Noon lang siya nakaramdam ng totoong takot habang nakatingin kay Datu Magtulis na halos matabunan na ng dugo ang buong mukha. Pakiramdam niya nanonood siya ng horror movie habang nakikita itong hawak ng isang kamay ang butas nang mata at panay ang lingon sa buong paligid upang hanapin siya.
Napaatras siya, nagulat pa nang tumama ang likod sa haligi ng kulungan, nanginginig ang kamay na napatingin sa hawak niyang kampilan. Bibitawan na sana niya iyon nang marinig bigla ang sigaw ni Hagibis.
"Liwayway!"
Wala sa sariling naitaas niya ang kamay na may hawak na sandata para lang magulat sa nasaksihan nang tumusok ito sa tyan ng isang kawal ng Rabana nang akma siyang susugurin ng katana.
"Ahhh!" hiyaw niya, lalo nang tumilansik ang dugo mula sa katawan ng kawal, nadungisan ang kanyang damit.
Lalo siyang nasindak sa takot nang ma-realize na nakapatay siya ng tao nang hindi sinasadya. Sandaling tila naging tuod siya sa kinatatayuan. Kung kelan bumagsak sa lupa ang kawal, saka naman siya tumakbo, lalapit sana kay Agila upang humingi ng tulong subalit napahinto rin pagkuwan at isa-isang nag-sink in sa isip ang nangyayari sa buong paligid.
Bigla siyang napaluha pagkakita kay Agila at Hagibis maging ng ibang mga kalalakihan ng Dumagit na ipinagtatanggol ang mga sarili upang huwag mapabilang sa mga bumagsak na't nawalan ng buhay.
Dati, kapag nanonood siya ng time travel chinese drama, tuwang-tuwa siya habang nakikipaglaban ang mga bida. Pero ngayon, nanginginig ang kanyang katawan sa sobrang takot dahil alam niyang hindi na lang siya nanonood ng drama. Narito siya, buhay na buhay sa gitna ng tila digmaan, taginting ng mga kampilan at katana, kalampag ng mga katawang bumabagsak sa damuhan at sigaw ng mga nasusugatang kawal ang kanyang naririnig.
Nahagip ng kanyang paningin si Datu Matulin na sa wakas ay nagawang ipagtanggol ang anak, nakipaglaban na rin sa mga kawal ng Rabana gamit ang kampilan.
"Liwayway! Papatayin kita!"
Sigaw ni Datu Magtulis ang nagpabalik sa kanyang katinuan.
Tumatakbo ito habang palapit sa kanya na lalong ikinapanginig ng kanyang katawan saka siya napaatras ngunit hindi inaasahang mabunggo ang sulong nakatayo sa gilid.
Nakapagtatakang biglang umapoy ang kanyang suot na damit, noon lang niya naalala ang asupreng inihagis niya kanina sa isang kawal at ang pouch na nakatali sa garter ng kanyang palda.
"Agilaaa!" malakas niyang sigaw habang mabilis na tinatanggal ang paldang suot at pilit pinupuksa ang apoy sa kanyang damit saka kumaripas ng takbo palayo.
"Liwayway!" ganting sigaw ni Agila, hinanap siya sa karamihan ngunit hindi na siya nakitang tumakbo palayo.
Nagsusumigaw siya sa takot na baka tuluyan na siyang masunog sa apoy lalo na't huli na nang mahubad niya ang suot na damit.
Napalakas ang kanyang sigaw nang maramdaman ang sariling buhok na umaapoy, lalo siyang nataranta sa takot ngunit sa kasamaang palad ay nadulas siya habang tumatakbo at nagpagulong-gulong pababa ng bundok hanggang sa maramdaman niya ang noong tumama sa isang matigas na bagay kaya't bigla siyang nahilo sa lakas ng impact niyon pero bago tuluyang mawalan ng ulirat ay naramdaman pa niya ang biglang buhos ng tubig sa kanyang ulo, nadama ng kanyang balat ang basang kumot na bumalot sa nakadapa niyang katawan.
"Bobo! Ba't mo siya binigyan ng asupre?" tinig ng isang matandang lalaking gigil na gigil sa kausap.
"Salamat kay Bathala at buhok lang ang nasunog sa kanya, hindi ang kanyang mukha," mahinang sambit ng isang lalaki rin, mas baritono ang boses kesa sa matandang nagsalita kanina, mas bata kesa una.
Sino ang mga 'yon?
Ngunit tuluyan nang nilamon ng kadiliman ang kanyang kamalayan.
------
Ilang oras nang mahimbing na natutulog si Adonis sa kanyang silid nang narinig ang mga apak ng paa palapit sa kanya.
Pasimple niyang dinukot sa ilalim ng matigas na unan ang kanyang katana at nang masegurong nasa gilid na ng kanyang katre ang pangahas na nilalang ay saka siya biglang nagdilat ng mga mata at itinutok ang sandata sa leeg nito.
"Ako ito, Ginoong Adonis," pakilala ni Milos, napalunok bigla sa kaba dahil sa bilis ng kanyang pag-atake.
Nagsalubong agad ang kanyang kilay, binigyan ng mahinang suntok sa tiyan ang kawal na bahagya ring napaatras sa kanyang ginawa.
"Ano ang iyong pakay at tila ka isang magnanakaw na pumasok sa aking silid?" aburido niyang tanong, tuluyan nang bumangon at ibinalik sa takip niyon ang hawak na katana.
"Kakaiba ang gabing ito, Mahal na Ginoo. Tahimik ang buong paligid. Tila walang mga tao sa buong barangay," paliwanag ng kawal.
Napatingin siya rito, mariing napatitig sa mga mata, pagkuwa'y ibinalik ang tingin sa hawak pa ring sandata ngunit nakalagay na sa takip niyon.
"Hindi ba't bukas pa ang pangatlong kabilugan ng gabi? Bukas pa gaganapin ang ritwal sa Dumagit?" kaswal niyang wika.
"Tama ka, Mahal na Ginoo. Subalit wala sa kanyang silid ang binukot na magiging kabiyak ng inyong ama," pagbabalita nito.
Gulat siyang napatingala sa lalaki, pagkuwa'y salubong ang kilay na napatayo bitbit pa rin ang katana at nagmamadaling pinuntahan ang silid ni Liwayway.
Tama ang sinabi ni Milos, wala nga ruon ang binukot.
"Nasaan si Ama?" aburido niyang tanong, nagsimulang magtagis ng kanyang mga ngipin.
Kung hindi siya nagkakamali, kumilos nang palihim ang kanyang ama habang siya'y tulog at sinumulan ang ritwal nang wala siyang kaalam-alam.
"Nasaan si Ama?" Napalakas na ang kanyang boses habang salubong ang kilay na nakatingin sa kawal.
"Wala rito ang mahal na datu mula pa kanina pagkatapos ng paligsahan," sagot ng kawal, nakaramdam bigla ng takot sa galit na nakarehistro sa kanyang mukha.
Lalo lang tila umapoy ang kanyang mga mata habang nagtatagis ang bagang na nakatingin rito.
"Wala kang silbi!" gigil niyang wika, muntik na itong masuntok kung hindi siya nakapagpigil.
Nanggagalaiti sa galit na lumabas siya ng kabahayan, tuloy-tuloy sa kagubatan.
Tama nga si Milos, wala halos tao sa buong paligid, nakabibingi ang katahimikan.
At nang makita niya ang nagliliyab na kagubatan ay nakaramdam siya ng kaba.
"Hindi maaari!" hiyaw niya, patakbo nang tinungo ang nasusunog na tuktok ng kagubatan, nakasunod lang si Milos.
Mula sa kalayuan ay dinig niya ang malakas na sigaw ng ama, galit na galit.
"Patayin ang lahat ng kababaihan sa Dumagit. Wala kayong ititirang buhay kahit isa!" pasigaw nitong utos.
'Shine!' hiyaw ng kanyang isip, binilisan pa ang pagtakbo hanggang sa marating ang pinanggagalingan ng boses ng ama.
Lalo siyang nagulat nang makita ang mukha nitong puno ng dugo at sa may ulo'y may nakapaikot na telang tumakip sa kaliwa nitong mata.
"Ama?"
Napaawang ang kanyang mga labi sa pagtataka at pagkagulat, hindi agad nasundan ang naunang binigkas ng bibig.
"Adonis, iyong iutos sa mga kawal ang pagpatay sa lahat ng kababaihan sa buong Dumagit, mapabata man o matanda hanggang aking makita ang patay na katawan ng lapastangang bumulag sa aking mata!" utos sa kanya, hindi man niya kita ang nanlikisik ng natira nitong mata, ramdam naman sa boses nito ang hindi matatawarang galit sa gumawa niyon.
"Sino ang gumawa niyan sa'yo, Ama?" naniningkit ng mga matang tanong niya.
"Ang pangahas na si Liwayway! Siya'y nakita kong nagliliyab sa apoy habang tumatakbo palayo!" galit na sagot nito.
Natigilan siya, hindi agad nakahuma. Nang makabawi'y mabilis ang mga paang tinungo ang nagliliyab na bahagi ng gubat sa unahan.
Nakaramdam siya ng galit sa binukot dahil sa ginawa nito sa kanyang ama, gusto niyang parusahan sa kalapastanganan nito subalit ang kaalamang maaaring nasunog na ang katawan nito, na kailanma'y hindi na niya ito makikita, ano't tila sumasal ang tibok ng knyang dibdib, ayaw tanggapin ng kanyang puso ang katotohanang maari ngang patay na ang huli.
Binilisan niya ang pagtakbo hanggang sa makarating sa pinakadulo ng nasusunog na kagubatan. Baka sakali maabutan pa niya nang buhay ang babae.
Hanggang sa makaamoy siya ng tila nasusunog na katawan ng tao, kakaiba ang amoy niyon, masangsang. Sa halip na matakot ay kumaripas siya nang takbo patungo sa pinagmumulan ng masansang na amoy at tila biglang nakaramdam ng panghihina pagkakita sa abo nang katawan ng isang tao, wala nang natira kahit buto man lang.
Gusto niyang sumigaw sa pighati nang mga sandaling iyon ngunit nagpigil siya, huminga nang malalim saka nag-isip. Baka ibang tao lang iyon, baka hindi ito si Shine o Liwayway o kahit ano pa ang pangalan ng binukot na iyon.
Baka nagkakamali lang siya ng sapantaha.
Napangisi siya, mapaklang ngisi. Bakit ba siya nasasaktan? Isa lang itong alipin, isang magandang alipin na pinag-alayan niya ng kanyang pagtingin.
Ano ngayon kung patay na ito? Marami pa siyang makikilalang binukot na 'di hamak na mas marikit pa kaysa rito, kaya't wala siyang dapat na ipagdalamhati.
Napaluhod siya sa harap ng nasunog na katawan, dinampot ang abo niyon saka hinipan hanggang sa liparin ng hangin palayo, doon lang siya tumayo at inihakbang ang isang paa palayo nang maramdaman niyang may tumusok sa walang sapin niyang paa.
Sandali siyang natigilan, tiyak siyang hindi iyon sanga ng kahoy.
Lalong sumasal ang tibok ng kanyang dibdib, ilang beses na dinama ang hugis ng bagay na kanyang naapakan, maya-maya'y nanlalaki na ang mga matang inalis niya ang paa't mabilis na dinampot ang naapakang iyon, putol na ngunit kumikinang pa sa liwanag ng apoy na nanggagaling sa buong paligid.
"Shine," tila nahihirapan niyang sambit sa pangalan nito, maluha-luhang nilingon ang nasunog na katawan.
Kanina lang, gusto niyang isiping balewala sa kanya ang kamatayan nito, subalit ngayong hawak na niya ang putol na galang (pulseras o bracelet) na ibinigay niya rito'y tila nawalan siya ng buto't nanlulumong napaluhod sa harapan ng nasunog nitong katawan.
Hindi man lang niya ito naipagtanggol sa kamay ng kanyang ama. Ano'ng silbi ng kanyang tinuran sa babae noon na ito'y kanya nang pag-aari at ngayo'y hinayaan lang niya itong mamatay?
Nasapo niya ang dibdib, tila iyon binabayo ng maso, masakit, bumabaon sa kaibuturan ang sakit. Ano't nararamdaman niya ang ganitong bagay samantalang ito'y isa lamang alipin? Hindi niya matanggap ang naging kamatayan nito.
Ahh, ganito pala ang pakiramdam ng nawalan ng iniirog. Pakiwari niya, kalahati ng kanyang buhay ay namatay din.
Kung ganitong masakit ang mawalan ng minamahal, mas gugustuhin niyang huwag muling maramdaman ang bagay na ito ngayon. Ipinapangako niyang hindi na siya iibig sa isang binukot o kahit sinong babae.
"Ginoong Adonis!" tawag ng humahangos na si Milos.
Saka lang siya tila natauhan at nagmamadaling tumayo. Ayaw niyang malaman ng sinumang nagdadalamhati siya sa pagkamatay ng isang Liwayway o Shine!
"Ibalita mo kay Ama, Nasunog nang buhay ang binukot na si Liwayway! Ang katawang iya'y kanyang pagmamay-ari," wika niya sa kawal saka tahimik na umalis mula roon.