Gulat na napabaling si Shine kay Agila na noo'y nagtatagis ang bagang na nakatitig kay Datu Magtulis habang ang huli'y sumugod agad sa una upang matiyak kung tama ang sinabi ng kawal.
Litong pinagmasdan niya ang walang pang-itaas na si Agila. Paanong nawala ang mga peklat nito sa katawan sa dami niyon? Ngunit nang mapansing lito ring napatingin sa kanya ang datu ay agad siyang yumuko upang itago ang nararamdang alam niyang nakarehistro sa kanyang mukha.
"Kung gayung walang katibayan ang mga paratang sa dalawang bihag, sila'y palayain at ibalik sa kanilang nayong pinanggalingan." Sa wakas, nagsalita rin si Lakambini Bana kahit pakaswal lang at halatang walang pakialam sa anumang pwedeng mangyari sa kanila.
Palihim niyang sinulyapan ang Lakambini, kapansin-pansin ang minsan pa nitong pagsulyap sa kanya, pagkuwa'y kay Agila saka tumayo at akmang tatalikod na sa mga naruong biglang tumahimik pagkarinig lang sa boses nito, patunay na malaki ang paggalang ng lahat sa bawat bigkasin nitong salita, kahit si Datu Magtulis ay hindi nakatutol sa sinabi ng una.
"Mahal kong Ina, aking hiling na ang dalawang bihag na iya'y gawing kawal ng Rabana sapagkat kanilang ipinagtanggol ang baybayin ng Masagana mula sa mga mananakop na Monggol," hiling ni Adonis nang mapansing aalis na ang ina, sabay turo sa kanilang dalawa ni Agila.
Walang anumang tumango ang Lakambini saka nagsimulang maglakad palapit sa pinto sa kanang bahagi ng bulwagan. Sumunod rito ang tatlong mga aliping babaeng nagpakatayo sa di-kalayuan at nagpakasuot ng mga baro't sayang sari-sari ang kulay.
Walang nagawa si Datu Magtulis malibang tapunan ng tingin ang paalis na Lakambini.
Nakahinga nang malalim si Shine, biglang nawala ang kanina pa'y panginginig ng katawan sa takot. Ang akala niya'y katapusan na nilang tatlo nina Agila at Hagibis. Salamat na lang sa Lakambini at nagsalita ito sa wakas upang sila'y ipawalang sala. Ngunit hindi niya alam kung dapat bang magpasalamat sa hiling ni Adonis na gawin silang kawal ng Rabana.
"Hah!" ang tangi lang nasambit ni Datu Magtulis pagkaalis ng Lakambini, pagkuwa'y tila nagmartsang sumunod sa asawa paalis sa lugar na iyon. Nagtakbuhan namang bumuntot ang mga kawal nito hanggang sa matira na lang ay ang mga kawal ni Adonis, ang mga datu sa bawat nayon ng Rabana at silang tatlong mga bihag.
Nagmadaling lumapit sa kanila si Datu Bagis, unang inalalayang makatayo si Agila na noo'y kasusuot lang ng pinahubad na kanggan.
Muli na namang nagbulungan ang mga datung naruon, tinatanong ang isa't isa kung bakit gano'n na lang kung ipagtanggol sila ng Datu ng Masagana. Ang hula ng mga ito'y humingi ng tulog ang datu sa lakambini upang sila'y palayain at nagtagumpay naman ito.
"Makinig ang lahat!" malakas na sigaw ni Adonis na nagpatahimik sa lahat.
"Simula ngayon ay akin nang mga kawal ang dalawang aliping galing sa Masagana. Ang kanilang buhay ay ako lamang ang nagmamay-ari! Walang sinumang pahihintulutang sila'y saktan malibang aking ipag-utos!" mariing utos ng ginoo sa lahat ng mga naruon na nagsipagyuko lahat bilang pagsunod sa tinuran nito.
Pagkuwa'y sinenyasan nito si Milos, ang huli nama'y lumapit sa isang kawal sabay turo kay Hagibis, pagkuwa'y lumapit ito sa kanya saka siya inalalayang makatayo.
"Miko--" anas niya sa pangalan nito ngunit hindi ito sumagot, tila ba hindi narinig ang kanyang sinabi.
"Saan mo ako dadalhin?" usisa niya.
Hindi pa rin ito sumagot. Nang akmang hihilain na nito ang kamay niya palayo ay saka lang siya lumingon kay Agila, tama namang palapit din ito sa kanya ngunit tuluyan na siyang hinila ni Miko palayo.
Kung hindi marahil hinawakan ni Datu Bagis ang braso nito'y malamang na sumugod ito't binawi siya mula kay Miko.
Ngumiti siya sa binata upang mapanatag ang kalooban nito, kahit sa ganoong paraan man lang ay maiparamdam niya ritong okey lang siya.
------@@@@-------
Ilang minuto na siyang nakatayo sa harapan ni Adonis, nakayuko habang hawak ang sariling mga kamay at kabadong marahang pinipisil ang mga iyon. Hindi niya alam kung anong laman ng isip ng anak ni Datu Magtulis, bakit sila nito ginawang kawal ng Rabana gayung ang alam niya'y galit ito sa kanya.
Mula sa pagkakaupo sa silyang gawa sa kawayan ay naramdaman niya ang pagtayo nito at dahan-dahang paglapit sa kanya.
Biglang namuo ang butil ng pawis sa kanyang noo sa takot na baka bigla na lang siya nitong saksakin upang ipaghiganti ang pagkapahiya ng ama nito kanina.
Ngunit nakapagtatakang tumayo lang ito sa kanyang harapan, pagkuwa'y naglakad paikot sa kanya, wari bang pinagmamasdan ang buo niyang katawan, harap at likod. Lalo siyang kinabahan. Baka naghihinala na itong hindi siya lalaki. Na siya ang nakita nito sa Dumagit at sinabihang pag-aari nito.
Nakagat niya ang ibabang labi nang maramdamang nagsimula na namang manginig ang kanyang mga tuhod. Paano kung makilala siya nito? Papatayin na ba siya ng lalaki kapag nalamang siya nga ang binukot na bumulag sa hangal nitong ama?
Muntik na siyang mapasigaw sa pagkagulat nang bigla nitong hawakan ang kanyang baba at iangat iyon, dahilan upang malantad sa paningin nito ang kanyang itsura.
Napapikit siya sa takot. Paano kung makilala nga siya nito? Kamatayan na ba niya ngayon? Huwag naman sana.
Subalit bakit tila iba ang kabog ng kanyang dibdib, para bang nagdiriwang pa iyon sa tuwa habang ramdam niya ang mahinang paghagod ng binata sa kanyang pisngi?
Huwag sabihing kinikilig siya sa ginagawa nito?
'Hindi ah!' sigaw ng kanyang isip, wala sa sariling natapik nang malakas ang kamay nitong nakahawak sa kanyang baba.
Awang ang bibig na napatingin siya sa binatang nagulat din sa kanyang ginawa.
"Sorry po, hindi ko sinasadya!" bulalas niya sabay yuko kaya't hindi niya nakita ang pagkunot ng noo nito.
Si Miko na nasa kaniyang likuran ay nagtaka din sa salitang kanyang binigkas ngunit hindi nagsalita.
Sandaling katahimikan...
Nakiramdam siya. Hindi ba siya nito sasaktan? Baka pinakikiramdaman lang kung gaganti siya at kapag nalamang off-guarded siya'y saka ito aatake para patayin siya. Hindi ba't iyon ang gusto nito kaya nga siya ipinatali sa puno ng kahoy at ipinakagat sa mga langgam hanggang mamatay siya?
"Milos, simula ngayon, siya na ang papalit sa'yo bilang aking alipin. Siya'y iyong turuang gumamit ng sibat at kampilan sa pakikipaglaban," utos nito sa kawal.
Gulat siyang nag-angat ng mukha, napatingin ritong nakatalikod na pala sa kanya, pagkuwa'y nilingon niya si Miko na kunot-noong napatingin sa nakatalikod na amo.
Nang walang marinig na sagot mula kay Miko ay saka lang humarap sa una ang binata.
Mabilis na kumilos ang kawal, inilagay agad ang braso sa dibdib saka yumuko bilang paggalang.
"Masusunod, mahal na Ginoong Adonis!" sagot nito sa mariing tinig.
Siya nama'y litong napatingin na uli sa anak ng datu, nakipagtitigan sa mga mata nitong lagi na'y matitiim kung makatitig.
Ang sabi nila'y ang mga mata ang durungawan ng kaluluwa. Makikita sa mga iyon ang ikinukubli ng damdamin. Subalit habang nakatitig rito'y wala siyang ibang mabasa sa mga mata nito malibang galit sa kanya.
Ngunit bakit gano'n na lamang kung kumabog ang kanyang dibdib? Tila may mga nagrarambulan sa loob niyon, ramdam niyang nag-iinit ang kanyang pisngi.
Sa kabila ng galit nitong mukha'y bakit tila nakalitaw sa kanyang balintataw ang nakangiti nitong mga mata habang binibigkas ang mga salitang--'Saksi ang araw sa kalawakan at ang pulo ng Dumagit sa aking paanan na ikaw'y akin nang pag-aari.'
"Pangahas na alipin!" nanggaglaiting hiyaw nito sabay sapak sa kanya dahilan upang mapasigaw siya sa pagkagulat, huwag nang isama ang pagtabingi ng kanyang mukha sa lakas ng sapak nito. Muntik na nga siyang mapasubsob sa sahig sa ginawa sa kanya. Kung kanina'y naglalakabay na ang isip niya sa nakakakilig nilang nakaraan sa Dumagit, ngayon nama'y nanginginig ang kanyang katawan sa galit dito. Sukat bang sapakin siya gayung wala naman siyang ginagawa rito.
"Milos! Mahigpit mong ipagbawal sa pangahas na aliping iyan ang pakikipagtitigan sa Anak ng Datu ng Rabana! Iya'y isang malaking kasalanan sa buong kapuluan!" Sigaw nito sa kawal, pagkuwa'y nagmartsang lumabas ng silid na kinaruruonan nila.
"Masusunod, mahal na Ginoong Adonis," sagot ni Milos.