Chereads / BREAK MY LIES / Chapter 3 - Nurse?

Chapter 3 - Nurse?

Chapter 1. Nurse?

NAPABALIKWAS si Christine nang may narinig siyang sumigaw. Lumingun-lingon siya sa paligid. Hindi pamilyar sa kanya ang lugar kung nasaan siya. Nagtaka siya akmang tatayo siya nang maramdaman niyang nakatali ang magkabilang kamay niya. Napakunot ang kanyang noo.

Ano'ng ginagawa ko rito? tanong niya sa sarili.

"Gising ka na pala." Napalingon siya sa nagsalita. Si Nurse Chen pala ito, ang isa sa mga nurse na nag-aalaga sa kanya.

"Nurse Chen? Ano'ng nangyari? Bakit na naman ako nandito?" naguguluhang tanong niya.

"Hindi mo na naman maalala?" anang nurse. Sumakit ang kanyang ulo nang pilit na inalala ang nangyari. "Ayos lang. 'Wag mo ng pilitin ang sarili mo baka lalong sumakit ang ulo mo."

"Bakit ba ako nandito Ano 'to? Bagong tulugan ko?" tanong niya.

"Simula ngayon, dito ka na. Wala kang ibang kasama rito. Mas makabubuti sa 'yo na mag-isa ka lang sa kwarto," sambit ng nurse 'tsaka siya nginitian.

Alanganin siyang ngumiti. Alam niyang hindi maganda ang ginawa niya ngunit hindi niya maalala kung ano iyon.

"Aalisin ko na ang pagkakatali sa mga kamay mo. Mukhang nasa tamang huwisyo ka na." Napangiwi ang nurse sa sinabi. Paano nga ba nito masasabing nasa tamang huwisyo siya kung hanggang ngayon ay nasa ospital siya?

"Maghilamos ka na at pagkatapos ay kumain ka na rin. Kagabi ka pa hindi kumakain. Sige ka, baka magkasakit ka," pag-iiba nito sa usapan.

"Magkasakit? 'Di ba may sakit ako kaya ako narito?" Napangiwing muli ang nurse sa tinuran niya.

"Ang ibig ko'ng sabihin, sakit sa katawan." Ngumiti ito habang tinatanggal ang pagkakatali ng kanyang kamay.

"May galos ka na sa pulsuhan." Napapalatak ito. "Teka, gagamutin muna natin iyan." Nahimigan niya ang pag-alala sa boses ng kanyang nurse. Ilang sandali lang ay bumalik na ito dala ng first aid kit.

Tinititigan niya ang kanyang mga kamay habang ginagamot nito ang mga galos niya. Napapangiwi siya sa t'wing lalagyan niya ito ng gamot.

Ano nga ba'ng nagyari sa kanya kung bakit naroon siya? Napailing na lang siya. Pilit itinaboy ang mga alaalang nagsusumiksik sa kanyang isipan.

Pagkuwa'y ngumiti siya. Tama. Wala siyang dapat ipag-alala dahil dito, maraming nag-aalaga sa kanya. Dito, may nag-iisip sa nararamdaman niya. May tumutulong na pasiglahin ang kanyang sarili.

"No matter how difficult or hard something is, I will always be positive and smile like an idiot."

Lalong lumapad ang pagkakangiti niya. Nang lumingon siya sa nurse ay nakita niyang marahang napailing ito. At pagkuwa'y nginitian siya nang makitang nakatingin siya rito.

Iniligpit na nito ang gamit nito matapos bendahan ang kanyang kamay. Malaki kasi ang galos na natamo niya. Ibinilin din nito na maghilamos na siya at kainin ang pagkaing inihapag nito. Pagkatapos ay nagpaalam ito na pupuntahan muna ang ibang pasyente.

Nginitian niya lang ito at sinunod ang binilin.

HAPON na nang mapagpasyahan ni Christine na lumabas ng gusali at magpahangin sa hardin. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at hinayaang isayaw ng hangin ang kanyang buhok na humahaplos sa kanyang pisngi. Ilang minuto pa lang siyang naroon ay narinig niya ang pagtawag ng isang lalaki sa pangalan niya. Hindi niya ito pinansin at patuloy na sinamyo ang ihip ng hangin.

"Christine!" Napamulagat siya nang maramdamang malapit na ang boses na tumatawag sa kanya.

"Nurse Chen!" nakangiting bati niya rio.

"K-Kanina pa kita hinahanap. Kanina pa kita tinatawag. Ba't hindi ka humaharap?" Hinihingal ito habang nagsasalita.

Nginitian niya lang ito.

"Ah! Mababaliw yata ako sa 'yo." Napakamot siya ng ulo. Naramdaman niya ang iritasyon sa boses nito. Napasimangot din siya.

Mukhang nahalata naman nito ang pagbabago niya ng ekspresyon. "H-hindi iyon ang ibig kong sabihin. Kinabahan lang ako. Natakot ako na baka umalis ka ng ospital at baka n-napahamak ka," paliwanang nito.

Napangiti siya nang mahimigan na naman ang pag-aalala sa boses nito. "'Wag kang mag-alala, Nurse Chen. Hindi naman ako baliw para umalis." Nakita niyang napangiwi na naman ang nurse.

"Halika na. Gumagabi na. Ihahatid na kita sa kwarto mo," yaya nito sa kanya.

"Mamaya na lang, Nurse Chen. Ang gandang titigan ng mga bulaklak, eh," aniya.

"Pero maggagabi na. Malalamukan ka rito. Halika na sa loob at nang makakain ka na rin," giit nito.

"Alam ko'ng kailangan mo nanv umuwi. Sige, umuwi ka na. Hihintayin ko na lang si Nurse Jana rito," sabi niya at ibinalik ang paningin sa mga bulaklak.

"P-pero-"

"Sige na, Nurse Chen. Iwanan mo na siya," putol ng isang lalaking sa tantya niya ay mas matanda lang ng kaunti kay Nurse Chen. Isa siguro ito sa mga nurse sa ospital. "Ako na ang maghahatid sa kanya," the latter added.

Magalang na nagpaalam si Nurse Chen sa lalaki . Pagkuwa'y bumaling sa kanya. "Sige, Christine. Uuwi na ako, ha? Magkita na lang uli tayo bukas," nakangiting sabi nito at ipinatong ang kamay sa kanyang ulo. Nginitian niya ito at tumango.

"Ingat ka!"

Naiwan siya sa lalaking nagprisintang maghahatid sa kanya sa kanyang kwarto. Hindi niya ito hinarapan dahil naiilang siya sa presenya nito. Siguro ay nasanay siya na laging si Nurse Chen at Nurse Jana ang lagi niyang kasama.

"Kumusta na ang pakiramdam mo?" tanong nito. May alam siguro ito sa nangyari sa kanya.

"Maayos na ako, Nurse." nakangiwi niyang sagot. Paano'y parang biglang kumirot ang mga galos niya.

"Gagamutin ko ang mga galos mo," malat ang tinig nito. Tila bumubulong.

"I'm fine. Nalapatan na ng pangunang lunas kanina."

He sighed heavily.

Ibinalik niya ang paningin sa mga bulaklak. Narinig niyang tumikhim ang lalaki at pagkuwa'y nagsalita. "Gusto mo ng mga bulaklak?"

Hindi siya sumagot. Ilang sandali lang ay naramdaman niyang tumayo ang katabi. Sinundan niya ito ng tingin at nakita niyang lumapit ito sa halamanan. Pumitas ng ilang bulaklak at lumapit sa kanya. Napamaang siya nang ibigay nito sa kanya ang mga pinitas na bulaklak.

"Alam kong gusto mo ng mga iyan," anito. Nag-angat siya ng tingin dito.

Sinalubong siya ng nakangiting labi ng lalaki. Wala sa loob na napalunok siya. Pinagmasdan niya ang nag-aalalang mukha nito. Kung ano ang depinisyon ng guwapo sa salita ay nakaukit na sa mukha nito. Magagandang pares ng mata, matangos na ilong, Mapupulang labi na animo'y laging nang-aakit para mahalikan. Sa ikalawang pagkakataon, napalunok siya. Napansin niyang bahagyang kumunot ang noo ng lalaki. Marahil ay iniisip nito na pinagnanasaan niya ang mga labi nito.

Napatingin siyang muli sa mga mata nito. Hindi niya alam kung ano ang nabasa niya ngunit nakita niya ang kagyat na pagkamangha rito. Agad na nagbaba siya ng tingin. Naramdaman niyang nag-init ang kanyang pisngi.

He then chuckled lightly. Napahigpit siya sa hawak na isang tangkay ng bulaklak. Maging ang pagtawa nito at nakakaakit. Pagkuwa'y nagsalita ito, "Halika na. Ihahatid na kita sa kwarto mo."

Marahan siyang tumayo at nauna sa paglalakad. Ang akala niya ay iniwan na siya ng lalaki ngunit nang lingunin niya ito ay nakita niyang nakasunod pala ito sa kanya. Napalunok na naman siya at hinayaan na niyang igiya siya nito pabalik sa kanyang kwarto.

"Nurse Jana!" bulalas niya nang maabutan ang nurse na nagbabantay sa kanya t'wing gabi.

"O, Christine? Kanina pa kita hinihintay. Kumusta na ang pakiramdam mo?" nakangiting tanong nito. Bago pa siya makasagot ay napansin niyang napalingon ito sa lalaking kasama niya.

"G-Good evening po," bati nito.

"Good evening," pormal na bati ng lalaki.

"Magkakilala kayo?" tanong niya. Of course they know each other! Nurse silang pareho rito, okay? sarkastikong anang kanyang isipan. Wala sa sariling napalingon siya sa nakangiting si Nurse Jana habang nakatitig sa lalaki.

Parang gusto kong dukutin ang mga mata-

"Aalis na ako. Titingnan ko lang ang ibang pasyente. Iiwanan ko na sa 'yo si Christine."

Natigil siya sa pag-iisip ng kung anu-ano nang magsalita ulit ang lalaki. Her heart skipped a beat when she heard him utter her name. Bakit iba ang dating ng pangalan niya sa lalaking ito? Kaygandang pakinggan.

"Sige po. M-Mag-iingat ka," nauutal na namang sambit ng kanyang nurse.

Naiwan na sila ni Nurse Jana. Hindi sila gaanong nagkikibuan. Ewan ba niya, pero mas malapit siya kay Nurse Chen. Siguro dahil ito ang isa sa mga unang nurse na dumalo sa kanya nang mga panahong baguhan pa lang siya sa ospital na iyon. Isa ito sa nakapagpatahan sa kanya bago dumating ang kanyang doktor.

Naisip niya na hindi pa nga pala niya nakikita ang kanyang doktor kahit pa nga magtatatlong buwan na siya roon. Naalala niyang isang beses pa lang niya itong nakita. 'Yon ay no'ng unang magising siya sa ospital na 'yon at pumalahaw ng iyak. Si Nurse Chen lang ang kasama niya noon at hindi nito alam kung paano siya patatahanin. Ngunit nag-umpisa itong magsalita. Sabi niya na hindi siya nito pababayaan, aalagaan siya nito hanggang sa gumaling siya. Naramdaman niya ang sinseridad sa boses nito ngunit hindi pa rin siya kumbinsido. Lalong lumakas ang paghagulgol niya at pinipilit na makalabas doon.

"Ano'ng nangyayari rito?" sabat ng isang lalaking nakatayo sa may pintuan.

"Doc, yung pasyente po, bigla na lang umiyak at nagwala," anang nurse.

Nanlalabo ang mga matang tiningnan niya ang kanyang doktor. Hindi man niya ito kilala ay hindi siya nagdalawang-isip na lapitan ito at yakapin.

Sa pagkakayakap niya ay lalo siyang napahagulgol. Hinayaan lang nila ang pagpalahaw niya. Pagkuwa'y naramdaman niya ang marahang paghaplos ng doktor sa kanyang likuran.

"Tahan na. Magiging maayos din ang lahat." Somehow, she felt comfort from her doctor's voice. But before she could say a thing, she saw her nurse coming towards her. Then, she fell asleep in her doctor's arm.

Sa pagkaalala niya sa kanyang doktor ay napaisip siya. Bakit hindi siya nito madalas na pinupuntahan? Bakit hindi siya nito tinitingnan o kinukmusta man lang?

"Ah, Nurse Jana, kayong dalawa lang ba ni Nurse Chen ang tumitingin sa akin?" basag niya sa katahimikan.

"Bakit mo naman natanong iyan?" Napakahinhin ng tinig ni Nurse Jana. Animo'y hindi makabasag-pinggan.

"Wala lang. Naisip ko lang kasi, di ba ospital ito? Bakit hindi ko nakikita ang doktor ko? Hindi niya ba ako tsine-check-up?" tanong niya.

"Doktor?" pagkuwa'y napaisip ang nurse. "Ah, si Doc Sanchez? Sa t'wing tulog ka lagi ka niyang dinadalaw," pagbibigay-alam.

Sanchez? "Bakit gabi lang? Bakit hindi sa t'wing gising ako?" kuryosong tanong niya.

"Kasi, mas madali ka raw tingnan kapag tulog ka."

"Ha? Ang gulo naman no'n."

"Naku, 'wag ka nang magtaka. Magulo talaga rito sa mental," natatawang sambit nito. Ah, there. She said it. Nasa isang mental asylum nga pala siya. She hate to admit but yes, nasa isang Mental Hospital siya. Ang lugar para sa mga may sakit sa pag-iisip. Ang lugar para sa mga baliw na katulad niya.

Naiintindihan niya kung bakit siya nando'n. May sakit siya sa pag-iisip. Isa siyang baliw. Pero bakit hindi niya maramdaman na katulad nga niya ang mga pasyenteng naro'n? Bakit pakiramdam niya'y nasa tamang pag-iisip siya? Baliw nga siguro siya dahil iniisip niyang nasa tamang pag-iisip siya gayong nasa mental hospital siya.

She shook her head and blocked all the confusions.

"Kalimutan mo na ang sinabi ko. Kumain ka na, nang makatulog ka na agad." Hinahapag na nito ang kanyang pagkain.

Hindi na naman sila nagkibuan ng kanyang nurse hanggang sa matapos siyang kumain. Naghilamos na siya at nagpalit ng damit pantulog.

"Sige na, Christine. Matulog ka na. Pupuntahan ko lang ang ibang pasyente. Have a good night, aphrodisiac..." Hindi niya maintindihan pero may habit ang kanyang nurse na tawagin siyang aphrodisiac sa t'wing hinihila na siya ng antok. Akala nga niya no'ng una Aphrodite ang tinawag nito sa kanya. Ngunit naging malinaw sa kanya ang kakaibang pagtawag nito sa kanya dahil na rin sa paulit-ulit nitong sinasabi iyon sa kanya.

Naaninag pa niya ang kakaibang kislap sa mga mata ng kanyang nurse bago siya hilahin ng antok.