Chapter 9 - 8

Pagkatapos nilang mag-meryenda ay sinabi ng lola niya na i-tour ang kaibigan niya sa bahay nila kaya mabilis naman siyang sumunod. Dinala niya ito sa theatre room nila, sa library, sa maipagmamalaki niyang garden na alagang-alaga ng lola niya at sa music room.

"Wow! So, music lover ka din?" nakangiting tanong nito sa kanya.

Tipid siyang tumango. "Stress reliever ng parents ko ang pagtugtog ng instruments noon kaya pati ako ay nahawa na din, tinuruan nila akong tumugtog ng keyboards and violin, at kapag natuto ka ng keyboards, madali na lang 'yon sa ibang instruments, though nag-formal lesson din naman ako." imporma niya.

Tumango-tango ito. "Ako naman, bukod sa music lover ang grandparents ko pati si daddy, in-enroll din ako ni mommy sa isang music school at natutunan ang lahat ng instruments. No'ng una ay sapilitan lang hanggang sa nagustuhan ko na rin." Kuwento nito saka ito umupo sa harapan ng grandpiano at pumindot ng isang key. "Ang totoo niyan, gusto rin akong maging doctor nina mommy at daddy pero ayoko, kasi tulad mo, gusto ko rin talagang maging Scientist, kasi no'ng bata ako pinangarap kong maging astronaut katulad ni Neil Armstrong at magpunta rin sa buwan. Ang kaso ayaw nina mom and dad. Sila ang nagdi-desisyon para sa akin mula pa no'ng bata ako." Malungkot na kuwento nito. Hindi siya umimik dahil medyo naawa siya dito dahil wala itong freedom gawin ang mga gusto nito.

"Eh, ayaw mo no'n, isa kang masunuring anak." Pakonsuelo niya pero nagkibit-balikat lamang ito.

"Gusto nila laging mataas ang grades ko na naipagmamalaki nila sa co-doctors nila sa hospital namin, gusto nila achiever ako." anito. Saka ito mabilis na tumugtog sa piano ng isang Beethoven piece at agad ding tumigil. "Alam mo bang sinubukan kong maging pasaway at hindi sila sundin, pero sa huli nagsisi din ako kasi nakita ko kung gaano kalungkot si mom at dad, kaya sa huli kahit gustuhin ko man ang hindi sila sundin, hindi ko rin nagagawa." Kuwento nito. Naupo siya sa tabi nito sa grandpiano at tinapik nang magaan ang balikat nito. "Binawalan din nila akong magkagusto sa babae dahil makakasira lang daw ng pag-aaral ko pero nagkagusto ako sa isa sa mga kaklase ko no'ng second year ako, kaya lihim ang naging relasyon namin nang mahigit isang taon pero nang malaman ni mommy ay pinaghiwalay niya kami."

"Baka nag-aalala lang sila sa magiging buhay mo sa hinaharap." Aniya.

Tipid itong tumango sa kanya. "Ikaw? Istrikto din ba sa 'yo ang parents mo dahil pareho tayong solong anak?"

Umiling siya. "Ang sa akin naman, sabi ni mom at dad ay gawin ko kung ano'ng gusto kong gawin at i-enjoy ang kabataan ko, pero ako naman 'tong KJ, palibhasa ay lumaki akong introvert. Pero ang pinakagusto ko lang naman talaga ay ang makasama sila lagi ngunit dahil nga nasa ibang bansa ang trabaho nila ay imposible 'yong mangyari."

"Eh, bakit hindi ka sa States nag-aral?"

"Mas gusto kong mag-aral dito, e," nakangiting sabi niya. "Saka alma mater nina mom at dad ang Pilgrim University."

"Wow! Alma mater din nina mom at dad ang PU, ano'ng batch ang parents mo?"

"Hindi ko alam pero parehong forty na ang parents ko."

"Ahh, nauna pala ang parents ko, pareho na silang forty two at naging classmates din at nagka-develop-an." Nakangiting kuwento nito.

"Pero balak ko ding kumuha ng masters degree sa States soon dahil pangarap ko ring makapasok sa NASA. Oo, mas madali sanang makapasok sa NASA kung sa States ka nag-aral, pero gusto ko rin maging katulad ang parents ko." Nakangiting sabi niya, tumango-tango naman si Blaster.

Kapagdaka'y tumayo ito sa kinauupuan para lumapit sa guitar stand at kinuha ang gitara doon. "Of all instruments, sa guitar and electric guitar ako mas comfortable," nakangiting sabi nito.

"Nagkaroon ka ba ng banda no'ng junior high?"

Ngumiti ito at tumango. "Ace of heart ang pangalan ng banda namin at ako ang lead guitarist pero tumutugtog din ako sa church namin no'n as a choir member." Imporma nito.

"Wow!" hindi niya napigilang mapangiti. Para kasing ang naughty at kulit nito pero nagse-serve din pala ito sa church. May kung ano'ng humaplos sa puso niya para mas lalong madagdagan ang kung anumang pakiramdam na nararamdaman niya para dito.

"Jam tayo?" nakangiting sabi nito. Saka ito nag-suggest ng isang pop song; siya sa grandpiano at ito naman sa acoustic guitar at masaya silang nag-jam together.

Saglit pa silang nag-usap at kapagdaka'y tuluyan na ring nagpaalam ang binata dahil mag-attend pa daw ito sa dinner party ng kaibigan nito no'ng high school. Nasa kuwarto na siya no'n nang maalala niya ang papel na inabot sa kanya ng binata na agad din niyang dinukot sa kanyang bulsa para basahin, ngunit napakunot noo siya nang makita niyang wala namang nakasulat doon.

Napabusangot siya—pero bigla din niyang naalala ang tungkol sa invisible ink activity na gustong i-perform ni Blaster pero 'di ginawa. Napangiti siya at nagmamadaling nagtungo sa laboratory para tuklasin ang nakasulat sa papel na 'yon, naroon kasi 'yong lamp na maaaring gamitin sa pagbabasa ng mga gano'n experiment.

Nang makarating siya sa lab ay mabilis niyang i-sw-in-itch ang lamp at ilang sandali pa ay itinutok na niya ang papel hanggang sa unti-unti niyang nababasa ang nakasulat doon.

"When I see your face, there's not a thing that I would change 'cause you're amazing just the way you are... and I like you just the way you are."

Napangiti siya ng malaki at may kung ano'ng kilig ang biglang naidulot n'yon sa kanya. Mabilis niyang niyakap ang papel at nakangiting dinama ang kakaibang tibok ng kanyang puso. Ang weird pero sobrang saya ng pakiramdam niya—na hindi niya maipaliwanag.