahil madalas ay abala ito sa ate niya kapag nasa bahay nila ito. Minsan ay siya ang abala sa harap ng piano kapag hindi ito abala sa kapatid niya.
Napakaguwapo pala nito sa malapitan. Boyish na boyish ang hitsura nito. He had very expressive eyes. May kahabaan ang buhok nito ngunit hindi ito nagmumukhang babae.
"Bakit ka umiiyak?" tanong nito sa masuyong tinig.
"M-masakit ang mga kamay ko," tugon niya.
He chuckled softly. "Para `yon lang, umiiyak ka na?"
Umingos siya. "Sa masakit, eh."
Hinawakan nito ang mga kamay niya. Muntik na niyang mahila palayo ang mga iyon dahil tila may dumaloy na koryente roon. He massaged her hands gently. It felt so good. Kaagad na nakaramdam siya ng ginhawa.
"Bakit ba masakit?"
"Napagod sa pagtugtog."
"Ah, kaya naman pala. Ang sipag mo kasing mag-practice. Parang wala ka nang ginawa kundi mag-practice."
Lumabi siya, hindi nagsalita. She enjoyed what he was doing to her hands. Unti-unti nang naiibsan ang sakit.
"Pero ang galing mo, ha. Hindi na ako magtataka kung lalagpasan mo pa ang mga na-achieve ni Uncle Juan. You'll be as brilliant, I can feel it. I'm sure of it."
"How's being part of a boy band?" tanong niya sa halip na magkomento sa sinabi nito. Hindi na kasi siya komportable sa paksa nila. Hindi siya sigurado kung nais niyang maging katulad ng kanyang ama.
Lumapad ang ngiti nito. "Fun. Very fun. I never thought I'll enjoy it. I thought the lollipop commercial we did was just a one-shot deal. Katuwaan lang talaga. Hindi ko inakala na makaka-attract kami ng sobrang atensiyon mula sa mga tao."
He appeared in a lollipop commercial first with the other boys. Sumasayaw at kumakanta ang mga ito sa commercial na iyon. Kamukat-mukat niya ay may album na ang mga ito. Many girls went crazy over them.
Naiinggit siya sa kislap ng mga mata nito. Tila masayang-masaya ito sa kinalalagyan nito ngayon. Sana ay ganoon din siya.
Malakas na napabuntong-hininga siya.
"Why?" nagtatakang tanong nito.
"Music is supposed to make people happy, right? It should rejuvenate the soul."
"You're not happy." It was more of a statement than a question.
Tila bigla siyang nahimasmasan. "Don't mind me."
"You are awesome," anito na tila nahihiya. "I'm sure you already know that."
"Do you like my sister?" tanong niya sa halip na magkomento sa sinabi nito. Hindi talaga siya komportable sa pagiging "awesome" niya.
Ngumiti ito sa kanya. "Obvious ba?"
Nakadama uli siya ng inggit sa kapatid niya. Alam niyang mali ang makaramdam niyon ngunit paulit-ulit naman niyang nararamdaman.
Dahan-dahan niyang binawi ang kanyang kamay. "Uuwi na ako," aniya habang tumayo.
Hindi pa rin nabubura ang magandang ngiti sa mga labi nito. "It's nice talking to you. I think you are really awesome. You're also very lovely when you play the piano."
Mula noon ay palihim na niyang pinagmamasdan si John Robert mula sa malayo. Palagi niyang pinanonood ang mga shows nito. Tuwing mapapanood niya ito ay tumitili rin siya katulad ng ibang mga tagahanga ng grupo nito. Habang lumilipas ang mga araw ay tila lalo itong gumaguwapo sa kanyang paningin.
She loved him secretly.
Ngumiti siya nang malungkot. Ano ang alam niya sa pagmamahal? Hindi niya sigurado kung umiibig na nga talaga siya kay John Robert. Ngunit alam niyang hindi na iyon simpleng paghanga lamang. Pero kahit naman mahalin niya ito ay walang mangyayari. He was so into her sister.
Hindi niya alam kung ano na ang estado ng relasyon ng dalawa dahil hindi naman sila nag-uusap na magkapatid. Ngunit palaging nagtutungo sa bahay nila si John Robert tuwing wala itong mga commitments. Kagaya ngayon.
Punong-puno ng inggit ang puso niya habang tinatanaw niya ang dalawa. Gagawin niya ang lahat mapunta lamang siya sa lugar ng kanyang Ate Kristina.
Napakislot siya nang biglang may kumatok sa silid niya. Inayos niya ang kanyang sarili. Sinabihan niyang pumasok ang kumakatok. Isa sa mga katulong ang pumasok.
"Ipinapatawag na po kayo ng papa ninyo sa music room. Oras na raw po ng practice ninyo," magalang na sabi nito.
Mabigat ang mga paang naglakad siya palabas ng kanyang silid. Hindi pa sapat ang pahinga niya. Alam niya, mahabang oras uli ang gugugulin niya sa ensayo.