Dahan-dahang ibinaling ni Shine ang mukha sa lalaking noo'y nahihirapang iangat ang ulo mula sa pagkakalugmok sa sahig. Ramdam niya ang sari-saring emosyon--tuwa dahil buhay pa ito, takot dahil baka ipagkanulo sila kay Datu Magtulis at sa lahat ng mga naroon, subalit nang tuluyan na itong matitigan, agad namuo ang luha sa kanyang mga mata pagkakita sa duguan nitong katawan. Tadtad ito sa sugat, sariwa pa ang iba maliban sa ilang dating sugat na may nana na dahil sa infection.
Nagtama ang paningin nila ng binata ngunit wala siyang nabakas na emosyon sa mga mata nito, para bang hindi talaga siya nakilala, o magaling lang itong magtago ng nararamdaman upang hindi sila mapahamak ni Agila.
Kagat-labi siyang napayuko upang itago ang mga luhang gusto nang pumatak lalo na nang pilitin ng isang kawal na paluhurin si Hagibis paharap kay Datu Magtulis.
"Siya ba ang ginoong anak ni Datu Matulin sa pulo ng Dumagit?" pasarkastikong tanong ni Datu Magtulis sa kawal na nagdala kay Hagibis roon.
"Opo, Mahal na Datu Magtulis," sagot ng kawal.
Sandaling katahimikan. Lahat ay nakatingin kay Hagibis kahit si Lakambana Bana, habang sila ni Agila ay kapwa nakayuko ngunit kapansin-pansin ang mariing pagkakakuyom ng mga kamao ng huli.
"Iyo bang nakikilala ang dalawang nilalang sa iyong tabi?" pakaswal lang na usisa ng datu, pinaglipat-lipat ang tingin sa kanilang tatlo.
Palihim siyang napasulyap kay Hagibis, nahagip pa ng tingin ang mabilis nitong pag-iling. Hindi rin nakaligtas sa kanyang paningin ang pagsalubong ng kilay ni Datu Magtulis, halatang 'di nagustuhan ang sagot ng tinanong. Siya nama'y nakahinga nang maluwang sa nakitang sagot ng binata.
Nagsimula na namang magbulungan ang mga kalalakihang naroon na hula niya'y mga datung sumasailalim sa pamumuno ng Datu at Lakambini ng Rabana.
Bigla ay hinugot ng isang kawal ang latigo mula sa beywang nito, saka walang pasubaling nilatigo si Hagibis na agad namilipit sa sakit.
Gusto niyang humagulhol ng iyak sa magkahalong takot at awa para sa binata habang hindi man lang maisigaw ang sakit na nararamdaman sa bawat latay ng latigo sa katawan nito, dahil marahil sa nanghihina na ito o manhid na ang buong katawan sa puro sugat.
Ngunit nang mapatingin siya kay Agila na salubong ang mga kilay sa kanya, para bang inuutusan siyang huwag titingin sa ginagawa kay Hagibis, naiyuko na muli niya ang ulo at sa sahig na lang tumitig, ngunit hindi nakatiis ang kanyang mga mata, pumatak ang masaganang luha mula roon.
"Ikaw ay magsabi ng katotohanan!" Sigaw ng kawal habang paulit-ulit na nilalatigo ang kawawang si Hagibis. "Ang bihag sa iyong tabi'y ang taksil na kawal na si Agila sa pulo ng Dumagit! Iyon ang katotohanan, hindi ba?!"
Hindi na siya makatiis. Hindi niya kayang tignan na lang ang karumal-dumal na ginagawa ng kawal kay Hagibis. Kailangan niyang gumawa ng paraan. Siya ang Dayang na anak ni Raha Raba, ang tagapagmana sa kapuluan ng Rabana. Obligasyon niyang ipagtanggol ang kanyang nasasakupan.
Huminga siya nang malalim, pinahid ang luha sa pisngi saka iniangat ang mukha upang magsalita kahit pa magalit sa kanya si Agila.
Subalit kung kelan buo na ang kanyang loob para labanan ang kasamaan ni Datu Magtulis, saka naman pumailanlang sa ere ang takip ng isang kampilan na tila sadyang inihagis ng kung sino at tumama sa ulo ng kawal na marahas na lumalatigo kay Hagibis.
Sa lakas ng pagkakahagis niyon, napaluhod sa sahig ang kawal at galit na napatingin sa gumawa niyon ngunit agad ding napayuko malingunan ang kung sino sa likuran nito.
"Hangal na kawal! Hindi ba sumagi sa iyong walang lamang utak kung paanong makakapagsalita ang anak ni Datu Matulin gayung ikaw'y hindi lumulubay sa paghampas ng latigo sa kanyang katawan?! Mangmang!" Pagalit na hiyaw ng isang lalaki sa kanilang likuran.
Lahat ay napatingin sa nagsalita. Siya man ay gulat na napalingon rito.
'Siya nga! Ang anak ni Datu Magtulis!' hiyaw ng kanyang isip habang bahagyang nakaawang ang bibig at nakatitig sa mukha ng lalaking tila tigreng gustong lapain ang kawal habang ang huli'y tumingin nang makahulugan sa datung gumanti nang matalim na tingin.
Walang lingon-likong naglakad ang anak ng datu hanggang sa makaupo sa bakanteng silyon malapit sa kinauupuan ng ama nito.
Ewan, ngunit hindi niya maiwasang pagmasdan ang lalaki lalo na nang ikutin nito ng tingin ang buong paligid at napasulyap sa kanya sabay igting ng mga ugat sa leeg, patunay na galit pa rin ito sa nangyari sa kanila sa Masagana.
Subalit sa pagkakataong iyo'y hindi man lang siya nakaramdam ng takot, sa halip ay nakahinga pa siya nang maluwang. Pakiramdam niya, hindi sila mapapahamak na tatlo ngayong nasa paligid ito.
Lumapit si Miko kay Hagibis at dahan-dahan itong pinaluhod nang maayos.
"Iyong sabihin sa lahat ng narito kung ang aliping ito'y ang taksil na kawal ng Dumagit na ang ngalan ay Agila!" matigas ang tonong utos kay Hagibis na sa pagkakataong iyo'y bahagyang nanginginig ang buong katawan sa dami ng sugat sa katawan.
Muli ay kinagat niya ang ibabang labi upang pigilan ang gusto nang pumatak na luha dahil sa awa sa binata.
"Sagot!" sigaw ng kawal na naglatigo dito ngunit natahimik din nang pandilatan ng mga mata ni Miko at napaatras sa takot.
"Siya'y hindi ko nakikilala," mahinang sagot ni Hagibis.
Napatayo sa galit si Datu Magtulis at halos takbuhin ang pagitan nito at ng nagsalita saka hinablot ang mahabang buhok ng huli para maitingala ang ulo. Pagkuwa'y inagaw nito ang matulis na kampil kay Miko at pagalit na idinikit sa leeg ni Hagibis.
Walang naging reksyon ang binata malibang nagpatuloy sa panginginig ang katawan.
"Ikaw'y ay lantarang nagsisinungaling! Siya'y si Agila ng Dumagit, hindi ba?!" hiyaw nitong nanggagalaiti sa galit, itinuro pa si Agila na hindi pa rin makagalaw habang ang kampilan ng kawal sa tabi nito'y nakadikit pa rin sa leeg ng binata.
"Ikaw'y higit na nakakaalam kung siya nga'y si Agila sa Dumagit sapagkat tadtad siya ng mga sugat noon dahil sa kanyang pagsali sa paligsahan sa aming pulo ngunit siya'y iyo munang pinahirapan sa loob ng kulungan bago ipinalaban sa pinakamalalakas na kawal ng Rabana." Sa kabila ng sakit na nararamdaman ay nagawa pa ring mangatwiram si Hagibis sa matapang na tinig dahilan upang mapatingin si Datu Magtulis sa mga nasasakupan nito nang magsimula na naman magbulungan ang lahat.
Matalim amg tinging ibinalik ng datu kay Hagibis, mayamaya'y tumingin kay Agila na naniningkit pa rin ang mga mata sa galit habang nakatitig sa una.
"Tanggalin ang saplot ng aliping iyan at ipakita sa mga narito ang naiwang peklat sa kanyang buong katawan bilang patunay na siya'y si Agila sa pulo ng Dumagit!" utos ng datu sa kawal na may hawak kay Agila.
Pagkatapos magsalita'y pabagsak nitong binitawan si Hagibis, hawak ang kampilan ni Miko, humarap ito kay Agila na hindi makapiglas nang punitin ng kawal ang suot na kanggan.
Biglang sumasal ang kaba ng kanyang dibdib. Sa dami at lalim ng mga sugat ni Agila noon, imposibleng mawala ang mga peklat nito sa katawan lumipas man ang mga taon.
Nagpatuloy sa pagbulungan ang lahat nang tuluyan nang mahubaran si Agila.
Napangisi si Datu Magtulis, palihim na napasulyap kay Lakambini Bana na walang anumang damdamin ang mababanaag sa mukha habang nakatingin sa ginagawa kay Agila.
"Patayin si Agila, ang taksil na kawal ng Dumagit!" biglang umalingawngaw sa buong paligid ang boses ng isang lalaki, ang datung nagdiin kay Agila kanina.
Lalong lumapad ang ngisi ni Datu Magtulis at taas-noong ibinagsak ang hawak na kampilan saka naglakad pabalik sa upuan nito nang biglang nagsalita ang kawal sa tabi ni Agila.
"Subalit Mahal na Datu, walang anumang palatandaan sa katawan ng aliping ito na nagpapatunay na siya'y nakipaglaban sa malalakas na kawal ng Rabana sa pulo ng Dumagit!" gulat na wika ng kawal.
"Ano?!"