ANG SABI ni Blaster ay sabay na silang magpunta sa Science club nang hapong 'yon dahil may meeting sila nang araw na 'yon pero tinakasan niya ito. Masyado na silang madaming moments together at hindi na healthy ang nararamdaman niya lalo na ang tingin ng ibang mga tao sa kanila.
"Aphrodite, nauna ka yata sa guwapong kaibigan mo." Nakangiting sabi sa kanya ni Cecilia, na nginitian lang niya. Naupo na siya agad sa bandang harapan dahil magsisimula nang magsalita si Emmanuel ang kanilang Science club President.
Nagsu-suggest ang kanilang fourth year Science club President ng isang team building activity na gaganapin sa bahay bakasyunan daw ng family nito sa isang probinsya, na agad namang sinang-ayunan ng lahat dahil sa excitement.
"'Uy, bakit masaya ang lahat?" Napalingon siya sa lalaking bigla na lang naupo sa tabi niya, si Blaster, na ngiting-ngiti sa kanya. "Ang daya mo, hindi mo ako hinintay por que sumaglit lang ako sa music club." Anito.
"Marunong ka namang magpunta dito, e." aniya. Tumango-tango na lang ito.
"At para sa mga kadarating lang, uulitin ko uli, magkakaroon tayo ng team building two weeks from now, weekends sa bahay bakasyunan namin sa probinsya kaya magsimula na kayong magpaalam sa inyong mga magulang." Ulit ni Emmanuel.
"Love, pupunta ka ba?" tanong sa kanya ni Blaster.
"Hindi ko pa alam, magpapaalam muna ako sa mommy at daddy ko." Aniya. Mabilis siyang napalingon nang marinig niyang natawa nang mahina si Blaster habang nakatitig sa kanya. "Ano'ng itinatawa-tawa mo dyan?" curious na tanong niya.
"Ngayon ka lang kasi hindi nag-reklamo na tawagin kitang love, mukhang natatanggap mo na." nakangiting sabi nito.
Mabilis na nag-init ang pakiramdam niya kaya agad siyang nag-iwas ng tingin dito dahil pakiramdam niya ay namula na ang magkabilang pisngi niya. "A-Ang kulit mo kasi, e." Sagot naman niya sa lalaki.
Saglit pang nagsalita ang club President ng magaganap na activities nila sa team building pagkatapos ay tuluyan na rin natapos ang meeting nila. Sabay na silang lumabas ni Blaster ngunit napatigil ito sa pag-agapay sa kanya sa paglalakad nang biglang may humarang na dalawang magagandang mga babae dito.
"'Ter, may jamming session tayo bukas ng hapon sa music room kaya dapat present ka." Nakangiting sabi ng matangkad at maputing babae na mukhang manika.
"May search for school band two weeks from now, I guess that's Saturday, kaya sana makasali ka."
"Oh! That would be fun!" masaya ding sagot ni Blaster sa dalawang babae.
Mabilis siyang tumalikod at inayos ang makapal na salamin sa mata. Eh, ano naman sa kanya kung madami itong magagandang admirers? Natural lang naman dito ang magkaroon n'yon dahil guwapo ito, sikat at top student sa school—ang hindi natural ay ang maging kaibigan siya nito!
'Di ba may team building activity kayo in two weeks with the Science club? Paano 'yan baka hindi makasama si Blaster? Tanong ng isip niya na saglit niyang ikinalungkot. Bakit ba siya biglang nalungkot sa isipin na baka hindi makasama si Blaster sa team building, eh, maganda nga 'yon para makaalis na ito sa anino niya at nang hindi na siya naba-bash ng mga admirers nito?
Nagsimula na siyang maglakad para mauna nang umuwi, may tea party sila ng grandparents niya sa bahay nila kasama ng mga half-pinoy, half-Japanese na kaibigan ng mga ito at balita niya ay kasama din si Shin, ang apo ng isa sa mga friends ng lolo at lola niya. Mas matanda ang lalaki sa kanya ng tatlong taon at siguro ay may tatlong taon na ring hindi niya ito nakikita, palibhasa ay nag-aral ito ng kolehiyo sa Japan kasama ng mga magulang nito at ngayon yata ay summer break doon kaya nakasama ito.
Medyo nerd ang dating ng lalaki dahil sa makapal na eye glasses at nakasuot na braces—tulad niya pero mabait ito at masunuring lalaki.
Nagulat siya nang habang naglalakad siya papunta sa parking lot kung saan naghihintay ang sundo niya ay mabilis na humarang sa daraanan niya si Blaster, hingal na hingal ito at saglit munang sumagap ng hangin bago ito nagsalita.
"Ang bilis mong maglakad." Sabi nito. "Ngapala, punta kami nina Denver at Sath sa coffee shop nearby, gusto mo bang sumama? Treat ko!" nakangiting sabi nito, tukoy ang dalawang kaklase nila.
"Ah, hindi na, may naghihintay kasi sa akin sa bahay." imporma niya.
"Ah, gano'n ba? Kahit saglit lang tayo?" hindi sumusukong sabi nito.
"Bakit hindi na lang 'yong dalawang mga babaeng 'yon na nakausap mo kanina ang inimbita mo?" suhestyon niya.
Ngumiti ito nang mapanukso sa kanya. "Are you jealous with Luna and Nikki?" nanngingiting tanong nito.
Nanlaki ang mga mata niya saka umiling-iling. "Hindi, ah! Bakit naman ako magseselos?"
"Wala naman, naisip ko lang," nakangiting sabi nito. "Hindi ko sila nayaya dahil a-attend pa sila ng ibang club activities nila saka mas gusto naman kitang kasama kaysa sa kanila."
Kumabog ang puso niya sa sinabi nito kaya siya nag-iwas ng tingin at mabilis itong nilagpasan. "Pero kanina sobrang masayang-masaya ka nang makita mo ang dalawang magagandang babaeng 'yon." naiiling na bulong niya sa sarili.
"They're my friends at kasama ko sila sa music club." Ani Blaster na nakaagapay na pala sa kanya sa paglalakad, kumabog ang puso niya sa gulat.
Nang makarating sila sa parking lot ay nagpaalam na siya sa kasama at mabilis nang sumakay sa kanilang itim na sasakyan. Nakatanaw si Blaster habang papalayo ang kanilang sinasakyan, mapapangiti na sana siya dahil kakaiba ang lalaking ito sa lahat ng mga lalaking nakilala niya—nang malingunan niyang dinagsa na ito ng mga babaeng tagahanga nito at nainis siya nang nakangiting in-entertain agad nito ang mga babae.
Nang makarating siya sa bahay nila ay dumiretso siya agad sa kuwarto niya para ilagay ang mga gamit niya at para magbihis na rin ng damit pagkatapos ay nagtungo na rin siya sa guest lounge para puntahan ang grandparents niya. Naabutan niya ang mga ito no'n na kasama ng iba pang mga kaibigan ng mga ito. Bumati siya sa mga ito at nagmano.
"Shin, Aphrodite is here!" nakangiting imporma ni lola Akinita sa apo nito. At mula sa nakatanaw sa bintana ay dahan-dahang lumingon sa kanya ang matangkad na binata at agad na napangiti. Naglakad ito palapit sa kinaroronan niya at nakangiting bumati.
"Konichiwa Aphrodite-chan!" nakangiting sabi nito.
Hindi rin siya agad nakasagot dahil nahiya siya sa hitsura niya. Nawala na kasi ang makapal na eye glasses at braces nito at guwapo na itong tingnan ngayon. "Ohayou!" bati din niya dito saka tipid na ngumiti. Kahit papaano ay marunong din siyang mag-nihonggo dahil nakapag-aral siya ng foreign language no'ng nasa junior high siya.
"It's really nice to see you, again." Nakangiting sabi nito. "You look... ahm, taller than before."
Tumabingi ang pagkakangiti niya sa lalaki. Umaasa kasi siyang sasabihin nito na gumanda na siya sa hitsura niya ngayon kaysa no'n pero iba ang pinuna nito. Napailing na lamang siya ng lihim.