Chereads / The Destined Heiress Of Rabana / Chapter 21 - Ang Pagtatagpo sa Dalampasigan

Chapter 21 - Ang Pagtatagpo sa Dalampasigan

Heto si Shine nakasandal sa headboard ng kama habang walang kurap na nakatanaw sa kawalan.

Hindi mawaglit sa kanyang isip ang sinabi ni Agila, na kalimutan na ang nangyari sa Dumagit.

Pero ramdam niyang hindi iyon basta mawawala sa kanyang isipan kahit bumalik pa siya sa kanyang mundo.

Humugot siya ng isang buntung-hininga, saka lang bahagyang yumuko at umusog sa gilid ng kama, ibinaba ang mga paa, inilapat ang mga iyon sa kumikintab na tablang sahig.

Tila wala pa rin sa mood na pinasadahan ng tingin ang buong silid mula sa bedside table, sa kabinet sa tabi niyon hanggang mapadako ang tingin sa kurtina ng bintana sa gawing kaliwa ng silid.

Dahan-dahan siyang tumayo saka lumapit sa bintana, hinawi ang kurtina. Napangiti siya nang maamoy ang halimuyak ng iba't ibang uri ng mga bulaklak.

Hmmmm...ambango, kasimbango ng perfume ng kanyang mama.

Lalong lumapad ang kanyang ngiti nang masilayan sa wakas ang labas ng bahay.

Puno ng mga halamang namumulaklak ang buong bakuran niyon, iba't ibang klase ng mga bulaklak na noon lang niya nakita. Nagpakalagay ang mga iyon sa iba't ibang hugis ng paso.

Naagaw ng kanyang atensyon ang humahalong amoy ng tubig-dagat dahilan upang mapatanaw siya sa dako pa ruon, noon lang nakitang malapit pala sila sa baybayin.

Andaming mga bangkang nakadaong sa dalampasigan, merun ding mga taong nag-uumpukan sa ilang mga bangka, seguro'y bumibili sa mga mangingisda.

Napansin din niya ang ilang bangkang padaong pa lang sa baybayin, mga sampu marahil.

Ang ibang mga kababaiha'y nagtakbuhan na sa bangkang papadaong. Na-curious tuloy siya kaya akma nang tatalikod at lalabas ng bahay nang makita si Mayumi sa may pinto, may bitbit na platong gawa sa porcelaine, may disenyo ang mga gilid niyon. Nakapatong sa plato ang isang mangkok na gawa din sa porcelaine, may laman iyong lugaw.

Lalo siyang nagtaka. May porcelaine na pala sa panahong iyon? Bakit hindi niya nakita ang ganuong plato sa Dumagit?

"Kidlat, aking bunso, ikaw muna'y kumain nitong lugaw nang lumakas ang iyong katawan," saad sa kanya nang makalapit.

Napangiti siya, kinuha ang hawak ng ginang.

"Ina, kaninong bahay ang kinaruruonan natin?" usisa niya.

"Sa atin," tipid nitong sagot saka napasulyap sa bintana, nang makitang hawi na ang kurtina niyo'y nilapitan iyon at inayos saka bumalik sa kanyang nakaupo na sa gilid ng kama, sinimulang kainin ang lugaw gamit ang aluminum na kutsara.

"Ina, nasaan sina Agila at Makisig?" usisa niya. Mula nang magising siya nang umagang iyon ay hindi pa rin niya nakikita ang dalawa.

"Magkasama silang pumalaot sa dagat kagabi. Marahil ay pauwi na sila ngayon," sagot nito, tumabi na sa pagkakaupo sa kanya sa kamang gawa sa malapad na tabla. Pansin niyang lahat yata ng mga gamit sa bahay na iyo'y gawa sa tabla, maliban lang sa dingding at atip ng bahay na gawa pa rin sa nipa palm na isang beses pa lang niyang nakita noong magbakasyon sila ng mga magulang sa lugar ng kanyang papa. Gawa din sa nipa palm ang karamihan sa mga bahay duon.

"Ina, saan tayo kumuha ng pampagawa ng bahay na ito?" usisa niya uli. Nagtataka kasi siya, hindi pa niya alam kung may pera na sa panahong iyon pero mula nang makapunta siya sa mundong ito, hindi niya nakita si Mayumi na bumili ng pagkain kahit duon sa Dumagit.

"Magiliw ang mga taga-Rabana sa pagtanggap ng bisita, aking bunso. Tinulungan tayo ng mga tagarito upang makagawa agad ng ating kubo at binigyan rin tayo ng mga kagamitan," nakangiting paliwanag ng ginang.

Sandali niya itong tiningnan bago tumango, pagkuwa'y gulat na muling bumaling dito.

"Andito tayo sa Rabana?" bulalas niya, hindi makapaniwala sa narinig.

Kaswal lang na tumango ang ginang.

Napuno ng excitement ang kanyang dibdib, nagmadaling ibinalik sa babae ang hawak na plato at tumakbo na palabas ng bahay.

"Kidlat!" habol ni Mayumi ngunit tila wala siyang narinig na lalo pang binilisan ang pagtakbo nang wala man lang sapin sa paa.

Nagpakawala siya ng isang malakas na halakhak habang nakadipa ang mga braso at nakatingala sa langit sa labas ng bahay.

Sa wakas, nakita na niya ang Rabana, ang controversial na lugar kung saan daw naroroon ang Lakambini Bana, ang ina ni Liwayway.

Maya-maya'y napadako na uli ang tingin niya sa nag-uumpukang kababaihan sa dalampasigan. Out of curiousity ay lumapit siya sa mga ito.

"Napakakisig ng kanyang katawan. Ang kanyang mukha'y kasing liwanang ng sikat ng araw," 'di maiwasang isambulat ng isang dalaga habang nakatitig sa isa sa mga lalaking pababa sa bangka.

Nakisiksik siya sa mga kadalagahan hanggang makita ang tinitingnan ng mga ito.

Hindi nakatiis ang dalagang nagsalita at lumapit na sa hinahangaang binata.

Curious na napasulyap siya sa binatang nakatungo pang lumusong sa tubig ngunit napaangat din ang mukha nang makita sa harapan nito ang estrangherong dalaga. Ang huli nama'y nakangiting iniabot ang hawak na kwintas na gawa sa kapipitas lang na mga bulaklak.

Nagtilihan ang iba pang kadalagahang naroon. Napangiti na rin siya sa lakas ng loob na ipinakita ng dalaga sa unahan. Sa makulay na baro't saya nitong suot na ang laylayan ng saya'y nabasa na ng tubig-dagat, masasabi niyang anak ito ng isang mayamang pamilya, malamang pa nga ay anak ng isang datu.

Subalit bigla siyang napanganga sa pagkagulat nang matitigan nang mabuti ang mukha ng lalaking kausap ng dalaga.

"Siya nga!" sigaw ng kanyang utak.

Kasabay ng pamumutla ng kanyang mukha ay ang pananariwa ng nangyari sa kanilang dalawa ng binatang nagligtas sa kanya sa Dumagit at nagsabing pag-aari na siya nito matapos ibigay ang nawala din niyang bracelet. Paano ba niya makakalimutan ang mukhang iyon gayong ito ang isa sa mga dahilan kung bakit nag-attempt siyang bumalik sa Dumagit habang lulan siya ng bangka?

Napaatras siya sa sari-saring emosyon. Paano nakaligtas ang binata mula sa masamang datu ng Rabana na si Magtulis at lakas-loob pang nagpunta sa lugar na iyon? Hindi ba ito takot man lang sa masamang datu? Kung nakaligtas ito, malamang ay nakaligtas rin si Hagibis!

Kumakabog ang dibdib na sinipat niya isa-isa ang mga kasama nito sa bangka ngunit nang hindi makita si Hagibis ay nanlumo siya, napatitig na uli sa binatang kinuha ang kwintas na bulaklak ngunit tipid lang na ngumiti sa dalagang kaharap at 'di sinasadyang mapadako ang tingin sa kanyang kinaroroonan nang biglang umalingawngaw sa kanyang pandinig ang boses ng isang lalaki.

"Kidlat!" Si Makisig iyon, kumakaway sa kanya sa 'di kalayuan habang padaong pa lang ang bangkang kinalululanan nito kasama si Agila at dalawang pang estrangherong lalaking hindi nalalayo ang mga edad sa dalawa.

Napunta agad ang atensyon niya sa itinuring nang nakababatang kapatid, patakbong tumungo sa kinaroroonan nito, hindi na nakita ang pangungunot ng noo ni Adonis habang habol siya ng tingin.