Chereads / The Destined Heiress Of Rabana / Chapter 11 - Sa Mga Bisig ng Estrangherong Nilalang

Chapter 11 - Sa Mga Bisig ng Estrangherong Nilalang

"Ahh!" sigaw niya nang magtama ang kanilang paningin sabay bitaw sa katawan nito na sa bandang huli'y pinagsisihan agad nang muntik nang mahulog mula sa kinatatayuang sanga ng mataas na punongkahoy, mabuti na lang at maagap ang lalaki't naikapit na uli ang kamay sa kanyang beywang saka siya kinabig padikit sa katawan nito sabay takip ng kanyang bibig.

Nanlalaki ang mga matang napatitig siya sa lalaki, ito 'yong nagtanggal ng kanyang takip sa dibdib at pumatay sa higanteng ahas noong nakaraang araw!

Paano siya nitong nakita sa lugar na iyon? Sinusundan ba siya nito?

"Aming pinuno, hindi namin mahanap yaong binukot," narinig niyang pagbabalita ng isang kawal.

Napatingin siya sa baba ng punungkahoy, nag-umpukan pala doon ang mga kawal na humahabol sa kanya.

Awtomatiko siyang napakapit sa batok ng estrangherong lalaki sa takot na baka tuluyan na siyang mahulog at mapahamak sa kamay ng mga nasa baba.

Muli na namang napako ang tingin niya ritong dahan-dahang sumandal sa katawan ng puno, mahigpit pa ring nakahawak sa kanyang beywang ngunit tinanggal ang kamay na nakatakip sa kanyang bibig.

Hindi naging hadlang ang kadiliman ng gabi upang mapag-aralan niya't maipinta sa isip ang mukha ng kaharap, hugis puso ang mukha nitong may matangos na ilong, hindi sarat. Napaisip tuloy siya kung isa itong foreigner. Ang mga mata nito'y hindi pabilog, hindi rin singkit, katamtaman lang ang laki na kung makatitig ay matiim, ngunit malimit ay pasuplado at tila walang pakialam sa mundo.

Mula sa liwanag ng buwan, kitang kita niya ang makapal na mga labi nitong bumagay sa tangos ng ilong at hugis ng mukha.

Napatitig siya sa mga labing iyon lalo na nang bahagyang umawang at ewan kung bakit nagkaroon siya ng urge na dampian iyon ng sariling kamay subalit bago pa niya magawa'y may tila pwersang nag-utos sa kanyang titigan uli ang mga mata nito, 'yon nga ang kanyang ginawa kasabay ng bahagyang pag-awang din ng kanyang mga labi.

Noon niya lang napagtantong nakatitig din ito sa kanya nang mariin, tila ipinipinta ang bawat detale ng kanyang mukha at walang parte niyon ang pwede nitong makalimutan.

Namula tuloy ang kanyang pisngi.

Nakilala kaya siya nito? Naalala kaya nitong siya ang iniligtas nito noong nakaraang araw lang at tinanggalan ng takip sa dibdib?

Sa naisip ay biglang umarko ang kanyang kilay, pairap itong tiningnan sabay harang ng isang kamay sa dibdib nito ngunit nang maalalang nasa taas pala sila ng puno at kapag binitawan nito'y tiyak na mahuhulog siya'y napilitan niya iyong ihawak sa damit nito, hindi alintanang mas mapanganib pa yata ang lalaki kesa sa mga humahabol sa kanya.

Subalit hindi niya kayang iwaksi sa isip ang kakaibang pakiramdam na iyon habang nag-aabsord doong magkadikit ang kanilang mga katawan, heto't nga't sa halip na makaramdam ng ginaw sa malamig na gabi'y tila unti-unti pa siyang nakakaramdam ng pagkaalinsangan at hindi mawala ang pag-iinit ng kanyang pisngi. Napasulyap tuloy siya sa nakahawak na estrangherong kunot pa rin ang noo habang nakatitig sa kanya.

"Ano'ng tinitingin-tingin mo d'yan?" pasupla niyang puna sa pabulong na tinig at baka marinig siya sa baba.

Hindi ito sumagot, ni hindi yata narinig ang sinabi niya pero lalo siyang nairita nang sumilay ang isang ngisi sa nakaawang nitong mga labi, lalo tuloy siyang nag-blush. Sabihin pa lang nitong gusto niya ang ginagawang pagkapit sa katawan nito.

Hinawakan nito ang kanyang ulo, inilapit sa mukha ng huli, wala siyang choice kundi ang magpatianod lang, baka bitawan siya nito kung hindi siya sumunod.

"Ano't tila wala ka man lang puso ng pasasalamat sa tulong na kusa kong ibinigay sa'yo?" pasarkastiko nitong bulong, halatang hindi nagustuhan ang sinabi niya lalo ang pairap niyang sulyap.

"Bakit, sinabi ko bang iligtas mo ako?" pambabara niya, napalakas ang boses ngunit nagulat na naman siya nang idikit nito ang isang daliri sa nakabuka niyang bibig.

"Aming pinuno, wari bang narinig ko ang kanyang tinig sa 'di kalayuan?"

Nanlaki ang kanyang mga mata sa narinig, agad naalalang nasa bingit pala siya ng kapahamakan kung hindi dahil sa hambog na lalaking ito. Bakit ba kapag kasama niya ito'y nakakalimutan niya agad ang kasulukyang sitwasyon?

"Hanapin ninyo sa palibot, baka narito lang ang binukot at nagtatago sa malapit!" utos ng pinunong kawal.

Sa takot sa narinig ay napahigpit ang kapit niya sa batok nito, naidikit na ang mukha sa malapad at matigas nitong dibdib. Ito nama'y naisandal uli ang ulo sa katawan ng puno, kung hindi nito gagawin, malamang, nahalikan na nito ang tuktok ng kanyang ulo.

Sa sobrang dikit ng pisngi niya sa dibdib ng lalaking estranghero, ramdam niya ang mainit nitong katawan, para pa ngang dinig niya ang malakas na tibok ng puso nito, wari bang apektado din ang huli sa pagdidikit ng kanilang mga katawan.

'Di tuloy niya maiwasang mag-angat ng mukha upang matigilan lang nang muling magtama ang kanilang paningin.

Bakit pakiramdam niya'y sobrang panatag ang kanyang loob sa mga bisig nito? Para bang mga mga titig nito'y isa nang assurance na walang mangyayaring masama sa kanya na kung tutuusin ay hindi niya ito kilala?

Napatingin ito sa maliwanag na buwan, napatingin din siya. Sa malamig na gabing iyon, sino ba ang mag-aakalang narito siya sa taas ng puno at mahigpit na nakakapit sa batok ng isang estrangherong lalaking ni pangalan ay hindi niya alam.

Kung wala lang ang mga kawal sa baba at patuloy pa ring naghahanap sa kanya, baka nga maisip niyang nagdi-date sila ng lalaki.

Naihilig niya ang ulo, ano ba'ng iniisip niya? Narito siya't nanganganib ang buhay pero napaka-weird ang laman ng kanyang utak.

"Hindi pa ba sila aalis?" paanas niyang sambit, nakaramdam na ng pagka-irita sa nangyayari. Gusto na niyang makabalik sa kanilang kubo, baka nag-aalala na si Makisig sa kanya.

"Pinuno, wala sa paligid ang binukot. Marahil ay nakalayo na siya nang tuluyan mula rito," pagbabalita ng isang kawal na kadarating lang matapos libutin ang buong paligid.

Nakahinga siya nang maluwang. Sana naman umalis na ang mga ito sa ilalam ng punong iyon nang makauwi na siya.

Sinubukan niyang tumingin sa baba ngunit lalo lang niyang naidikit ang mukha sa katawan ng lalaki sa takot na baka mahulog siya. Hindi biro ang taas ng kinalalagyan nila, sampung metro yata mula sa baba.

Paanong nakaakyat doon ang lalaki nang gano'n kabilis? Parang wala pa yatang isang minuto iyon nang maramdaman niyang hindi siya umaapak sa lupa kanina.

"Ano ang iyong ngalan?" natigilan siya sa halos pabulong na tanong.

Subalit maya-maya'y napangiti na rin siya. Andito na lang din sila, bakit hindi niya ito pagbigyan, kahit sa pangalan lang.

"Shine ang pangalan ko," sagot niyang nakangisi ngunit nainis din bigla nang ngumisi na naman ito, tila tinutudyo siya.

"Ikaw, ano'ng pangalan mo?"

Hindi ito sumagot, sa halip ay merung hinawakang bagay saka humigpit ang kapit sa kanyang beywang.

Ang sunod na nangyari'y ikinalula niya at napapikit nang maramdamang tila sila tumatalon sa mataas na gusali. Napakapit siya lalo sa batok nito't ang isang kamay ay sa beywang naman ng lalaki hanggang sa maramdaman na uli niya ang paglapag ng mga paa sa damuhan.

Kumawala ang lalaki sa pagkakayakap sa kanya, bahagyang lumayo, siya nama'y dahan-dahang nagdilat ng mga mata, kung kelan tuluyan nang nalantad sa kanyang paningin ang buong paligid na puno ng matatayog na mga puno'y saka naman naglaho ang lalaki.

Agad niya itong hinanap sa palibot pero wala na ito, naglahong parang bula tulad ng ginawa noon, hindi man lang niya nalaman ang pangalan nito.