Chereads / The Destined Heiress Of Rabana / Chapter 27 - Ang Unang Halik

Chapter 27 - Ang Unang Halik

Hindi mabilang ni Shine kung ilang beses siyang sumigaw ng tulong habang nakapikit sa takot at mahigpit na nakayakap sa leeg ng kabayo ngunit himalang hindi siya nahulog sa bilis ng takbo niyon hanggang sa huminto na rin iyon sa wakas nang marinig na humahagulhol na siya sa sobrang takot.

Kasabay ng paghinto ng kabayo ay saka namang pagtingil ng kanyang hikbi. Noon lang din niya narinig ang taginting ng tila nag-uumpukang mga patalim sa buong paligid.

Nanginginig ang mga kamay na dahan-dahan siyang nagdilat ng mga mata subalit muli na naman siyang napasigaw nang ang unang masilayan ng paningin ay ang nanlalaking mga mata ng isang pamilyar na mukha.

"Ahhh! Multo!" sigaw niya uli sa takot at mabilis na bumangon mula sa pagkakadapa sa likod ng kabayo ngunit sa pagkamalas niya'y nawalan siya ng balanse't nahulog ang katawan, buhangin sana ang kanyang babagsakan nang biglang may mahabang brasong pumulupot sa kanyang beywang.

Awtomatiko naman niyang naikapit ang isang kamay sa leeg ng kung sinumang nilalang na sumalo sa kanya.

Ang siste, sa hindi sinasadyang pangyayari'y naramdaman na lang niya ang sariling bibig na nakalapat sa malambot ding mga labi ng kanyang nakapitan at huli na para ilayo ang sarili mula sa nilalang na iyon.

Magkasabay pang nanlaki ang kanilang mga mata nang magtama ang kanilang paningin.

Pakiramdam niya, tila huminto sa pag-inog ang mundo nang mga sandaling iyon.

Nakabibingi ang taginting ng nagbabanggaang mga kampilan at hiyawan ng mga taong tila sugatan sa palibot nila subalit balewala ang mga iyon kumpara sa tila tambol na tunog ng kanyang dibdib sa kaba habang kapwa sila parang tuod na napako sa kinalalagyan ng kayakap na nilalang. Ang dinig pa nga niya'y mas malakas ang kabog ng dibdib nito kesa sa kanya.

"Kidlat!" Doon lang natauhan ang lalaki't mabilis siyang binuhat patayo ngunit nakahawak pa rin sa kanyang beywang habang ang isang kamay ay hawak ang kampilan at itinusok sa katawan ng kalabang muntik nang lumapat ang hawak na sandata sa kanyang likod.

Sa makaisa pa'y muli siyang iwinasiwas ng lalaki sa ere hawak lang ng isang kamay ang kanyang beywang saka mabilis na pumihit paharap sa isa uling kalaban at pingutan iyon ng ulo bagay na hindi nakalampas sa kanyang paningin lalo na nang tumilapon ang ulo sa kung lupa.

"Ahhh!" muli niyang sigaw sa takot ngunit hindi maiwasang ibaling ang paningin sa palibot habang nakakapit nang mahigpit sa leeg ng kanyang tagatapagtanggol.

Doon lang tumatak sa kanyang isip ang nangyayaring labanan sa baybayin ng Masagana, at ang lalaking kanyang kayakap ngayon na pinagkakautangan ng buhay ay ang estrangherong lalaki ring nagligtas sa kanya mula sa dambuhalang ahas sa pulo ng Dumagit. Ito rin ang lalaking nagnakaw ng kanyang first kiss na balak sanang ipagkaloob kay Miko kapag nakita na niya itong muli.

Nanginginig man ang katawan sa takot at gustong ipikit ang mga mata upang hindi makita ang karumal-dumal na nangyayari sa buong palibot nang mga sandaling iyo'y hindi niya nagawa lalo na't napansin niyang napapalibutan ang lalaki ng mga kalaban na sa isang maling hakbang lang, dalawa sila nitong mapapahamak kaya't nang makita niyang palapit sa kanila ang isang kalabang nakatakip ang mukha at mata lang ang nakikita'y sumigaw siya nang buong lakas kasabay ng pag-ngat ng kanyang isang kamay kung saan mahigpit pa ring nakahawak sa patalim na ibinigay ni Makisig sa kanya kanina.

Gulat na napatingin sa kanya ang lalaki, hindi inaasahan ang liksi ng kanyang kamay. Siya man ay nagulat din sa ginawa. Bumagsak ang kalaban sa kanyang tagiliran, muli siyang napasigaw dahil duon.

"Kidlat!" muli niyang narinig ang sigaw ni Agila kaya't siya na ang kusang kumawala sa pagkakahawak ng estrangherong lalaki at hinanap ng paningin ang binatang napapalibutan din ng mga kalaban sa hindi kalayuan sa kanila.

"Agila!" ganti niyang sigaw, nagawa pang kumaway dito sa kabila ng panganib sa kanilang harapan.

"Kidlat!" boses naman ni Makisig ang kanyang narinig, mas malayo ang tinig kesa sa kinaroroonan ni Agila.

Nang mapansing palapit na naman sa kanila ang apat na lalaki'y napakapit siyang muli sa kamay ng kanyang tagapagtanggol, nagtama ang kanilang paningin. Ewan, pakiramdam niya, ang tinging iyon ang nagbigay ng lakas ng loob sa kanya upang magawang balewalain ang takot na nararamdaman lalo na nang muntik na itong mahagip ng kampilan ng isang kalabang patakbong lumapit sa kanila. Hindi niya alam kung saan nagmula ang tapang sa kanyang dibdib nang walang anumang sinipa niya ang kalaban at tumilapon ito sa paanan ng kabayo, hindi na nakabangon pa.

Gulat siyang napatingin sa sariling mga paa. Nahuli pa niyang kunut-noong napatitig sa kanya ang estrangherong lalaki.

'Weh! 'Di nga? Marunong akong mangarate?' 'di makapaniwalang tanong ng kanyang isip.

Maaring gano'n nga, ilang beses niya iyong napatunayan nang merun na uling sumugod sa kanila at tila papel lang ang gaan ng kanyang katawang umakyat sa likod ng kabayong hindi umaalis sa kinatatayuan kanina pa, saka parang si jet li na lumipad sa ere't binigyan ng side kick ang leeg ng kalaban, malibang tumilapon ang katawan nito sa malayo'y bali din ang leeg nito nang bumagsak.

Nakita iyon ni Agila, ito man ay hindi makapaniwala sa napagmamasdan sa kanya.

Nang muli siyang umupo sa likod ng kabayo, saka nama niya narinig ang boses ng kanyang tagapagtanggol.

"Puti!" tawag nito sa kabayo. Himala, kumaripas na uli iyon ng takbo habang mahigpit siyang nakakapit sa leeg nito, sa pagkakataong iyo'y nawala na nang tuluyan ang kanyang takot.

Doon lang niya nalamang ang lalaki palang iyon ang amo ng kabayo.

Dinala siya niyon sa paanan ng bundok kung saan walang mga kalaban.

Nang maseguro niyang walang kaaway sa lugar na iyo'y saka lang siya bumaba sa kabayo. Nakapagtatakang tila iyon may isip na nang makababa siya'y mabilis na uling tumakbo pabalik kung saan sila nanggaling.

Hindi, hindi niya pwedeng hayaan sina Agila at Makisig na makipaglaban sa mga kalaban. Tutulong siya sa kahit na ano'ng paraan.

Buo ang desisyong muli siyang tumakbo pabalik sa labanan. Ngunit napahinto rin nang makita sa daan pa lang ang nakahandusay na mga katawan ng mga taga-roon at mga dayuhang kapansin-pansin ang kakaibang mga kasuotan, tila mga ninja sa chinese movies, balot ang mga katawan ng damit at may takip ang mukha, mga mata lang ang nakalantad.

Ngunit ang nakalaban nila kanina'y iba rin ang mga kasuotan ng ilan, katulad ng mga monggol na napapanood niya rin sa pelikula, may mga singsing sa ilong at malalaki ang mga pangangatawan.

Ibig bang sabihin, dalawang grupo ng kalaban ang sumalakay sa lugar na iyon upang patayin ang mga taga-Barangay Masagana?

Ang isang grupo ay upang sakupin ang mayamang lugar. At ang isang grupo'y ano ang dahilan ng pagsalakay?

Hindi alam ni Shine kung magpapatuloy sa paglalakad pabalik sa pinanggalingan kanina o hihinto na lang at hihintayin sina Agila na hanapin siya roon.

Ngunit nang maisip na baka may nangyari nang masama sa mga ito'y lakas loob siyang tumakbo pabalik sa labanan nang hindi tumitingin sa dinaraanan, ni hindi na inaalam kung ano ang kanyang mga naapakan basta't makabalik lang siya ruon at masegurong ligtas sina Agila at Makisig.

Hindi biro ang kanyang tinakbo na inabot marahil ng isang oras bago marating ang pakay na lugar ngunit taliwas nang umalis siya sakay ng kabayo, ngayon ay tahimik na maliban sa malakas na sigaw ng isang lalaki.

"Hanapin ang magiting na kawal na iyon at dalhin sa akin!"

Napahinto siya sa pagtakbo, tiningnan isa-isa ang mga taong naruon na lahat yata ay nagpakasakay na ng kabayo maliban sa iilang nagpakaluhod sa harapan ng lalaking nagsasalita.

Mula sa kanyang kinatatayuan ay mataman niyang pinagmasdan ang mukha ng lalaking nakaharap sa gawi niya at ang gamit nitong kabayo.

"Sino sa inyo ang nakakaalam sa ngalan ng kawal na iyon?" malakas na tanong sa mga nagpakaluhod.

Biglang tumayo ang isang matanda, ang datu ng Masagana.

"Siya'y si Kidlat, ang nakababatang kapatid ni Agila na anak ni Mayumi," sagot nito.

Bumaling ang lalaki sa mga kasama nito habang nakasakay sa kabayo.

"Sundin ang aking utos! Dalhin sa aking harapan si Kidlat!" utos sa mga nagpakasakay sa kabayo.

"Masusunod, Mahal na Ginoong Adonis!" sagot ng mga kawal.

Bigla siyang natigagal sa kinatatayuan, hindi agad nakakilos sa pagkagulat sa narinig.

'A-Ang lalaking iyon ay ang anak ni Datu Magtulis?!' sigaw ng kanyang isip.