"Mahal na Dayang, kami'y kahabagan. Ikaw'y tumikim man lamang nitong dala kong prutas nang sa gayon ay magkalaman ang iyong tyan, 'pagkat kami ang mapaparusahan sakaling ikaw ay mawalan ng malay sa gutom," pakiusap ng makisig na lalaki sa labas ng kubo subalit tila wala siyang naririnig habang baluktot na nakaupo sa sulok ng kwadradong kubo na 'yon, yakap ang pinagdikip na mga tuhod at walang tigil sa pagpatak ang luha sa mga mata.
Hindi niya alam kung paano siyang napunta sa lugar na 'yon at lalong hindi niya alam kung paano siya makakabalik sa kanila. Ang tangi niya lang alam ay nakakabaliw ang mga salitang ginagamit ng dalawang estranghero sa pakikipag-usap sa kanya, kakaiba din ang kanilang pananamit, at lalong naiiba ang tirahan ng mga ito. Wala man lang kwarto sa kubong 'yon, maliban sa sahig na kawayan at banig na 'di niya alam kung saan gawa pero matigas sa likod. Liban sa isang maikling tabas ng tela na ginawa niyang kumot kagabi at ang tinatawag ng mga itong salamin na gawa sa bronse, wala na siyang nakikita pang kahit na ano sa loob ng kubo, wala man lang mesa, walang CR o tubig man lang.
Subalit ang higit na nakapanlulumo sa kanya ay ang nakitang itsura ng mukha at gupit ng kanyang buhok.
Napahagulhol siya sa naisip. Ang pinakaiingatan niyang hanggang beywang na buhok, basta na lang iyong pinutol hanggang balikat, 'di man lang inayos ang pagkakagupit, 'yong may style man lang para kahit maikli'y matawag pa rin siyang maganda, hindi 'yong hindi halos niya makilala ang sarili.
Napalakas ang ngawa niya nang maalala ang nakita sa bronseng salamin kahit 'di gaanong malinaw. Ang kawawa niyang mukha, wala na nga siyang make-up, walang lipstick, mascara, ni fake na eye lashes wala, nilagyan pa siya ng fake na begote't balbas na gawa sa mabahong balahibo ng hayop para lang magmukha siyang lalaki.
"Mama ko! Papa! Tulungan niyo ako. Kunin niyo ako rito!" patuloy niya sa paghagulhol.
Napansin niya ang damit na suot, naalala niya ang pinapanood lagi ng ama sa sala, 'yong mga palabas ni Jet li na Once Upon a Time in China kung saan nakasuot itong puting daster na long sleeve na hanggang sakong ang haba, ganoong-ganoon ang kanyang suot.
Kung papatulan niya ang mga sinasabi ng dalawa sa labas ng kubo ay nakapunta siya sa nakaraan, hindi lang basta nakaraan, seguro'y 'di pa nakakapaglayag si Magellan at naliligaw sa Pinas. Ito ang mundo kung saan napakalayo sa sibilisasyon ang mga tao. Halata naman sa kubong kanyang kinalalagyan.
Kahit isang segundo'y hindi pa siya napapikit man lang kakaisip kung anong gagawin niya para lang makabalik sa kanyang mundo. Ilang beses na rin niyang pinaniwala ang sariling panaginip lang ang lahat at ilang beses na ring iniuntog ang ulo sa matigas na haligi ng kubo, nagbabakasakaling baka 'pag nasaktan siya't hinimatay ay makakabalik na siya sa kanyang mundo, pero hindi siya mahima-himatay hanggang sa sumuko na siya't niyakap na lang ang sarili't walang tigil na umiyak.
"Ano'ng nangyari? Bakit nakapinid lahat ng bintana sa buong bahay?"
Narinig niya ang malakas na boses ng isang lalaki.
"Agila, aking anak! Salamat sa Bathala at
ikaw'y narito na. Si Liwayway ay kahapon pa nariyan sa loob ng kubo at isinara ang lahat ng mga bintana maging ang pinto. Hindi niya gustong kami'y pumasok kaya nanatili kami labas ng bahay," anang babaeng kasama ng lalaking nag-asikaso sa kanya noong magising siya kahapon.
"Nakapagtataka ang kanyang mga kilos na wari bang nawawala sa sariling kamalayan at nagsasalita ng wikang banyaga," kwento ng lalaki.
Sa narinig ay nagmamadaling lumapit sa kubo ang dumating na lalaki at isang sipa lang ay tumilapon sa loob ng kubo ang nakasarang pinto na gawa lang din sa anahaw.
"Liwayway!" tawag nito sa kanya nang makita siya sa isang sulok.
"'Wag kang lalapit, kundi magpapakamatay ako!" pigil niya rito at naghanap ng matulis na bagay sa kinauupuan subalit wala siyang nakita.
Tila walang narinig ang lalaki at lumapit pa rin sa kanya't hahawakan sana siya sa braso nang bigla siyang sumigaw at isiniksik pa lalo ang katawan sa sulok.
"Don't touch me! Don't touch me! I'll kill you if you touch me!" para na siyang naghihisterya sa halu-halong emosyong nararamdaman idagdag pang hindi pa siya nakakatulog at 'di rin nakakakain hanggang sa mga oras na 'yon.
Natigilan ang matangkad na lalaki, malalim ang pagkakakunot ng noo habang matiim na nakatitig sa kanya.
"Please, iuwi niyo ako sa'min, hinahanap na ako ng mga magulang ko. Parang awa niyo na. Magbabayad ang mga magulang ko kahit magkanong halaga basta iuwi niyo lang ako sa amin. Nariyan naman seguro ang cellphone ko sa inyo. Tawagan niyo papa ko, kahit magkano hingin niyo, magbibigay siya basta iuwi niyo lang ako. Maawa kayo sakin,"
pagmamakaawa niya sa pagitan ng paghagulhol habang yakap ang sarili at nakatingala sa lumapit na lalaki.
Ilang minutong tila naging tuod ang lalaki sa kinatatayuan at kunut-noong nakatitig lang sa kanya habang siya'y paulit-ulit na nagmamakaawa hanggang sa wakas ay lumuhod ito paharap sa kanya.
"Liwayway--"
"Hindi ako si Liwayway. Ako si Shine. Hindi ko kilala ang sinasabi niyong Liwayway. Hindi ako tagarito. Hindi ko alam kung pa'no ako napunta rito," maagap niyang sagot.
"Shine--"
Napatanga siya, pagkuwa'y biglang nagliwanag ang mukha.
"Oo, ako si Shine. Shine ang pangalan ko at hindi Liwayway." Ilang beses siyang tumango, naroon ang kunting pag-asang baka maunawaan siya ng estrangherong kausap.
Muli siya nitong tinitigan nang matiim, inaalam seguro kung nagsasabi siya ng totoo.
"Shine?"
Mabilis siyang tumango nang sambitin uli nito ang pangalan niya.
"Kilala mo ako?"
Umiling siya agad.
"Bakit ka napunta rito?"
Lalong umaliwalas ang kanyang mukha't napaluhod na rin sa harap nito. Sa wakas, nakakita na siya ng taong maniniwala sa mga sasabihin niya at hindi ipagpipilitang siya si Liwayway.
"Hindi ko alam. Nagmomotor kami ng boyfriend ko tapos nabangga kami tapos hinimatay ako, paggising ko nandito na ako," kwento niya, mataman lang itong nakinig habang walang kurap na nakatitig sa kanya.
"Shine, ako ang iyong Diko, ang anak ng babaeng nasa labas nitong kubo," pagpapakilala nito sa kanya.
Ang lapad ng ngiting kanyang pinakawalan, hindi dahil nagpakilala ito kundi dahil naniniwala nga ito sa mga sinasabi niya.
"So, naniniwala ka sa'kin? Naniniwala ka sa mga sinasabi ko, Diko?" paniniyak pa rin niya.
Tumango ito.
"Lamnan mo muna ang iyong tyan at tayo'y mag-usap pagkatapos," utos nito sa kanya sa mahinang boses at tinawag ang isang lalaki sa labas ng kubo na agad namang pumasok bitbit ang nakalagay sa dahon ng saging na mga prutas.
"Agila, narito ang mga prutas."
Takang napatingin siya sa kaharap.
"Ang sabi mo Diko ang pangalan mo," lito niyang baling sa lalaki.
Kunut-noong napatingin ito sa kanya.
"Ako ang iyong Diko. Ang iyong tinatawag na pangalawang nakatatandang kapatid na lalaki," pagtatama nito.
"Diko? K-kuya! Tama kuya nga. Kuya kita!" bulalas niya sabay pilantik.
Buti na lang Education ang kinuha niyang kurso major in Social Science. Batay sa napag-aralan nila, ang mga katawagang diko at ditse ay mula sa mga tsino. Bago pa man nagpunta ang mga Malay sa Pinas, may mga negrito nang naninirahan sa bansa, nakikipag-ugnayan sa mga tsino at nagpapalitan ng kalakal. So, ibig sabihin malaki ang naging impluwensya ng mga intsik sa lenggwahe ng mga tao sa panahong ito?
Subalit nakapagtatakang hindi naman maiitim ang tatlong 'to. Ang babae sa labas ay sarat lang ang ilong subalit morena ito, ang isa nama'y kasingtangkad niya seguro o mas mataas lang ng kunti pero matikas ang pangangatawan, macho. At itong kaharap niya'y medyo matangos ang ilong, may maskuladong mukha at morenong balat na ang tangkad ay nasa 5'5" marahil, subalit makapal ang mga labi nito na bumagay sa maskuladong mukha at ang suot nitong bahag ay mas malapad at mahaba kesa sa isang lalaki, kulay pula iyon.
"Kuya? Iyon ang tawag sa Diko sa inyong panahon?" usisa nito sa kanya.
Agad siyang tumango.
"S-Shine, ikaw muna'y kumain nitong mga prutas at pagkatapos, tayo'y mag-usap nang masinsinan," saad nito.
Mabilis na naman siyang tumango, agad na hinablot sa lalaking nagngangalang makisig ang dala nitong saging saka dinalawang subo at inilang nguya lang pagkuwa'y dumampot uli ng isa pa.
"Tubig!" wika niya nang mapansing mabibilaukan na.
"Kumuha ka ng tubig na maiinom, Makisig."
utos ng lalaki saka kinuha ang bitbit nitong mga prutas at inilapag sa harapan ng dalaga.
Pagkarinig lang sa utos ay agad tumalilis ng takbo palabas si Makisig, ilang minuto lang ang lumipas ay nasa harap na uli nila ito't may dalang isang bao ng malinis na tubig.
"A-no 'yan?" taka niyang tanong.
"Tubig na maiinom," sagot nito.
"Wala man lang ba kayong baso?" usisa niya.
Kumunot ang noo nito. "Ano baga yaon?"
Bago pa siya makasagot ay kinuha ni Agila ang bao at iniabot sa kanya saka inisenyas kay Makisig na lumabas ng kubo.
"Malinis ang baong ito at pwede mong inumin ang laman niyan. Kung gusto mong mabuhay sa mundong ito'y pagsikapan mong sanayin ang iyong sarili sa tulad ng sa nakasanayan naming pamumuhay," ani Agila.
Wala siyang nagawa kundi kunin ang bao at uminom mula duon. Tama ang sinabi nito. Narito na siya sa mundong itong malayong malayo sa mundong kinagisnan niya. Kung gusto niyang mabuhay rito'y kailangan niyang mag-survive at i-adapt ang sarili sa pamumuhay ng mga tao ruon.
Pero nang malasahan ang manamis-namis na tubig ay napangiti siya. Mas malasa pa iyon sa distilled water na iniinom nila sa bahay.
"Agila, pwede mo bang sabihin sakin kung ano'ng taon na ngayon?" tanong niya pagkatapos iabot kay Makisig ang bao at kumuha na uli ng isa pang saging.
"Hindi ko batid ang iyong tinuran," sagot nitong malalim ang pagkakakunot ng noo.
"Ano'ng panahon ba ngayon? Panahon ng mga Kastila, Amerikano, Intsik, Hapon o ano ba?"
Pero nanatiling blangko ang mukha ng lalaking kaharap, ibig sabihin wala itong maunawaan sa sinasabi niya.
Nanlulumong naisubo niya nang buo ang huling saging na dinampot.
Paano siyang makaka-survive dito kung 'di niya man lang alam kung anong taon 'tong kinaroroonan niya? Hindi niya alam kung paniniwalaan siya ng mga tao ruon 'pag sinabi niyang hindi siya si Lwayway. Kung ipagpilitan naman niyang siya si Shine, tulad ng dalawang estranghero, baka mapagkamalan na naman siyang baliw ng iba pang mga tao liban kay Agila na ito lang ata ang tanging nakakaunawa sa kanya.
"Mahal na binibini! Agila! Narito na ang Mahal na Datu Matulin!" sigaw ni Makisig sa labas ng bahay.
Biglang rumihestro sa mukha ng lalaki ang pagkabalisa at bumaling sa kanya.
"Ikaw'y magkunwaring natutulog at masakit ang buong katawan. Huwag kang lalabas ng kubo hangga't 'di kita tinatawag."
"Ha? Bakit?"
Sa halip na sumagot ay mabilis itong tumayo at dali-daling lumabas ng bahay para salubungin ang tinatawag na Datu Matulin.
Siya nama'y blangko ang mukhang dumampot na uli ng saging at kumain habang pinakikinggan ang usapan ng mga tao sa labas.
"Maligayang pagdating, Mahal na Datu Matulin!" nagpakaluhod na bati ng tatlo sa pinuno ng tribo na 'yon.
"Nasaan si Kidlat?" Tanong ng binati.
"Siya'y may malubhang karamdaman, mahal na datu. Ipagpaumanhin ninyo kung hindi siya makalabas ng kubo upang kayo'y salubungin," narinig niyang pagdadahilan ni Agila.
Natigil siya sa tangkang pagkagat ng natitira pang hawak na saging at matamang naking ng usapan.
"Hindi baga't sinabi na sa iyong sanayin mo si Kidlat upang mahasa sa sibat nang sa gayo'y mapasama siya sa mga kasali sa paligsahang gaganapin sa susunod na kabilugan ng buwan?" anang panauhin sa labas ng kubo.
"Ipagpaumanhin ninyo mahal na datu subalit ang aking kapatid ay hindi maaring sumali sa paligsahan, iyon ang bilin ni Hagibis sa akin," tutol ni Agila.
Na-curious siya't pagapang na lumapit sa may bintana ng kubo, bahagyang tinuklap ang anahaw na dingding at sumilip sa labas.
Kumunot lalo ang kanyang noo pagkakita sa isang lalaking maitim ngunit pinakamatangkad na sa dalawang lalaki niyang nakita, puno ng tatoo ang buo nitong katawan at may pulang putong sa ulo. Tulad ni Agila'y kulay pula din ang bahag nitong suot at naka-checkered na vest ngunit walang butones o zipper, hinayaan lang bukas ang harapan niyon.
Sa matapang na ekspresyon ng mukha'y nahulaan agad niyang ito ang tinawag ni agila na Datu Matulin, idagdag pang nagpakaluhod sa harapan nito ang tatlong nilalang na nakilala niya kanina at ang tila mga kawal sa likuran ng may katandaan nang lalaki.
"Hah! Sino baga ang iyong datu? Ang aking anak o akong kanyang ama?" biglang tumaas ang boses ng kausap kay Agila.
Kinabahan tuloy siya, ngayon pa lang, ramdam niyang hindi mabait ang datung iyon. Paano kung pasukin siya sa loob ng kubo? Paano siya makikipag-usap dito? Maliban sa babaeng nakita kanina at nakilala niyang ina ni Agila, wala na siyang ibang babaeng nakita roon, paano kung ayaw pala nito ng babae, palayasin siya agad? Saan siya pupunta? Ni hindi nga niya alam kung ano itong lugar na kanyang kinaroroonan.
Ngunit natigilan din siya bigla, naalalang naka-disguise nga pala siya bilang lalaki. H'wag sabihing siya ang hinahanap ng datu? Kidlat ang pagkakakilala sa kanya? Bakit? Kaanu-ano nila ang huli? At sino ang tinatawag nitong anak?
Lahat ng mga tanong sa isip ay agad naglaho nang makitang napatingin ang pinuno sa kanyang kinaroroonan, kinakabahang napalayo siya sa may dingding at gumapang pabalik na kinahihigaan kanina, nagtalukbong agad ng manipis na kumot.