ISANG hapon, imbes na sa librong binabasa kiligin si Michelle ay sumisingit sa isipan niya si Gray at kahit ano pa yata ang gawin niya o nasa kahit saang lugar man siya naroon ay laging umuukil sa isipan niya ang binata.
Kaya abot sa tainga ang kanyang pagkakangiti at hindi na kailangang itanong ni Liza ang dahilan dahil alam na alam na nito.
Pagkadating niya galing sa trabaho ay nagpalit siya agad damit-pambahay bago tumulong sa paghahanda ng pagkain sa hapag, nagulat siya nang tawagin siya ng mga pamangkin niya dahil may lalaki daw na naghahanap sa kanya sa labas ng bahay—na may magarang sasakyan. Kumabog ng mabilis ang puso niya dahil iisang lalaki lang kasi ang biglang lumitaw sa isipan niya.
Bigla siyang na-excite pero agad ding pinangambahan dahil baka makita din ito ng mga magulang niya—paano kung maudlot ang... gosh! Bahala na! Nang maglakad na siya patungo sa pintuan ay mabilis ding sumunod ang mga magulang niya.
Bumilis ang tibok ng puso niya dahil mula sa gate nila ay natanaw niyang si Gray 'yon, pinigil niya ang sariling huwag kiligin. Ano ba ang ginagawa nito nang ganitong oras sa bahay nila? Sabagay, ngayon lang niya ito nakita dahil buong araw itong naging abala sa trabaho nito.
Pinapangatawanan kasi nito ang pagiging isang mabuti at kahanga-hangang Presidente ng Montefalco Corporation. Sabagay ayon kay Liza—na halos may apat na taon na sa airlines—ay hindi matatawaran ang mga ipinakita nang dating Presidente sa kompanya, kaya tinutumbasan lamang ni Gray ang lahat.
Nang bumaling siya sa kausap ng binata ay nanlaki ang kanyang mga mata—si Gary na noon ay may dalang isang punpon ng pulang rosas. Mukhang papunta din ito sa bahay nila—kasabay ni Gray—at nangangamba siyang baka aakyat na ito ng ligaw sa kanya. Bigla yatang sumakit ang ulo niya.
"Jay apo, papasukin mo ang dalawang guwapong mga binata." narinig niyang sabi ng mama niya, natulala kasi siya.
Nang lumingon ang dalawang binata sa kanila ay sabay na ngumiti ang mga ito sa kanya saka sabay ding pumasok sa loob ng gate na binuksan ng pamangkin niya, nang makalapit ang dalawa sa kanila ay sabay ding bumati ang mga ito sa kanilang lahat bago sila pumasok lahat sa loob.
"Sino 'yang sobrang guwapong lalaking 'yan?" bulong ng mama niya sa kanya, nakasuot no'n ng white long sleeve si Gray na nakatupi hanggang siko at hindi rin nagpakabog si Gary dahil nakasuot ito ng blue na polo.
"Ahm guys, si Sir Gray Montefalco, boss ko." Pagpapakilala niya sa lahat, na saglit din ikinatigil ng lahat.
Magkasabay ding inabot ng dalawang binata ang mga hawak nito; si Gary na may dalang bouquet of red roses at si Gray naman na may hawak na isang box of cookies na mabilis din niyang inabot sa mga ito.
"Ginawa mo ba 'to sir Gray?" nakangiting tanong niya.
"Wala tayo sa work, Chell." Nakangiting sabi ni Gray. "And yes, b-in-ake ko 'yan, sana ay pumasa sa panlasa mo." Hindi niya napigilang kiligin.
"Anak, 'di ba ang sabi mo bading 'yang boss mo?" pabulong na tanong ng mama niya sa kanya, kaya napailing siya at mabilis ikinuwento ang lahat tungkol sa paggawa niya ng kuwentong 'yon. "Kung gano'n, nanliligaw ang boss mo sa 'yo?" bulong ng mama niya.
"Hindi po, 'ma." Aniya, ito na nga ba ang sinasabi niya, e.
"Eh, bakit nagbibigay sa 'yo ng cookies? At bakit dumadalaw sa 'yo?" pangungulit nito. Nagpasalamat siya sa papa niya nang ilayo nito sa kanya ang mama niyang napakaraming tinatanong.
"Ngapala, nagkakilala na ba kayong dalawa?" tanong niya sa dalawang lalaki.
Mabilis namang tumango si Gary. "Oo, kanina sa may gate."
"Hindi na rin ako magtatagal, Chell, dumaan lang talaga ako para ibigay sa 'yo 'yang cookies, dapat kanina ko pa ibinigay sa 'yo sa work, kaso masyadong busy kanina tapos nalaman ko pang nakauwi ka na, kaya inihatid ko na lang since madadaanan ko rin naman ang papunta dito sa inyo." Anito, saka na ito tuluyang tumayo. "Alis na din ako." anito.
"K-Kumain ka na dito," mabilis niyang awat.
"Oo nga naman hijo, dito ka na kumain, naparami kami ng niluto ng ate niya," mabilis na singit ng mama niya.
Bumaling naman siya agad kay Gray, tipid itong ngumiti at napakamot na lang ng ulo pero sa huli ay sumang-ayon din ito. Occupied ang lahat ng mga upuan sa dining table nila ngayon; sa pang-tatluhan sa kanan ay silang tatlo nina Gray at Gary—siya sa gitna; sa kaliwa niya si Gray na malapit sa mama niya, sa kaliwa naman niya ay si Gary na malapit sa papa niya, ang ate naman niya at dalawang pamangkin sa katapat na upuan at sa magkabilang dulo ay ang nakangiting mga magulang niya.
"So, hijo, ikaw pala ang boss ng anak ko at ang pamilya n'yo ang may-ari ng napakayamang Montefalco Coroporation." Pauna ng mama niya habang kumakain sila.
May apat na iba't ibang ulam ang inihanda ng ate at mama niya, mukhang ulam dapat nila 'yon hanggang bukas—pero dahil nga excited ang mama niya na magkaroon ng mga lalaking panauhin, mukhang inihanda na nito ang lahat ng ulam nila.
"Opo ma'm," magalang na sagot ni Gray.
"Ma'm? Naku, hindi naman ako teacher e, tawagin mo na lang akong tita." Nakangiting sabi ng mama niya. Tumango naman si Gray. Hindi niya napigilang mapangiti, ngayon lang kasi uli niya ito nakitang naco-concious. Sana ay walang anumang masabi ang mama niya sa boss niya dahil baka masira ang diskarte niya.
Naramdaman niyang tinadyakan ng ate niya ang paa niya sa ilalim ng mesa saka ito may kung anong sinasabi at isinisenyas sa kanya. "Siya ba, siya ba ang sinasabi mo sa akin no'n, Chell?"
Tipid siyang ngumiti at tumango sa ate niya. Pakiramdam niya ay nag-init ang kanyang pakiramdam kaya mabilis siyang uminom ng juice na nasa harapan niya.
"Kayo bang dalawang nagguguwapuhang mga binata ay parehong nanliligaw sa dalaga ko?" nakangiting tanong ng mama niya. Muntik na tuloy lumabas sa ilong niya ang juice na iniinom niya.
"Ako po tita, tito, magpapaalam sanang manliligaw kay Michelle." Pauna ni Gary, saka ito bumaling sa kanya at ngumiti. "Okay lang ba?" anito.
Bumaling naman siya kay Gray, nakita niya itong tipid na ngumiti. "Ako naman po ay talagang idinaan lang 'yong cookies." Anito saka ngumiting bumaling sa mama niya.
"So, hindi ka nagpunta dito para manligaw?" pagkaklaro ng papa niya kay Gray. Bumaling si Gray sa kanyang ama at tumango. Hindi tuloy niya napigilang ma-disappoint.
Muntik pa niyang irapan si Gary nang marinig niya itong napa-yes—as if naman sasagutin niya ito.
Muli silang nagpatuloy sa pagkain habang nag-uusap-usap. Ang simple lang ng pagkaing nakahanda sa mesa nila, na siguro ay hindi pa naihahanda sa mesa nina Gray, ngunit kung kumain ito ay parang sarap na sarap ito.
Nakakalungkot! Sino ba ang babaeng nakaharang sa puso nito at hirap na hirap siyang makapasok? Ang sabi nito ay walang magagalit na babae kapag magkasama sila—pero paano kung sabi lang nito 'yon dahil hindi pa ito sinasagot ng babaeng nililigawan nito? Muling bumalik sa alaala niya ang magandang babaeng nakita niya last time na kasama ng binata—kung titingnan kasi ay bagay na bagay ang dalawa.
May dalawa pa siyang steps na gagawin sa pang-aakit dito at kapag 'yon ay wala pa rin, kailangan na niyang magtapat dito—masaktan na ang masaktan, handa naman na siya e, in the first place, ang pag-ibig ay parang buy one take one, kapag umiibig ka ay dapat handa ka ring masaktan.
Pero masayang-masaya pa rin siya dahil masasabi niyang in-allow siya ng tadhana na mapalapit sa lalaking noon ay hanggang tanaw lang niya. If God of love allows her to be with this guy, she would really treasure and cherish him forever!
PAGAKATAPOS nilang kumain ng dinner ay nag-offer ang dalawang lalaki para maghugas ng pinagkainan nila, ngunit sa huli ay ang dalawang bata rin ang naghugas.
Sa salas silang lahat nagtungo. Pansin niyang panay ang pa-cute ni Gary sa kanya, panay din ang pagpapalakas nito sa mga magulang niya at parang sinasapawan nito si Gray, kaya ngalingaling apakan niya ang paa nito.
Saglit pa ay nagpaaalam na rin ang boss niya sa kanilang lahat dahil marami pa daw itong paperworks na gagawin, nagpasalamat ito sa masarap na hapunan saka niya inihatid sa labas ng bahay nila.
"Your parents are cute especially your mom and nephews, masarap din kausap ang ate mo at papa mo." Ani Gray.
"Siguro cute din ng parents mo, 'no?" aniya.
Ngumiti ito at tumango sa kanya. "One time, ipapakilala kita sa kanila." Ipapakilala? May sapat bang dahilan para ipakilala siya sa mga magulang nito? Hindi naman siya girlfriend nito at empleyado lang siya nito sa kompanya nito.
"Sure." Nakangiting sabi niya. "Salamat sa mga cookies,"
"Walang laitan, ha." Natatawang sabi nito.
"Kahit ano pang lasa n'on, for sure, 'yon na ang pinakamasarap na cookies sa buong mundo," dahil gawa ng pinakamamahal kong lalaki. Gusto pa sana niyang idagdag kaso sinarili na lang niya.
Mabilis itong nakalapit sa sasakyan nitong naka-part sa gilid ng kalsada. "Si Gary, mukhang seryosong-seryoso sa 'yo. He seemed to like you very much" Seryosong sabi ni Gray.
"Hindi na pwede ang puso ko dahil may gusto nang iba." Sagot niya, saka siya tipid na ngumiti dito.
Hindi ito kaagad nakasagot sa sinabi niya, nalungkot ang palangiting mga mata nito bago ito tumango at tipid na ngumiti. "Good night, Chell, sweet dreams."
"Good night Gray, sweet dreams too." And please dream of me! Kumaway na siya at akmang papasok na siya nang muli itong magsalita.
"Wait up, Chell," anito, kaya mabilis siyang bumaling. "Bago ka man lang magka-boyfriend, maaari ba kitang mayaya sa party na pupuntahan ko sa Saturday?"
Bago magka-boyfriend? Kung alam lang nito na siya ang lalaking tinutukoy niya! Ngumiti siya dito at tumango. "Ano'ng klaseng party?"
"'Yong itinawag sa akin ni Tycho last time, may inihanda kasing surprise party si Grant para sa fiancée niya—yes, ang employee niyang si Josephine ay fiancée na niya."
"Wow!" amazed na sabi niya. So, nagkatuluyan din pala si Grant at ang empleyado nito.
"Susunduin na lang kita, Chell." Nakangiting sabi nito.
NALULULA si Michelle dahil sa magandang venue na kinaroroonan nila. Tanging ang close friends lang pala ni Grant and invited sa surprise party nito para sa fiancée. After work ay umuwi pa siya ng bahay nila para maligo, magbihis at mag-ayos ng sarili saka siya doon sinundo ni Gray.
Oplan: Seducing my boss step: Wear sexy.
Ito ang second to the last sa operation pang-aakit niya sa binata. Nagsuot siya ng black three fourts sleeve v-neck lace na dress na nabili niya sa Mall no'ng isang araw, na tinernuhan ng pulang sandals, dangling silver earrings, light make up at super red lipstick. Nang mag-selfie siya kanina at ipinadala 'yon kay Liza para makita nito ang kanyang hitsura since naikuwento niya dito ang tungkol sa pag-invite sa kanya ni Gray sa party ay winner na winner daw siya.
While Gray is really so stunning with his expensive-looking fit blazer na ipinailaliman ng white v-neck shirt, faded jeans and black nike shoes. Para lang itong magmo-modelo. Hindi rin naman pahuhuli ang mga kaibigan nitong sina Grant, Tycho at Troy na animo'y mga model at artista din ang dating.