Chereads / The Destined Heiress Of Rabana / Chapter 4 - Liwayway o Shine?

Chapter 4 - Liwayway o Shine?

Sa makaisa pa'y sinubukan niyang iuntog ang ulo sa haligi ng kubo. Kung panaginip man ang lahat ng ito'y baka sakaling magising siya 'pag napalakas ang pag-untog niya, baka sakali bahay na nila ang kanyang magisnan.

Subalit mabilis na naiharang ni Agila ang palad nito sa kanyang noo nang sa pag-akyat ng kubo ay mapansing iuuntog nga niya sa haligi ang ulo.

Kung gaano kabilis ang ginawa nitong pagtakbo para lang saklolohan siya, iyon ang hindi niya alam, basta't nakita na lang niya ang binata sa kanyang likuran, salubong ang mga kilay na nakatitig sa kanya, nagtama pa nga ang kanilang paningin nang humarap siya rito.

Nakaramdam tuloy siya ng kaba, baka masapak na siya ng lalaki. Pero kung hindi niya susubukan ang bagay na 'yon, paano siyang makakabalik sa kanyang mundo?

Nakita niya ang pagkuyom ng kamao ni Agila, patunay na hindi nito nagustuhan ang kanyang ginawa.

Ngunit sa halip na pagalitan siya'y lumuhod ito sa kanyang harapan.

"Hindi ko batid ang dahilan kung bakit ikaw'y nagkakaganyan subalit ang katawan ng aking Dayang Liwayway ang iyong pinananahanan kaya't hindi ko hahayaang ikaw'y mapahamak," wika sa kanya, halata ang pagpipigil sa nararamdaman.

Napatanga siya sa narinig, biglang may ideyang pumasok sa isip sabay pilantik ng kamay.

"Korak! Korak ka d'yan, Agila!" bulalas niya, isang malakas na tawa ang kanyang pinakawalan saka mabilis na tumayo at dumeretso ng tingin sa may bintana pero wala doon ang isip.

"Tama ang sinabi mo. Nandito ako sa katawan ni Liwayway, pero ako talaga si Shine. Baka nagpalit lang kami ng katawan, ako ang andito sa mundo niya at siya naman ang naroon sa mundo ko," pagbibigay niya ng konklusyon sa nangyari sa kanya saka nanlalaki ang mga matang bumaling sa kausap na nakaluhod pa rin hanggang ngayon.

"Sabihin mo sa'kin, merun ba'ng natural phenomenon ang nangyari nang maaksidente si Liwayway? Baka dahil doon kaya kami nagpalit ng katauhan."

Pero umawang lang ang bibig nito't tumingala sa kanya ngunit sa blangko nitong mukha ay nagsusumigaw na walang naunawaan ang kausap sa kanyang tanong.

Lumuhod na siya paharap dito, nasa mukha pa rin ang curiousity.

"I mean, merun ba'ng nangyari nang maaksidente ako? Halimbawa'y may solar eclipse? Lunar eclipse? O 'di kaya may meteorite na bumagsak tapos saka ako naaksidente, I mean, saka si Liwayway naaksidente nang mangyari iyon?"

Ngunit lalo lang tila naguluhan ang kausap, hindi makasagot, mataman lang nakatitig sa kanya, waring sinusuri ang laman ng kanyang utak ngunit walang mabasa mula roon.

Kumawala tuloy ang isang hikbi sa kanyang bibig kasabay ng pabagsak na paglapat ng pwet sa matigas na kawayang sahig.

"Hindi mo ba talaga ako maunawaan? Paano kami makakabalik ni Liwayway sa orihinal naming katawan kung walang makaunawa sa sinasabi ko?"

Nawala bigla ang kaunting pag-asa masolusyunan ang kanyang problema, nanlulumong napayuko siya sa sahig.

Mahilig siyang manood ng drama, korean drama, chinese drama, may napanood nga siyang nalunod lang at kasabay ng eclipse tapos tulad niya'y napunta na ang babae sa nakaraan. 'Yung bago nga'y nadisgrasya lang sa bisikleta tapos sinabayan ng pagbagsak ng meteorite tapos bumagsak sa pool, paglutang eh yung bidang babae pala.

Baka sakali, ganoon din ang nangyari sa kanya.

Pero wala, hopeless na talaga siya. Kaya ang simpleng hikbi, napunta sa pagpatak bigla ng kanyang mga luha.

"Baka makatulong ito sa iyong sinasambit," narinig niyang untag ni Agila.

Dahan-dahan siyang nag-angat ng mukha, biglang nanlaki ang mga mata nang makita ang kanyang sling bag at smartphone sa kamay ng binata.

Napalitan na uli ng tuwa ang panlulumo kanina sabay hablot sa kanyang mga gamit.

Una niyang binuksan ang smartphone, napahagikhik siya nang bumukas iyon. Ibig sabihin, hindi talaga panaginip lang ang lahat. Narito talaga siya sa nakaraan. Nagpalit talaga sila ng katawan ni Liwayway.

"Walang signal?" disappointed niyang sambit.

"Nakuha ni Makisig kanina nang bumalik siya sa lugar kung saan ka nawalan ng ulirat," kwento ni Agila.

Bahagya lang niya itong sinulyapan, pagkuwa'y nagmadaling kinalikot ang hawak na phone, binuksan ang phonebook, kumpleto ang contacts, pero nang tatawagan niya ay naghahang lang, wala kahit sagot ng operator, walang "totot" man lang.

Nang buksan niya ang photos, naroon ang lahat ng kanyang selfies, wala ring nawawala sa mga iyon.

Napahagikhik siya, 'di sinadyang mapasulyap kay Agila na halos magkadikit na ang kanilang mga mukha nang magulat ito pagkakita sa mukha niya sa loob ng phone.

Siya naman ang nagulat nang bigla nitong hablutin ang kanyang hawak at tinitigang mabuti ang larawang nakadisplay doon.

"Bakit nasa loob ng bagay na iyan ang aking mahal na binibining Liwayway?"

Halata sa nanlalaki nitong mga mata ang pagkagimbal sa nakikita.

Ang lakas ng kanyang tawa sa narinig lalo na nang alugin nito ang phone para lumabas doon ang larawan.

Nakita pa niyang kinatok nito ang screen. "Mahal na Dayang Liwayway! Mahal na Dayang, lumabas ka riyan!" malakas nitong utos sa larawan.

Hindi niya napigilan ang sarili't tumawa nang tumawa lalo na nang ipinupukpok na ni Agila ang phone sa haligi, nagbabaka-sakaling malaglag mula sa loob ang mukha ng tinatawag nitong Dayang Liwayway.

Subalit maya-maya'y natigilan siya. Mukha niya ang nasa screen ng phone. Pictures niya ang andoon. Pero bakit Liwayway ang tawag nito sa mukhang iyon.

Napanganga siya sa reyalidad na biglang bumalot sa kanyang pagkatao, kasabay ng panginginig ng kanyang mga kamay saka biglang hinablot sa lalaki ang phone at awang ang mga labing tinitigang mabuti ang kanyang picture, pagkuwa'y ipinakita sa huli.

"Ito ang mukha ni Liwayway?" Hindi halos iyon lumabas sa kanyang bibig.

Mabilis na tumango si Agila.

Napangisi siya, ngisi ng pagkadismaya.

"S-si Liwayway at ako ay iisa?" kumpirma niya kasabay ng muling pagkawala ng kanyang mga luha.

Ano ba talaga ang nangyari? Bakit siya napunta sa lugar na 'yon? Lalo siyang nalilito.

Itinukod niya ang mga tuhod, niyakap iyon ng sariling mga kamay habang hawak pa rin ang phone at walang tigil sa pagpatak ang mga luha sa mata.

Ito ang reyalidad. Napunta talaga siya sa nakaraan, patunay ang kanyang hawak na phone at ang katabing sling bag. Kung saan napunta ang tinatawag nilang si Liwayway ay wala siyang ideya. Ang alam niya, katawan talaga niya ang narito at napagkamalang si Liwayway dahil sa pagkakahawig nila ng mukha.

"Agila! Agila!" mula sa labas ng kubo ay tawag ng ina ng binatang si Mayumi.

Natuon sa babae ang kanilang atensyon. Siya man ay nagtaka sa paraan ng pagtawag na iyon, para bang may hindi magandang nangyari sa labas.

Sinulyapan muna siya ni Agila bago mabilis na tumayo at sinalubong sa pintuan ang ina.

"Agila, magmadali ka! Padating sa pulo ng Dumagit si Datu Magtulis dahil sa balitang naririto ang tagapagmana ng Rabana," nahihintakutang pagbabalita ng ina.

Nagsalubong agad ang kilay ng binata, napatingin sa kanyang nagpapahid na ng luha at inaayos ng sarili.

Hindi siya pwedeng panghinaan ng loob. Wala man siyang maintindihan sa nangyayari, pero kailangan niyang mabuhay sa mundong ito. Saka na niya iisipin ang sunod na gagawin. Sa ngayon ay aalamin niya muna kung bakit takot ang nasa tono ng salita ng ina ni Agila.

Nang magtama ang kanilang paningin ng binata, nahulaan niya agad na nag-aalala ito para sa kanya, lalo ngayong kailangan niyang magpanggap bilang si Liwayway, wala siyang choice doon.

"Mahal na Dayang, kailangan nating magmadaling umalis. Hindi ka pwedeng matagpuan ni Datu Magtulis," mariing wika ni Agila, agad itong kumilos, inipon ang kanyang mga gamit, binalot ng malapad na tela saka ibinuhol at isinukbit sa balikat nito.

"Hindi! Hindi ako aalis!" mariin niyang tutol saka nagmamadling tumayo at humarap sa dalawa.

Kunut-noo itong napabaling sa kanya, nagtataka kung bakit ayaw niyang sumunod.

Marahil ay ang Liwayway na kilala nito'y sunud-sunuran lang sa gusto nitong mangyari.

"Subalit, aking bunsong anak--" sabad ni Mayumi.

"Sino ba ang nakakakilalang ako ang tagapagmana sa kaharian ng Rabana?" usisa niya sa dalawang nagkatinginan sa naging reaksyon niya.

"Maliban kay Makisig at kay Ginoong Hagibis, tayo lamang tatlo," sagot ni Agila, mariing nakatitig sa kanya.

Hindi nakuntento si Mayumi, nilapitan na siya at hinawakan ang kanyang kamay.

"Aking bunso, pakinggan mo ang iyong nakatatandang kapatid. Tayo'y lumisan na rito bago pa dumating sa Dumagit si Datu Magtulis," pakiusap ng babae.

Ngunit sa halip na makinig ay itinaas niya ang noo at matapang na muling nagsalita.

"Ako ang tagapagmana sa kaharian ng Rabana. Bakit ako matatakot sa kung sinong datu na 'yan? Akong bahala, hindi tayo aalis!" Nasa boses niya ang awtoridad sa sinabing iyon, pagkuwa'y nagmamadaling lumabas ng kubo.

Naiwang nagkatinginan ang mag-ina.

Hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa. Baka bukas o sa makalawa, makaisip na siya ng paraan para makabalik sa kanila. Hahanapin niya si Miko, baka narito din ang kanyang nobyo.

Malay niya, kapag nakita niya ito roo'y makabalik na sila sa hinaharap, kung saan sila nanggaling.

Sa naisip ay lalong nagkaroon siya ng lakas ng loob na huwag umalis sa lugar na iyon, kesehodang magalit sa kanya ang mag-ina. Ano ba'ng ikatatakot niya, isa siyang prinsesa sa lugar na iyon, siya ang tagapagmana sa kaharian ng Rabana, dapat lang na maging matapang siya kahit sabihin pang wala talaga siyang alam sa nangyayari at wala siyang ideya sa pwedeng mangyari sa kanya roon.