Chapter 17 - 17

NAPABUGA ng hangin si Michelle. Tatlong araw na ang lumipas simula nang magtapat siya ng damdamin para kay Gray, kinain na niya ang lahat ng hiya, pride o kung anupamang meron siya para masabi sa binata ang tunay niyang nararamdaman, pero nakakalungkot lang dahil hanggang ngayon ay wala pa rin itong kasagutan sa damdamin niya.

Kapag nagkikita sila ay nginingitian siya nito ngunit hanggang doon lang 'yon, sa sobrang busy nito ay ni hindi na sila nagkakausap dagdag pa na panay din ang litaw ng Mitch na 'yon sa Airlines.

At siguro ay iniinis din siya ng babae dahil sa tuwing pumapasok ito sa opisina ni Gray ay tinitignan siya nito saka ngingitian, siguro ay ramdam nito ang damdamin niya para sa binata at iniisip nitong wala siyang panama. Sabagay ay nararamdaman ng isang karibal ang kapwa karibal.

"Nakakailang buntong-hininga ka na dyan, friendship." Naiiling na sabi ni Liza sa kanya.

"Eh, kasi naman friendship, nagawa ko na ang lahat-lahat pero feeling ko hindi pa rin ako nagtagumpay na makapasok sa puso niya, tapos sisingit pa sa eksena 'yong babaeng may mahahabang legs, makatarungan ba 'yon?" malungkot na sabi niya.

"Malay mo naman hindi type ni Boss 'yon at ikaw talaga ang type niya, kita mo naman, naaapektuhan siya sa mga pang-aakit na ginawa mo!"

"Eh, malay natin kung madala si Gray sa ka-sexy-han ng babaeng 'yon, 'di ba? Tapos hindi naman imposibleng magkagusto si Gray doon; maganda na at galing pa sa magandang pamilya!"

"Mas may dating ka sa babaeng 'yon, 'no!"

"Hindi ka naman si Gray, e."

"Maniwala ka lang sa charm mo, Chell, alam ko, mas malapit ka na sa puso ni Boss kaysa doon sa babaeng may mahahabang legs!"

"Tingin mo?"

"Oo nga!"

"Pero bakit wala pa ring siyang sagot sa mga sinabi ko? Basted na ba kung gano'n?"

"Malay natin kung nagko-construct pa siya ng mga salitang angkop na sasabihin sa 'yo o baka sa labis na kasiyahan at gulat sa narinig ay hindi na niya malaman ang gagawin. Hindi natin alam, expect the unexpected."

"Friendship, mahal ko na siya, e!"

"Alam ko, noon pa naman, 'di ba? Mas naging intense lang ngayon!"

"What to do?" tinakpan niya ng kanyang dalawang kamay ang kanyang mukha.

"Michelle!"

"Friendship, ang weird, naririnig ko pa ngayon ang boses ni Gray, sa bahay ay nakikita ko din ang mukha niya sa wall ng kuwarto ko." Naramdaman niyang kinalabit siya ni Liza. Muli niyang narinig ang boses ni Gray. "Friendship, nababaliw na ba ako sa lagay na 'to?"

"Friendship..." sabay kalabit sa kanya ni Liza.

"Friendship, magkakasakit yata ako, e." aniya.

"Friendship..."

Mabilis niyang tinanggal ang mga kamay sa kanyang mukha saka bumaling sa kaibigan na panay ang kalabit sa kanya. "Bakit ka ba nangangalabit dyan, friendship?" walang-gana niyang sabi.

May ininguso ito sa kanyang harapan kaya walang kabuhay-buhay niyang sinundan 'yon—at nanlaki ang kanyang mga mata nang biglang nabuhayan ang puso niya dahil sa pagkakakita sa nakangiting mukha ni Gray. Nag-init ang magkabilang pinsgi niya.

"I-I'll wait for you outside, after work." Imporma nito, saka ito nagmamadaling umalis. Natawa si Liza nang muntik pang madapa ang binata dahil nagkasalisi ang mga paa nito.

"I-Ito na nga kaya ang hinihintay kong kasagutan niya?" tanong niya, biglang kumabog ang puso niya at kasabay n'yon ay ang paggulo ng mga paru-paru sa kanyang sikmura; magkahalong excitement at kaba ang nararamdaman niya.

Positive nga kaya ang resulta? Pero hindi naman siguro siya hihintayin ni Gray sa labas mamaya after work kung hindi maganda ang sagot nito kasi mag-e-effort pa ito, 'di ba? Pero paano kung gusto nitong sumagot sa kanya ng pormal kahit na negative ang sagot nito?

Argh! Mas nakakakaba pa yata ito kaysa sa mahirap na interview na napagdaanan niya bago siya nakapasa sa Airlines. Mukhang kailangan niyang ihanda ang sarili niya sa anumang kasagutan nito—pero umaasa siyang sana ay masaya ang maging kasagutan nito!

Naalala tuloy niya ang ginawa niyang pambabasted kay Gary no'ng nagkasabay ang dalawa na nagpunta sa bahay nila; prinangka niya ito na wala talaga siyang anumang nararamdaman dito. Alam niyang nasaktan ito at nalungkot ngunit sa huli ay tinanggap na lang din nito ang katotohanan, nagpasalamat pa nga ito dahil naging tapat siya at hindi na niya ito pinaasa pa.

"Ngayon ko lang yata nakitang na-tense si boss." Natatawang sabi ng kaibigan niya. "Ang cute niya parang bata!" Hanggang sa mapansin nitong tila balisa siya. "Kalma ka lang!"

"P-Paano kung..."

"Gusto ka na ni boss, ramdam ko 'yan, maniwala ka sa akin!"

"Sa tingin mo?"

"Yes! Ipusta ko pa 'yong bagong biling makeup kit ko," natatawang sabi nito. Ibig sabihin ay confident itong may gusto si Gray sa kanya dahil pati ang pinakamamahal nitong gamit ay ipinupusta sa kanya.

Ibig bang sabihin ay malaki ang chance niyang positive ang magiging resulta?

NANG MAKALABAS siya sa Airlines ay nakita niyang naghihintay na si Gray habang nakasandig at nakapamulsa sa tabi ng sasakyan nito, nang makita siya ay mabilis siyang nginitian kaya gumanti siya agad. Nang makalapit siya sa binata ay nagbatian silang dalawa saka siya mabilis na pinagbuksan ng pintuan sa passenger's seat, saka ito agad pumasok at naupo sa driver's seat kapagdaka'y umalis na sila sa lugar.

Sa Mall sila dumiretso at dinala siya sa isang kilalang boutique para bumili daw ng damit na babagay sa pupuntahan nila. Nagmistula siyang model dahil sa mga mamahaling damit na isinusukat niya sa mismong harapan ng binata dagdag pa na naco-concious din siya dahil sa mga titig nito.

Hanggang sa may napili na rin itong semi casual dress na bumagay sa kanya, na pinaresan niya ng sneaker shoes. Sunod ay ito naman ang sumalang para pilian ng damit na babagay dito—nagtataka siya kung bakit kailangan pa nilang magsuot ng gano'n damit pero hindi na lang siya nagtanong, instead ay nagpasalamat na lang siya.

Unfair! Dahil lahat nang isinusukat ng binata ay fit at bagay dito, para lang itong nagmo-model sa harapan niya at gusto rin niya biglang paalisin ang dalawang sales lady na noon ay nag-a-assist sa kanila, dahil pati ang mga ito ay tila kinikilig sa guwapong kasama.

Bagay na bagay din ang napili niyang semi casual OOTN nito o out fit of the night, pati ang mga saleslady ay nasiyahan sa napili niya at pagkatapos nitong bayaran ang mga suot nila ay tuluyan na rin silang umalis sa lugar.

"Mukha kang magandang fairy sa suot mong 'yan at para akong na-engkanto nang makita ka." Nakangiting sabi nito sa kanya.

Natawa siya sa sinabi nito pero sobrang kinilig siya. "Thanks and you also looked like a stunning model with that outfit, it really suited you well."

"Thanks." Nakangiting sagot nito. Napapalingon ang mga tao sa kanilang dalawa, kaya hindi nila napigilang mapangiti sa isa't isa. Perhaps they really look good together. "Inggitin pa natin sila." Nakangiting sabi nito at kumabog ang puso niya nang hawakan nito ang kamay niya at pinagsiklop 'yon sa kamay nito kaya mabilis siyang napatingin sa mga kamay nila.

Nag-i-hhww sila! Hindi tuloy niya napigilang mapangiti at kiligin, wala na siyang pakialam sa mga mapanuring mga mata sa paligid, ang mahalaga na lamang sa kanya ay sila ni Gray at ang pagkakahawak nito ng kanyang kamay.