Chereads / The Destined Heiress Of Rabana / Chapter 24 - Ang Labanan sa Barangay Masagana

Chapter 24 - Ang Labanan sa Barangay Masagana

"Paumanhin, Mahal na Ginoong Adonis sa aking panghihimasok subalit ako lamang ay nagtataka kung bakit simula nang dumating tayo rito mula sa pulo ng Dumagit, ikaw'y tila ba nawalan ng sigla," puna ni Milos nang ilang oras na ang dumaraan ay tila isa lamang itong hanging hindi nakikita ni Adonis habang ang huli'y nakatayo sa harap ng bintana ng silid, wari bang malayo ang iniisip.

Aaminin ni Adonis, simula nang malaman niyang pumanaw na si Shine ay tila ba kalahati ng kanyang pagkatao ang nawala, sumama sa binukot na yaong sa ilang sandaling pagsasanga ng kanilang landas ay bumihag na sa pihikan niyang puso.

Sa tuwing nasisilayan ng kanyang paningin ang mukha ni Luningning, ano't tila nananariwa sa kanyang alaala ang kagandahan ni Shine? Ang dalawa'y tila pinagbiak na bunga, mula sa mukha at hubog ng katawa'y walang ipinagkaiba ang mga ito. Subalit, bakit ang kanyang puso'y nakikilala ang bawat isa sa mga ito, si Luningning ay si Luningning--ang kanyang nakababatang kapatid, si Shine ay ang binukot na kanyang itinangi at sa maikling panaho'y naiukit sa kanyang puso ang pangalan nito?

"Shine..." Hindi niya maiwasang sambitin ang pangalan ng binukot, baka sakali'y marinig siya nito at magpakita sa kanya kahit sa panaginip man lang.

"Ano iyon, Mahal na Ginoong Adonis?"

Bahagya pa siyang nagulat nang marinig ang boses ni Milos sa kanyang likuran, napalingon siya rito nang wala sa oras, maang na napatingin sa mukha nitong naguguluhan.

"Sino ang nagmamay-ari ng pangalang iyong sinambit? Ako ba'y iyong uutusang puntahan ang may-ari ng ngalang yaon?" usisa nito.

Sandali siyang natahimik, mataman itong pinagmasdan, maya-maya'y malamig ang mukhang umiling saka muling bumaling sa labas ng bintana.

"Ilang kabilugan ng buwan na ba simula nang tayo'y dumating mula sa pulo ng Dumagit?" tanong niya rito nang hindi lumilingon.

"Tatlong kabilugan na ng buwan," sagot ng kawal.

Malalim na buntung-hiningang kanyang pinakawalan. Marami na palang gabi simula nang pumanaw ang kanyang binukot. Marahil ay nararapat nang kanya itong kalimutan.

"Mahal na Ginoo, paumanhin dahil muntik nang mawaglit sa aking isipan ang utos ng Mahal na Lakambini Bana. Ikaw'y kanyang inaanyayahang magtungo sa kanyang silid ngayon din," untag ni Milos na sandaling katahimikang namayani sa kanila.

Muli siyang napalingon dito pagkuwan, maya-maya'y nagpatiuna nang lumabas ng kanyang silid.

Subalit hindi pa man sila nakakalayo'y may dalawang kawal ang humahangos na lumapit sa kanila.

"Mahal na Ginoong Adonis! Kami'y iyong patawarin subalit si Puti ay nawawala," namumutlang pagbabalita ng dalawa, sabay pa na lumuhod sa kanyang harapan.

"Ano?!" Agad na tumaas ang kanyang boses sa pagkagulat. Si puti ay ang kanyang mahal na kabayo na ilang taon na ring naninilbihan sa kanya. Maliban kay Milos, itinuturing niya iyong matalik ding kaibigan, nasasabi niya roon ang mga bagay na hindi niya masabi kay Milos.

Paano itong nakawala mula sa maluwang na kulungan ng mga kabayo at baka gayong marami ang mga kawal na nakabantay sa palibot niyon?

"Mahal na Ginoong Adonis! Mahal na Ginoo!" hiyaw ng tumatakbong kawal mula sa kung saan, tila ito hinahabol ng tikbalang, lantad sa mukha ang takot na nararamdaman.

"Nilusob ng mga dayuhan ang Barangay Masagana! Humihingi ng saklolo si Datu Bagis sapagkat kakaunti lamang ang kanyang mga kawal!" pagbabalita ng kawal sabay patirapa sa kanyang harapan.

Sandaling nangunot ang kanyang noo. Iyon ang lugar kung saan nakatira ang binukot na ipinagkasundo sa kanya ng kanyang ama upang makaisang dibdib. Naalala pa nga niyang sa isang tingin ay napagkamalan niyang si Shine ang isang lalaking nakita sa dalampasigan doon.

Ang nayong iyon ay isa sa nasasakupan ng kapuluan ng Rabana. Ang isa sa ikinabubuhay ng mga taga-roon ay pangingisda at pagsasaka sapagkat malibang ang lugar na iyon ay nasa baybayin ng dagat, nasa baba lang din ito ng isang bundok na hitik sa masaganang yamang-gubat kaya ang nayong iyo'y tinawag na Barangay Masagana.

Dahil doo'y maraming mga dayuhan ang naghahangad na iyo'y masakop upang maangkin ng mga ito ang kayamanan ng lugar na iyon.

Nang matiyak ang unang gagawin ay bumaling siya sa dalawang kawal na nagpakaluhod.

"Magsitindig kayo! Inyong utusan ang mga kawal upang pumaruon sa Barangay Masagana at lipulin ang mga kalaban! Walang ititirang buhay sa kanila!" matapang niyang utos sa tatlong agad na nagsipagtayuan at kumaripas ng takbo upang sundin ang kanyang utos.

Si Milos nama'y sumunod lang sa kanya nang magsimula siyang maglakad palabas ng bahay hanggang sa makarating sa kulungan ng mga kabayo at kinuha ang isa pa niyang kabayo duon, kulay itim iyon, "Itim" din ang kanyang ipinangalan.

Maya-maya pa'y dalawa na sila ni Milos na nangangabayo papunta sa pakay na lugar, nakatali sa mga beywang ang takip ng kanilang mga kampilan, sa loob niyon ay ang kanilang sandata. Kung tama ang tantya niya'y wala pang dapit-hapon ay tiyak na nakarating na sila ruon.

--------

Malayo pa lang ay dinig na niya ang nagsisigawang mga kababaihan sa takot at ang taginting ng mga kampilang gamit sa pakikipaglaban ng mga taga-ruon.

"Mahal na Ginoo!" malakas na sigaw ni Milos.

Nang akmang lilingunin niya ito'y saka lang nahagilap ng kanyang paningin ang humahagibis na palaso mula sa tuktok ng bundok, wari bang sadyang inaabangan ng mga kalabang naroon ang kanilang pagdating.

Mabuti na lang ay agad niyang naiyuko ang ulo at padapang kumapit sa katawan ng gamit niyang kabayo habang iyo'y matuling tumatakbo kaya't lumampas lang sa kanya ang palaso.

Pakiwari niya'y tila kahoy na sinindihan ng apoy ang kanyang katawan, nakaramdam bigla ng galit sa gumawa niyon subalit ano'ng pagtataka niya nang sa pagtingala niya sa tuktok ng bundok ay napansin niyang ang damit ng mga kalaban ay hindi gaya ng sa mga dayuhan.

Merun na uling palasong humahagibis papunta sa kanya habang hindi humihinto ang kabayo sa pagtakbo, buong lakas niya iyong hinuli ng kamay nang muntik na siyang matamaan at hindi agad nakaiwas.

Mabilis niyang inusisa ang palaso, katulad iyon sa gamit nilang sandata.

'Bakit?' litong hiyaw ng kanyang isip. O baka hindi siya nakilala ng kanilang mga kawal? Baka iniisip na isa rin silang kalaban?

Ang huli ang pinaniwalaan ng kanyang utak kaya wala siyang ginawa kundi ang umilag sa mga palasong iyon hanggang sa makarating sa pakay na lugar na halos nagpakalatag na sa daan ang mga bangkay---magkahalong bangkay ng mga dayuhang monggol at kanilang mga nasasakupan.

Sa unahan ay marami pa rin ang naglalabanan ng sibat at kampilan bilang mga sandata. Nakita niya pa ang datu ng Masagana na hawak ang mahaba nitong kampilan habang ginigilitan ng leeg ang kalabang mananakop. Sa likod nito'y ang isang estrangherong lalaking kasing tapang din ng datu at walang takot na sumusunggab sa mga kalaban gamit lang ang isang sibat, kung lumundag ay tila dahon lang na pumapailanlang sa ere, sumasama sa ihip ng hangin at walang anumang tinutusok ng hawak na sibat ang katawan ng mga kalaban. Merun pang isang makisig na lalaking sa hula niya'y hindi nalalayo ang gulang sa isa at matapang ding nakabantay sa likuran ng datu.

Napansin niya ang papalapit na monggol sa isang lalaking may hawak na sibat, susunggaban sana ng hawak nitong kampilan ang huli ngunit mabilis niyang binunot sa lalagyan ang sariling sandata at buong lakas na inihagis sa katawan ng kalaban, sapol ang dibdib nito, tumagos ang kampilan sa harap ng dibdib nito dahilan upang mapatingin sa dako niya ang lalaking muntik na sanang mapahamak.

Nagtama ang kanilang mga mata. Nagtaka pa siya sa galit na biglang rumihestro sa mga mata ng lalaki, hindi para sa mga kalaban kundi para sa kanya.

Bakit?

Siya nama'y sandaling natigilan. Pakiwari niya'y nakita na niya ang mukhang iyon, hindi niya lang maalala kung saan at kung kelan ito nakita.