Chapter Six
"M-MALI KA dyan sa sagot mo, Blaster," sa wakas ay sagot ni Aphrodite, ayaw na kasi niyang tumagal ang topic na 'yon dahil baka hindi makaya ng puso niya. Hindi niya alam kung ano'ng ibig sabihin ni Blaster sa sinasabi nito—at wala siyang balak alamin dahil baka umasa siya at sa huli masaktan o baka mamaya ay pinapa-joyride lang siya ng lalaki, mahirap na. "Ang hindi totoo sa lahat nang sinabi ko ay 'yong pangalawa, dahil mas takot ako sa mga hayop o insekto na maraming mga paa." Aniya. Saka siya bumalik sa puwesto niya.
Sunod namang sumalang sa gitna ay si Blaster, bumati muna ito sa kanilang lahat at humingi ng sorry dahil late sa pagpunta doon. "Alin sa mga sasabihin ko ang hindi totoo; takot ako sa failure, marami na akong naging girlfriend, may babae akong nagugustuhan ngayon kaso dini-deadma ako."
Mabilis na nagtaas ng kamay si Aj, isa din sa mga club members. "'Tol, parang hindi makatotohan 'yong panghuli." Nakangiting sabi nito, na sinang-ayunan din ng karamihan.
Bumaling sa kanya si Blaster. "Ikaw, love, ano sa tingin mo ang hindi makatotohanan sa sinabi ko?" tanong nito.
Nagkatuksuhan na naman sa grupo dahil sa itinawag nitong 'love' sa kanya, pero mabilis niyang ipinaliwanag sa mga ito kung bakit gano'n ang tawag sa kanya ni Blaster—ngunit hindi agad makapag-move on ang mga ito kaya hinayaan na lamang niyang tuksu-tuksuin sila, bago muling binalingan ang binatang nagtatanong sa kanya.
"Tama si Aj, 'yong pangatlo din sa akin, kasi imposibleng may mang-deadma sa 'yo." Aniya.
Umiling-iling ito habang seryosong nakatitig sa kanya. Ano'ng meron sa lalaking ito ngayon? Parang hindi yata niya makita ang makulit na Blaster ngayon? "Totoo ang panghuling sinabi ko, pati ang una dahil ayoko talagang makaramdam ng failure lalo pa at laging nakabantay ang parents ko sa akin, ang hindi totoo ay 'yong second dahil sa seventeen years of existence ko, iisa lang ang naging girlfriend ko pero hindi naman naging bitter ang hiwalayan dahil we're friends now."
"Eh, kung gano'n, sino 'yong girl na nagugustuhan mo na dini-deadma ka?" sabay-sabay na tanong ng iba nilang kasamahan.
Nagkibit-balikat na ngumiti si Blaster saka saglit na tumingin sa kanya bago bumalik sa puwesto nito. Sumunod naman si RD at ang iba pang members bago ang kanilang pangalawang activity: 'the boat is sinking'. Si Emmanuel bilang tagapagsalita at nineteen lang ang participants na sumali sa activity.
"Okay, the boat is sinking, group yourselves into ten." Magkaka-grupo sina Aphrodite, Blaster, RD at pito pa sa mga kasamahan nila sa club at dahil kulang ng bilang ang isang grupo ay natanggal na ang mga ito sa game. Masaya silang nag-high five sa isa't isa. "The boat is sinking, group yourselves into six." Mabilis namang hinawakan ni Blaster ang kamay niya para hindi siya maihiwalay dito, kasama din si RD at tatlo pa sa mga kasamahan nila at dahil kulang na naman sa isang grupo ay natanggal na ang mga ito. Hanggang sa tatlo na lamang sila Blaster, RD at siya.
"Naku! Iba na talaga ito, may namumuong love triangle." Nakangiting tukso nina Cecilia sa kanila, napailing-iling naman niyang sinuway ang mga ito, samantalang parang gold medal naman ang mapapanalunan sa game dahil sa seryosong hitsura nina Blaster at RD.
"Okay guys, dahil tatlo na lang kayo, the boat is sinking, group yourselves into two."
Napatigil siya sa paglapit sa dalawang lalaki—siyempre si Blaster ang pipiliin niya, pero sa titigan nang dalawa na parang mag-aaway na, mukhang wala yata siyang dapat piliin. Mabilis niyang nilapitan si Blaster kaya awtomatiko itong napangiti ngunit nawala din ang maluwang na pagkakangiti nito nang hinila niya ang kamay nito para tumabi kay RD—kaya sa huli ay ang dalawang lalaki ang natira at nanalo, natawa tuloy ang lahat.
Sunod silang naglaro ng charade, padamihan nang mahuhuluan in five minutes at ang category ay Science. Ang magkaka-team ay nabuo sa pamamagitan ng pompyang. Ka-team ni RD si Aphrodite kaya gano'n na lang ang inis ni Blaster dahil hindi kasama ang dalaga sa team nito.
Ang team building exercise na ito ay para ma-inspire ang creativity at individual innovation ng bawat miyembro sa grupo. Naunang ang grupo nina Aphrodite na team A at sa loob ng limang minuto ay naka-anim sila nang nahulaan. Sunod naman ang grupo nina Blaster na team B.
Si Blaster na ang kasalukuyang nasa harapan para magpahula sa mga kasamahan nito at ito na rin ang huli, tie ang score at para maipanalo ang laro ay kailangang masagutan ang ipinapahula ng binata or else ay magkakaroon ng tie breaker. Sumenyas ng bilog si Blaster at kung anu-ano ang hula ng mga kasamahan nito, nang hindi makasagot ang mga kasamahan nito ay siya ang itinuro nito. Napaisip tuloy siya—may kinalaman sa kanya ang bilog na isinisenyas nito? Pero sa huli ay hindi nasagutan ng mga kasamahan ng binata ang gusto nitong ipahula kaya magkakaroon ng tie breaker.
"World 'yong word." Naiiling na sabi ni Blaster sa mga kasamahan nito.
"World? Eh, bakit mo itinuturo si Aphrodite?" tanong ni Cecilia.
Ngumiti si Blaster at bumaling sa kanya kaya lumukso naman agad ang puso niya. "Because she's my world."
"Asus!" natatawang sabi ng mga kasamahan nila saka pinagtatampal sa balikat si Blaster, siya man ay nag-init ang pakiramdam niya at nag-iwas ng tingin sa mga kasamahan niya.
Argh! Bakit ang weird talaga ni Blaster ngayong gabi? O baka gusto lang yata siyang mag-blush dahil tuwang-tuwa ito kapag nakikita nitong naaapektuhan siya sa mga banat nito. Naku, kung wala lang ang mga kasamahan nila doon ay baka natampal na rin niya ito nang malakas. Sumusobra na ito sa pagbibigay sa kanya nang weird na pakiramdam at hindi na 'yon healthy.
Sa huli ay ang team nina Blaster ang natanghal na panalo. Hindi pa siya natatalo sa buong buhay niya pero hindi naman masama ang pakiramdam niya dahil masaya naman at laro lang naman 'yon. Nagpahinga na muna siya saglit at naupo sa bench sa lilim ng isang malaking puno na di-kalayuan sa tent ng mga girls, samantalang ang iba ay game na game pa rin para sa susunod na activity. Napabuga siya ng hangin, na-over work yata ang puso niya sa kakatibok ng mabilis dahil kay Blaster.
Saglit niyang kinuha ang ballpen at notebook niya sa loob ng bag niya, sa tent, pagkatapos ay bumalik siya sa puwesto niya, gusto niyang magsulat ng poem dahil libangan din niya 'yon kapag nasa bahay siya—ngunit mas naagaw ng kanyang isipan ang mukha ni Blaster na ayaw mabura doon. May tama na yata siya sa lalaking 'yon—kaya dapat ay suwayin niya ang sarili dahil hindi siya maaaring mahulog sa guwapong lalaki kung ayaw niyang mailagay ang buhay niya sa magulong mundo ng mga umiibig.
Nagsulat siya ng kanyang nararamdaman para kay Blaster para mailabas niya kung anuman 'yon dahil pakiramdam niya masisiraan na siya, ganito ba talaga ang magkagusto sa isang lalaki? Parang masaya na nakakalito na ewan? Isinulat niya ang mga gusto niyang sabihin in Japanese letters para kung sakaling may makakita sa kanya ay hindi maiintindihan ng mga 'yon.
In translation, ang sabi niya sa sulat niya ay: Blaster, I don't know what is going on with my heart? Kapag nandyan ka ay sobrang saya niya at sobrang lungkot naman kapag wala ka. Is it possible that I already have fallen for you? Pero hindi tayo puwede; hindi ako puwede para sa 'yo dahil masyado kang guwapo para sa akin. I like you but I think I should stop this!
Nagulat siya nang may mabilis na umagaw ng kanyang notebook, it was the club Vice president, si Cecilia. "Kaya pala hindi kita mahanap doon dahil nandito ka mag-isa at nagsusulat nitong," tinignan nito ang nasa notebook at napakunot-noo. "Alien words na 'to." Natatawang sabi nito.
"Nihonggo po 'yan." nangingiting imporma niya. Nakahinga siya nang maluwag dahil kahit makita naman nito ang laman ng notebook niya ay hindi naman nito mababasa 'yon.
"Alam mo bang gusto kang hanapin ni Prince Charming pero hindi siya hinayaan ng mga ibang members?" natatawang sabi nito.
"Si Blaster?"
Tumango-tango ito. "Ang saya kaya ng game namin, continuation ng true or false kanina, pero ang maganda nito ay puro true na ang sasabihin sa sarili. Teka, umiiwas ka lang yata, e, kasi baka mabuking na crush mo si Prince Charming." Tukso nito.
Pinilit niyang inagaw ang notebook niya dito pero itinaas nito 'yon sa kanya, matangkad ito sa kanya ng limang pulgada sa height niyang five feet and one inch. "Hindi ako umiiwas, nagpapahinga lang ako saglit." Aniya.
Nagkibit-balikat ito. "Teka, ang sabi mo ay nihonggo ito, 'di ba? As in Japanese words?" tumango naman siya. "Wow! Meant to be kayo ni Prince Charming dahil narinig kong sinabi niya kanina na marunong daw siya ng iba't ibang foreign languages at kabilang na ang nihonggo doon," anito.
Kumabog ang puso niya at mas determinado nang makuha ang notebook niya mula sa babae. Sana ay hindi nito maisip ang nasa isip niya.