Chereads / The Destined Heiress Of Rabana / Chapter 26 - Ang Matandang Hukluban

Chapter 26 - Ang Matandang Hukluban

"Ineng, maawa ka sa akin, ilang araw nang kumakalam ang aking tiyan sa gutom," pagmamakaawa ng matanda.

Sandali siyang natigagal. Saan nanggaling ang matandang ito, bakit hindi niya nakitang lumapit sa kanya, ni kaluskos ng mga yapak nitong palapit ay hindi niya narinig?

"Ineng," muling tawag ng kaharap.

Napakapit siya sa haligi ng kubo habang sinisipat ang kulubot na mukha nito, sa mga mata ay naruon ang pag-aalinlangan kung ito'y masamang tao o maligno, engkanto o matandang naligaw lang sa lugar na iyon.

Napansin niya agad ang nanginginig nitong kamay na nakahawak sa tungkod na gawa sa kawayan habang tumutulo ang laylayan ng balabal na ipinatong sa ulo nito.

Doon lang siya nakaramdam ng awa't tinanggal ang basang telang iyon. Tumayo na rin siya't inalalayan itong makapasok sa kubong may isang baitang na hagdanan.

Sumilay bigla ang matamis na ngiti sa kulubot nitong mga labi nang mag-angat ng mukha at tumitig sa kanya pagkapasok lang sa loob at inilapat ang pwet sa sahig para umupo.

Siya nama'y lumuhod sa harapan nito, sinalat ng balat ang suot nitong damit kung basa ngunit hindi.

Kinuha niya ang hawak pa rin nitong tungkod saka inilagay sa may paanan nito, pagkuwa'y nilapitan sa isang sulok ang itinabi nilang buwig ng saging na nakita ni Makisig habang nangunguha ng panggatong sa 'di kalayuan ruon noong nakaraang araw. Mabuti na lang at hinog na ang mga iyon kaya't dali-dali niyang ibinigay ang tatlong piraso sa matanda.

Ramdam niyang gutom na gutom nga ito nang inilang kagat lang ang isang pirasong saging, saka nagbalat uli ng isa pa at ng isa pa, tuloy ay nahila na niya palapit dito ang buong buwig at hinayaan kumuha na lang roon hanggang sa mabusog ito.

Nang mapansing nabibilaukan na ito'y lumabas siya sa kubo, naghanap ng malapad na dahon sa palibot at nang makakita'y pumutol roon gamit ang patalim na ibinigay ni Makisig kanina. Wala na siyang pakialam kahit mabasa pa ng ulan, gamit ang dahon ay sumalok siya sa tubig-ulan saka bumalik sa kinaroroonan ng matandang hinihimas na ang tiyan sa sobrang pagkabusog.

Ipinainom niya rito ang dalang tubig sa malapad na dahon.

"Maraming salamat, Ineng," saad ng matanda pagkatapos.

"Saan po ba kayo galing lolo? Bakit po kayo naligaw sa gubat na 'to?" usisa niya, kampante nang nakaluhod paharap dito habang pinagmamasdan ang mukha nitong kulubot na sa katandaan, sa hula niya'y walumpung taong gulang na ito ngunit himala't hindi pa nag-uulyanin at nagawa pang makaakyat sa bundok na iyon.

"Galing ako sa karatig-nayon at naligaw lamang rito," sagot nito, maya-maya'y bumaling sa kanya, tinitigan siyang mabuti saka muling ngumiti, napangiti na rin siya.

"Tunay ngang ang iyong mukha'y singrikit ng mga bituin sa kalangitan subalit sadyang mapaglaro ang tadhana. Iyo kayang makilala ang ginoong pinakaiirog sa mundong ito? O iyo siyang kamuhian pagkatapos na siya'y makilala?" makahulugan nitong sambit habang hindi inaalis ang mga mata sa pagkakatitig sa kanya.

"Ano po?" Tila nabingi siya sa sinabi nito o wala lang talaga siyang naunawaan sa binigkas ng huli.

Ngumiti na uli ito, makahulugan. Duon lang siya tila natauhan at biglang tumalikod rito, hinimas ang begote't balbas kung naruon pa, naroon pa ang mga iyon sa kinalalagyan. Bakit ba ngayon lang pumasok sa kanyang isip na nagpapanggap pala siyang lalaki sa mundong iyon? Pero bakit kanina pa siya tinatawag na "Ineng" ng matanda? Halata bang nagpapanggap lang siya bilang lalaki? Bakit ito lang yata ang nakapansin?

Kahit boses niya'y pilit niyang iniba kapag nakikipag-usap sa mga tao?

Naguguluhang humarap siya muli sa matanda, bumuka ang bibig upang magsalita pero natilihan siya't nanatiling nakatitig dito, litong-lito.

"Nararamdaman ng puso ang hindi kayang unawain ng isipan."

Lalo lang siyang napatanga nang muli itong magsalita.

"Madali, lumabas ka sa kubo upang salubungin ang iyong sundo," utos sa kanya.

"Ha? Kilala niyo po si Makisig?" bulalas niya.

Napangiti ito, makahulugan na uli saka itinuro ang labas ng kubo.

Ewan, pakiramdam niya na-hypnotize siya ng matanda na hindi siya makapagtanong kung ano'ng ibig sabihin ng mga sinasabi nito, bakit alam nito na babae siya.

Heto pa, kusa na siyang tumayo at lumabas sa kubo upang salubungin sana si Makisig sa pag-aakalang ito ang nakitang dumating ng matanda subalit tila siya nahimasmasan nang sa halip na ang binata'y iba ang sumisilong sa balkunahe.

"Puting kabayo?!' bulalas pa niya sabay lingon sa loob kung saan nakaupo ang matanda subalit anong pagtataka niya nang hindi na ito makita.

Biglang huminto ang pagbuhos ng malakas na ulan at nakapagtatakang agad na nagpakita ang haring-araw patunay na tanghaling tapat na ng mga sandaling iyon.

"Huh? Asan na 'yong matanda?" tanong niya sa sarili, hindi nakuntento't dumungaw na sa loob, hinanap sa bawat sulok ng kubo ang matanda pero wala kahit ang balabal nito. Tanging balat lang ng saging ang naroon. Hindi naman niya ito nakitang lumabas ng kubo.

Puno ng pagtatakang bumaling siya sa puting kabayo.

"Nakita mo 'yong matandang lumabas?" wala sa sariling tanong niya, para bang tao ang kanyang kaharap.

Ngunit ano'ng gulat niya nang umiling iyon, napanganga siya lalo, napaatras at napaupo sa hagdanan.

Tama ba ang nakita niya? Umiling sa kanya ang kabayo? Nauunawaan siya nito?

Nababaliw na ata siya eh!

Nailagay niya ang kamay sa dibdib sabay titig sa kabayong ngayon ay nakatungo na ngunit hindi tumitinag sa kinatatayuan. May sa engkanto yata ang kabayong iyon. O alaga iyon ng matandang bigla na lang naglaho pagkalabas lang niya ng kubo.

Kinabahan siya bigla, hindi inalis ang tingin sa kabayo. Mamaya, mag-iba ito ng anyo at maging isang matandang hukluban, talagang kakaripas siya ng takbo pauwi. Sa ilang linggong pagpapabalik-balik nila rito ni Makisig, ngayon lang siya nakaranas ng ganitong kababalaghan, huwag nang isali ang kababalaghang nangyari sa kanya kung bakit siya napunta sa mundong ito.

Ilang minuto muna ang kanyang pinalipas at nang masegurong hindi nagbago ng anyo ang kabayo'y saka lang siya tumayo at pumasok sa loob ng kubo, dinampot sa sahig ang naiwang patalim. Pagkuwa'y muli siyang lumabas at lumapit sa kabayong hindi pa rin tumitinag sa kinatatayuan habang nakatungo ang ulo.

Lakas-loob niya iyong nilapitan ngunit nakaamba ang hawak niyang patalim. Mas mabuti na iyong nakakasegurong hindi siya niyon lalapain, mamaya, aswang pala iyon.

Ngunit naengganyo siyang hawakan ang mapuputi niyong buhok na halatang alaga sa linis, baka nga'y araw-araw iyong pinaliliguan ng may-ari.

Wala sa sariling naihimas niya ang kamay sa basa niyong buhok.

Nagsimula niyong ikawag ang basa ring buntot, patunay na nasiyahan iyon sa kanyang ginawa.

"Kawawa ka naman. Naligaw ka rin dito? Nasaan ang amo mo?" parang bata niyang tanong na tila nakikipag-usap sa bata din ngunit malibang nag-angat ng ulo ang kabayo ay wala na iyong ibang reaksyon.

"Gusto mo bang ihatid kita sa amo mo? Kilala mo ba siya? Mag-close kayo?" muli niyang sambit.

Inilabas niyon ang mahabang dila, dinalaan ang kanyang pisngi dahilan upang mapahagikhik siya. Pakiramdam niya, matagal na silang magkakilala ng kabayong iyon, hindi man lang natatakot sa kanya gayung ngayon lang siya niyon nakita.

Bilang ganti'y hinalikan niya ang nguso niyon, nagulat na uli siya nang kusa iyong lumuhod at itinungo ang ulo, parang pinasasakay siya sa likod niyon, kaya hindi siya nag-atubiling sumakay, nawala sa isip na hindi pala siya marunong mangabayo.

At nang kumaripas na iyoo ng takbo'y doon lang siya napatili sa takot, agad napakapit sa mahahaba niyong buhok.

"Mama! Papa! Tulong! Agilaaa!" paulit-ulit niyang sigaw sa takot habang walang patid sa pagtakbo ang kabayo pababa sa bundok.