'Imposible!'
Kung kelan nasa harap na siya ng mag-ama, saka lang siya nakaramdam ng takot, biglang nanlamig ang kanyang mga kamay, nangatog ang kanina'y malalakas niyang mga tuhod at malaki ang pagkakabuka ng kanyang bibig sa pagkagulat habang nanlalaki ang mga matang nakatitig sa mukha ng babae.
Napakaimposible ang nakikita niya ngayon! Bakit para silang pinagbiak na bunga ng babae? Para ngang nakikita niya ang sarili rito. Ano'ng ibig sabihin ng lahat ng ito? Pa'no silang naging magkamukha ng anak ng datu ng Rabana gayung siya bilang si Liwayway ay anak ni Raha Raba?
Patakbong lumapit si Hagibis sa kanya, agad na hinawakan ang kanyang magkabilang balikat.
"Liwayway, hindi mo marapat na ginawa ang bagay na ito," pabulong na sambit ng binata, may halong paninisi at pag-aalala sa boses nito.
Noon lang siya muling natauhan, natuon ang pansin sa sinabi ng lalaki ngunit sa halip na sagutin ito'y muli siyang tumingin kay Datu Magtulis, kumawala sa pagkakahawak ni Hagibis.
Pinagsikapan niyang umayos ng tindig kahit na hindi makita ng sinuman ang tapang na nakabakas sa kanyang mukha.
"Pakawalan mo ang aliping iyan kung gusto mong makasal sa akin!" muli niyang utos sa datu na lalo lang lumakas ang pinakawalang halakhak.
"Masusunod, mahal kong Liwayway," nakangising turan nito saka sinenyasan ang mga kawal na pakawalan si Agila.
Bumagsak ang binata sa lupa nang tuluyang makalagan ng tali, halatang walang malay.
Pinigilan niya ang sariling takbuhin si Agila at alalayang itayo. Lalo lang itong mapapahamak kapag nalaman ng lahat na magkakilala sila ng huli.
Kaya sa halip na gawin ang naiisip ay pinagkasya na lang niyang mahigpit na ihawak sa suot na palda ang dalawang kamay at matalim na tumitig kay Datu Magtulis na noo'y inilang hakbang lang ang kanilang pagitan.
"Paano ko mapapatunayang ikaw nga'y si Liwayway?" paniniyak nito, mataman siyang pinagmasdan mula ulo hanggang paa.
"Bobo ka ba? Hindi mo ba nakitang mismong si Hagibis ang lumapit sa akin at tinawag ako sa pangalan ko?" pabara niyang sagot, maangas na humalukipkip sabay irap dito, hindi pinansin ang paniningkit ng mga mata nito ngunit nagpigil pa rin sa nararamdaman.
Ang balak niya'y sulyapan ang kinaroroonan ni Miko upang senyasan sanang tulungan siya pero naagaw ng lalaking may talukbong sa ulo ang kanyang pansin nang ihimas ang kamay sa baba nito, ramdam pa rin niyang nakatitig ito sa kanya nang mariin, inaarok kung ano'ng sunod niyang gagawin at sasabihin.
"Ama, hayaan mo'ng tanggalin ko ang balanggot na kanyang gamit upang aking masilayan ang kanyang mukha," muling sabad ng dayang ng Rabana.
Muli na naman siyang kinabahan, hindi naniniwalang coincidence lang ang pagkakahawig nila ng mukha ng babae. Hula niya'y may koneksyon silang dalawa. Paano kung makita ng lahat ang kanyang mukha at malantad ang pagkakahawig nila ng dayang, paano kung dahil doo'y malaman ng ama nitong siya ang tagapagmana, ang may hawak ng susi sa kaharian ng Rabana?
Subalit kung susuway siya sa kagustuhan ng dayang na ito'y lalo lang sisidhi ang hula ng mag-ama na mayroon siyang itinatago, lalo't alam ng mga itong narito sa Dumagit ang anak ni Lakambini Bana.
"Gawin ang iyong gusto," pagpayag ng ama nito.
Lalong napahigpit ang kapit niya sa sariling palda.
Subalit kung kelan gahibla na lang ang lapit ng kamay nito sa sumbrero niyang suot ay bigla namang may nagsalita sa likuran ng dayang.
"Magtigil ka Luningning!" malakas na hiyaw ng lalaking nakatalukbong dahilan upang takang mapabaling ang babae sa huli.
"Hindi ka ba nagtataka kung bakit ang binukot na iya'y nakatakip ang mukha? Maaring siya'y may nakahahawang sakit, baka ikaw pa'y mahawa," katwiran ng lalaki.
"Tama!" Pumilantik siya, biglang nakaisip ng paraan upang tantanan siya ng babae.
"Ako nga'y may nakakahawang sakit sa ngayon. Madaming bulutong-tubig ang buo kong mukha at katawan. Kaya kahit kay Hagibis ay hindi ako lumalapit ilang linggo na ang nakararaan upang huwag siyang mahawa sa aking sakit," susog niya sa sinabi ng lalaki.
"Subalit--" alanganing sabad ng dayang, bumaling sa ama, nanghihingi ng saklolo.
"Tama ang iyong kapatid, Luningning. Marahil ay totoo ang kanyang turan," hindi inaasahang sagot ng datu.
Sumimangot bigla ang dalaga, nagmartsang bumalik sa pagkakaupo matapos siyang pukulan ng matalim na titig.
Nakahinga siya nang maluwang, napasulyap na sa lalaking nakapagtatakang tinulungan siya sa kritikal na sitwasyon. Ito pala ang kapatid ng babae, ang anak na lalaki ni Datu Magtulis.
Maya-maya'y agad ding nagbago ang ekspresyon ng kanyang mukha saka muling napasulyap sa lalaki. Bakit siya nito tinulungan?
"Milos, dalhin ang binukot sa nararapat niyang silid at hintaying siya'y gumaling hanggang sa araw ng kanilang pag-iisang dibdib ng aking amang datu!" maawtoridad na utos ng lalaki.
Nagtaka pa siya nang lumapit sa kanya si Miko, Milos pala ang pangalan nito sa mundong iyon? Hindi nalalayo sa pangalan nito.
"Ikaw'y sumunod sa akin," kaswal na utos ng nobyo sa kanya.
Bago siya sumunod, nilingon niya muna ang kinaroroonan ni Makisig ngunit wala na ito doon.
Maging si Agila ay wala na rin sa lugar na iyon.
--------
"Miko, ako ito, si Shine," pakilala niya sa nobyo nang pagkapasok sa isang maluwang na silid ay isara agad ng huli ang pinto.
Mabilis niyang tinanggal ang sumbrerong suot at mula sa liwanag na nanggagaling sa lamparang nakapatong sa may lamesa sa gilid ng pinto ay nalantad sa binata ang kanyang mukha.
Umawang ang bibig nito sa pagkagulat na ikinatuwa naman niya.
"Sabi ko na, makikilala mo ako agad." Sinabayan niya ng hagikhik ang sinabi saka hinawakan ito sa braso ngunit siya rin ang nagtaka nang pumiglas ang huli.
"Pangahas na nilalang! Hindi ko batid ang iyong tinuran."
Litong napatitig siya sa mga mata nitong mailap ngunit matalim kung makatitig. Walang bakas mula roon na nagpapatunay na kilala nga siya nito.
"Miko, ako 'to si Shine, ang girlfriend mo," pagpapakilala niya uli, sinubukang muling hawakan ang braso nito ngunit umatras ito, matigas ang mukha at matalim ang mga matang tumingin sa kanya.
"Lapastangang alipin! Ako'y huwag mong linlangin sa makamandag mong kariktan sapagkat ako'y hindi basta nagpapaakit sa kagandahan ng sinuman!" mariin nitong sambit, tila ba isa siyang pokpok na pinandidirihan nito.
Napaatras siya sa hindi maipaliwanag na panlulumo. Ano'ng nangyari? Bakit hindi siya nito kilala?
Nagka-amnesia din ito? 'Wag sabihing kamukha lang ito ni Miko pero hindi talaga ang kanyang nobyo?
Puno ng pagkadismayang napasandal siya sa kawayang pinto ng silid, 'di maiwasang magbaba ng tingin. Gusto na talagang pumatak ng kanyang mga luha sa reyalidad na bumalot sa kanyang pagkatao. Paano siyang makababalik sa kanyang mundo kung pati ang sariling nobyo'y hindi siya kilala?
Nakagat niya ang ibabang labi upang pigilang tuluyang malaglag sa sahig ang namuong butil ng luha sa kanyang mga mata.
Ang kaisa-isang dahilan kung bakit hanggang ngayo'y malakas ang kanyang loob ay tuluyan nang naglaho. Wala man lang makakilala sa tunay niyang pagkatao sa lugar na 'yon, pati ang iniisip niyang nobyong magiging tagapagtanggol niya at kakampi ay sukat ba siyang pandirihan. Ni hindi siya makilala.
Ang lagay eh makakasal talaga siya sa Datu Magtulis na 'yon nang wala man lang kalaban-laban?
Hinablot nito ang kanyang braso saka siya itinulak palayo sa pinto at nagmamadaling lumabas.
Siya nama'y walang nagawa kundi ang tingnan na lang ang binata at pakinggan ang kalampag ng tila bakal na panali nito sa pinto upang hindi siya makalabas mula roon.
Nang madinig niya ang mga apak palayo ay saka lang siya tila nawalan ng lakas na napaupo sa sahig na tabla.
Bigla siyang nakaramdam ng panghihina, hindi lang ng katawan kundi pati isip at puso ngayong napatunayan niyang hindi siya kilala ni Miko, na mukha lang nito ang kahawig sa kanyang nobyo ngunit iba ang pagkatao.
"Psssst! Dayang Liwayway!"
Nasa ganoon siyang kalagayan nang biglang marinig ang mahinang pagtawag sa kanyang pangalan mula sa ilalim ng tablang sahig.