Chereads / The Destined Heiress Of Rabana / Chapter 10 - Ang Pagtakas Mula Sa Mga Kawal Ng Rabana

Chapter 10 - Ang Pagtakas Mula Sa Mga Kawal Ng Rabana

Gulat ang unang rumihestro sa kanyang mukha, ilang beses pang kumurap upang seguraduhing si Makisig nga ang nasa kanyang harapan.

"Ikaw ba talaga 'yan?" tanong niya pa, itinaas nang bahagya ang bandanang suot.

"Tayo na'y umalis dito," bulong sa kanya habang palinga-linga sa paligid.

Muntik na siyang humulagpos ng tawa pagkarinig sa boses nitong sinadya pang gawing pambabae.

Paano'y naka-disguise itong babae at tulad niya'y may gamit na bandana upang hindi malahatang nagbabalat-kayo lang.

"Tayo na, ipanatag mo ang iyong kalooban. Si Agila'y ang pinakamagiting na kawal ng Dumagit, walang masamang mangyayari sa kanya," pagpapalubag-loob nitong sambit saka siya hinila palayo.

Muli niyang sinulyapan ang palayong si Agila bago magpatianod sa paghatak sa kanya ng alipin.

"Ang galing mo pala, Makisig. Akalain mo 'yon, naisipan mong magkunwaring babae para lang makapanood sa paligsahan," papuri niya.

Mahina itong tumawa ngunit sumeryoso ang mukha pagkuwan saka binilisan pa ang paglalakad pabalik sa kanilang kubo.

Siya nama'y hindi na rin nagsalita nang maramdamang may sumusunod sa kanila.

"Madali. Mayroong nakabuntot sa atin," kumpirma ni Makisig.

Kinibahan siya bigla. Hindi kaya mga kawal ng Rabana ang nakasunod sa kanila? Ginawa lang bang dahilan ang paligsahan at ritwal sa Dumagit upang magkaroon ng chance ang datu ng Rabana upang hanapin doon ang tagapagmana sa kapuluan ng Rabana?

Sa naisip ay lalo siyang kinabahan.

Hinatak na siya ni Makisig para tumakbo nang

biglang may humarang sa kanilang daraanan.

Pitong kawal na nagpakasuot ng sleeveless jacket at tila puruntong sa pang-ibaba sa halip na bahag at sa ulo ng pinuno marahil ay naroon ang pulang putong, ibig sabihin, isa ito sa magigiting na kawal ng Rabana.

Mabilis na kumilos si Makisig at ipinangharang ang katawan mula sa nakaambang panganib, itinago siya sa likuran nito.

"Hmmm, dalawang binibini galing sa pulo ng Dumagit."

Mula sa liwanag ng buwang nagsilbing tanglaw sa madilim nilang dinaraanan ay naaninag niya ang nakangising mukha ng kawal na tila isang asong ulol na naglalaway sa pagkatakam sa nakikitang pagkain sa harapan nito.

Napakapit siya sa braso ni Makisig, dumiin iyon dahilan upang mapasulyap sa kanya ang huli.

"Huwag kang mabahala. Ika'y aking ililigtas," pangako sa kanya saka nito inilabas ang nakaipit na kutsilyo sa panloob nito.

"Kami'y inyong hayaang makauwi sa aming tahanan, kung hindi, kayo'y aking papatayin!" pananakot ni Makisig.

Subalit tumawa lang nang malakas ang pinuno ng mga kawal at matapang na sumugod sa kanila.

Napaatras sila ng binata habang iwinawasiwas nito ang hawak na kutsilyo.

Napalingon siya sa kanyang likuran, biglang natigil sa pag-atras at napaharap sa isang kawal na gustong lumapit sa kanya.

"Mga lapastangan!" hiyaw niya, hindi ipinahalatang nangangatog na ang mga tuhod sa takot, humawak na sa kamay ni Makisig habang ang likod ay nakadikit sa likod din nito.

"Ang gusto niyong gawan ng masama ay ang magiging kabiyak ng anak ng datu ng Dumagit! Kapag nalaman ni Hagibis ang inyong ginagawa ngayon, tiyak na ipapapatay niya kayo!" pananakot na rin niya sa mga kawal na pumalibot na sa kanila.

Sandaling nagbulungan ang mga ito. Sinamantala iyon ni Makisig, hawak ang kanyang kamay ay sinipa nito ang isang kawal na nakaharang sa kanilang daraanan, sabay silang kumaripas ng takbo, walang lingon-liko dere-deretso lang.

"Iligaw natin sila, Makisig," wika niya sa binata sa takot na baka malaman ng mga ito ang kanilang tinitirhan.

Kumawala siya sa pagkakahawak ni Makisig at umiba ng dereksyong tinahak.

Bahala na, ang mahalaga'y makalayo siya sa mga humahabol sa kanila. Sa pagkakataong ito'y magtitiwala siya sa sariling mga paa at sa liwanag ng buwang tila nakasunod lang sa kanya't iniilawan ang kanyang tinatahak na daan.

"Naroon siya! Habulin ninyo!" narinig niyang sigaw ng pinakapinuno sa mga kawal.

Gosh! Parang napunta lang siya sa mundong ito para tumakbo, magbalat-kayo, habulin ng kung ano at kung sino, in short para lang manganib ang buhay. Wala na bang katapusan ang lahat ng ito?

Pakiramdam niya, mas mapanganib pa sa ahas ang humahabol sa kanya ngayon kaya hindi siya pwedeng magpadaig sa takot.

Subalit kung kelan na siya nakakalayo'y saka naman may isang matigas na bagay na kumapit sa kanyang beywang kasabay ng paglutang niya sa ere.

Sa sobrang takot ay hindi man lang siya nakasigaw. Imagine, ramdam niyang hindi siya umaapak sa lupa at mabilis ang paghatak ng bagay na iyon sa kanya paitaas.

Sa pagkakataong iyo'y totoong namutla siya sa takot at biglang napapikit.

'Gosh! Multo na ata 'tong kasama ko!' hiyaw ng kanyang isip.

Isipin pa lang na dinagit siya ng multo o 'di kaya kapre o kaya'y engkanto, hindi lang mga balahibo niya ang naninindig sa takot, pati yata lahat ng buhok niya sa ulo, nakatindig ngayon.

Pati ba naman mga engkanto gusto siyang gawan ng masama?

"Habulin niyo, hindi siya maaaring makatakas. Kapag nalaman ng anak ng datu ng Dumagit ang nangyari ngayon, lahat tayo'y mamamatay at hindi na makababalik sa Rabana. Kailangan nating patayin ang binukot na yaon!" utos ng pinakapinuno.

Takang dahan-dahan siyang nagdilat ng mga mata, bakit ang dinig niya'y nasa taas lang sila ng nagsalitang kawal? Totoo ba talagang lumilipad sila?

Pagdilat ng kanyang mata'y unang tumambad sa kanya ang puting damit at ang sariling mga brasong nakapulupot sa matigas na bagay.

"Huh?"

Ilang beses niyang sinubukang kumurap, baka nagkakamali lang siya ng tingin pero hindi. Puting damit talaga ang kanyang nakikita, nakayakap pa nga siya sa katawan nito. Ibig sabihin, hindi ito multo, tao ang humila sa kanya pataas!

Pigil ang hiningang dahan-dahan siyang nag-angat ng mukha ngunit laking gulat nang tuluyan nang tumambad sa kanyang paningin ang mukha ng nilalang kung saan siya mahigpit na nakakapit.

"Ahh!" sigaw niya.