Chereads / The Destined Heiress Of Rabana / Chapter 28 - Ang Parusa

Chapter 28 - Ang Parusa

"A-adonis?" Ang laman ng isip ay nabigkas ng bibig. Pabulong lang iyon ngunit kapansin-pansing napadako ang tingin ng lalaki sa kanyang kinaroroonan, sandali ring natigilan habang nakatingin sa kanya, maya-maya'y biglang nagsalubong ang mga kilay.

"Dalhin ang nilalang na iyon sa aking harapan!" mabagsik ang tinig na utos sa mga kawal.

Kung hindi niya nakita si Miko na papalapit sa kanya sakay ng kabayo nito'y hindi seguro siya matatauhan.

Totoong nagulat siya sa nalaman na ang lalaking ilang beses nang nagligtas sa kanyang buhay ay ang mismong anak ng datu ng Rabana na mortal na kaaway ni Rajah Raba at Lakambini Bana, ang mga magulang niya bilang si Liwayway sa mundong iyon.

Kahit nang bumaba si Miko sa kabayo, lumapit sa kanya't hinawakan ang kanyang braso upang iharap kay Adonis ay hindi pa rin siya nakaimik, nanatili lang nakabuka ang bibig ngunit wala namang salitang lumalabas mula roon habang ang mga mata'y mariing nakatitig sa anak ng datu ng Rabana.

Kung gaano kariin ang titig niya rito'y ganoon naman katalim ang ganti nitong titig, parang kakainin siya nang buhay, tila nakalimutan biglang iniligtas niya rin ito sa kapahamakan.

"Mahal na Ginoong Adonis, narito na siya," ani Miko, halatang hanggang ng mga oras na iyo'y hindi talaga siya nakikilala lalo na ngayong nagkukunwari siyang lalaki.

"Parusahan siya't igapos sa puno habang napapalibutan ng mga langgam!" pagalit na utos kay Miko.

Doon lang siya tuluyang nagising sa tila mahimbing na pagkakatulog at kumawala sa pagkakahawak ni Miko.

Napatayo na rin ang mga taga-Masagana sa pagkalito sa sinabi ni Adonis.

"Bakit iyong parurusahan si Kidlat gayong kanyang sinagip ang iyong buhay mula sa kalaban?" matapang na salungat ni Agila, nagmadaling lumapit sa kanya't hinila ang kanyang kamay saka itinago sa likuran nito.

Hindi nakapalag si Miko sa ginawa ng binata.

"Pangahas na nilalang! Hindi mo ba alam ang kasalanang nagawa ng iyong kapatid?" nagpupuyos sa galit na baling ng ginoo kay Agila.

Siya nama'y napakapit sa braso ni Agila habang palihim na pinagmamasdan ang galit na mukha ni Adonis.

Bakit ba sa dinami-dami ng pwedemg magtanggol sa kanya sa Dumagit, bakit ito pa? Bakit hindi na lang si Miko kasi ang huli naman ang kanyang nobyo sa mundo nila?

"Ang paghawak sa katawan ng magiting na anak ng datu ng Rabana nang walang kapahintulutan mula sa kanya ay isang malaking kasalanan at ang kaparusahan ay kamatayan!" mabalasik na hiyaw ni Miko na mula nang makilala niya'y noon lang nakita ang anyo nitong galit.

Napanganga siya lalo sa pagkagimbal.

'Para hinawakan lang ang katawan, death penalty agad?! Bakit? Ako ba ang unang nanghawak ng katawan? Ako nga itong nahalilkan at nayakap ng walanghiya, ako pa itong parurusahan? Ano'ng klaseng batas merun ang lugar na 'to?' malakas na hiyaw ng kanyang isip, naroon ang matinding pagtutol sa narinig.

"Hindi kagustuhan ng aking kapatid na mahawakan ang katawan ng anak ng datu ng Rabana!" katwiran ni Agila, matigas din ang mukha, hindi padadaig sa galit na si Adonis.

Lalo lang nagtagis ang bagang ng huli, bumaba na sa kabayo at inilang hakbang lang ang pagitan nito at ni Agila.

"Iyo bang susuwayin ang aking utos?" mahina ngunit maawtoridad nitong sambit, halatang nagpipigil lang ng galit.

Ramdam niyang kung magsasalita pa si Agila'y baka hindi lang siya ang parusahan, madamay na ito kaya't bago pa magrambulan ang dalawa'y mabilis siyang kumilos at iniharang ang katawan sa pagitan ng mga ito.

"Aking tinatanggap ang iyong parusa, Mahal na Ginoong Adonis. Subalit, iyong ipangako sa aking magiging kawal ng Rabana ang aking kapatid na si Agila." Sinamantala niya ang pagkakataong iyon upang matupad ang nais ni Agilang mapalapit kay Datu Magtulis upang makaganti sa ginawa ng huli sa kanyang mga magulang.

"Pero Kidlat--" sabad ni Agila, hinawakan ang kanyang balikat.

"Sshh, h'wag kang mag-alala, kaya ko ang sarili ko," puno nang kumpiyansa sa sariling sambit niya, sinabayan pa ng ngiti ang tinuran upang hindi na ito mag-alala.

Tuloy ay napahigpit ang kapit nito sa kanyang balikat, dumiin sa kanyang balat, bagay na napansin ni Adonis dahilan upang tila nag-aapoy ang mga matang bigla itong tumalikod sa kanila't lumapit na uli sa puti nitong kabayo, sumakay sa likod niyon at mabilis na pinatakbo, nagmamadaling umalis sa lugar na iyon matapos iutos kay Miko na ipatupad ang inutos nito upang parusahan siya.

Walang nagawa si Agila nang dalhin siya ng mga kawal sa isang puno at itali roon, lalo na nang pigilan ito ni Datu Bagis.

Si Makisig nama'y tahimik lang na sumunod sa kanila, sumali pa nga sa pagtatali sa kanya sa katawan ng puno ng mahogany sa gilid ng baku-bakung kalsada.

"H'wag kang mag-alala, may naisip akong paraan," pabulong sa kanya nang magsilayuan ang mga kawal at nagsimulang maghanap ng lungga ng mga langgam.

Ngunit hindi lumayo sa kanya si Miko na sineguradong mapaparusahan siya ayon sa kagustuhan ng amo nito.

"Ano 'yan?" takang usisa niya kay Makisig nang makita ang dala nitong boteng may lamang likido, amoy suka, kung saan iyon galing ay hindi niya alam.

Palihim nito iyong inilagay sa kanyang mga paa at sa palibot ng puno.

"Ikaw! Bakit nakaluhod ka sa harapan ng kawal na iyan?" usisa ni Miko sa binata.

"Inaayos ko lang ang pagkakatali ng baging sa kanyang mga paa upang tiyaking hindi siya makakatakas," kampateng sagot ni Makisig, pasimpleng itinapon sa 'di kalayuan ang bote saka dahan-dahang tumayo sabay kindat sa kanya.

Takang hinabol niya ng tingin ang huli, sabay singhot sa umalingasaw na amoy ng suka, nanunuot sa kanyang ilong.

Maya-maya'y dumating ang ilang kawal bitbit ang lungga ng mga langgan na nakalagay sa malapad na dahon ng saging at nagmamadaling ibinagsak sa kanyang paanan, sabay tapon ng dahon sa kanyang likuran at nagtakbuhan na palayo sa kanya.

Napasigaw siya sa takot pagkakita lang sa naglalakihang mga langgam. Tuloy ay natuliro si Agila na nakatayo kasama ang mga taga-Masagana ilang metro ang layo sa kanya. Kung hindi ito nahawakan sa braso ni Makisig, malamang ay kumaripas na ito ng takbo at pinatay ang lahat ng mga kawal na naroon mailigtas lamang siya.

Patuloy siya sa pagsigaw habang sa isip ay alam na ang mangyayari sa kanya, papasok sa kung saang butas ng kanyang katawan ang mga langgam at kakagat sa kanyang manipis na balat hanggang sa siya'y mamatay.

Subalit nakapagtatakang nagsilayuan ang mga langgam sa kanya na tila natakot sa kanyang balat.

"Huh?" litong napatingin siya sa kanyang mga paa. Wala man lang kumakagat doon?

Takang napabaling siya kay Makisig na pigil ang matawa habang nakatingin din sa kanya at sinenyasan siyang ituloy ang pagsigaw.

Itinuloy nga niya ang pagsigaw hanggang sa kunwari ay sobrang sakit na ang kanyang nararamdaman at hinimatay siya dahil duon.

Agad niyang narinig ang malakas na sigaw ni Agila nang makita nitong lupaypay na ang kanyang ulo, kunwari ay hinimatay talaga.

Maya-maya pa'y kinakalagan na siya nito't dinig pa niya ang pagsinghot nito ng sipon.

Mabuti na lang at naruon si Makisig kaya hindi ito nagwala sa galit sa nangyari kunwari sa kanya.