"Sige pa Mahal na Lakambini Bana, ere pa. Nasa bukana na ang ulo ng iyong supling," anang kumadrona sa nakahiga at nakabukakang buntis.
Abut-abot ang paghinga ng huli. Nagsusumigaw sa lukot nitong mukha na nahihirapan itong manganak habang ang dalawang kamay ay nakakapit sa gamit na unan.
Pagkarinig lang sa sinabi ng kumadrona ay bumwelo ang babae at muling umere, mas matagal kesa mga nauna...hanggang sa marinig ang iyak ng sanggol.
"O, mahabaging Bathala! Isang napakagandang supling na babae ang inyong iniluwal, mahal na Lakambini Bana!" bulalas ng kumadrona sa kapapanganak lang na Lakambini ng Rabana.
Biglang nagliwanag ang mukha ng ina ng sanggol sa narinig. Hindi matatawaran ang kaligayahang mababanaag sa mukha nito.
Inilapit ng kumadrona ang panay pa ring iyak na sanggol. Pinagmasdan ng ina ang maputi at tila may supot na katawan ng supling.
"Ang aking anak," nasambit nitong hilam sa luha ang mga mata habang nakatitig sa bata.
"Mga alipin, madali kayo. Pagsilbihan ang mahal na Lakambini Bana at ang kanyang supling!" tawag ng kumadrona sa apat na mga aliping babae sa labas ng silid.
Agad nagsipasukan ang nga tinawag at tinulungang putulin ang pusod ng bata bago paliguan.
"Arrayy!"
Natigilan ang mga ito sa hiyaw na 'yon. Natuon ang lahat ng pansin kay Lakambini Bana na 'di mapigilang umere nang mga sandaling 'yon.
"Pakiwari ko'y may lalabas pa sa aking sinapupunan," daing nitong namilipit uli sa sakit.
Mabilis na kumilos ang kumadrona at ibinigay sa isang alipin ang unang lumabas na sanggol at ang huli ang nagtuloy na paliguan ang bata at binalot ng puting tela.
Pinaere na uli ang lakambini at sa awa ni Bathala, agad lumabas ang pangalawang kambal. Tulad sa nauna ay isa rin itong babae. Magkamukha ang dalawa, parang pinag-biak na bunga.
Subalit pagkatapos lang putulan ng pusod ang sanggol ay may nagsisigaw sa labas at
biglang pumasok sa silid ng lakambini.
"Mahal na Lakambini Bana! Sinasalakay tayo ng matalik na kaibigan ni Raha Raba!" hiyaw nito sabay luhod sa paanan ng lakambini.
"Mahabaging Bathala! Bakit iyong pinahintulutang maganap ang ganitong pangyayari?" bulalas ng babae.
Nagpilit itong tumayo at agad namang inalalayan ng mga aliping naroon.
"Nasaan ang aking asawang Raha?" usisa nito sa lalaking nakaluhod.
"Pinahirapan siya ni Datu Magtulis. Hiniwa ang isang tainga maging ang magkabilang pisngi. Dinukot ang mga mata at itinali sa malaking puno. Pinakagat sa malalaking langgam hanggang sa siya'y mamatay. Ako lamang ang tanging nakatakas mula sa masamang datu," kwento ng lalaking 'di mapigilan ang mapahagulhol sa sinapit ng Raha.
"Narito na ang mga mananakop! Magsipahanda kayo! Narito ang mga mananakop!" sigawan ng mga lalaki sa labas ng tahanan ng Raha.
Agad pinahid ng Lakambini ang luha sa mga mata at pinatigas ang ekspresyon ng mukha.
"Dalhin ninyo sa akin ang aking mga supling!" utos nito.
Nagmamadaling nagsilapit ang dalawang alipin at iniabot sa ina ang bunso nitong anak upang mahawakan kahit panandalian lamang.
Agad tumulo ang mga luha sa pisngi ng ina habang hinihimas ang mukha ng sanggol.
"Ako'y iyong patawarin, mahal kong supling, subalit kailangan ko kayong ilayo sa lugar na ito. Kay ganda ng iyong mukha, kasingganda ng mga bituin sa kalangitan. Marapat lamang na tawagin kitang Luningning."
"Mahal na Lakambini! Mahal na Lakambini!" tawag na uli ng isang sugatang kawal at hawak ang duguang t'yan na pumasok sa silid ng babae.
"Lakambini. Umalis na kayo sa bahay na ito. Paparating na rito si Datu Magtulis."
Sindak ang agad bumalot sa mukha ng babae pagkakita sa pinunong kawal.
"O, aking kapatid! Hindi baga't ikaw ang pinakamalakas sa kanilang lahat? Bakit ngayo 'y ikaw'y nasugatan?" bulalas nito.
"Wala na tayong panahon para mag-usap, Lakambini. Umalis na kayo rito ng iyong anak nang 'di kayo mamatay sa mga kamay ng walang pusong Datu Magtulis."
Subalit sa halip na sumunod ay tinanggal nito sa leeg ang suot na kwintas mula sa iba't ibang uri ng perlas at dyamante saka isinuot sa hawak na bunso at ibinigay ang bata sa kanina'y may hawak na alipin.
"Umalis kayo sa lugar na ito. Kahit anong mangyari, huwag niyong hayaang makuha sa inyo ang aking mga anak," utos nito sa mga aliping tango lang ang paulit-ulit na isinagot.
"Ang kwintas na iyan, 'yan ang aking palatandaan na siya'y aking anak, h'wag mo ring hayaang iya'y mawalay sa katawan niya," muli nitong utos sa isang aliping may hawak sa bunsong supling.
"Umalis na kayong dalawa."
"Subalit Mahal na Lakambini, wala pa kayong naibibigay na palatandaan sa panganay niyong anak, ni ang pangalan niya'y hindi pa namin batid," sabad ng isang aliping may hawak sa panganay na sanggol.
Ibinigay nito ang bata sa ina subalit hindi nito iyon kinuha, sa halip ay hinawakan lang ang mukha habang hilam sa luha ang mga mata.
"Ikaw ang aking tagapagmana sa Rabana. Huwag sanang itulot ng Maykapal na ikaw'y masawi, Sa halip ay itulot Niyang makabalik ka sa lugar na ito," saad nito sa batang mula nang isilang ay 'di na tumigil sa kaiiyak.
Hinubad ng ina ang isa pa nitong suot na kwentas na gawa sa purong ginto at ang palawit na hugis bituin ay puro ring ginto.
"Ito ang susi sa kayamanan ng Rabana," wika nito sa alipin. "Siya ang aking tagapagmana. Gabayan ka nawa ni Bathala at huwag itulot na masawi habang pinagsisilbihan mo ang aking anak. Tandaan mo, walang pwedeng makaalam na siya ang tagapagmana sa Rabana. Kapag nangyari iyo'y habambuhay siyang tutugisin ng mga kalaban hanggang sa siya'y tuluyang masawi nila. Kaya't umalis na kayo habang may panahon pa! " utos nito sa aliping biglang natuliro pagkarinig na ang hawak-hawak na sanggol ay siyang tagapagmana ng Rabana.
"Umalis na kayo !" maawtoridad na utos ng Lakambini, dahilan upang agad kumilos ang mga alipin at mabilis na nagtakbuhan palabas ng silid karga ang mga supling.
Nagpilit na tumayo ang kapapanganak pa lang na ginang at nang makita iyon ng punong-kawal ay agad nitong inalalayan ang unang makalakad hanggang makaupo sa luklukan nitong silyang purong ginto at inadornohan ng iba't ibang klaseng perlas sa mga gilid, habang ang isa namang kawal ay nagbantay sa labas ng pinto.
"Bakit hindi ka sumamang tumakas, Mahal na Lakambini?" usisa ng kapatid nito.
"Nangako sakin ang aking asawang babalik siya matapos niyang bisitahin ang walang puso niyang kaibigan. Hindi ako aalis rito hangga't hindi siya dumarating!" matigas nitong saad.
"Narito na ang mananakop! Iligtas ang lakambini mula sa mga kamay ni Datu Magtulis!" sigaw ng kawal sa labas ng pinto ng silid.
Nakaramdam ng takot ang lakambini lalo na nang bitawan ng kapatid ang kamay nito at lumabas ng silid para ipagtanggol ang iba pang mga kawal.
Ang dalawa namang natira pang alipin ay kumuha na rin ng sandata upang ipagtanggol ang kanilang lakambini samantalang ang kumadrona'y takot na niyakap ang sarili sa sulok ng silid.
Maya-maya pa'y walang ibang maririnig sa labas kundi ang taginting ng itak na tumatama sa kapwa itak at sa kung ano pang bagay.
"Raba, nasaan ka aking kabiyak?" usal ng Lakambini.
"Ang aking mga anak. Ang aking mga anak." pagkasambit lang niyo'y nanginig na agad ang buo nitong kalamnan subalit hindi nagpahalata sa mga aliping naroon. Kailangan nitong magpakatatag para sa mga nasasakupang nagtitiwala pa rin sa kanilang pamumunong mag-asawa, nagtitiwala at ibinubuwis ang mga buhay para sa Rabana.
-------------
HETO ANG DALAWANG ALIPING SA KABILA ng pagod na nararamdaman ay wala pa ring tigil sa pagtakbo palayo sa kabahayan ng Raha at Lakambini para lang iligtas ang dalawang kambal sa kadiliman ng hatinggabi. Mabuti na lang ay maliwanag ang buwan kaya't naaaninag nila ang dinaraanan papunta sa baybayin ng dagat, subalit bago makarating sa baybayin ay huminto ang isang aliping may hawak sa bunsong anak ng Lakambini.
"Hindi tayo pwedeng dumaan sa tubig, makikita tayo agad ng mga kaaway lalo pa't nakabantay sila sa ating baybayin," wika nito.
"Subalit saan tayo pupunta malibang dumaan tayo sa dagat?" maang na tanong ni Mayumi, ang aliping may hawak sa panganay na sanggol.
"Sa bundok. Sa bundok tayo dumaan," anang isa.
"Subalit maraming mga makamandag na ahas sa bundok. Baka hindi na tayo makalabas nang buhay mula roon," tutol niya't pinagmasdan ang buong baybayin. May mga kawal ngang nakabantay sa baybayin sa di-kalayuan sa kanila.
"Iyon lang ang ligtas na lugar sa ngayon, Mayumi. Kailangan nating sumuong sa panganib para iligtas ang mga sanggol," matapang na sagot ng isa.
Nagpatianod na rin siya pagkuwan at sumunod sa kasamang nauna nang tumakbo papunta sa masukal na kagubatan subalit hindi pa man siya nakakalayo'y may bigla nang humarang na matandang hukluban sa kanyang daraanan.
"Ineng, maaari bang ako'y iyong alalayan papunta sa baybayin kung saan naroon ang aking bangka?" pakiusap nito.
"Subalit amang---" atubili niyang sagot at tinanaw ang kasamang hindi na niya nakita kung saan nagpunta.
"Naroon lang ang aking bangka, binibini. Ang matandang ito'y hindi na gaanong makalakad nang malayo at ako'y hapung-hapo na."
Sinipat niya ang mukha ng sanggol na mula nang lumabas sila sa bahay ng mga magulang nito'y himalang bigla na lang huminto sa pag-iyak, pagkuwa'y muling pinagmasdan ang matandang hukluban. Nang mapansing nahihirapan nga itong maglakad ay nanaig sa kanya ang awa.
"Kung iyong mamarapatin, ako ang magdadala ng iyong bitbit at aking isasaklay sa aking balikat, basta't hawakan mo lamang ang aking isang braso't nahihirapan akong maglakad."
"Subalit ang aking bitbit ay mabigat---" sagot niya ngunit walang anumang kinuha iyon ng matanda at itinali ang mga dulo ng balot na tela ng sanggol saka isinukbit sa balikat nito at humawak sa kanyang braso.
"Ineng maglakad na tayo't hatinggabi na," wika nito sa mahinang boses.
Wala siyang nagawa kundi magpatianod na lang at alalayan ang matanda papunta sa bangka sa di-kalayuan subalit bago pa sila makalapit ay---
"Hinto! Saan kayo pupunta?"
Agad nangatog ang mga tuhod ni Mayumi sa malakas na tawag na 'yon subalit tumigil din siya sa paglalakad nang mapansing huminto ang matanda at dahan-dahang humarap sa tumawag na lalaking may mga kasama pala.
Humarap din siya sa mga ito ngunit nanatiling nakayuko at akay ang kasama.
"Mga ginoo. Kung inyong mamarapatin, pahintulutan ninyo ang matandang itong tumawid sa karatig pulo upang maipagamot ang aking apong may sakit na ketong," anang matandang sumulyap sa kanya.
Kunut ang noong napaisip siya ngunit hindi nagsalita dahil nanaig sa kanya ang takot ng mga sandaling 'yon.
Agad silang itinaboy ng mga kawal papunta sa bangka at nagtakbuhan ang mga ito palayo nang malamang may ketong siya.
Nakahinga siya nang maluwang sa nangyari, nagtataka ma'y mabibilis ang mga hakbang na tinungo nila ang bangka at lumayo na sa lugar na 'yon.
"Amang, paano niyo nalamang tumatakas ako sa lugar na ito?"
Mahabang sandali siyang nag-isip bago naglakas-loob na magtanong sa matandang mabilis na nagsasagwan, siya nama'y karga ang sanggol habang nakahawak sa gilid ng bangka.
Malakas na tawa lang ang isinagot ng matanda na lalo niyang ikinapagtaka.
---------------
"Kung hindi ka magpapakasal sa aki'y pupugutan ko ng ulo sa iyong harapan ang sanggol na iyong iniluwal!" pagbabanta ni Datu Magtulis sa harap ng Lakambining nanatiling maawtoridad na nakaupo sa kanyang luklukan at 'di man lang kakikitaan ng takot sa mga mata, sa halip ay tumawa pa siya.
"Hah! Kahit anong gawin mo, mananatili akong tapat sa aking Mahal na Raba. Sabihin mo nang ang tangi mo lang hangad ay aming malawak na kapuluan at ang kayamanan niyon! Subalit wala kang makakamtan kahit isa sa mga 'yon. Ang kapuluang ito'y pagmamay-ari lang ni Raha Raba, wala nang iba!" matapang niyang sagot.
Malutong na halakhak ang pinakawalan ng datu saka itinaas ang isang kamay, may isang kawal na pumasok at ibinigay ang bitbit nitong sanggol na nang mga sandaling iyo'y tahimik na natutulog subalit nang hawakan ng datu sa katawan ay bigla itong umiyak.
Napatayo siya sa takot lalo na nang malaglag ang ibinigay niyang kwentas sa sanggol.
"Tingnan natin kung hanggang saan ka dadalhin ng iyong kagitingan, Mahal na Lakambini," nanunuya nitong wika.
"Isa kang lapastangang nilalang! Pati isang paslit na walang muwang sa mundo'y walang atubili mong idadamay sa kasamaan mo!" sigaw ng punong kawal ng Rabana na nang mga sandaling iyo'y nakaluhod katabi ng datu at nakatali ang mga kamay sa likod habang nakatutok ang isang matalim na itak sa leeg nitong pagmamay-ari ng isa sa tatlong kawal na nagbabantay rito.
Muli itong tumawa subalit matalim na tingin ang ipinukol sa nagsalita pagkuwan.
"Talagang papatayin ko ang sanggol na ito kung hindi papayag ang inyong Lakambining pakasal sa akin at hayaang ako ang pumalit kay Raha Raba na mamuno sa Rabana!"
"Nagkakamali ka kung iniisip mong mapapasunod mo ako sa iyong gusto, 'pagkat ang sanggol na 'yan ay hindi ko supling!" pagkakaila ng lakambining dilat na dilat ang mata sa sobrang galit subalit ang buo niyang katawa'y nanginginig sa takot na baka tuluyan nga nitong patayin ang kanyang supling kaya naisip niyang ikaila itong anak, baka sakali maligtas pa ang bata.
Subalit ang lakas ng hiyaw niya nang walang anumang tinusok ng hawak nitong itak ang katawan ng bata sa kanyang harapan.
Sa pagkakataong iyo'y hindi lang katawan niya ang nanginig kundi pati bibig at ang puso niya'y tila tumigil sa pagpintig saka siya tila nawalan ng mga buto at pabagsak na napaupo sa gintong silya at matagal na natulala.
"Kung hindi papayag ang Lakambining pakasal sa aki'y patayin lahat ng kanyang nasasakupan kasama na ang kanyang kapatid! Sunugin silang lahat nang buhay!" utos ng Datu sa mga kawal na naroon.
Subalit ang kumadronang takot mamatay ay biglang tumayo at lumuhod sa harapan ng Datu.
"Maawa ka sakin, Datu Magtulis. Isa lang akong panauhin sa pulong ito. Kung iyong paniniwalaa'y may isang lihim akong nalalaman tungkol sa kapuluan ng Rabana. Kung ako'y iyong bubuhayin, ipagtatapat ko sayo ang isang malaking lihim ni Lakambining Bana," pagmamakaawa nito.
Pinagmasdan ng datu ang matanda, maya-maya'y sumilay ang mapanlinlang na ngisi sa mga labi nito.
"At bakit naman ako maniniwala sa isang aliping tulad mo?" tila nagdadalawang-isip na tanong nito, nakaangat pa ang isang kilay.
"May isa pang anak ang Lakambini, isang babae at iyon ang tagapagmana ng Rabana. Sa kanya ibinigay ng Lakambini ang susi sa kayamanan ng buong kapuluan ng Rabana." pag-amin ng matanda.
Sa makaisa pa'y muling humalakhak ang datu, halakhak ng isang pinunong nagwagi sa labanan.
"Hanapin ninyo ang isa pang supling ng Lakambini at huwag hahayaang makalabas ng pulong ito!" utos nito sa mga kawal na tumalilis agad para sundin ang pinuno.