Chapter 17 - 16

"At ang electric guitarist na nakapasok sa ating school band ay walang iba kundi si... Blaster Nicolaus Solomon!" malakas na sambit ng host na halos ikinatulala niya at kung hindi pa siya tinapik ng mga kasamahan niya ay hindi pa siya makakabalik sa huwisyo.

Malakas siyang napasigaw at napapalakpak dahil sa labis na kasiyahan. Nakita niya ang hitsura ni Blaster na parang napatulala rin dahil sa gulat ngunit saglit pa ay napatalon na rin ito at kumaway-kaway sa lahat saka ito masayang bumaling sa kanya. Nag-McDo sign ito sa ulo nito na ikinatili ng mga kaibigan niya dahil parang 'I love you' daw ang ibig sabihin n'yon. Napangiti at kinilig na din tuloy siya.

Bumaba na sila mula sa patron seat para puntahan ang binata ngunit mas mabilis itong nakalapit sa kanila, nagulat na lang siya nang mabilis siyang niyakap nito at hinalikan sa kanyang noo. Ang lakas ng tibok ng puso niya pero mas masaya ang pakiramdam niya. Narinig niyang tumikhim nang malakas ang mga kaibigan nila kaya kumalas din ito nang pagkakayakap sa kanya.

"Congrats!" sabay-sabay na bati ng mga ito kay Blaster.

"Congrats! Ang galing mo talaga!" nakangiting bati rin niya.

"Salamat guys," ganti nito sa mga kaibigan nila saka ito bumaling sa kanya at pinisil ang baba niya. "At salamat sa inspirasyon ko." Nakangiting sabi nito kaya hindi rin niya naiwasang mapangiti.

"Asus! Masyado ng PDA, alis na nga tayo girls, nakakainggit!" natatawang biro ni Mich.

"Oo nga," segunda din ng iba, kapagdaka'y tuluyan na ring nagpaalam ang mga ito para makapag-solo daw sila ng binata.

"Napakahusay!" mangha pa ring puri niya sa binata.

"Dahil 'yon lahat sa 'yo, pinalakas mo ang loob ko," nakangiting sabi nito, saka siya sinipat mula ulo hanggang paa. "Akala ko kanina nang makita kita, may magandang prinsesa na nagchi-cheer sa akin, you are beautiful I know, but you are more beautiful this afternoon."

"Thank you." Nakangiting sabi niya. "Credits to our friends in the club." Ngumiti naman ito at tumango sa kanya, naramdaman na lang niyang hinawakan nito ang kamay niya. Kakalas sana siya dahil nahihiya siya sa mga taong nakatingin sa kanila ngunit mas inisip niya ang sarap at saya na dulot n'yon sa kanya kaya pinagsawa na lang din niya ang sarili niya.

Naglalakad na sila no'n palabas ng gym nang may mga babaeng humarang sa kanila para magpakuha ng litrato kay Blaster—siya pa nga ang ginawang photographer. Hindi na napagbigyan lahat ni Blaster ang mga admirers nitong nakapila para kunan niya ng larawan dahil ayaw nitong maging photographer siya—ang suwerte naman daw ng mga babaeng 'yon para kunan ng larawan—ng top student sa buong school.

Niyaya siya nitong mag-early dinner, kaya gamit ang sasakyan nito ay nagpunta sila sa isang exclusive rresto na madalas daw puntahan ng pamilya nito kaya pinauwi na lamang niya ang driver niya. Nang makapasok sila sa loob ng resto ay agad silang in-assist ng isang waiter sa table for two saka sila binigyan ng menu para sa kanilang order.

Nag-order ito ng mussels and oyster infused with cheese and butter, crispy friend Chinese fried chicken, vegetable salad. Nag-suggest din ito ng mga pagkain na magugustuhan niya, U.S. Prime rib, peking duck and some tasty Japanese foods. Pagkatapos nilang mag-order ay nagkakuwentuhan sila sa magandang performance nito kanina at magsisimula na daw ang practice ng school band next month after ng exam.

Masayang-masaya ito dahil nakanood siya dahil siya daw ang totoong inspirasyon nito—even the song ay idini-dedicate nito sa kanya kaya hindi niya maiwasang mapangiti at kiligin. Saglit pa ay dumating na ang mga orders nila kaya pagkatapos nilang mag-dasal ay masaya silang nagsimulang kumain.

Sa sobrang sarap ng mga pagkain ay halos maubos nila ang lahat ng mga in-orders nila at kumakain na sila no'n ng dessert nang may tumawag sa pangalan ni Blaster. Nanlaki ang mga mata nito at mabilis na tumayo.

"Mom, dad!" anito. Kaya mabilis din siyang bumaling. Nakita niya ang dalawang pares na kahawig ni Blaster at kasama ang marahil ng mga magulang nito ang mga kasamahan sa hospital. Mabilis din siyang tumayo para bumati sa mga ito pero hindi siya pinansin ng ginang, tanging ang dad lang nito ang tumango. Ipinakilala siya ni Blaster sa lahat na magalang din niyang binati.

Nauna nang naupo ang ibang mga kasamahan ng parents ni Blaster sa iginiya ng waiter kasama ang daddy nito, samantalang ang ginang ay halos kumunot ang noo nitong nakatitig sa anak. Saglit na nagpaalam sa kanya ang binata para sundan ang ina sa kung saan. Hindi niya maiwasang mag-alala para kay Blaster, naalala niyang ayaw pala ng parents nito na nakikipag-girlfriend ang anak dahil dapat sa studies naka-focus—pero magkaibigan lang naman sila, 'di ba? Ang lakas din ng kaba niya dahil hindi niya inaasahan na makikilala ang parents nito.

Muli siyang naupo sa puwesto niya pero ilang minuto na ang lumilipas ay wala pa rin si Blaster at ang mommy nito, mukhang sinabon na yata ito nang sermon. Hindi tuloy niya napigilang maawa sa kaibigan.

Tumayo siya mula sa kinauupuan para magtungo sa comfort room nang mapatigil siya sa pagpasok sa hallway papunta sa CR nang marinig niyang ang boses ni Blaster na kausap ang mommy nito.

"Hindi ka ba talaga makikinig sa sinasabi ko sa 'yong bata ka? Mag-aral ka munang mabuti bago ang girlfriend-gilfriend na 'yan! Mga bata pa kayo at kailangan na ang pag-aaral muna ang atupagin n'yo!" narinig niyang sabi ng mommy ni Blaster.

"Mom, love—I mean Aphrodite is just a friend, a very good friend, hindi ko siya girlfriend. But to tell you honestly, I like her, no, I already love her." Ani Blaster na ikinagulat niya kaya mas lalo siyang nanigas sa kinatatayuan niya.

Nagtatapat si Blaster ng feelings nito para sa kanya—sa mommy nito! Tiyak mas lalo itong pagagalitan.

"You're really stubborn!" naiinis na sabi ng mommy nito. "Nangyari na ito no'ng high school ka, hindi ka pa rin ba natuto?"

"Mom, nangyari na nga ito no'ng high school ako at wala akong ginawa para ipagtanggol ang nararamdaman ko, pero this time mom, hindi ko kayang pigilan ang puso ko lalo na ang layuan siya dahil mahal ko siya."

"No!" sigaw ng mommy nito. Halos napapatigil din ang ibang mga taong papasok sa hallway para mag-CR dahil sa mag-ina.

Pero ang alam lang din niya nang mga sandaling 'yon ay ang crush na nararamdman niya para sa binata ay lumalim na nang husto. Bata pa siguro siya sa edad niya pero kahit hindi pa siya nagkaka-boyfriend, alam naman niya kung ano ang nararamdaman niyang 'yo para sa binata.

"Mom, please... I really love her. At sinisigurado ko pong hindi maaapektuhan ang grades ko dahil sa nararamdaman ko."

Saglit na natahimik ang ina nito at muling kumontra sa anak ngunit hindi nagpatinag si Blaster. Paulit-ulit na ang mga ito ngunit sa huli at napabuga na lamang ng hangin ang ginang.

"Ayusin mo ang buhay mo, Blaster, dahil kung hindi ay ipapadala kita sa States sa tita mo para doon mag-aral."

"Yes, mom." Sagot ni Blaster. Mabilis siyang naglakad para magtago sa halamanan na malapit sa kanya hanggang sa makita niyang naglakad na ang mommy ni Blaster patungo sa mga kasama nito kanina. Napabuga siya ng hangin.

Nagulat pa siya at muntik mapasigaw nang biglang magsalita si Blaster saka ito agad na naglakad palapit sa kanya.

"Paano mo alam na naririto ako?" tanong niya.

"Dahil 'yon ang sabi nito." nakangiting itinuro nito ang puso nito kaya magaan niyang tinampal ang balikat nito—pero deep inside ay kinilig naman siya. "Hinagilap ko ang suot mong mint green, ikaw lang naman ang may kulay ng damit na ganyan, e." nakangiting sabi nito. Nagulat siya nang mabilis nitong hinawakan ang kanyang kamay para maglakad palapit sa cashier saka binayaran ang kinain nila, kapagdaka'y tuluyan na rin silang umalis sa resto.

Dumaan muna sila sa isang coffee shop para mag-take out ng frappes pagkatapos ay dinala siya nito sa isang lugar kung saan may street free film viewing sa big screen. Nasa loob sila ng kotse habang nanunood ng free movie sa street. Saktong 'Never been kissed' ang title no'ng movie na kailan lang ay pinag-uusapan nila ni Shin na panuorin.

Abala sila sa panunuod no'n nang maramdaman niyang hinawakan ni Blaster ang kamay niya kaya dahan-dahan siyang bumaling sa lalaki, nakita niya ang seryoso at malungkot na mukha nitong nakatitig sa kanya.

"Alam kong narinig mo ang sinabi ko sa mommy ko kanina na... mahal kita," anito, kaya kumabog ang puso niya sa magkahalong saya, excitement at kaba. "At totoo ang lahat ng 'yon, Aphrodite, seryoso ako sa 'yo, pero pakiramdam ko may humaharang sa puso ko dahil may mahalagang bagay pa akong gustong sabihin sa 'yo."

Nagtataka siyang napatitig dito. "A-Ano 'yon?"

"Ipangako mong pakikinggan mo hanggang dulo ang paliwanag ko kung bakit ko ginawa 'yon."

"Ano nga 'yon?" bigla tuloy siyang kinabahan at na-curious. Ano kaya ang gusto nitong sabihin sa kanya at ganito ito ka-seryoso ang hitsura ngayon?

"Aphrodite..."