Download Chereads APP
Chereads App StoreGoogle Play
Chereads

Call Center Ghost Stories (Tagalog)

🇵🇭MT_See
--
chs / week
--
NOT RATINGS
111.2k
Views
Synopsis
Mga Call Centers. Matao. Maliwanag. Maingay. Hindi mo iisipin na ang mga lugar na ito, na puno ng makabagong teknolohiya, ay pinamamahayan pala ng mga kaluluwa. Mga kaluluwang ligaw. Mga kaluluwang puno ng galit. Mga kaluluwang nais manakit. Halika at samahan ninyo ako at bisitahin ang mga call center at tuklasin ang hiwaga at misteryo ng mga lugar na ito. All characters appearing in this work are fictitious. Any resemblance to real persons, living or dead, is purely coincidental.
VIEW MORE

Chapter 1 - Ang Babaeng Nakaputi

Alas dos ng madaling araw. Maingay ang call center floor dahil sa pinagsama-samang boses ng mga agents na nagca-calls. Sinabayan pa ng takatak ng mga keyboards at tawanan ng ilang taong nakabreak. Nakaupo si Ryan sa may bintana, inaantok sa caller niyang may edad na. Pumikit siya sandali. Iniimagine ang lunch break na tatlong oras pa ang layo. Iniisip kung anong pagkain ang bibilhin sa caterer sa pantry.

Naghikab siya ng malakas at pinunas ang luhang namumuo sa kanyang mga mata. Patuloy pa din ang kwento ng matandang caller na hindi naman niya naiintindihan. Pagtingin niya sa salaming bintana ay nakita niya ang kanyang repleksyon. Kitang-kitang antok na antok na siya. Pinagmasdan niya ang repleksyon ng ibang mga taong nagca-calls. May nakatayo. May umiinom ng kape. May nagpapasahan ng sulat. May mga inaantok din kagaya niya. Ngunit ang nakaagaw ng kanyang pansin ay ang isang babaeng nakaputi at nakatayo malapit sa pinto ng CR, mga tatlong row ang layo sa kanya. Hindi ito gumagalaw at nakatingin lang sa direksyon niya. Bagama't may kalayuan, sa tingin ni Ryan ay nakatingin sa kanya ang babae. Nilingon niya ito ngunit nagulat siya ng wala na ang babae sa kanyang kinatatayuan. Hinanap niya ito. Iginala ang mata sa buong call center floor. Umalis ba siya? O pumasok sa CR? Hindi na niya nakita pa ang babae kaya't muli niyang hinarap ang kanyang monitor.

Nanlaki ang kanyang mga mata. Napako ang tingin ni Ryan sa salaming bintana kung saan nakikita niya ang kanyang mukhang namumutla at ang katawan niyang naninigas. Sa likod niya ay nakatayo ang babaeng nakaputi, walang kibo, hindi gumagalaw. Mahaba at gulu-gulo ang buhok nito. Ang kanyang puting damit ay madumi at maputik. Para siyang gumulong sa lupa. Hindi makita ni Ryan ang mga mata ng babae dahil natatakpan ito ng kanyang buhok, ngunit kitang-kita niya na nakangiti ito sa kanya. Puting-puti ang mga ngipin ng babae.

Hinawakan ng babae ang balikat ni Ryan. Bagama't naka-jacket siya ay dama niya ang malamig na kamay nito. Dito ay napatayo siya at napasigaw. Mabilis niyang nilingon ang babae ngunit wala na ito. Alam niyang pinagtitinginan siya ng kanyang mga katabi.

"Are you okay?" tanong ng isang supervisor na hindi niya napansin na lumapit pala sa kanya.

"Y-Yes, I'm fine," mahinang tugon ni Ryan.

Tiningnan muna ng supervisor si Ryan ng ilang segundo bago umalis, halatang pansin ang maputlang mukha nito. Napabagsak na lang si Ryan sa kanyang upuan at doon lang niya napansin na wala na pala ang kanyang caller. Ibinaba na siguro nito ang telepono dahil hindi siya sumasagot.

Dali-dali siyang naglog-out habang pinipilit i-steady ang nanginginig na kamay. Dumeretso siya sa CR. Walang ibang tao, ngunit hindi niya ito pansin dahil sa lakas ng tibok ng puso niya. Naghilamos siya. Pinilit alisin ang takot na bakas sa kanyang mukha. Pagdilat niya ay nakita niya sa salamin ang babaeng nakaputi, nakatayo sa likod niya! Nilapit nito ang kanyang bibig sa tenga ni Ryan.

"Galit ako sa'yo!" sabi ng babae.

Dito ay wala nang nakita si Ryan kundi kadiliman.

Matagal din siyang pinagmasdan ng babae habang nakahandusay siya sa lapag, walang ulirat.

Simula noon ay napagtanto ni Ryan na maraming ligaw na kaluluwa sa mga call centers.