Chereads / The Destined Heiress Of Rabana / Chapter 8 - Ang Paglabag sa Utos ni Agila

Chapter 8 - Ang Paglabag sa Utos ni Agila

Hindi na mapakali si Shine. Buong araw niyang hinintay ang pagbabalik ni Agila subalit ni anino ng binata'y hindi niya nakita. Paggising niya kaninang umaga'y si Makisig naman ang hindi niya mahagilap.

Tanging ang ina ni Agila ang kanina pa niya napapansing panay tanaw sa makipot na daan sa unahan ng kubo baka inaantay din ang pagdating ng anak.

Kung tama ang sinabi ni Makisig kahapon, baka pati ang una'y kinuha rin ng mga kawal para isali sa paligsahan. Lalo siyang natuliro. Paano kung mamatay ang dalawa? Sino ang magtatanggol sa kanila ni Mayumi sa lugar na iyon?

Ilang beses siyang nagparuo't parito sa loob ng kubo, nang mapagod ay saka siya lumabas, lalapitan sana si Mayumi na nagkikiskis ng dalawang batong kasinlaki lang ng kamao at nang makagawa ng apoy ay inilagay sa panggatong sa gitna ng apat na batong inayos pa-kwadrado upang pagpatungan ng palayok na gawa sa luwad.

Napansin niyang liban sa mga mahahalagang kagamitan, tulad ng tapayan na pinag-iipunan ng tubig, palayok, kutsilyo, platong kawayan, sandok na gawa sa kahoy at sibat ay wala na siyang makita pang ibang kagamitan duon. Ni wala nang lamesa man lang. Duon lang sila nagpakaupong kumakain sa loob ng kubo.

Pasimple na uli niyang iniikot ang paningin sa paligid kahit sa taas ng mga puno, minsan kasi'y nakikita niya si Makisig na natutulog sa taas ng puno ng naglalakihang kahoy sa palibot ng kubo. Subalit wala roon ang alipin, malakas talaga ang hinala niyang sinundo ito ng mga kawal ng datu ng Dumagit.

Muli siyang pumasok sa kubo, kinuha ang nakatago niyang sling bag at phone. Lalo siyang tila pinagsakluban ng langit at lupa nang sinubukang i-on ang phone pero hindi na iyon bumukas, battery empty na.

Subalit hindi pa rin siya nawalan ng pag-asa. Ngayon niya higit na kailangang magpakatatag. Kung hindi babalik ang dalawang iyon, hahanapin niya ang mga ito.

Nagliwanag bigla ang kanyang mukha.

Tama, hahanapin niya sina Agila at Makisig mamayang gabi kapag segurado nang tulog si Mayumi.

Gano'n nga ang kanyang ginawa. Maaga siyang natulog kunwari, pero sa ilalim ng higaan ay naka-ready na ang kanyang damit. Gagamitin niya ang puting damit ng hambog na lalaking nagligtas sa kanya sa kagubatan noong nakaraang araw at magkukunwaring babae, gagamitin na lang niyang bandana ang ang manipis na telang ginagawang bandana ni Mayumi nang walang makakita sa kanyang mukha.

Ngayon siya nagsisisi kung bakit hindi siya nagpabili sa ama ng wrist watch, may magagamit sana siya ngayon para tingnan kung ano'ng oras na.

Dahil walang relo nang mga panahong iyo'y lihim niyang binutasan ang dingding malapit sa kanyang higaan, tinanaw doon kung madilim na.

Nang mapansing pumasok na sa kubo si Mayumi at nahiga malapit sa may pinto kung saan ito laging nakapwesto, nagkunwari siyang humaharok ngunit sinadya niyang itagilid ang katawan paharap sa pinto at bahagyang binuksan ang isang mata upang makita kung ano'ng ginagawa ni Mayumi.

Ipinasok nito sa pinaglalagyan ang lamparang gawa sa maliit na sanga ng kawayan, may maliit na tela sa taas niyon kung saan nanggaling ang munting apoy na nagsilbing ilaw na lumukob sa buong kubo, ang alam niya'y pabilo ang tawag doon. Pagkuwa'y bumaling ito sa kanya, sandali siyang pinagmasdan kung tulog na nga siya.

Maya-maya'y naglatag na ito ng banig at nahiga. pinalipas niya muna ang kalahating oras bago tumayo at dahan-dahang lumabas ng kubo bitbit ang pamalit na damit, sa labas na siya nagpalit ng kasuotan.

Hindi siya pwedeng gumala nang naka-disguise na lalaki at baka isali nga siya sa paligsahan kapag nakitang naglalakad siya sa daan.

--------

Bitbit ang sling bag ay tinahak niya ang makipot na daan na ang tanging tanglaw lang sa palibot ay ang liwanag na nagmumula sa bilog na buwan hanggang sa unti-unti niyang marinig ang ingay ng mga taong tila nagkakasiyahan sa unahan.

Napangiti siya, sa wakas makikita na niya ang itsura ng ibang mga tao roon. Curious siyang malaman kung mga aeta ba talaga ang mga tao noong unang panahon o katulad nina Agila at Makisig na mga moreno at si mayumi na morena ang balat.

Kalahating oras pa ang kanyang nilakad bago nakarating sa tila plaza ng barangay.

Napansin niya agad ang malaking apoy sa gitna na tila ba may camping doon, pinapalibutan iyon ng maraming tao, halos lahat na yata ng buong barangay ay naroon.

Pakaswal siyang naglakad palapit sa karamihan habang nakatakip ng manipis na bandana ang mukha at pumuwesto sa may likuran saka inalam kung ano'ng nangyayari sa palibot ng malaking apoy.

Napansin niyang nakatuon ang atensyon ng lahat sa gitna.

"Magandang dilag, ikaw ba'y alipin o isang maharlika o timawa?"

Nagulat pa siya sa boses ng matanda sa kanyang tabi.

Kinabahan siya bigla, hindi agad nakasagot.

"A-ko'y isang alipin ng maharlika," alanganin niyang sagot pero ang lakas ng kaba ng dibdib, baka mamaya, mali pala ang kanyang sinabi, ipadakip siya agad.

Ngumiti ang matanda, bagay na ikinatuwa niya, ibig sabihin, pasado ang kanyang sagot.

Pakiramdam niya, nasa camping lang sila, may campfire sa gitna at nakapalibot doon ang mga tao, nagkukwentuhan, nagtatawanan habang ang ilang kababaihan ay sumasayaw sa gitna gamit lang ang instrumentong kulintang na gawa sa bronze, katulad sa mga larawang nakita niya noon sa libro.

Tumingkayad siya upang tingnan kung nasa gitna sina Agila at Makisig. Bakit iba ang sinabi ng huli sa kanya sa nakikita ng kanyang mga mata ngayon? Ang alam niya, kabilugan na ng buwan pero heto't ang saya ng mga tao.

Walang patayan, walang paligsahan, kantahan at sayawan lang ang nagaganap. O nagsisimula pa lang ang lahat?

Isiniksik niya ang sarili nang wala nang makita mula sa likuran hanggang sa mapunta siya sa unang hanay ng mga manonood.

Agad niyang hinanap ng tingin ang dalawang kilalang lalaki subalit ibang mukha ang nakaagaw ng kanyang atensyon.

'Miko!' muntik na niyang maibulalas ang sigaw ng isip.

Naroon sa pook na iyon ang kanyang nobyo! Dalawa pala talaga silang napadpad sa lugar na 'yon!