Chereads / The Destined Heiress Of Rabana / Chapter 32 - Ang Pagtatagpo ng Lakambini At Dayang

Chapter 32 - Ang Pagtatagpo ng Lakambini At Dayang

Pagkahinto ng kabayo ay agad na bumaba ang kawal na sakay niyon, saka siya ibinaba at itinayo. Noon lang siya kinalagan ng tali sa kamay at paa.

Unang hinanap ng kanyang paningin si Agila na nasa kanyang likuran, nahimasmasan na ngunit tila nawala ang galit sa mukha. Tulad ng nakita niyang ekspresyon nito noong sumali ng paligsahan sa Dumagit, kasinlamig ng yelo ang mukha, hindi kababakasan man lang ng anumang takot. Marahil ay pinagpaplanuhan ang sunod nitong gagawin para maligtas sila sa lungga ng mga kalaban.

Itinulak siya ng kasamang kawal upang magsimulang maglakad paunahan hanggang sa mapahinto siya sa harap ng maluwang na pintuan, sa labas pa lang ay dinig na niya ang sigaw ng makapangyarihang pinuno mula sa loob.

Muli siyang itinulak ng kawal upang muling maglakad papasok sa pinto ng silid. Nakasunod lang sa kanila ang may hawak kay Agila.

Iniikot niya ang tingin sa buong paligid at nakita ang mga kalalakihang nagpakatayo sa apat na hanay, dalawang hanay sa kanang panig ng bulwagan paharap sa mga nagpakaupo sa unahan, dalawang hanay din sa kabilang panig ngunit ang mga mata ng lahat ay nakatingin sa kanila lalo sa kanya at kay Agila sa kanyang likuran.

Napansin niya agad ang kasuotan ng mga naroon, sleeveless jacket, halos iisa lang ang kulay ng mga iyon, at pulang putong sa ulo maliban pang balot ng mga tattoo ang buong katawan ng lahat, mula sa dibdib hanggang sa mga braso. May malalaking hikaw din sa taenga, gawa sa purong ginto ang karamihan. Sa kanang kamay ng mga ito'y naruon ang kampilang halos iisa lamang ang sukat at haba, iba-iba lamang sa disenyo ng mga takip at hawakan ng mga iyon.

Matitiim ang mga titig ng lahat sa kanila ni Agila na tila sila mga kriminal na anumang oras ay pwedeng pumaslang sa mga ito kaya't mahigpit ang hawak sa kani-kanilang mga sandata.

Muntik na siyang mapahiyaw nang muling itulak ng kasamang kawal at mapasubsob sa makintab na tablang sahig mula sa matibay na punungkahoy, yakal marahil o narra.

Si Agila man ay napaluhod nang itulak ng isa ring kawal, isang metro ang lapit sa kanya.

Nagmadali niyang inayos ang sarili't paluhod na lumapit sa binata, hinawakan ito sa magkabilang balikat, gano'n din ang ginawa ng huli.

"Nasaktan ka ba?" magkasabay pa nilang tanong sa isa't isa, magkasabay ding umiling.

"Ayos lang ako," sagot nito.

"Okay lang din ako," paanas niyang sagot saka palihim na sumulyap sa dalawang nilalang na nakaupo sa magkatabing silya sa kanilang harapan.

Nakilala niya si Datu Magtulis na nakaupo sa isang malapad na silyang gawa sa kumikintab na ginto at muntik na siyang mapanganga nang makita ang kumikislap na mga perlas na bumalot sa patungan ng mga kamay at braso ng upuan hanggang sa mga paa niyon. Ang gagandang mga perlas, iba't iba ang mga kulay, nagkikislapan sa ganda, parang mga mamahaling dyamante.

Napadako ang tingin niya sa ginang na nakaupo sa pangalawang silyang mas magara yata kesa sa kinauupuan ni Datu Magtulis.

Bigla ay napanganga siya, hindi dahil sa gara ng upuan nito kundi sa ganda ng babaeng nakaupo ruon na sa hula niya'y nasa tatlumpung anim na taong gulang lang. Mas matanda lang ang kanyang mama ng limang taon marahil. Mas maganda pa nga ito seguro kay Marian Rivera kahit na walang make up sa mukha at ang tangi lang palamuti ay ang tila hikaw ng perlas na nakapulupot sa ulo at ang hugis bituing jade na nakalapat sa may noo ng babae.

Tinitigan niya iyong mabuti. Bakit kasing hugis iyon ng pendant ng kanyang kwintas?

Hindi sinasadyang magtama ang kanilang paningin ng babae. Kinabahan siyang bigla lalo nang mapansin ang pagkakahawig nito sa kanya. Huwag sabihing ito ang tinatawag nilang si Lakambini Bana, ang kanyang ina sa mundong iyon? Pero bakit mas kahawig niya ito kesa sa kanyang mama?

Napatitig din sa kanya ang ginang, napansin niyang napahigpit ang kapit nito sa patungan ng kamay ng upuan ngunit agad ding inilayo ang paningin sa kanya.

"Mahal na Datu Magtulis at Lakambini Bana. Narito ang aliping pinarusahan ni Ginoong Adonis sapagkat siya'y nagbalat-kayong taga-Masagana subalit ang katotohana'y isa siyang kawal ng mga Monggol at taksil sa kapuluan ng Rabana," pagbibigay-alam ng kawal na kanina pa niya kasama sabay turo sa kanya.

"Ano?!" bulalas niya. "Ano'ng kawal ng mga Monggol?" paasik na tanong sa kawal ngunit hindi ito sumagot, nanatiling tuwid na nakatayo't deretso ang tingin sa datu ng Rabana.

Napabaling siya sa datu upang sana magsalita at ipagtanggol ang sarili ngunit nang tumambad sa kanyang paningin ang itsura nito ngayon, may takip na tela ang kaliwang mata, nakaramdam siya bigla ng kaba at agad na iniyuko ng mukha. Pasalamat na lang talaga siya't namamaga ang kanyang mukha ngayon at tunay ang kanyang begote. Kung hindi'y baka nakilala na siya ng datu nang tumayo ito mula sa kinauupuan at lumapit sa kanya, pilit na iniangat ang kanyang mukha.

"Bitiwan mo siya!" mabalasik na pigil ni Agila sa kamay ng datu ngunit isang suntok ang pinakawalan ng isang kawal, tumama sa mukha ng binata dahilan upang mapasubsob ito sa makintab na sahig.

Hindi siya makasigaw sa kaba na baka makilala siya ni Datu Magtulis. Kung magpupumiglas siya, baka lalo silang mapahamak ni Agila.

Narinig niya ang bulungan ng mga kalalakihan sa kanilang likuran, palakas nang palakas hanggang sa may isang tinig ang nangibabaw, ilang metro lang ang layo sa kanila ni Agila.

"Ipagpaumanhin ng inyong kamahalan, subalit ang magkapatid na iya'y walang kinalaman sa pulo ng Dumagit. Sila lamang ay tahimik na naninirahan sa aming baybayin, Mahal na Datu Magtulis."

Kilala niya ang boses na iyon. Ito din ang nagtanggol sa kanila noon mula sa datu sa dalampasigan ng Masagana--si Datu Bagis.

Humalakhak si Datu Magtulis sabay sampal sa namamaga niyang mukha, tuloy ay napasubsob na naman siya sa sahig subalit pinilit niyang huwag mapatili sa sakit na natamo.

Isang matalim na titig ang ipinukol ni Agila sa datu habang ang mga kamao ay nagpakakuyom, halatang nagtitimpi lang ng galit. Subalit hindi ito makakilos sa pagkakaluhod sapagkat nakadikit sa leeg nito ang talim ng kampilan ng isang kawal upang pigilan ito sa anumang balak na gawin.

Dahan-dahan niyang inayos ang pagkakaluhod, hindi pinahalatang nasaktan sa sampal ng walanghiyang Datu Magtulis.

"Ang dalawang iya'y katiyakang galing sa pulo ng Dumagit!" giit ng isa pang estrangherong tinig.

Hindi sila umimik ni Agila, hinayaan lang na magsipagtalo ang mga kalalakihang naroon hanggang sa makita niyang bumalik sa kinauupuan ang datu ng Rabana.

"Dalhin rito ang anak ng taksil na datu ng Dumagit!" utos ng hangal na datu.

Natigilan siya sa narinig, nanlamig bigla ang mga kamay sabay sulyap kay Agila na litid ang mga ugat sa pagkakakuyom ng mga kamao.

Buhay si Hagibis! Mabuti at buhay si Hagibis. Kung wala lang sila sa death row, baka pumalakpak na siya sa tuwa nang marinig ang sinabi ng datu, subalit paano niya magagawa kung ang binata pa ang posibleng magiging dahilan ng kanilang kamatayan ni Agila. Paano kung magsabi ito ng totoo na kilala nga sila nito, na galing nga talaga sila sa pulo ng Dumagit?

Napapikit siya. Ayaw pa niyang mamatay. Hindi siya papayag na mamatay na lang basta sa estrangherong mundong iyon.

Ilang sandali pa'y may katawan nang bumagsak sa sahig sa may pagitan nila ni Agila, halos madikit ang katawan nito sa binata.

'Hagibis!' muntik nang isigaw ng kanyang bibig sa pagkagulat habang nanlalaki ang mga matang nakatitig sa binata.