Chereads / The Destined Heiress Of Rabana / Chapter 31 - Bakit Sila Ipinadakip?

Chapter 31 - Bakit Sila Ipinadakip?

Hindi alam ni Shine kung anong klaseng gamot ang ipinainom ni Makisig sa kanya pagkadating lang nila sa kubo habang buhat-buhat ni Agila, pero bigla siyang nakaramdam ng pangangati ng katawan at pagkahilo hanggang sa agad siyang makatulog.

Saka lang siya naalimpungatan nang marinig ang pamilyar na boses ng lalaki.

"Shine...patawarin mo ako pero hindi ko hahayaang mapahamak ka sa mundong ito."

Pinakinggan niyang mabuti ang sinasabi nito. Sa mundong iyon, wala siyang ibang pinagsabihan ng totoong pangalan maliban kina Agila at sa tarantadong anak ni Datu Magtulis. Walang ibang nakakakilala sa kanya ruon maliban kay Miko, ang kanyang boyfriend.

'Miko!' hiyaw ng kanyang isip. Hindi siya pwedeng magkamali. Tinig iyon ni Miko! Nakikilala na siya ni Miko! Makakauwi na siya sa kanila!

"Miko!" Napabalikwas siya ng bangon, puno ng sigla ang boses sa pag-aakalang nasa tabi niya ang nobyo. Subalit sa halip na mukha ni Miko, ang tumatakbong si Makisig palapit sa kanya ang unang nasilayan ng kanyang paningin.

"Nakita mo si Miko? Narito ang boyfriend ko. Hanapin mo siya, Makisig!" nagmamadali niyang utos sa aliping hinihingal, para bang ang layo ng tinakbo. Sandaling nangunot ang noo nito, pagkuwa'y napakamot sa batok.

"Hindi ko kilala ang ngalang iyong sinambit, Kidlat," sagot sa kanya.

"P-pero narito siya bago ako gumising. Dinig ko pa nga ang boses niya!" giit niya, may halong pagkalito sa tinig, dali-daling bumangon upang hanapin sana sa paligid si Miko. Iniapak niya ang mga paa sa sahig subalit nanlambot bigla ang mga tuhod at napakapit sa braso ng binatang agad namang umalalay sa kanya, pinaupo siya sa gilid ng katre.

"Walang ibang tao rito maliban sa akin. Sina Agila at Inang Mayumi ay naroon sa labas ng bahay," balewalang sagot ng kausap, hindi pansin ang excitement sa kanyang mukha na ngayo'y nahaluan na ng pagkagulumihan sa sinabi nito.

Pinagmasdan niyang mabuti ang mukha nito, tumitig sa mga mata nitong tila laging nakangiti, walang bakas ng kasinungalingan sa mga iyon.

Pero boses talaga 'yon ni Miko. 'Wag sabihing nananaginip lang siya sa lagay na 'yun kanina?

"Alam ko na, marahil dahil iyon sa pinainom ko sa iyong pampataba kahapon!" Pumilantik ang binata, nagliwanag ang mukha.

Siya nama'y maang na napatitig uli dito.

"Pampataba? Ano'ng pampataba?" tanong niya saka hinimas ng isang kamay ang mukha, hindi nakuntento't dalawang nang palad ang inilapat sa magkabilang pisngi.

"Ano'ng nangyari, bakit parang namamaga ang mukha ko?" maang pa niyang tanong saka napansin ang kanyang mga braso. Bakit pati yata mga iyo'y mapupula, parang namamaga din?

Napaatras si Makisig habang nagkakamot ng batok.

"Sinabi ko naman sa'yo, pampataba ang pinainom ko sa'yo kahapon para maniwala ang lahat na kinagat ka nga ng maraming langgam pero nabuhay ka dahil ikaw'y walang nagawang sala sa anak ng Datu ng Rabana," kamapanteng paliwanag nito, segurado sa sinasabi.

Nag-akyatan bigla ang dugo sa kanyang ulo sa sinabi ng alipin. Di yata't pinag-eksperimentuhan siya nito. Sa nalaman ay gigil niyang inihagis ang unan sa katawan nito, ngunit sa halip na matakot ay humagalpak ito ng tawa, parang nang-aasar habang pinagmamasdan ang kanyang mukha na lalo niyang ikinainis.

"Hindi lang 'yan ang aking ginawa habang ikaw'y natutulog. Nilagyan ko rin ng tubig ang itaas ng iyong labi upang ikaw'y tubuan ng totoong begote. Sa gayun ay hindi na maghinala ang datu ng Rabana sa'yo kahit na muli ka niyang makita," nang-aasar na namang turan nito, pigil ang matawa habang inilalapat ang kamay sa taas ng mga labi nito.

Napagaya na rin siya't hinimas ang itaas ng bibig, merun ngang balahibo duon. Akala niya'y nagbibiro lang ito kaya't hinila niya ang mga balahibong iyon sa pag-aakalang peke pa rin ang mga iyon subalit napahiyaw lang siya sa sakit pagkatapos.

"Sira ka, bakit gan'to ang ginawa mo sa'kin?" sita niya, hindi mapigilang tumaas ang boses.

"Ako lamang ay nababahala sa maaring mangyari sakaling ikaw'y dalhin sa Rabana," sagot nito, 'di malaman kung nagbibiro pa rin o seryoso na.

Matalim ang tinging ipinukol niya rito, pagkuwa'y umirap.

"At sino naman ng maysabi sa'yong dadalhin ako sa Rabana--"

Hindi pa man siya natatapos magsalita'y bigla nang kumalabog ang pinto ng silid, iniluwa duon ang tatlong mababagsik na kawal ng Rabana at nagmadaling lumapit sa kanyang napatayo bigla sa pagkagukat. Ang isa'y inihampas sa ulo ni makisig ang takip ng kampilan nang tangkain ng huling lumaban.

Wala siyang nagawa kundi mapasigaw na lang nang makitang walang malay na bumagsak sa sahig si Makisig. Hindi na rin siya nakapalag nang hawakan ng dalawang kawal ang kanyang mga kamay at hilahin palabas ng silid hanggang sa labas ng kubo.

Sa tantya niya'y Alas Onse iyon nang umaga, dama ng kanyang balat ang init ng sikat ng araw.

"Kidlat!" hiyaw ni Agila mula sa di-kalayuan ng bahay habang nakikipaglaban sa sampung mga kawal ng Rabana ngunit nang makita nitong itinutok ng isang kawal ang dulo ng kampilan sa kanyang leeg ay huminto ito sa pakikipaglaban, hinayaang mabugbog ng mga kalaban hanggang sa umagos ang sariwang dugo sa magkabila nitong kilay at mamaga ang mukha sa tindi ng suntok ng mga kawal.

"Agila!" Wala siyang magawa kundi sumigaw na lang sa magkahalong takot at awa para sa binata nang bumagsak na ito sa buhangin.

"Agila!" muli niyang sigaw ngunit hindi siya makalaban lalo't nakadikit ang matalim na kampilan sa kanyang leeg.

"Tama na 'yan! Dalhin sila sa Rabana upang iharap kay Datu Magtulis!" matigas na utos ng pinakapinuno ng mga ito.

Kitang-kita niya kung paanong hinila si Agila at isinakay sa dala ng mga itong kabayo. Siya nama'y itinali ang mga kamay at paa sa lubid, padapang isinampa ang katawan sa isang kabayo, saka lang sumampa ang isang kawal at pinatakbo na ang kabayo habang ang iba ay nakasunod lang sa kanila.

Hindi niya alam kung ilang oras ang itinakbo ng kabayo sa bako-bako at makitid na daan hanggang sa marinig niya sa unahan ang hiyawan ng mga tao, tila sumasalubong sa mga nagwagi sa labanan.

Nag-angat siya ng ulo, tiningnan ang buong paligid. Nasa gilid nga ng maluwang na kalsada ang maraming tao, nakamasid sa kanila, karamihan ay nagpapalakpakan

habang nagsisigawan.

"Mabuhay ang mga kawal ng Rabana! Nadakip na ang mga taksil sa pulo ng Dumagit! Mabuhay si Datu Magtulis! Mabuhay!" ang isinisigaw ng lahat.

Duon lang siya nakaramdam ng totoong takot. Ibig bang sabihin, natuklasan na ni Datu Magtulis na galing sila sa pulo ng Dumagit? Na siya si Liwayway, ang dahilan kung bakit nawalan ito ng isang mata kaya sila dinakip at dinala dito?

Nakagat niya ang ibabang labi. Ano'ng gagawin niya? Ayaw niyang mamatay sa mundong ito, gusto pa niyang makita ang kanyang mama't papa maging ang kanyang masungit na ate.