Chapter 11 - 10

Gustuhin man niyang sabihin at tuksuin ito na baka nagseselos ito sa lalaki ay wala siyang guts para gawin 'yon, saka ang weird nang nararamdaman niya na may guwapong lalaking nagseselos—na siya ang dahilan. This is very new to her! This is really insane! Gusto tuloy niyang matawa na hindi niya maintidihan, may nakakapa siyang saya sa kaibituran ng puso niya. Hindi nga, nagseselos talaga siya?

Saglit pa ay nagtawag na ang mga kasamahan nila dahil maghahapunan na daw. Nakalatag na ang mga pagkain nila sa labas ng bahay nina Emmanuel, sa malinis at malalaking dahon ng saging; may inihaw na bangus, pusit, sugpo, sizzling sisig, ang paborito niyang tuyong adong manok, mga gulay at mangga with alamang at sili. Nakakatakam!

Naramdaman niyang tumabi sa kaliwa niya si RD samantalang nasa kanang bahagi naman niya si Blaster at nararamdaman niyang tinutupok na naman ni Blaster ng mga titig nito si RD, kaya napapailing na lamang siya. Hindi naman siya maganda kung bakit pinaggi-gitnaan siya ng dalawang guwapong lalaki. Nasa fairytale story ba siya? Mukha ba siyang Disney princess? Gusto tuloy niyang matawa.

Nang lagyan ni RD nang nabalatang sugpo ang parteng pinagkakainan niya ay mabilis ding naglagay si Blaster nang hinimay nitong bangus at halos subuan na nga rin siya nito dahil sa labis na pag-aasikaso sa kanya. Kung siguro maganda lang siya ay iisipin niyang pinag-aagawan siya ng dalawang lalaking nasa magkibilang gilid niya, kaso hindi e, at baka nagkamali lang ng gising ang mga ito kaya parang lutang at nawawala sa mga sarili.

"Masarap din ito, Aphrodite," ani RD saka siya inabutan ng pusit na tinanggal ni Blaster at pinalitan ng isang thigh part ng tuyong chicken adobo. Nagpapalitan lang ng gano'ng aksyon ang dalawang lalaki sa tabi niya hanggang sa magtikhiman na ang iba nilang mga kasamahan nang mapansin ang nangyayari sa kanilang tatlo.

"May kompetisyon bang nangyayari sa pagitan n'yo, Blaster at RD?" nakangiting tanong ni Cecilia.

"Mukhang abot hanggang sa batis ang buhok ni Aphrodite dahil sa inyong dalawa." Segunda din ni Mich. Hindi tuloy niya naiwasang mailang dahil sa mapanuksong mga tinging ipinupukol sa kanya ng mga kasamahan nila sa club.

"Walang anuman 'to, kain lang kayo." Nakangiting sabi ni Blaster, saka siya mabilis na sinubuan ng hilaw na mangga na may alamang at sili.

Nang maanghangan siya ay mabilis naman siyang pinainom ni RD ng tubig. Hanggang sa pigilan na niya ang dalawang lalaki dahil busog na siya, siya lang naman kasi ang inaasikaso ng mga ito at hindi nakakakain ang mga ito.

"Busog na ako, kayo naman ang kumain." aniya, saka siya palihim na umiling dahil sa mga ito.

Pagkatapos nilang kumain ay naglipit na sila ng mga kinainan, nagkuwentuhan din saglit para makapagpababa ng kinain.Saglit pa ay naglatag na sila ng dalawang malalaking banig sa damuhan at nagpabilog para sa kanilang club activities sa gabing ito. Tinabihan na naman siya ng dalawang lalaki kanina pero agad siyang dumistansya sa mga ito at tumabi sa mga babaeng kasamahan nila, pero katapat niya ngayon ang dalawang lalaki na magkatabi sa upuan.

"We'll play a true or false game, hindi ito spin the bottle kundi pupunta ang isang club member sa gitna at magsasabi ng tatlong things at bahala ang ibang miyembro na tumukoy kung ano ang tama at mali sa mga sinabi niya. Ang game na ito ay para maipakilala ang sarili in a very unique way." Mahabang salaysay ni Emmanuel, na masayang sinang-ayunan ng lahat. Nauna nang tumayo para pumagitna si Emmanuel para mauna na sa activity na 'yon. Bumati muna ito at nagpasalamat dahil sa presence nilang lahat. "Okay may isa sa mga sasabihin ako na hindi totoo, kaya tukuyin ang hindi totoo." Nakangiting sabi nito. "Mahilig akong mangolekta ng mga baril during childhood days, ayokong kumain ng ma-sarsang pagkain, ang parents ko ay nagta-trabaho sa Manila sa isang foodshop."

Mabilis na nagtaas ng kamay ni Pilar. "Ang hindi totoo sa sinabi mo ay 'yong last, dahil nagta-trabaho ang parents mo sa kompanya ng grandparents mo." Nakangiting sabi nito. Tumango at nag-thumbs up naman si Emmanuel kay Pilar.

Sumunod naman na sumalang si Pilar at pagkatapos nito at ng ilan pang miyembro ay sumunod na siya. "Hindi ako mahilig maglaro ng sports, takot ako sa hayop na walang paa, wala pang lalaking nagkagusto sa akin ng seryosohan."

Mabilis na nagtaas ng kamay si RD. "Parang imposibleng hindi ka mahilig sa sports kasi lahat ng mga kabataan ngayon ay sportsminded." Anito.

Nagtaas din ng kamay si Blaster. "'Yong last ang hindi totoo."

"Bakit?" sabay-sabay na tanong ng lahat kay Blaster.

Tumitig si Blaster sa kanyang mga mata na siyang nakapagpa-panic sa puso niya. "Dahil may lalaking nagkakagusto sa 'yo ng seryoso."

Inulan sila ng tuksuan ngunit hindi nagpatinag si Blaster sa seryosong mukha nito habang nakatitig sa kanya. Hindi tuloy niya maiwasang ma-concious. Eh, sa mga sinabi niya ay 'yong pangalawa ang hindi totoo, dahil mas takot siya sa mga hayop na maraming mga paa—nandidiri kasi siya sa mga 'yon, lalo na kapag mga insekto.

Hindi niya magawang salubungin ang mga mata ni Blaster at ramdam na ramdam pa rin niyang nakatitig ito sa kanya, pabulong na sinabi ni Mich na malapit sa kinatatayuan niya—na seryoso pa rin daw na nakatitig sa kanya si Blaster kaya mas lalo siyang kinakabahan. Napailing siya ng lihim, sana hindi na lang niya sinabi ang pangatlong pagpipilian.