Sa tulong ng maliwanag na buwan at sa mga sulong nakatayo sa paligid ay kitang kitang niya sa magkabilang gilid ang dalawang kwadradong kulungan ng baboy kung saan nakakulong ang pinaghiwalay na mga kalalakihan at kababaihan ng Dumagit, nagsisiksikan ang mga ito sa loob. Nag-iiyakan ang mga kadalagahan sa takot habang yakap ang bawat isa, samantalang ang mga kalalakihan nama'y nagpakagapos ng matibay na lubid ang mga kamay sa likuran upang hindi basta makahulagpos mula sa pagkakatali.
Biglang tumulo ang kanyang mga luha sa awa sa nakikita at sa takot sa pwedeng mangyari sa mga ito.
"Maligayang pagdating, Liwayway."
Agad siyang napatingin sa gawi ng nagsalita.
Si Datu Magtulis! Nakasuot itong kulay itim na roba at sa ulo ay kulay itim ring putong, maging si Datu Matulin ay ganuon din ang suot ngunit tahimik lang na nakatayo sa tabi nito.
"Liwayway!" sigaw ni Hagibis sa 'di kalayuan, tulad niya'y may nakahawak din sa mga braso nito at kahit ano'ng piglas ay hindi ito makahulagpos.
"Ama, nagsusumamo ako sa inyo? Hindi niyo maaaring gawing alay si Liwayway!" hiyaw ng umiiyak nang si Hagibis.
"Ha?"
Noon lang nahagip ng kanyang paningin ang isang mahabang altar na gawa sa matibay na tabla sa kanyang harapan. At noon lang din niya napansin ang lalaking nakagapos ang mga kamay at paa sa bawat sulok niyon habang ang buong katawan ay tadtad sa sugat gawa ng latigo.
Mariin niyang nakagat ang ibabang labi hanggang sa maramdaman niya ang hapdi niyon at ang likidong umagos sa kanyang baba.
'Agila!' sigaw ng kanyang isip.
Ang kawawang si Agila, hindi na halos ito gumagalaw sa dami ng mga sugat na natamo.
"Nagkakamali ka ng iyong sapantaha, Hagibis. Hindi ko dinala si Liwayway dito upang gawing alay, kundi maging saksi kung paano kong gagawing alay ang lapastangang kawal ng Dumagit na paulit-ulit tumangging maging kawal ng aking mahal na dayang," nakangising pagtatama ni Datu Magtulis sa sinabi ni Hagibis.
Buong lakas siyang pumiglas upang makawala sa pagkakahawak ng dalawang kawal subalit nabigo siya, sadyang malalakas ang mga ito.
"Ano'ng klaseng kasal ang gusto mong ibigay sa akin, hayup ka!" paasik niyang sigaw sa datu ng Rabana na hindi inaalis ang ngisi sa mga labi habang papalapit sa kanya.
Hindi ito sumagot, nagpatuloy lang sa paglalakad hanggang sa huminto sa mismo niyang harapan at nakangisi pa ring tinanggal ang balanggot sa kanyang ulo, mabuti na lang at naibaling niya agad ang mukha pakanan dahilan upang sumunod ang nakaladlad niyang buhok at naitakip sa nakalantad niyang pisngi.
"Ang tulad mong binukot ang aking gustong maging kabiyak, hindi basta natatakot sa panganib na nasa kanyang harapan." Pagkasabi'y muli itong tumawa nang malakas, akmang hahawakan ang kanyang bibig ngunit kinagat niya ang daliri nito.
Napasigaw ito sa sakit, sinampal siya bilang ganti.
Naghiyawan ang mga kababaihan sa kulungan dahil sa takot, pero siya, hindi man lang niya nagawang umaray sa sakit ng sampal nito. Pakiramdam niya, kanina pa namamanhid ang kanyang katawan habang panay ang sulyap sa hindi kumikilos na si Agila.
Aminin man niya o hindi, ito ang dahilan kung bakit siya matapang ngayon, pangalawa ang mga taga-Dumagit na gusto niyang iligtas upang hindi matulad ang mga ito sa nangyari sa mga taga Kilat-Kilat.
Subalit, sumasakit lang ang kanyang dibdib sa tuwing naiisip na wala siyang magawa para iligtas ang lahat. Ni hindi niya magawang makahulagpos mula sa pagkakahawak sa kanya ng dalawang kawal.
Tumingala ang datu ng Rabana sa langit.
"Ito na ang tamang sandali upang simulan ang ritwal!" malakas ang tinig na wika nito sa mga nakapalibot na kawal.
"Hindi maaari!" tutol ni Hagibis.
"Ama, maawa ka sa mga nasasakupan mo. Ama, iligtas mo kami!" pagsusumamo ng binata sa amang si Datu Matulin na nanatili lang tahimim sa kinatatayuan.
Isang matalim na tingin ang pinakawalan ni Datu Magtulis sa lalaki bago sumigaw ng, "Simulan ang ritwal!"
Nagsimula siyang matuliro lalo nang makita ang isang kawal na kinuha ang sulo sa kinalalagyan at dahan-dahang lumapit kay Agila. Nang mahulaan kung ano'ng gagawin nito'y umalingawngaw sa buong lugar ang kanyang boses.
"Ako ang hahalili sa aliping iyan bilang alay sa inyong demonyong diyos!" sigaw niya.
Natahimik ang lahat, natuon ang pansin sa kanya. Maging si Datu Magtulis ay napaharap bigla sa kanyang kinatatayuan, halata sa mukha ang pagkagulat sa kanyang sinabi.
"Ako ang ilagay ninyo sa altar! Mas dalisay akong alay kesa sa aliping iyan!" lakas-loob niyang sambit.
Sa mga oras na iyon, wala siyang ibang hangad kundi mailigtas si Agila. Hindi man niya alam ang pinagdaanan nito noon para lang mailigtas siya, ang kaalamang inialay ng kapatid nito ang sariling buhay para sa kanya bilang si Liwayway ay sapat na upang suklian niya iyon ng kanyang buhay.
"Hindi maaari, Liwayway!" muling sigaw ni Hagibis, nagpilit na kumawala sa pagkakahawak ng mga kawal ngunit mismong ama nito ang nagbigay ng isang malakas na suntok upang tumahimik ito.
Napasubsob ang binata sa damuhan, halos hindi na makatayo sa panghihina sa suntok lang na iyon.
"Iyong kasalanan ang lahat. Kung hindi mo dinala sa pulo ang binukot na iya'y walang mangyayaring ganito ngayon!" paninisi ng ama, dahilan upang mapatingin dito si Datu Magtulis, nagtatanong ang mga mata.
Lalo siyang nataranta. Sa reaksyon ng datu ng Rabana, hindi ito seguradong naroon nga ang tagapagmana ng Rabana sa pulo subalit desidido pa ring patayin ang mga kadalagahan doon.
Lalapitan na sana ng masamang datu si Datu Matulin nang muli siyang magsalita upang agawin ang atensyon ng lahat.
"Madali! Kailangang simulan na ang ritwal! Kalagan ang alipin na iyan upang ako ang humalili sa pagkakahiga!" mariin niyag utos sa kawal na may bitbit ng sulo.
Nakahinga siya nang maluwang nang lumingon sa kanya si Datu Magtulis at tuluyang huminto sa paglalakad saka humarap sa altar.
"Madali! Kalagan ang alipin!" utos sa mga kawal na halos magkandarapa sa pagsunod.
Siya nama'y muling nag-attempt na pumiglas, sa tuwa niya'y binitawan siya ng dalawang kawal.
Nangangatog man ang mga tuhod sa takot, kumakalabog man ang dibdib sa kaba, hindi siya nagpadala sa mga iyon. Kung panghihinaan siya ng loob, maaring katapusan na niya, hindi lang siya kundi pati ng mga taga-Dumagit.
Napahikbi siya.
"Hindi ko akalaing ang araw ng aking kasal ay ang mismo ring araw ng aking kamatayan," umiiyak niyang sambit, sadya pang pinalakas ang tinig upang marinig ng lahat.
"Ngunit balewala sa akin ang aking kamatayan kung ito lamang ang paraan upang mailigtas ko ang mahal kong Dumagit," pangungunsensya niya kay Datu Matulin na nang masulyapan niya'y biglang napayuko. Si Hagibis nama'y tuluyan nang napaiyak sa kaalamang tuluyan na siyang maiaalay sa mga oras na iyon.
Sa wakas, nakalagan na ng tali si Agila at bago ito binuhat ng mga kawal upang ilayo mula sa altar ay nakita niyang dumilat ang mga mata nito, naniningkit na namang sumulyap sa kanya. Napalunok tuloy siya sa kaba, hindi dahil sa mangyayari sa kanya kundi sa galit ng binata dahil palagi siyang sumusuway sa utos nito.
Matapos siyang sulyapan nang matalim ay gumalaw ang eyeballs nito at sumulyap sa may gilid ng altar saka ito pilit na bumangon.
Hindi niya alam kung bakit tila may magnet ang makahulugang sulyap ng binata na nang sundan niya iyon ng tingin ay naaninag niya ang isang matulis na bagay na tila maliit na palaso, nakaipit sa siwang ng tablang altar, hindi iyon pansin hangga't hindi sa malapitan.
Bahagya siyang tumango sa binata nang makuha ang ibig nitong sabihin. All this time, nagkukunwari lang pala itong mahina at halos walang malay pero ang totoo'y pinaghandaan na nito ang gagawin sakaling lumapit ang isa sa mga kawal dito.
Ngunit dahil sa katigasan ng kanyang ulo'y naunsyami ang plano nito kaya marahil gigil sa kanya.
Dahan-dahan siyang lumapit sa altar, biglang napaatras nang hawakan ni Datu Magtulis ng kanyang kamay at alalayan sana palapit doon.
Sa makaisa pa'y muli siyang napahikbi at akma nang iiyak lalo nang sabay na maghiyawan ang mga taga-Dumagit sa takot sa mangyayari dahil alam ng mga itong lahat sila'y mamamatay.
"Simulan ang ritwal! Simulan ang ritwal! Igapos na ang binukot! Igapos na ang binukot!" Nagsimulang mag-chorus ng panambitan ang lahat ng mga kawal, iisa lang ang laman ng sinasabi.
Palihim at dahan-dahan niyang ipinasok ang kamay sa nakatali sa garter ng kanyang palda, kumuha ng asupre mula sa loob ng pouch.
"Huwag kang mabahala, aking Liwayway. Kapag tinanggap ng aking diyos ang aking alay, katiyakang ikaw'y bubuhayin niyang muli upang tayo'y tuluyang mag-isang dibdib," pamapalubag loob ng kasabay niyang datu bago ito suminyas sa isang kawal na hawakan ang kanyang isang kamay upang iakyat na sa altar at itali.
Tamang-tama namang tapos na siyang kumuha ng asupre sa pouch at madiing ikinuyom ang kamao upang huwang malaglag ang hawak.
Nang tuluyang matapat sa altar ay pasimple siyang huminto, kunwari ay hinihintay niyang iakyat ng kawal sa altar ngunit ang mga mata'y hindi inaalis sa palaso sa may siwang ng tabla.
"Simulang igapos ang binukot!" utos ng datu saka siya binitawan.
"Liwayway!" malakas na sigaw ni Hagibis
Kasabay niyon ay ang bigla niyang pagpihit paharap sa dalawang lalaki sa kanyang magkabilang gilid, mabilis na inihagis sa mukha ng kawal ang asupre sa kanyang palad dahilan upang mapaatras ito't mapasigaw sa sakit hawak ng palad ang mga mata.
Nagulat ma'y agad na nakabawi si Datu Magtulis at sasampalin na sana siya ngunit mabilis niyang nahawakan ang maliit na palaso, buong lakas na itinusok iyon sa mata ng Datu na nagawa pa ring masapak ang kanyang mukha dahilan upang mapahiga siya sa altar.
Nagkagulo ang mga kawal nang makitang sumisigaw sa sakit ang Datu hawak ang nasugatang mata.
Sa isang iglap ay biglang lumakas si Agila, pinag-untog nito ang ulo ng dalawang kawal na nakahawak dito saka nahablot agad ang sibat ng isa at inihagis sa kalabang papalapit sa kanya.
Napasigaw siya sa takot lalo nang bumagsak sa kanyang tabi ang kawal, sapol ang dibdib sa sibat. Nahintakutang napatayo siya, ngunit nang maalalang kailangan niyang maging matapang ng mga oras na iyo'y naghanap siya ng kutsilyo sa beywang ng bumagsak na kawal, nang makakita ng matalim na kampilan ay patakbo siyang lumapit sa kulungan ng mga kalalakihan, buong lakas na pinutol ang lubid na nakatali sa pinto niyon hanggang sa kusa iyong bumukas.
Mabilis na naglabasan ang mga kalalakihang kawal ng Dumagit at lumapit sa kanya ang ilan upang magpakalag ng tali sa likuran saka tinulungan si Agila sa pakikipaglaban.
Habang si Hagibis ay tumayo na rin, ang kulungan naman ng mga kababaihan ang tinanggalan ng tali, pagkuwa'y sinaklolohan si Agila na noo'y napapalibutan na ng mga kawal ng Rabana.
Mabilis na nagsikaripas ng takbo ang mga kadalagahan pababa sa gubat, walang kahit na isang tumulong sa labanan.
Si Datu Magtulis ng mga sandaling iyo'y tila naging zombie ang mukha dahil sa dugo at buong tapang na binunot ang palaso sa mata. Parang bolang tumilapon sa damuhan ang isang nitong eyeball, kitang kita niya iyon nang mapatingin siya rito habang isinisigaw nito ang kanyang pangalan sa galit.
"Liwayway! Papatayin kita! Isinusumpa kong hindi ako titigil hangga't hindi kita napapatay at umaagos ang iyong dugo sa aking mga kamay!" buong lakas nitong sigaw, habang sapo ang nasugatang mata ay pilit pa rin siyang hinahanap sa gitna ng naglalabanang mga kawal ng Dumagit at Rabana.