Chereads / The Destined Heiress Of Rabana / Chapter 30 - Lakambini Bana

Chapter 30 - Lakambini Bana

Hindi tuminag si Lakambini Bana sa kinauupuan, ni nalambungan ng pagkabahala ang kanyang mukha dahil sa tinuran ni Datu Magtulis. Nanatili siyang nakaupo sa kanyang silyon habang palihim na pinag-aaralan ang mga damdaming bumabakas sa bawat datung naroroon.

Batid niyang iilan na lamang ang nakakaalaala sa kanyang kabiyak na si Raha Raba, ang karamihan sa mga naroo'y tila mga ulupong na nakapalibot sa kanya, mga mapagbalat-kayo samantalang ang kanyang kabiyak ang nag-atas sa mga itong maging mga datu sa kani-kanilang pulong nasasakupan bagama't ang ilan ay mga humalili na lamang sa mga magulang bilang datu.

Ilang taon na nga ba ang dumaan pagkatapos ng sagupaan at pagkawala ng kanyang Raha Raba at bunsong supling? Gaano man katagal iyon, sa puso niya'y sariwa pa rin ang lahat, dahilan upang maging matigas ang kanyang damdamin sa datung pumaslang sa kanyang asawa't anak.

Bahagya niyang sinulyapan si Datu Magtulis sa malapit niya. Kanya pang natatandaan kung paano itong maghihiyaw sa galit habang ginagamot ng kanilang tanyag na babaylan ang isang mata nitong ayon dito'y tinusok ng isang matulis na bagay ng isang binukot sa pulo ng Dumagit ngunit ang huli'y nasunog din sa gubat. Subalit, ano't hindi pa rin nawawala ang galit nito sa mga taga-Dumagit sa kabila ng kaalamang napatay na nito ang lahat ng mga taga-pulo maliban sa anak ni Datu Matulin?

Noong nakaraang gabi lamang ay narinig niyang kausap nito ang isang kawal ng Rabana upang ibalita ang nangyari sa Masagana subalit bakit ang sapantaha niya'y masidhi ang pagnanais nitong mapatay ang isang kawal mula roon? Ang dinig pa niya'y Agila ang ngalan ng kawal at may mga kapatid itong Kidlat at Makisig, ang ngalan ng ina ayon sa kawal ng Rabana ay si Mayumi.

Sino ang kawal na iyon? Bakit ang ngalan ng ina nito'y katulad ng ngalan ng kanyang aliping sagigilid na inatasan niya upang ilayo ang kanyang panganay na anak mula sa Rabana?

Bigla niyang naramdaman ang tila matulis na bagay na tumusok sa kanyang dibdib dahilan upang mapaghigpit ang hawak niya sa silyon o upuang may patungan ng mga kamay at braso sabay palihim na sumulyap sa datu malapit sa kanya.

Nalaman ba ni Datu Magtulis na Mayumi ang ngalan ng aliping naglayo ng kanyang anak mula ruon? Paano nitong natuklasan gayung nasawi na lahat ng mga kawal at aliping naratnan nito sa kanyang silid ilang taon na ang nakararaan?

Inihilig niya ang ulo, hindi nagpahalata sa nararamdaman. Baka sapantaha lamang iyon ng tusong datu. Hindi siya maaaring kakitaan ng pagkabahala nang dahil lamang sa ngalang Mayumi. Marapat niyang papaniwalain ang sarili na nasawi na nga noon pa ang kanyang panganay na anak at wala na siyang kinatatakutan sa harapan ni Datu Magtulis. Upang sa gayun, kung buhay man ang kanyang supling, mananatili itong ligtas at malayo sa kapahamakan.

Ilang sandali pa ang dumaan bago nagsipag-alisan ang mga datu, maging si Adonis ay umalis din. Sila na lang ni Datu Magtulis ang naiwan.

Duon lang niya narinig ang malutong na halakhak ng lalaki.

"Ang akala ba ni yaong mga taga-Dumagit ay makaliligtas sila sa kaparusahan gayung isa sa kanilang mga binukot ang nagbigay sa akin ng kasumpa-sumpang paningin? Hah! Nagkakamali sila ng hinuha! Sinuman ang mapatunayan kong galing sa Dumagit ay aking papaslangin katulad ng kaniyang ginawa sa akin!" matigas nitong sambit, pagkuwa'y muling nabalot ng malakas nitong halakhak ang buong paligid.

Nanatili siyang nakatingin sa kawalan, sa isip ay pilit iwinawaksi ang sapantahang may nalalaman si Datu Magtulis tungkol sa ngalang Mayumi.

"Aking Lakambini. Ano't ikaw'y hindi man lang bumigkas kahit isang baybay hanggang ng mga sandaling ito? Hindi mo ba nababatid ang natuklasan ng iyong mahal na kabiyak tungkol sa ngalang Agila?" nakakaloko itong ngumisi nang bumaling sa kanya.

Hindi siya sumagot, nanatili lang nakatingin sa maluwang na pintuan ng bulwagan.

Muli itong tumawa, sinundan ng tingin ang kanyang pinagmamasdan.

"Ang aking sapantaha, ang kawal na iyon ay siya ring magiting na kawal ng Dumagit na sinubukang iligtas ng binukot na yaon. Kapag napasakamay ko ang kawal na si Agila, akin ding malalaman kung tunay ngang si Liwayway ay patay na sapagkat dama kong si Agila'y ang lihim na irog ng binukot na yaon." Bakas sa tono ng pananalita nito ang katiyakan sa hinuha.

Duon lang sumilay ang isang ngiti sa kanyang mga labi ngunit wala siyang balak na ito'y sulyapan man lang.

"At anu naman kung tunay nga ang iyong sapantaha? Makakatulong ba iyon upang ikaw'y kilalaning Raha katulad ng aking kabiyak na Raha?" patuya niyang balik-tanong sabay tayo sa kanyang luklukan, nagsimulang maglakad papunta sa pintuan ng bulwagan subalit napahinto rin nang muling magsalita si Datu Magtulis.

"Hindi mo ba alam ang aking tinutukoy na binukot? Siya ang iyong supling!"

Nanlamig bigla ang kanyang mga kamay sa narinig.

Tumayo ang kausap mula sa kinatatayuan at lumapit sa kanya, huminto sa kanyang likuran at hinawakan ang magkabila niyang balikat.

"Kapag napatunayan kong si Agila ay siya ring Agila sa pulo ng Dumagit, malalaman ko rin kung totoo ngang nasunog ang binukot na si Liwayway. At kung nasunog man, tiyak na nasa kawal ang susi sa kayamanan ng Rabana," paanas nitong sambit, halata sa tinig ang katumpakan sa mga binitawang salita.

Nakagat niya ang ibabang labi. Hindi siya maaaring magpahalatang nababagabag.

"At upang magpatirapa ang pangahas na kawal na iyon sa aking harapan, gagawin kong bitag ang kanyang kapatid na ang ngalan ay kidlat, ang aliping pinarusahan ni Adonis sa Masagana." Pagkasabi niyo'y muli na naman itong humalakhak, mas malutong kaysa kanina.

Duon lang niya nagawang bumaling sa datu, hinawakan ang magkabilang kamay nitong nakalapat sa kanyang magkabilang balikat at pinisil-pisil ang mga iyon saka ngumiti dito.

"Hangad ko ang iyong tagumpay," matamis ang ngiting sagot niya, saka lang binitawan ang mga kamay nito't agad na tumalikod, nagmadaling lumabas sa bulwagan.

Naiwang nanggagalaiti sa galit ang datu.

"Palalong lakambini!" naibulalas nito, gigil na nilamukos ng kamay ang mukha saka ipinameywang ang isa pang kamay.

"Malalaman ko rin sa kalaunan kung ano ang iyong ikinukubli at kung bakit nananatiling matigas ang iyong kalooban sa akin na tila ba ikaw'y walang gahibla mang pagkatakot sa akin!" mariin nitong sambit habang matalim na nakatitig sa maluwang pintuan.