Napaungol si Shine nang tila maalimpungatan at maramdaman ang mahapding braso. Isang ungol na uli bago siya tuluyang mahimasmasan sabay dilat ng mga mata at biglang napatayo sa pag-aakalang nakadapa pa rin siya sa malawak na kagubatan. Subalit sa halip na damuhan ay malagkit na braso ni Agila ang kanyang nahawakan.
"Manatili ka sa iyong pagkakaupo," mahinang utos ng binata, mahigpit na nakahawak sa kanyang balikat upang pigilan siyang tumayo.
Ilang beses muna siyang kumurap bago naaninag ang duguan nitong mukha. Sandali siyang natigilan, sinimulang itanong sa sarili kung nasaan sila, bakit tila kay liwanag ng paligid samantalang wala silang lampara at ang tangi lang nagsisilbing tanglaw ay ang liwanag ng buwan.
Doon lang sumagi sa kanyang kamalayan ang kagubatan ng Dumagit.
Kunut-noong tiningnan niya ang lugar na kinalalagyan. Nasa bangka sila, kasya lang sa apat na tao, si Makisig ay nagsasagwan sa unahan habang sila ni Agila'y nakaupo sa malapad na tabla sa gitna ng bangka.
Napangiwi siya nang muling maramdaman ang mahapding bahagi ng braso saka napabaling kay Agila na deretso ang tingin sa unahan.
"Paano mo akong nakita sa kagubatan? Si Hagibis? Asan si Hagibis?" sunod-sunod niyang tanong ngunit walang sagot mula sa binata, tanging si Makisig lang ang awtomatikong lumingon sa gawi nila.
Sa lutang pa rin niyang isip ay kung bakit para siyang nakarinig ng sigawan ng mga tao sa kanyang likod.
Taka siyang napalingon para lang mapatayo habang dilat na dilat ang mga mata, nawala ang pagkahilong kanina'y nararamdaman.
"My gosh! Ano'ng nangyari? Bakit nasusunog ang baybayin? Agila!" Nagsimula na siyang mag-panic pero hindi napansin si Mayumi na panay ang singhot habang nagsasagwan sa likuran sa sobrang pag-aalala sa kanya kanina pa.
Mula sa kanilang kinalalagyan, kitang kita niyang nagliliyab sa apoy ang buong baybaying kanilang pinagmulan, lalong naging malinaw sa kanyang pandinig ang sigawan kahit ng mga munting sanggol.
"Hindi tayo pwedeng umalis! Bumalik tayo, ibalik mo ang bangka, Agila!" Nagsimula na siyang maghestirya sa magkahalong takot at pag-aalala para sa mga tao ng Dumagit. Nang akma na siyang tatalon ay saka siya niyakap nang mahigpit ni Agila.
"Huminahon ka, Liwayway. Wala ka nang magagawa para tulungan sila," mariing sambit ng binata na lalo lang nagpasiklab sa kanyang nararamdaman.
"Hindi! Tutulungan ko sila. Naroon pa si Hagibis sa gubat. Hindi siya pwedeng mamatay! Ibalik mo ang bangka! Agila!" sigaw niya, nagpilit humulagpos mula sa pagkakayakap ng lalaki habang humahagulhol.
Hindi niya pwedeng takasan ang lugar na iyon gayung alam niyang nangangailangan ng tulong ang mga tao duon.
"Tumawag tayo ng mga pulis. Nasaan ang phone ko? Tatawag ako ng pulis, Agila! Ibigay mo sa'kin ang phone ko!" Sa nakakagimbal na pangyayaring iyon habang umaalingawngaw sa kanyang pandinig ang hiyawan ng mga taong humihingi ng tulong, mapabata o matanda, lalaki o babae, wala siyang magawa kundi hanapin ang kanyang phone, baka sakali lang makatulong siya kapag nakatawag na siya ng pulis.
"Ina, bilisan niyo ang pagsagwan!" malakas na sigaw ni Agila kay Mayumi sa kanilang likuran na impit ang pag-iyak habang pinakikinggan siyang humahagulhol at naghehestirya sa takot.
Si Makisig man ay napapahikbi na rin subalit habang mabilis na nagsasagwan, binabalanse ang ginagawang pagsagwan ni Mayumi sa likuran.
Sa panggigigil niya kay Agila't ayaw siyang pakinggan, pinagbabayo niya ang dibdib nito, pinagsasampal ang mukha.
"Bitiwan mo ako! Ibalik mo ako sa Dumagit! Ibalik mo ako!" paulit-ulit niya pa ring sigaw hanggang sa maramdaman niya ang kamay ng binatang tila tumusok sa kanyang batok dahilan upang muli siyang mawalan nang malay.
"Paumanhin, Mahal na Dayang. Subalit kilangan mong mabuhay para makaganti." Bago siya tuluyang mawalang ng ulirat ay iyon ang kanyang narinig mula rito, ramdam niya ang pait at pagkasuklam sa tinig na iyon.
Marahil ay tama ito. Kailangan niyang mabuhay upang makaganti. Gaganti siya. Hindi pwedeng hindi siya gumanti. Siya ang anak ni Raha Raba, siya ang dapat na tagapagmana ng Rabana. Babawiin niya ang kapuluan mula sa walang pusong Datu Magtulis. Habang unti-unting dinadala sa kadiliman ang kanyang kamalayan ay iyon ang paulit-ulit na tumatak sa kanyang isipan.
Hangga't siya'y narito sa mundong ito, hinding hindi niya kalilimutan ang naririnig na sigawan ng mga taga-Dumagit habang humihingi ng saklolo.
------
Mga bulungan sa buong paligid ang nanggising sa mahimbing na pagkakatulog ni Shine.
Bago niya idinilat ang mga mata'y nakiramdam muna siya, nakinig na rin sa bulungan ng mga naruon.
Sandaling nangunot ang kanyang noo nang maalala ang nangyari sa kanya bago mawalan ng malay.
Panaginip lang ba iyon? Sana nga panaginip lang. Sana 'pag idinilat niya ang nga mata'y naruon na siya sa kanila at ang una niyang makita ay ang kanyang mama at papa, h'wag nang isali ang suplada niyang ate at malamang na sermon lang ang aabutin niya roon kapag nalamang umangkas siya sa motor ni Miko para makipag-date sa binata kaya sila nadisgrasya.
Dahan-dahan niyang idinilat ang mga mata, excited sa unang masisilayang mukha.
"Mama, Papa?" mahina niyang sambit.
"Kidlat? Gising ka na nga ba, aking bunso?"
Napangiwi siya bigla sa naramdamang hapdi ng kanyang braso. Ngunit higit na mahapdi ang kaalamang narito pa rin siya sa makalumang mundo, lahat ng excitement niya kanina'y biglang naglaho.
Ang unang nasilayan ng kanyang mga mata'y si Mayumi, mugto ang mga mata habang walang kurap na nakatitig sa kanya, hindi binibitawan ang kanyang kamay na ewan kung kelan pa nito hawak.
"Ina, si Agila?" Iyon ang biglang lumabas sa kanyang bibig pagkatapos itong matitigan.
Dahan-dahan siyang bumangon at binawi ang kamay kay Mayumi na nagmamadali siyang inalalayang makabangon hanggang sa maisandal niya ang likuran sa headboard ng kama.
Natigilan siya.
Wait! Baka nagkakamali lang siya ng nasandalan.
Hindi makapaniwala't kinapa pa niya ang headboard sa kanyang likuran, maya-maya'y lukot ang noong tinitigan ang kanyang kinauupuan.
Isa nga iyong maluwang na kama!
Nakangangang sinipat niya ang buong paligid. Isa iyong malawak na silid, ang ceiling ay gawa sa tabla, maging ang mga dingding, hindi na anahaw at nipa tulad sa Dumagit.
Sa tabi ng kama ay naroon ang bedside table na gawa rin sa tabla, hindi kawayan.
Mayroon ding nakapatong roong lampara, gawa sa bote na ang gitna ng takip ay nilagyan ng pabilo.
Nahagip ng kanyang paningin ang kurtinang gawa sa tinuhog na mga seashell, nilagyan ng iba't ibang kulay upang maging maganda sa paningin ng mga nakakakita.
Nagpakurap-kurap siya. Baka nagkakamali lang siya ng tingin. Nang hindi makuntento'y litong pinagmasdan niya ang mukha ni Mayumi, ngunit walang nabago dito, tulad pa rin sa dati, isang simpleng ginang.
"Ina, nasaan tayo?" usisa niya, puno ng pagtataka ang mukha.
Napangiti ito at akma nang magsasalita nang biglang umeksena si Makisig na kapapasok lang sa silid.
"Kidlat!" tawag sa kanya.
Napahagikhik siya pagkakita sa binatang alipin, kasunod niyon si Agila na pigil ng ngiti sa labi.
Balak na sana niyang tumayo at salubungin ang dalawa nang muling mapangiwi, sumakit ang sugat niya sa kanang braso. Iniangat niya iyon upang tingnan ang masakit ngunit iba ang nahagip ng kanyang paningin.
"Ang bracelet ko? Nasaan ang bracelet ko?" bulalas niya.
Takang nagkatinginan ang tatlo, hindi alam kung ano ang kanyang hinahanap.
Awtomatikong napatingin siya kay Makisig. Alam niyang ito ang unang nakakita sa kanya sa kagubatan.
"Makisig, nakita mo ang bracelet ko? Iyong palamuti ko sa pulso?" usisa niya sa binata pero maang lang itong napatingin kay Agila.
"Wala akong nalalaman sa iyong sinasabi. Wala ka namang palamuti sa pulso nang ikaw'y aming matagpuan ni Agila sa gubat," sagot ni Makisig.
"Hindi naman si Agila ang mga kasama mo nang makita ako 'di ba?" wala sa sariling sambit niya saka nagpilit na tumayo.
Nagmamadaling lumapit si Agila para alalayan siya.
"Ako ang unang nakakita sa'yo sa kagubatan," kumpirma nito.
"Ha?" gulat siyang napatanga, pagkuwa'y litong naihilig ang ulo. Tandang-tanda pa niya ang nangyaring iyon. Binuhusan siya ng tubig sa kanyang ulo saka siya kinumutan ng basang kumot.
Narinig pa nga niyang tinawag na bobo ng isang matanda si Makisig. Bakit daw siya binigyan ng asupre.
Huwag sabihing panaginip lang ang lahat ng iyon?
Maang siyang napatingin kay Makisig na nagkakamot ng ulo habang lito ring nakatingin sa kanya.
"Huwag mo nang isipin ang mga bagay na yaon, Kidlat. Simula sa araw na ito'y ikaw na si Kidlat kaya't iyo nang kalimutan ang nangyari sa nakaraan," seryosong payo ni Agila habang hindi siya binibitawan sa braso, inaalalayan siyang makalakad nang maayos.