Chereads / The Destined Heiress Of Rabana / Chapter 22 - Ang Muntikang Pagkapahamak ni Agila

Chapter 22 - Ang Muntikang Pagkapahamak ni Agila

"Wow, andami niyong huling isda!" bulalas ni Shine pagkalapit kina Agila at Makisig na halos magkasabay lang na bumaba sa bangka, napasulyap lang kay makisig na tuwang tuwang nakatitig sa kanyang mukha pero siya'y kay Agila natuon ang atensyon nang mapansing salubong ang mga kilay na nakatanaw sa kung saan.

Nang sundan niya ng tingin ang pinagmamasdan nito'y bigla na lang kumabog ang kanyang dibdib, namula agad ang pisngi sabay balik ng tingin sa kinatutuwaang mga isdang nagsisipaglundagan sa loob ng bangka.

"Kilala mo ba ang lalaking iyon?" malamig ang boses na mahinang tanong ni Agila ngunit sa katig ng bangka nakatingin, inihawak ang isang kamay duon.

"Hindi!" malakas niyang sagot pero nagulat din sa sariling boses.

"Ikaw ba'y tinatanong ko?" Lalong nagsalubong ang kilay ng binata, direkta nang tumingin sa kanya, nang sumulyap siya rito'y nagtama ang paningin nila, lalong namula ang pisngi niya sa 'di maipaliwanag na dahilan.

"Kanino ka pala nagtatanong eh ako lang naman itong kaharap mo?" paismid niyang balik-tanong upang itago ang pagkapahiya, nagmartsa palapit kay Makisig na isang dipa ang layo sa kanila. Bumungisngis naman ang huli nang mapansing tila lalapain na siya ni Agila sa talim ng tingin sa kanya.

Tinawag ni Agila ang isa sa mga kasamang agad namang bumaba sa bangka at tulad ng binata'y hinawakan nito ang katapat na katig sa unahan, sabay na hinila paahon sa tubig.

Dahil nasa unahan sila ni Makisig, binilisan nila ang paglalakad pasupong lalo na nang masulyapan niyang tila seryoso si Agila sa ginagawa.

Kinalabit siya ni Makisig sabay hawak sa kamay niya.

"Bakit pakiwari ko'y naninibugho si Agila sa makisig na lalaking yaon sa dalampasigan?" Ininguso ng kasama ang estrangherong lalaking nakita niya kanina.

Ewan, nang tanawin niya ang kinaroroonan nito'y nakita niyang hanggang nang mga sandaling iyo'y nakatanaw pa rin ito sa kanya, sumusunod ng tingin kahit saan siya magpunta na kahit ang kaharap nitong dalaga'y napatingin na rin sa kanila ni makisig na dalawampung metro marahil ang layo sa mga ito.

"Magbigay galang sa paparating na Datu ng Rabana!" biglang umalingawngaw ang boses ng tumatakbong umalohokan ng barangay na iyon, kasunod ang isang lalaking may katandaan na ngunit makikita sa pula nitong putong ang mataas na katungkulan sa lugar na iyon.

Natuon ang pansin nila sa sumigaw na lalaking huminto sa harapan ng mga nag-uumpukang kababaihan malapit sa estrangherong lalaki.

Nagkatinginan sila ni Makisig, iisa lang ang ekspresyong rumihestro sa mukha nila--takot, kasabay ng pagbalik sa gunita sa naganap sa pulo ng Dumagit.

Nangatog bigla ang kanyang mga tuhod kahit anong pilit niyang balewalain ang nararamdaman kaya't napahawak na siya sa braso ni Makisig habang namumuo ang butil-butil na pawis sa noo ngunit nanlalamig ang mga kamay na sumulyap sa paparating na kabayong tila nagpapaligsahan sa pagtakbo palapit sa mga tao sa dalampasigan.

Bago pa niya nahagip ng tingin si Datu Magtulis ay hinila na ni Agila ang isa niyang braso at pinaluhod sabay yuko ng ulo nang hindi sila makilala kahit na naka-disguise siya bilang isang lalaki at ang binata'y nagpahaba na rin ng begote mula nang dumating sila sa lugar na iyon.

"Maligayang pagdating, Mahal na Datu Magtulis! Maligayang pagdating, Ginoong Adonis, ang magiting na anak ng datu ng Rabana!" sabay-sabay na bati ng lahat maliban sa kanilang tatlo na malayo man sa karamihan ay nagpakaluhod pa rin at nagpakayuko ang mga ulo.

Ayun na naman, bigla na namang kumabog ang kanyang dibdib pagkarinig sa pangalan ng anak ng datu ng Rabana. Curious talaga siya sa lalaking iyon kung bakit laging nakasuot ng puting damit na may hood sa ulo para itago ang mukha.

Iyon pa rin ba ang suot nito sa lugar na iyon?

Hindi niya napigilan ang sarili't dahan-dahang nag-angat ng mukha upang alamin kung nasaan ang tinatawag na Adonis ng mga tao.

'Adonis!' Umalingawngaw iyon sa kanyang pandinig. Kasing gwapo ba ito ng estrangherong lalaking nakilala niya sa Dumagit at ngayo'y nakita niya rin mismo sa lugar na iyon? Bakit lalo pa atang lumakas ang kabog ng kanyang dibdib?

Subalit sa halip na mukha ng anak ng Datu ay si Miko ang nahagip ng kanyang paningin, nakasakay sa nakahintong kabayo sa tabi ng kabayong sinasakyan ni Datu Magtulis na ngayon ay merun nang telang nakatakip sa isang mata ngunit walang naglakas-loob magtanong kung napaano ito.

Mabilis siyang napayuko nang akmang susulyap sa gawi nila ang datu.

"Makinig ang lahat ng mga narito!" simula nito sa malakas na boses.

"Ang sinumang dumaong sa baybaying ito na galing sa mga karatig pulo malibang sila ay mga mangangalakal, iniuutos ko sa inyong lahat na sila'y dakpin at dalhin sa akin sapagkat sila'y galing sa pulo ng Dumagit na nag-aklas laban sa akin bilang makapangyarihang datu ng Rabana!" patuloy nitong halos umalingawngaw sa buong baybayin ang sobrang lakas ng boses.

"Masusunod, Mahal na Datu!" sabay-sabay na uling sagot ng mga naroon maliban sa kanilang tatlo.

Katahimikan.

Nakahinga siya nang maluwang nang hindi na niya maulinigan ang boses ng datu, subalit muntik na siyang mapasigaw sa pagkagulat nang biglang marinig maya-maya ang tinig nito sa mismo nilang harapan.

"Kaninong mga anak ang tatlong ito?" matigas ang boses na usisa nito sa kung kanino.

"Ipagpaumanhin ng inyong kamahalan subalit sila'y mga anak ni Mayumi, ang anak ng yumaong si Datu Bagwis sa pulo ng Raon. Sila'y narito na ilang kabilugan na ng buwan ang dumaan at ilang katdulom," mahinahong sagot ng isang boses matanda, hindi man lang kababakasan ng kasinungalingan ang tono ng pananalita nito.

Katahimikan uli...

Napadiin ang pagkakahawak niya sa sariling tuhod nang maramdamang humakbang pa palapit ang datu.

"Magsitindig kayo!" utos sa kanila.

Nagkatinginan sila ni Agila. Walang mababakas na takot man lang sa mukha nito, taliwas sa kanyang ilang beses nang napalunok sa kabang baka makilala siya ng datu, huwag nang isali ang kanyang pamumutla, pakiramdam nga niya, huminto sa pagdaloy ang dugo papunta sa kanyang pisngi.

Unang tumayo si makisig. Sumunod si Agila, nahuli siya ngunit nanatili pa ring nakayuko kahit nakatayo na, maghigpit na nakakapit ang mga kamay sa magkabilang gilid ng suot na long sleeve shirt, hanggang beywang ang haba at pinatungan ng kanggan o sleeveless jacket. ang pang-ibaba ay ang makalumang puruntong na gawa sa magapas ding cotton. Kahapon pa niya iyong suot pero ngayon lang niya napansing hindi iyon nalalayo sa mga kasuutan ng mga taga roon. Ganuong style din ang suot ni Makisig. Si Agila nama'y naka sleeceless jacket lang at bahag, lantad ang matipuno nitong dibdib dahilan upang mapalapit sa kanila ang ilang kadalagahan maliban sa dalagang lumapit sa naging nobyo niya kuno sa Dumagit.

"Bakit sa pakiwari ko'y nasilayan ko na ang iyong mukha?"

Napalunok siya bigla nang marinig iyon mula sa datung hindi inaalis ang tingin kay Agila na noo'y bahagya lang nakatungo ngunit tuluyan nang nagtaas ng mukh pagkarinig sa sinabi ng nasa harapan nila.

"Ipagpaumanahin po ng inyong kamahalan subalit ang aliping ito'y ngayon lamang nasilayan ang inyong mukha" sabad nito.

Mariin ang titig na pinakawalan ng datu kasabay ng pagsasalubong ng mga kilay, halatang 'di nagustuhan ang sinabi ng binatang napayuko na uli pagkatapos sumagot.

"Ikaw!" duro sa kanya.

Halos mapugto na ang kanyang paghinga nang bahagyang mag-angat ng mukha at makitang sa kanya nakaduro ang hintuturo ng datu.

Tila biglang tumigil sa pag-inog ang mundo nang mga sandaling iyon, pati utak niya'y parang nawalan ng laman, 'di malaman kung ano'ng sunod na gagawin.

Paano kung makilala siya nito kahit na naka-disguise siya bilang lalaki? Paano kung tinandaan pala nito ang kanyang mukha noong gabing iyon at mapansing isa siyang babae?

Nakagat niya ang ibabang labi, 'di malaman kung mag-aangat ng mukha o mananatiling nakayuko subalit lalo lang siyang nanginig sa takot nang sa isang iglap ay hawak na nito ang kanyang baba, pilit na iniangat ang kanyang mukha. Wala siyang nagawa kundi ang titigan ito, ang balak ay pairap subalit ramdam niya ang sariling bibig na bahagyang nangatal sa takot.

Ngunit hindi pa man nag-iinit ang palad ng datu sa kanyang balat ay agad na kumilos si Agila, malakas na tinapik ang kamay ng una saka siya agad na hinawakan sa braso, hinila palayo at iniharang ang katawan sa kanyang harapan.

"Lapastangan!" hiyaw ng isang kawal na kasama ni Datu Magtulis, inilang hakbang lang ang pagitan nito at ni Agila sabay tanggal ng kampilan mula sa takip nito't sa isang kisapmata lang ay nakadikit na ang talim niyon sa leeg ng binata.

"Huwag!" sabay pa nilang sigaw ni Makisig, duon lang tila gumana ang utak ng huli upang ipagtanggol sila.

Bigla itong lumuhod sa harapan ng datu.

Siya nama'y hindi makakilos sa likod ni Agila habang nanlalaki ang mga mata sa takot na baka idiin pa ng kawal ang kampilan at masugatan na ang binata.

"Ang aming kapatid ay may malubhang karamdaman at ipinagbabawal ng babaylan na siya'y hawakan ng sinuman upang sila'y huwag mahawa sa kanyang sakit," mabilis nitong paliwanag. "Kaya't patawarin po ninyo ang aking nakatatandang kapatid kung kanya iyong nagawa. Siya lamang ay natatakot na baka mahawa ang mahal na datu sa sakit ni Kidlat nang kanya siyang hawakan."

Namayani ang katahimikan sa buong dalampasigan, ang mga mata ng lahat ay natuon sa kanila habang siya'y hindi na malaman ang gagawin kaya't hindi niya napansing sinenyasan ng estrangherong lalaki si Miko upang bumaba sa kabayo. Nagmadaling sumunod ang huli saka mabilis ang mga hakbang na lumapit sa kanila.

Samantalang si Datu Magtulis ay naniningkit pa rin ang mga matang nakatitig kay Agila, ang binatang hindi man lang kakikitaan ng takot sa mukha, sa halip ay kampante lang na nakatingin sa kawal na may dalang itak, hinuhulaan kung anong susunod nitong gawin.

"Mahal na Datu, nakatakas ang isa nating bihag galing sa pulo ng Dumagit," bulong ni Miko sa datu ng Rabana na agad namang naniwala sa sinabi nito, pagkuwa'y sinenyasan ang kawal na ibaba ang kampilan, ngunit nagbigay ng isang matalim na titig kay Agila bago tumalikod.

"Ikulong sa kanilang tirahan ang tatlong iyan upang hindi makahawa sa buong barangay ang sakit ng isa nilang kapatid!" pahabol nitong utos sa mga taga-ruon bago tila nagmamartsang lumayo sa kanila at pagalit pang sumakay sa kabayo, isa na uling matalim na tingin kay Agila bago tuluyang lumayo sa lugar na iyon. Nagsisunuran naman ang mga kasama nito kanina kahit ang anak nitong si Adonis matapos siyang pukulan ng isang naguguluhang tingin.