Chereads / BREAK MY LIES / Chapter 6 - Nightmares

Chapter 6 - Nightmares

Chapter 4. Nightmares

ILANG ARAW matapos ng insidenteng iyon, naging payapa na si Christine. Simula kasi nang araw na 'yon ay hindi na siya nagigising na nakagapos ang kanyang mha kamay.

"Mukhang malalim ang iniisip mo?" puna ni Nurse Chen sa kanya.

"Ah, nagtataka lang ako... Bakit hindi na si Nurse Jana ang nagbabantay sa 'kin t'wing gabi?" tanong niya. Ito na kasi ang nagbabantay sa kanya t'wing gabi, at kapag umaga naman, ay si Nurse Demi.

Nakita niyang napangiwi ito at iniwas ang tingin sa kanya. "H-Hindi ko alam. Hayaan mo na siya, baka nagbakasyon lang. May bago ka na rin namang nurse, e."

"Nagbakasyon siya? Bakit hindi naman siya nagpaalam sa 'kin?" May himig ng pagtatampo sa kanyang tinig.

"Malay mo biglaan, kaya hindi na siya nakapagpaalam."

"May punto ka," pagsang-ayon niya.

Inilayo na niya ang usapan dahil napansin niyang naging mailap ito sa usaping iyon. Bigla ay naalala niya ang kanyang doktor.

"Eh, si Dale? Bakit hindi na niya ako dinadalaw?"

"N-Nakabakasyon si Doc. Kaya iba na muna ang tumitingin sa 'yo."

"Bakit naman sabay pa silang nagbakasyon? May relasyon ba sila?" Parang pinipilas ang sikmura niya sa isipang iyon.

Napabuntong-hininga ito. "Wala silang relasyon. Nagkataon lang na nagkasabay ang bakasyon nila."

"Gano'n ba?"

Pinatay na nito ang ilaw at sinindihan ang lampara sa tabi ng kanyang kama.

"Good night, Nurse Chen."

"Good night, Christine."

Kinabukasan ay maaga siyang nagising. Alam niyang si Nurse Demi na ang nagbabantay sa kanya. Naiilang pa rin siya rito dahil ilang araw pa lang silang magkasama.

"O, gising ka na pala. Good morning!" bati nito nang mapansing nag-iinat siya.

"Good.. morning, Nurse Demi!" ganting pagbati niya sa pagitan ng paghikab.

"Mukhang napasarap ang tulog mo, a? Mabuti 'yan, nang hindi masira ang byuti."

Natawa siya sa tinuran nito. May pagka-kalog ang bago niyang Nurse. At t'wing kausap siya nito ay walang bakas ng pagkailang mula rito. Siguro dapat ay 'wag na rin siyang mailang dito.

"Ano'ng oras na ba?"

"Ala una na, my dear," nakangiti nitong sagot.

"Ala una?!" Nanlaki ang mga mata niya. Tama nga ito. Napasarap ang pagtulog niya. Hindi na tuloy siya makakapunta ng hardin.

"Ayos lang 'yan. Mas mabuting nakakapagpahinga ka na ng maayos ngayon. Bumabawi lang ang katawan no," sambit nito habang pinagtitimpla siya ng gatas.

Iniabot nito sa kanya ang tinimplahan gatas at pagkuwa'y ininom niya 'yon.

"Kumain ka na rin. Sigurado akong kumakalam na ang sikmura mo." As if on cue, biglang gumaralgal ang sikmura niya. Nahihiyang tinakpan niya ang kanyang sikmura gamit ang isang unan.

Natawa si Nurse Demi. "'Wag ka ng mahiya! Normal lang 'yan," anito habang pinipigilan ang pagtawa. "O, ito ang pagkain mo. Medyo malamig na kasi kanina pa 'yan," dagdag pa nito at iginiya na siya para makakain.

Mahaba rin ang napagkwentuhan nila ni Nurse Demi. Halos ito ang nagkukwento sa kanya. Simula ata nang maisilang ito ay naikwento na nito sa kanya.

Natigil ang pagkukwentuhan nilang dalawa nang biglang may pumasok na lalaki sa kanyang silid. Nagtutubig ang mga nata nito. Nakita niya ang pagkahabag sa mukha nito at pagkuwa'y dahan-dahang lumalapit sa kanya. Hindi niya makakalimutan ang itsura ng lalaking ito...

Mula sa likuran ay nakita niyang nakasunod lang si Dale dito. Tumayo si Nurse Demi at lumapit dito. May pakiwari siyang tinanong nito kung sino ang lalaking iyon. Nakakaunawang lumingon naman ito sa kanya.

Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa dalawang lalaking naroon.

"A-Ano'ng ginagawa mo rito?" nakakunot ang noong tanong niya. "Bakit ka narito? Sino'ng maysabing—" Napahinto siya sa itatanong. Mukhang alam na niya kung sino ang dahilan kung bakit nandito ang lalaking ito.

"Babe... I'm sorry. Hindi ko alam. Akala ko iniwan mo na ako.. Akala ko—"

"Iniwan?! That's bullshit, Mark! Iiwan ba kita kung mahal kita? Ikaw ang nang-iwan! 'Wag mo nga ako'ng i-babe r'yan! Babe-in mo mukha mo!" Nanggigigil na sambit niya.

"B-Babe..."

"Sinabi ng 'wag mo akong i-babe r'yan, e! Tatadyakan kita!"

"Christine... Hindi ko alam na nagkaganito ka. Malala ka na nga." Ang boses nito ay parang naaawa sa kanya, ngunit ang itsura nito ay nangungutya.

"Don't say that to her." Narinig niyang sambit ni Dale. Nakahalukipkip ito't madilim na nakatingin kay Mark.

"At ikaw! Sino'ng maysabing dalhin mo siya rito? Sino'ng maysabing pakialaman mo ang buhay ko?!" nangangalit na sabi niya sa kanyang doktor.

Pagkagulat ang ekspresyon nang mga naroon maliban kay Dale. Bigla ay gusto niyang bawiin ang sinabi dahil nakita niyang gumuhit ang sakit sa mga mata nito na agad din napalitan ng blankong ekspresyon.

Nakita niyang tumalikod si Mark para tingnan ang doktor. "Pagpasensyahan niyo na siya. Kung alam ko lang na lalala siya, agad sana siyang naagapan. Dati pa man din ay may mga kinukwento na siyang bagay-bagay na wala namang katotohanan."

Napantig ang tainga niya sa narinig. Kinuha niya ang isang libro sa katabing mesa at inihagis rito. Sapul ito sa batok.

Salo ang nasaktang batok ay bumaling uli ito sa kanya. Nanlilisik ang mga mata. "Baliw ka ba?! Bakit mo binato 'yon? Masakit!"

"Kulang pa 'yan! 'Wag mo na akong madalaw-dalaw rito! At ano'ng sinasabi mong lumala ako? Hindi ako baliw no'ng mga panahong iyon! Hindi ako baliw nang mga panahong kinwento ko sa 'yo ang lahat! Ano'ng gusto mo'ng palabasin ngayon? Walang hiya ka! Pinagkatiwalaan kita! Akala ko mahal mo ako! Pero ano'ng ginawa mo? Harap-harapan mo akong niloko!" Hinihingal siya sa kanyang pagsigaw. Hindi siya nakuntento sa pagbigay ng bukol dito. Tumayo siya at sinugod ito. "Sayang 'yong libro na ibinato ko sa 'yo!"

Pinagsusuntok at pinagsasampal niya ito. Hindi pa siya nakuntento at tinadyakan niya ang pagkalalaki nito.

"Baliw ka na!"

"Akala mo ba hindi ko nakita kung paano kayong nagtalik ni Mona?! Akala mo ba umepekto ang pampatulog na ibinigay mo sa 'kin para malaya niyong magawa 'yon? Nagkakamali ka, Mark! Hindi ako nakatulog noon! Gising na gising ang diwa ko! Dinig na dinig ko kayo! Narinig ko ang pinag-usapan ninyo! Narinig ko rin pati ang pag-ungol ninyo..."

"Ano'ng pinagsasabi mong baliw ka?!" Ikinuyom niya ang kamay sa suot nito at tangkang tutuhurin niya. Ngunit marahas na inalis nito ang pagkakakuyom ng kamay niya sa suot nitong kamiseta at itinulak siya. Hinintay niya ang pagbagsak ng katawan sa malamig at matigas na sahig ng silid ngunit nagtaka siya nang mainit at hindi gaanong matigas ang kinabagsakan niya. Iminulat niya ang kanyang mata at natunghayan niya si Dale na napapangiwi dahil sa lakas bg kabilang pagkabagsak. Sinalo pala siya nito.

Mabilis siyang tumayo para hindi na ito mabigatan. "S-Sorry..." naiusal na lang niya. Tumayo ito at inalalayan siya.

Nakimatiim-bagang ito. "Nurse Demi, pakilabas na si Mark dito at pakisabi sa security na 'wag na siyang papasukin dito kahit kailan," malamig na utos nito.

Nalilitong sinunod ni Nurse Demi ang utos nito. Ilang sandali pa ay naiwan na silang dalawa sa silid.

"Huwag mo akong hawakan! I can walk by my own," si Mark.

Naiwan silang nakayuko siya at nakatitig sa makintab at mukhang mamahaling leather shoes ng doktor.

"Gusto mo bang magpunta ng hardin?"

Napamaang siya rito. 'Ganoon lang iyon? Parang wala man lang nangyari?' Piping tanong niya.

Tumango siya at tahimik na sumunod dito. Tumayo sila sa harap ng mga tanim na bulaklak. Pumitas ito ng gumamela at pagkatapos ay inipit nito sa kanyang tainga. Nagtatakang tiningnan niya ito.

"Kabayaran ko 'yan sa pagdala sa kanya rito. Pasensya na."

Nakita niya ang sinseridad sa mga mata nito. "Alam mo sa totoo lang, gusto kong magalit sa 'yo. Kaso hindi ko magawa. Mas nangingibabaw yata ang pangungulila ko sa 'yo. Ilang araw kasi tayong hindi nagkita. Saan ka ba galing? Sabi ni Nurse Chen, nagbakasyon ka. Na-miss talaga kit—" Napatigil siya nang mapagtanto kung ano ang kanyang nga sinasabi. Nawala na nga sa kanya ang tungkol sa gago niyang ex. Napayuko siya sa sobrang hiya.

He chuckled and stared at her with amusement.

Ang damuho! Pinagtatawan ang pangungulila niya! Tumalikod siya at akmang lalayo nang bigla siya nitong pigilan. Hinawakan siya nito sa braso. Napaharap tuloy siya rito at hindi napigilang yakapin ang lalaki.

"'Wag mo na uli siyang dadalhin dito, pakiusap. Ayoko na siyang makita." Tuluy-tuloy na naglandas ang kanyang luha.

"Hindi na mauulit 'yon, pangako." Nanayad nitong hinaplos ang buhok niyang nakalugay hanggang likuran. Pagkuwa'y hinawakan nito ang magkabilang balikat at tinitigan siya.

"And, I miss you, too," seryoso ang tinig nito subalit halata ang pagkislap sa mga mata nito.

Tumalikod siya at nagmamadaling bumalik sa gusali. Pakiramdam niya ay sinpula na niya ang gumamelang nakaipit sa kanyang tainga.

Nang makabalik siya sa silid ay agad na nagtalukbong ng kumot.

'Nakakaloka!'

Bigla ay nakalimutan niya ang pagdalaw sa kanya ng dating kasintahan at wala siyang ibang inisip kundi ang eksena sa hardin hanhgang sa nakatulugan na niya ang pag-iisip.

Pagkagising niya ay nagulat siya nang mamukhaan ang babaeng nakatayo sa may paanan ng kama. Nangungutya ang tingin nito sa kanya. Sinamaan niya ito ng tingin.

"Run, Christine, run... Kapag naabutan kita, patay ka."

Binalot ng takot ang kanyang sistema sa alaalang iyon. Lumingun-lingon siya sa paligid. 'Nurse Chen, nasaan ka ba? Nurse Demi... Dale...?' piping tanong niya.

"Tama nga si Mark. Natuluyan ka na." Ngumisi ito.

"Ano'ng kailangan mo, Mona?" Walang ganang tanong niya. Pilit pinapakalma ang sarili. Hindi niya dapat ipakita na takot siya rito.

"Wala lang. Gusto lang kitang makita. Hindi mo ba ako na-miss?"

'Na-miss? Baliw ka ba?' piping ganti niya. "Na-miss nga kita, eh. Bakit? May kailangan ka sa 'kin, no?" Kung baliw siya sa paningin ng mga ito... paninindigan na niya.

"Ang talino mo talaga, my dearest sister. Oo. Kailangan ko ng pirma mo." Pinakita niyo ang isang dokumento at inabot iyon sa kanya. "Dito ka pumirma." Itinuro nito ang guhit sa pinakailalim ng papel.

"Oh, sure, dear," malambing na aniya. Tiningala niya ito at nakita ang pagngisi nito. "Pakikuha muna ako ng maiinom. Nauuhaw ako." Itinuro nito ang maliit ng refrigerator sa silid niya.

Mabilis na isinulat niya sa dokumento ang mga salitang 'You won't ever get a hold of my properties, Bitch!' At mabilis na isinara ang folder.

Pagkaabot nito ng baso ay agad nitong tiningnan ang dokumento. Tumawa siya ng malakas nang makita ang iritasyon sa mukha nito.

"Baliw ka talaga!" Akmang susugurin siya nito nang ibuhos na rito ang isang basong tubig. Nakita niyang nagpupuyos ito sa galit at akmang dadambahin siya kaya pati ang baso ay inihagis na niya. Kitang-kita niya kung paanong tumama sa noo nito ang puwitan ng babasaging baso bago iyon bumagsak sa sahig.

"Christine!" sigaw ni Dale kasabay ng pagkabasag ng basong inihagis niya. Malakas na tumili ni Mona. Maging si Nurse Demi ay napahiyaw.

"Nurse Demi, pakihatid si Miss sa labas." Mahinahon ngunit nababakas ang pagkadisgusto sa boses nito. Mabilis na sinunod ni Nurse Demi ang utos nito.

Hindi siya makatingin ng diretso rito. Napatingin siya sa basag na baso. Mabilis siyang lumuhod para kunin ang nagkapirasong baso ngunit nasugatan siya nang mahawakan ang bubog.

"Christine!" May galit na tawag sa kanya nito. Ngunit mas mahihimigan ang pag-alala sa tinig nito.

"P-Pasensya na... L-Lilinisin ko na lang.." natatarantang sambit niya. Hindi niya alam na umiiyak na siya. Natatakot siya na baka galit ito sa kanya. At sa palagay niya ay maghihinanakit siya kung iisipin nitong masama ang ugali niya.

"Hayaan mo na 'yan.. Tumayo ka na." Inalalayan siya nitong makatayo. "Tahan na... Gagamutin ko ang sugat mo, " alu nito.

Pinilit niyang pigilan ang pag-iyak at nagtagumpay naman siya.

"Ano ba talaga ang nangyari?" nag-aalalang tanong nito.

Napalingon siya sa bubog. Nakita niya ang lalagyanan ng dokumentong pinapapirmahan ni Mona kanina. Mukhang nabitawan nito iyon nang ihagis niya ang baso rito.

"'Yong babae kanina..." bigla siyang sininok. Siguro ay dahil na rin sa paghalu-halo ng kanyang nararamdaman.

Tumayo ito at kinuha siya ng maiinom. Pagkatapos ay hinayaan muna siyang kumalma. Alam niyang naghihintay ito ng sagot.

'Hindi ka naman na iba sa akin... at doktor kita... Wala naman sigurong mawawala kung magkukwento ako sa—"

Biglang bumuhos ang mga alaala pabalik sa isip niya. Pakiramdam biya ay binibiyak ang kanyang ulo sa sobrang sakit na nadarama niya.

"Christine? Christine! Ano'ng nangyayari sa 'yo? Ano'ng masakit sa 'yo?" Nag-aalalang tanong ni Dale.

"A-Ang ulo ko... Masak— Aaah!" hiyaw niya. Ni hindi na siya makapagsalita at makapag-isip ng maayos dahil iniinda niya ang sakit ng kanyang ulo.

"Christine!" bakas ang takot sa boses ni Dale.

Mabilis na inalalayan siya nito dahil mabubuwal na siya. Iniupo siya nito sa kama at may kung ano'ng kinuha sa gamit na dala ni Nurse Demi. Pampatulog... Kailangan niya ng pampatulog.

Ngunit hindi na niya naramdaman ang pagtusok niyon dahil sa tingin niya'y mas nauna ang epekto ng pampatulog bago pa siya ma-inject-an.