Chereads / The Destined Heiress Of Rabana / Chapter 25 - Ang Kakaibang Hiyawan Ng Mga Kadalagahan

Chapter 25 - Ang Kakaibang Hiyawan Ng Mga Kadalagahan

"Psst! Makisig!" pigil ang boses na tawag ni Shine kay Makisig habang siya'y nasa tarangkahan ng kubo at ito'y nasa likuran ni Mayumi habang ang ginang ay nagluluto ng kanilang pananghalian sa kusina ng bahay.

Sa hula niya'y alas dyes pa lang nang umaga kaya may oras pa para maglaro sila ni Makisig sa tuktok ng bundok na mula nang mapunta sila sa lugar na iyo'y ganuon ang madalas nilang gawin nang lingid sa kaalaman ni Agila at Mayumi. Duon sila nag-eespadahan kunwari ni Makisig, nagsasanay kunwari makipaglaban, sa huli'y siya lagi ang talo.

Nilingon siya ng binata ngunit pinatahimik din agad nang kawayan niya ito.

"Ahem-- Inang, wala na po pala tayong panggatong. Pupunta lang po akong gubat mangunguha ng panggatong," paalam nito.

"O, siya sige. Basta huwag kang magtatagal duon. H'wag mo nang isama si Kidlat at malapit na tayong kumain," pagpayag naman agad ni Mayumi, hindi na lumingon sa binata.

"Opo," ani Makisig.

Nauna na siyang bumaba ng hagdanan palabas ng bahay nang hindi napapansin ni Mayumi, panay ang hagikhik habang tumatakbo papunta sa masukal na gubat at puno ng naglalakihang mga puno ngunit hindi kababakasan man lang ng takot ang kanyang mukha. Kabisado na kasi niya ang lugar na iyon. Alam din niya kung saan sila pupunta ni Makisig.

Mayroon silang ginawang kubo sa gitna ng gubat, kapag umuulan ay duon sila naglalagi lalo 'pag nangunguha si Makisig ng panggatong at palihim siyang sumasama rito.

Nang masegurong hindi na siya makikita ni Mayumi ay tumigil siya sa pagtakbo at hinintay na makalapit si Makisig na kunwari'y nakaismid sa kanya ngunit napalakas ang tawa nang tuluyan nang makalapit at marinig ang kanyang hagikhik.

"Pagagalitan na naman ako nito ni Inang kapag nalamang sumama ka sa'kin," pagmamaktol nito kunwari.

Nagsimula na siyang maglakad paakyat sa bundok habang tumatawa.

"Don't worry, my dear. Magalit man siya'y nakauwi na tayo. Alam mo naman si Ina, hindi 'yon marunong magalit nang matagal." Sinabayan pa niya ng hagikhik ang sinabi.

Ngayon ay parang balewala na sa kanya ang pagsusuot ang kamisa de chino na may butones sa may dibdib at hanggang balakang ang haba, at puruntong na hanggang tuhod ang haba. Ang kamisa ang isa sa mga damit na ipinapangalakal ng mga dayuhang tsino sa baybaying iyon kapalit ng prutas at mga isdang pangunahing produkto ng barangay. Huwag nang isali ang mga gintong nakukuha sa bundok kapag naghuhukay ang mga tao ruon at ang mga perlas na nakukuha sa karagatan.

Natawa siya nang makita ang suot niyang tsinelas na gawa sa dayami na ginawa ni Mayumi noong nakaraang linggo lang nang may isang japanese na mangangalakal ang nagpunta sa kanila at makipagpalitan ng mga kalakal , subalit sa dami ng mga taga- Barangay Masagana ay agad naubos ang tsinelas kaya si Mayumi mismo ang gumawa ng kanilang sapin sa paa gamit ang dayami ng palay.

Napaisip tuloy siyang gumawa ng tsinelas, iguguhit niya tapos ipapakita kay Mayumi at ito naman ang gagawa. Sa ganuong paraan ay tiyak na dudumugin sila ng mga mamimili hindi lang sa kanilang barangay kundi sa buong kapuluan ng Rabana at sa karatig na mga bansa.

Muli siyang napahagikhik. Ano kaya kung maging inventor siya at negosyante sa panahong iyon? Tapos kapag bumalik na siya sa hinaharap ay makita na lamang niya ang kanyang pangalan sa Philippine history bilang isa sa pinakamayamang inventor at businesswoman sa buong bansa.

Hahagikhik na sana siya uli nang magulat sa pagpatak ng malaking butil ng tubig sa kanyang ilong.

"Huh? Ano 'yon?" gulat niyang usisa sabay pahid sa ilong saka tumingala sa langit.

"Bumalik na tayo, umuulan na," yaya ni Makisig, ipinatong na ang palad sa ulo nito nang walang sabi-sabing bumuhos ang malakas na ulan.

Hinawakan niya ito sa kamay upang pigilan sa gagawin.

"Malapit na tayo sa kubo. Halika ka na! Titila din 'yan maya-maya," salungat niya saka hinatak na ito paakyat sa bundok hanggang sa makarating sila sa kubong kanilang itinayo sa gitna ng gubat.

Nag-unahan pa silang sumilong sa balkunahe, maya-maya'y nag-unahan na uling pumasok sa loob na ang sahig ay gawa sa maliliit na sanga ng kahoy, binalatan at pinagdikit-dikit saka itinali ang bawat dulo sa balangkas ng kubo.

"Kapag hindi pa rin tumila ang ulan sa loob ng isang oras, uuwi na tayo," aniya kay Makisig na makahulugang tumitig sa kanya.

"Bakit pakiwari ko'y kay raming matatalinghagang salita ang iyong nalalaman? Paano ba binibilang yaong isang oras?" usisa nito, pa-squat nang umupo sa kanyang harapan habang siya'y gano'n din ang ginawa sabay ngiti sa binata.

"Sige, turuan kita."

Pinakuha niya ito ng labindalawang maliliit na bato sa labas ng kubo, pagbalik ay makikinis na maliliit na mga bato ang ibinigay sa kanya.

Inayos niya ang mga iyon nang pabilog at inidetalye rito kung paano iyong bilangin at paano malalaman kung anong oras na sa mga sandaling iyon. Mataman naman itong nakinig, inuulit ang bawat katagang kanyang sinasabi.

Pagkatapos ay bigla itong napapalakpak.

"Alam ko na, Ala una, alas dos, alas tres. At ngayon marahil ay alas onse y medya na nang umaga," natutuwa nitong sambit.

Humagikhik siya. Madali talagang turuan si Makisig, nakukuha agad ang kanyang sinasabi.

Subalit ang tuwa sa mga mukha ay dagling napawi nang marinig nila ang tila sigawan ng mga kababaihan sa baybayin ng dagat, sumasabay iyon sa buhos ng malakas na ulan.

Kapwa sila napabaling sa mga tinig na iyon at nang magkatinginan ay kapwa rin nagpakakunot ang noo.

"Ano 'yon?" sabay pa nilang tanong sa isa't isa.

"Baka may mga mangangalakal na dumaong sa dalampasigan at nagtakbuhan ang mga kadalagahan para salubungin sila," hula ni Makisig ngunit agad na nagbaba ng tingin.

Pero siya'y bigla na lang kinabahan. Bakit ang narinig niyang hiyawang iyon ay hindi ng mga nagkakasiyahan?

Pilit niyang iwinaksi ang masamang iniisip. Madalas nilang marinig ang hiyawan ng mga kadalagahan sa baybayin ng dagat kahit narito sila sa tuktok ng bundok, para pa nga iyong nag-e-echo sa kanilang pandinig ni Makisig. Baka nga may mga dumaong na mangangalakal at sinalubong ang mga ito ng mga kadalagahang nagsisigawan sa tuwa.

"Bumalik ka sa kubo, kumuha ka ng payong at dalhin mo rito," utos niya sa binata. May payong na kasi sa panahong iyon, benta rin ng mga hapong mangangalakal.

Ramdam niyang napilitan itong tumayo, muling isinuot ang tsinelas na gawa sa dayami at lumabas ng kubo, nagkibit-balikat lang siya subalit hindi niya mawari kung bakit iba ang kaba ng kanyang dibdib.

"Mag-iingat ka!" habol niya nang maramdamang medyo malayo na ito ngunit maya-maya'y nagulat pa siya nang bigla itong bumalik, hawak ang isang matalim na kutsilyo, nagmamadaling lumapit sa kanya.

"Baka matagal akong makabalik, gamitin mo muna ito upang ipagtanggol ang iyong sarili," anito bago tuluyang lumabas ng kubo at kumaripas ng takbo palayo.

Nakaramdam siya bigla ng lungkot. Hindi na niya narinig pa ang sigawan ng mga kababaihan pero bakit hindi pa rin mawala ang kaba sa kanyang dibdib, kakaibang kaba, parang excited siya na takot na ewan.

Dinampot niya ang mga bato saka tumayo, muling umupo sa may tarangkahan habang pinagmamasdan ang tubig-ulan na tila ba wala nang balak tumigil sa pagpatak. Nang mahagip ng tingin ang tsinelas sa gilid ng tarangkahan ay kanya itong isinuot.

"Ineng, maari bang makahingi ng makakain?"

Muntik na siyang mapalundag sa magkahalong gulat at takot nang may biglang magsalitang matandang hukluban sa kanyang harapan. Kung saan ito nanggaling ay hindi niya alam.