"Mahal na Dayang, ano'ng ginagawa mo sa tuktok ng bundok na ito?" takang usisa ni Makisig sa kanya, iniikot pa nito ang tingin sa buong paligid kung may ibang taong naruon, pagkuwa'y muling bumaling sa kanya.
"Dito ako dinala ng aking mga paa," sagot niya, biglang iwas ng tingin sa binata, dumampot ng tuyong sanga ng puno sa kanyang paanan, kunwari ay nagpa-practice makipaglaban at iwanasiwas sa ere ang hawak.
Si Makisig nama'y umupo sa damuhan, tinitigan siyang maigi habang nakakunot ang noo pagkuwa'y inihilig ang ulo.
"Ikaw ba'y wala talagang matandaan sa nangyari kagabi?" paniniyak nito.
"Ha?" bigla siyang napabaling dito, nagtaka sa naging tanong ng lalaki ngunit mabilis ding ibinalik sa hawak na sanga ng puno ang pansin.
Ngayon lang niya naalalang nagsinungaling pala siya kagabi nang tanungin siya kung paanong nakaligtas sa nga humahabol sa kanya.
"May kapreng humila sa akin paakyat sa mataas na puno kagabi, pagkatapos ay wala na akong matandaan sa sunod na nangyari," naaalala niyang sagot dito.
"Bakit wala ka nang takip sa mukha?" usisa na uli sa kanya kagabi.
Naalala pa niyang namumutla niyang hinimas ang ulo, wala na nga ang bandanang kanyang ginawang takip sa mukha upang hindi siya makilala ng kahit sino.
"Hindi ko alam," tipid niyang sagot.
Totoo namang hindi niya alam, ni hindi nga niya napansing nawala pala 'yon sa kanyang ulo. Anlaki ng epekto ng lalaking iyon sa kanya na kapag kasama ito'y para siyang laging lutang.
Nagkakagusto ba talaga siya doon?
Wala sa sarili siyang napabuntung-hininga. Ayaw niyang magkasala kay Miko. Ito ang kanyang nobyo. Pero hindi niya magawang kontrolin ang nararamdaman kapag kasama ang estrangherong iyon.
Itinigil niya ang ginagawa at gumaya rin ng upo sa lalim ng malaking puno malapit kay Makisig saka inihagis ang sanga.
"Makisig, sabihin mo sa'kin, ano'ng klase akong dayang bago nadisgrasya?" ungkat niya upang alamin lang sana kung ano'ng ugali ni Liwayway.
Sandaling nag-isip ang alipin sa ibig niyang sabihin bago tumayo at tumabi ng upo sa kanya.
"Ikaw'y iisa lang ang layunin. Madalas kang magsanay upang paghandaan ang pagtatagpo ng inyong landas ni Datu Magtulis, ang masamang datung pumatay sa iyong ama at kapatid na si Dayang Tala at bumihag sa iyong inang si Lakambini Bana." Nagsimula itong magkwento habang nakatanaw sa kawalan.
"Subalit ngayon, sa isang iglap ikaw'y nagbago."
Napatingin siya sa lalaki, sa isip ay pilit na inuungkat ang alaala ng kanyang nakaraan bilang si Liwayway pero wala siyang matandaan. Ang tangi niya lang naaalala ay ang buhay niya sa hinaharap, patunay na hindi talaga siya si Liwayway.
Sumilay ang lungkot sa kanyang mukha.
"Si Agila, paano ko siya itinuturing? Bilang kawal o bilang kapatid?" tanong niya uli.
Napatingin na sa kanya si Makisig, nakataas ang kilay, puno ng pagtataka sa mukha.
"Bilang iyong nakatatandang kapatid, ang iyong Diko," sagot nito.
"Nawaglit ba sa iyong isipan kung paano'ng inialay ng kanyang nakatatandang kapatid ang buhay upang ikaw'y mailigtas sa pulo ng Kilat-kilat bago pa kayo matagpuan ni Ginoong Hagibis?"
Gulat na napatingin siya sa binata, may kapatid pala si Agila? Namatay lang iyon dahil sa pagliligtas sa kanya sa pulo ng Kilat-Kilat?
"Bakit, ano'ng nangyari doon?" curious niyang tanong.
Bumakas sa mukha ng binata ang lungkot pagkuwa'y yumuko, sandaling natahimik bago muling nagsalita.
"Nalaman ni Datu Magtulis na ikaw'y naroon sa Kilat-Kilat kaya't lahat ng mga kadalagaha'y ipinapatay kasama ang aking ditse, nadamay ang aking mga magulang." Pumiyok ang boses nito.
Napatayo siya sa pagkagimbal, biglang bumigat ang dibdib sa karumal-dumal na pangyayaring natuklasan.
"Subalit, nang ikaw'y dadakpin na'y ang kapatid ni Agila ang siyang nakipagtunggali sa mga kalaban. Sa kasawiang-palad, siya ay nasawi bago pa man dumating si Hagibis upang ikaw'y ipagtanggol," dugtong nito.
Nasapo niya ang dibdib, pakiwari niya'y biglang nanikip iyon.
"Don't tell me, ipapatay din ng datung 'yon ang mga kadalagahan sa Dumagit dahil nalaman niyang andito ako?" paghihingi niya ng kumpirmasyon.
Biglang baling ni Makisig sa kanya, tinitigan siya, inuungkat sa isip ang isang katanungan, wari bang sa kanyang mukha makikita ang kasagutan sa tanong na iyon.
"Tunay ngang hindi ikaw si Dayang Liwayway!" bulalas nito, napatayo na.
Namutla siya hindi dahil nalaman nitong hindi siya si Liwayway kundi sa nakikitang galit sa mukha ni Makisig.
"Ang aking Dayang ay kailanma'y hindi inisip ang sariling kapakanan. Hindi niya magagawang kalimutang si Datu Magtulis ay ang kanyang mortal na kaaway, ang pumatay sa madaming katutubo sa iba't ibang pulo upang makuha ang susi sa kayamanan ng Rabana at mapatay ang tagapagmana sa kapuluan ng Rabana!"
Nakagat niya ang ibabang labi, nakaramdam ng guilt sa sinabi ni Makisig. Ramdam niya ang 'di matatawarang galit sa boses nito, ang pagkapuot kay Datu Magtulis.
Sandaling katahimikan...
Tumalikod ang binata sa kanya, kinuha ang kanina'y hawak niyang sanga at iwinasiwas iyon sa ere na tila nakikipaglaban sa kung sino.
"Sabihin mo kung ano pa'ng nalalaman mo. Si Agila, bakit niya ako ipinipilit pakasal kay Hagibis?" untag niya nang maramdamang tila nagkaroon ng pagitan sa kanila ng alipin.
Nagpatuloy ito sa ginagawa, tila nabingi sa tanong niya o ayaw lang siyang sagutin.
"Makisig, sagutin mo ako!" pangungulit niya, tinaasan na ang boses.
Doon lang ito tila natauhan, itinigil ang ginagawa saka siya nilingon ngunit hindi binibitawan ang hawak sa kamay, sa mukha ay bakas pa rin ang galit sa datu at tampo sa kanya.
"Sapagkat iyon lamang ang paraang naiisip ni Agila para mailigtas ka mula sa masamang Datu Magtulis," sagot nito.
Napaatras siya, ayaw tanggapin ng kanyang utak na kailangan talaga niyang pakasal kay Hagibis. Uso na pala kahit sa panahong iyon ang arranged marriage. Pero hindi iyon pwede sa kanya. Ayaw niyang pakasal sa lalaking hindi niya mahal.
"Ang utos sa akin ni Agila, bago ang kagdulom, kung ikaw'y ay hindi pakakasal kay Ginoong Hagibis, tayo'y kailangang lumikas sa pook na ito bago pa mahuli ang lahat," pagtatapat ng binata.
Lalo siyang naguluhan kung ano ang uunahing isipin lalo't hindi niya minsan maunawaan ang salitang ginagamit ng binata.
Naipameywang niya ang kamay saka tumalikod dito, inilang hakbang lang ang kanina'y kinatatayuan habang yakap sa likuran ng estarangherong lalaki.
Muli niyang tinanaw sa ibaba ang pulo ng Dumagit.
Ano'ng gagawin niya? Maniwala man siya o hindi, siya si Liwayway sa panahong ito, wala siyang choice kundi tanggapin iyon.
Bilang si Liwayway na tagapagmana ng Rabana, tama si Makisig, hindi niya dapat iniisip ang sariling kapakanan lalo ngayo't hindi pa rin bumabalik si Agila sa kanila.
Paano kung mangyari rin dito ang nangyari sa Kilat-Kilat, pinatay ang mga kadalagahan dahil sa kanya?
Matagal niyang pinagmasdan ang magandang tanawing nakikita sa baba bago muling lumingon kay Makisig na tumayo na ngunit makulimlim pa rin ang mukha.
"Makisig, 'pag magpakasal ba ako kay Hagibis, hindi na ako magagalaw ni Datu Magtulis? Si Agila, si Ina, magiging ligtas na ba talaga sila?" maang niyang tanong sa binata.
Ito naman ang natahimik, hindi nakapagsalita kaya't muli niyang ibinaling ang tingin sa malawak na karagatan ng Dumagit.
Hindi siya pwedeng magpakasal kay Hagibis. Gagawa siya ng paraan upang makatakas kay Datu Magtulis na hindi mapipilitang pakasal sa anak ng datu ng Dumagit.