Chapter 6 - 5

Chapter Three

"SO, BUKAS ko na lang i-a-assign by ramdom kung sino ang dalawang magkaka-pares para sa ating Chemistry presentation. Let's call it a day." Nakangiting sabi ni Professor Raymundo bago ito tuluyang nagpaalam at lumabas sa classroom.

Mabilis nang inayos ni Aphrodite ang kanyang mga gamit at tuluyang tumayo sa kinauupuan, lunch break na at baka maubusan na siya ng ulam sa paborito niyang kainan—tatlo ang kainan sa canteen at ang isa doon ang paborito niya since day one!

Palabas na siya sa classroom nang tawagin siya ni Blaster ng 'love' na ikinalingon rin ng mga kaklase nila. Napapikit siya at napailing bago siya tuloy-tuloy na lumabas ng classroom ngunit muli siyang tinawag ng binata hanggang sa naramdaman na lang niyang umaagapay na ito sa kanyang paglalakad.

"Sabay ka na sa amin para iisang mesa tayo." Nakangiting yaya nito sa kanya.

"Ah hindi na, baka mawalan pa ng gana 'yongmga friends mo dahil sa akin." Saka niya mas binilisan ang paglalakad ngunit nakaagapay naman ito sa kanya.

"They're nice, love, you should meet them," anito pero hindi siya sumagot. Hindi pa rin talaga siya masanay-sanay sa tawag nito sa kanya—nakakaloka  talaga! Hindi na nga lang niya pagtutuunan 'yon ng pansin para hindi na siya mamroblema. "Ngapala, saan club ka kasali dito sa school?"

"Sa science club." Sagot niya. Kakapa-register lang niya sa club two days ago at nakakatuwa dahi nakilala niya agad ang bawat miyembro at napaka-friendly and approachable ng mga ito at ang mas nakakatuwa ay masayang-masaya ang mga club members dahil doon siya sumali.

"Wow! Gusto ko rin sumali sa Science club!" anito.

Mabilis siyang bumaling dito. "Sorry to inform you, pero puno na kami sa club." Pagsisinungaling niya. Hindi niya alam kung ano'ng problema nito—pero hindi magandang ideya na hanggang sa club ay makakasama pa niya ito.

"Puno na kayo agad? Kasisimula pa lang ng semester?" nagtatakang tanong nito.

Gusto tuloy niyang mapangiti dahil sa frustrated look nito. "Saan ka bang club kabilang?" tanong niya.

"Nag-sign ako sa music club, niyaya din ako sa art club at sa sports club."

"Ang dami mo na palang nasalihan, mag-concentrate ka na lang sa mga 'yon at huwag ka nang mangulit na sumali sa Science club." aniya.

"Parang nase-sense ko na ayaw mo akong makasama sa Science club?" malungkot na sabi nito.

Mabilis naman siyang umiling. "Puno na talaga kami doon kaya wala nang space para magdagdag pa ng mga bago."

"Kahit isang member lang?"

Tumango-tango siya. "Oo," sagot niya. Hindi na ito nakaimik kaya parang medyo nakonsensya siya sa pagsisinungaling niya para hindi ito makasama sa club na sinalihan. "Do you sing? Draw? And have any sport?" curious na lang na tanong niya dahil kasali ito sa mga club na 'yon.

"Yes, inspired by grandpop's favorite music icons; Michael Jackson, Eric Clapton and John Mayer. Yes, I can also draw and do sports." Sagot nito sa kanya. "Ikaw? Sa Science club ka lang ba? Ayaw mo bang sumali sa ibang club?"

"Wala naman akong gaanong hilig sa sports, e, kung sana mayroong biking at roller skating sasali ako," natatawang sabi niya.

"So, mas mahilig ka pala sa mga gano'ng activities," nakangiting sabi nito. "Minsan turuan mo akong mag-roller skate, hindi kasi ako marunong n'on, e."

"Okay lang," sagot niya. Hanggang sa nakarating sila sa canteen at sabay na nag-order ng kanilang lunch. Nagulat siya nang sumabay itong maglakad sa kanya papunta sa isolated na mesang pinupuwestuhan niya. "Akala ko ba kasama mo ang friends mo para kumain?" tanong niya.

"Marami na silang magkakasama doon kaya tayo na lang." nakangiting sabi nito. Mabilis siyang ipinaghila nito ng upuan saka ito naupo sa harapan niya at inilapag ang kanilang dalang mga pagkain.

"Pinagtitinginan tayo ng mga tao," imporma niya sa kasama niya. Ngumiti naman ito at dumukwang sa harapan niya na mas lalong ikinasinghap ng mga tao—mabilis niyang inilayo ang mukha sa lalaki. "M-Mamaya awayin na naman ako."

Tumawa ito at umiling-iling. "Your cheeks are turning red." Tukso nito bago ito bumalik sa upuan nito at nagsimula nang kumain. "Ang sarap talaga ng sizzling sisig nila dito."

Tumango na lang siya at lihim na napabuga ng hangin bago rin inabala ang sarili sa kanyang pagkain. Habang kumakain siya ay panay rin ang kausap sa kanya ni Blaster, hindi rin naman sana siya sasagot kaso tungkol sa mga paborito din niya ang itinatanong nito. Hanggang nang mga sandaling 'yon ay hindi pa rin siya makapaniwala na may isang katulad ng lalaking ito na gustong makipag-kaibigan sa kanya. Maganda ang company nito at hindi boring kasama, ang kaso medyo naiilang siya sa presensya nito at sa mga taong laging nakaantabay sa kanilang dalawa—katulad na lang ngayon na sigurado siyang all eyes ang lahat ng tao sa canteen sa kanilang dalawa.

Abala silang kumakain no'n nang may tumawag sa kanyang pangalan, si Cecilia, ang Vice President ng Science club, na third year sa biology course, kasama nito sina Mich, Ria at Pilar na miyembro din ng club at pare-parehong Nursing students. Mabilis ang mga itong nakalapit sa kanya kaya nginitian niya, infairness ay nagkaroon siya agad ng mga friends na hindi mahalaga ang kaanyuhan niya—sa katauhan ng mga miyembro ng Science club.

"May meeting tayo sa club bukas ng hapon, kaya sana makapunta ka." Nakangiting imporma ni Cecilia sa kanya.

Ngumiti siya at tumango agad sa babae. "Pupunta ako, salamat sa information." Aniya.

"Pwede bang maki-seat in?" biglang singit ni Blaster kaya bumaling ang lahat sa lalaki at saglit na natulala ang mga ito—na mukhang hindi agad napansin ang kasama niya kanina—bago dahan-dahang tumango. "Sayang at puno na ang club n'yo, gusto ko pa naman sanang makisali sa inyo,e." Napakagat tuloy siya sa ibabang labi niya at lihim na napailing.

"Who says that?" nagtatakang tanong ni Cecilia.

"Ang totoo nga niyan ay naghahanap pa nga kami ibang mga miyebro ng club, e." ani Ria.

"Really?" gulat na sabi ni Blaster saka ito mabilis na bumaling sa kanya pero mabilis din siyang nag-iwas ng tingin. Nabuko na ang pagsisinungaling niya! "Sige, sasali ako sa inyo." Masayang sabi ni Blaster. Napailing-iling na lamang siya sa kanyang sarili.

"...ANG PARTNER ni Aphrodite ay si Hercules, ang partner ni Justin ay si Jessie, si Peachy and Wacks at sina Jasmine at Blaster. Okay maaari n'yo nang tabihan ang inyong mga partners para mapag-usapan na ang research activity and video presentation ninyo." Ani Professor Raymundo.

Kaso mukhang absent yata 'yong partner niya pero kung sabagay ay madali lang naman gawin ang research at video presentation kaya okay lang din kung ayaw sa kanya ng partner niya at siya na lang mag-isa sa Chemistry activity.

"Professor, I have something to say." Mayamaya ay narinig niyang nagsalita si Blaster sa kanyang tabi kaya bumaling ang tingin ng lahat dito. "Absent po si Jasmine na partner ko ngayong araw at pati po 'yong partner ni love este ni Aphrodite." Anito. Kumabog ang puso niya nang parang may nase-sense binabalak ang lalaki.

"Maaari n'yong kontakin ang mga partners n'yo para ipaalam sa kanila ang topic na naisip n'yo." Sagot ni professor Raymundo.

"Prof, puwede rin pong exchange partners; kami na lang ang partners ni Aphrodite at sina Jasmine at 'yong partner na lang ni Aphrodite ang partners tutal kami naman ang present ni Aphrodite ngayon." Suhestyon ni Blaster.

Hindi kaagad nakapagsalita ang professor habang nakatingin ito sa lalaki. Nang bumaling sa kanya si professor Raymundo ay mabilis siyang umiling-iling na sana ay hindi nito sang-ayunan ang sinasabi ng lalaki ngunit sa huli ay pumayag din ito, consequence daw nina Jasmine at Hercules dahil kapwa absent ang mga ito.

Ayan at magkasama na naman sila sa chemistry research ni Blaster tapos miyembro na rin ito ng Science club—lahat ay lagi na niyang itong makakasama. This is so insane!

"Hindi ka ba nagsasawa sa pagmumukha ko?" mabilis siyang bumaling sa lalaki.

Bumaling din ito sa kanya at ngumiti. "Bakit naman?"

Napakamot siya ng ulo at umiling-iling. "Magkasama na tayo sa lahat nang sandali, hindi ka pa ba nandidiri sa akin?"

"Bakit naman ako mandidiri sa 'yo?"

"Look, kung ginagawa mo ang bagay na 'to para layuan ka ng mga makukulit mong admirers, nagkakamali ka dahil baka ito pa ang simula na awayin ako ng mga tagahanga mo. Is this all joke to you?" mahinang sabi niya dito.

"No!" mabilis na sabi nito. "Hindi mo ba gusto ang ideya na tayo ang magka-partners? Na kaklase kita at kasama sa Science club? Do you really hate me that much?"

"I don't hate you!"

"Then you like me?"

"Ano?" naiinis niyang sabi. Nang makita niya itong ngumiti sa kanya ay napailing-iling na lang siya. Kaya niyang mailabas ang inis niya sa lalaking ito pero ang weird dahil sa isang ngiti lang nito ay agad ding napapawi. Nag-iwas na lamang siya ng tingin dito.