Chereads / Call Center Ghost Stories (Tagalog) / Chapter 3 - Station 10566

Chapter 3 - Station 10566

Maraming nagsasabi na may nagpapakita raw na multo dito sa call center na pinapasukan ko. Isang babae na nakikitang nakaupo sa station 10566, na nasa pinakadulo ng call center floor. Tatlong station lang ang nasa dulong iyon at ang station 10566 ang nasa gitna.

Halos walang agent na nagca-calls sa station na iyon. Bagama't hindi lahat ay naniniwala na may nagpapakitang multo doon, malimit namang nagdadahilan ang mga gumagamit ng station na iyon na palagi raw itong nasisira o kaya naman ay sobrang lamig doon.

Kahit ang mga janitors ay natatakot sa station 10566. Kapag maglilinis sila doon ay palagi silang magkakasama. Walang naglilinis sa lugar na iyon ng nag-iisa.

Apat na taon na akong natatrabaho sa kompanya namin pero isang beses ko pa lang nasusubukang magcalls sa dulong bahaging iyon ng call center. At para sa akin, sapat na ang isang beses.

Ilang buwan pa lang ako noon ng marinig ko ang kuwento tungkol sa station 10566. Ikinuwento sa akin ito ni James, kasamahan ko sa trabaho, habang nagyoyosi kami pagkatapos mag-lunch.

"Pare naman, sa modernong panahon ba nating ito ay naniniwala ka pa sa multo?" natatawang sabi ko.

"Hindi naman sa ganoon. Pero marami na ang nakakita dun sa babae. Minsan daw nakaupo. Minsan nakatayo. Minsan umiiyak. Minsan…"

"Ikaw, nakita mo na ba yung babae?" putol ko sa kanya.

"Hindi," mabilis naman niyang sagot.

Natawa lang ako sa sinabi niya.

"Saka, bakit naman may magmumulto doon? May namatay ba doon?" may paghalong pagbibiro kong tanong.

Tiningnan lang niya ako ng seryoso. Hindi ko alam kung paano babasahin ang mukha niya.

"O, bakit natahimik ka yata?" tanong ko. "Huwag mong sabihing…"

Huminga siya ng malalim.

"Noong bago pa lang ako dito, may narinig akong kuwento. Yung babae daw na nagmumulto ay namatay sa station na iyon habang nagca-calls. Ayon sa kuwento, nagpaalam daw yung babae sa Team Leader niya kung pwede siyang umuwi dahil sumasakit ang ulo niya. Hindi pumayag yung TL kaya napilitan siyang bumalik sa pagca-calls. Maya-maya, bigla na lang daw bumagsak yung babae. Tirik ang mata at nangingisay. Patay na siya ng dumating sa ospital. May pumutok daw na ugat sa ulo niya at dumugo ang utak kaya sumasakit ang ulo niya."

Wala akong masabi sa kuwento niya. Hindi maalis sa isipan ko ang mukha ng isang babaeng, bagamat namimilipit sa sakit, ay pinipilit pa ring mag-calls. Isang babaeng walang kamalay-malay na dumudugo na pala ang kanyang utak.

Kinilabutan ako sa naisip. Tiningnan ko si James. Tulad ko, natahimik din siya. Sigurado, parehas kami ng iniisip.

"Naku," sabi ko, "imbento mo lang yata yan eh. Tinatakot mo lang yata ako eh."

Hindi niya ako pinansin. Humithit siya sa kanyang sigarilyo at dahan-dahang ibinuga ang usok.

"Sabi ko nga kuwento lang yun. Sinubukan ko ngang maghanap ng balita tungkol dun pero wala akong makita. Kahit sa internet walang napabalitang ganoon. Sabi naman nila, binayaran daw ng malaki ang pamilya ng babae para hindi na magsalita. Masisira kasi ang reputasyon ng kompanya kapag lumabas pa ang pangyayaring iyon."

"O kaya naman ay talagang walang nangyaring ganoon," mabilis kong idinugtong.

Napangiti lang siya sa sinabi ko. "O sige na nga, panalo ka na. Mabuti pa umakyat na tayo baka ma-late pa tayo," sabi niya sabay tapon ng sigarilyo sa basurahan.

Makalipas ang ilang linggo, habang papasok ako sa trabaho ay nagkaroon ng isang banggaan ang isang jeep at isang van. Dahil dito ay muntik na akong ma-late. Buti na lang at nakahanap ng shortcut ang taxi na sinasakyan ko. Madali ako sa pag-akyat ng building at pagkapunch-in ay agad akong naglog-in sa unang station na nakita ko. Humihingal pa ako ng pumasok ang una kong tawag. Buti na lang at walang tao sa katabi kong station at walang nakakita sa pawisan kong mukha.

Maya-maya ay nakaramdam ako ng ginaw. Naisip ko na malakas siguro ang aircon. Dali-dali kong sinuot ang aking jacket ngunit dama ko pa rin ang lamig. Nakaramdam tuloy ako ng antok. Dahil madalang naman ang pasok ng calls, pumikit muna ako. Hindi ko namalayang nakatulog pala ako. Nagulat ako ng bigla akong maalimpungatan. Hindi ko alam kung gaano katagal ako nakatulog pero sa palagay ko ay medyo matagal dahil namamanhid na ang mga binti ko. Meron na ding taong nagca-calls sa katabing station ko. Isang babae.

"Thank you for calling! Good bye," narinig kong sabi ng babae. Masaya ang tono ng boses niya. Sinilip ko ang mukha niya pero hindi ko ito makita dahil nakatungo siya at nakaharang ang kanyang mahabang buhok.

May sinusulat ata. O baka naman nagte-text, nakangiti kong naisip.

Ipipikit ko sanang muli ang aking mga mata ng napansin kong may kung anong kulay pulang pumatak sa keyboard ng babaeng katabi ko. Pinagmasdan ko itong mabuti, hindi masiguro kung ano at saan galing iyon.

Parang dugo.

Tatayo sana ako ng may isa na namang patak ang tumulo sa keyboard niya, at sa pagkakataong ito ay nasisiguro kong galing ito sa kanyang mukha.

Plak. Plak. Plak. Tuloy-tuloy ang pagpatak ng pulang likido mula sa mukha ng babae hanggang halos kulay pula na ang kanyang keyboard. Dito ay mabilis akong napatayo, hindi maalis ang aking mga mata sa nakikita.

"Miss…" sabi ko ngunit hindi ko naituloy dahil biglang tumawa ang babae. Mahina lang, halatang pinipigilan. Nagulat ako at napahakbang ng paatras.

"Miss…" sinubukan ko ulit magsalita ngunit tawa lang ulit ang sagot ng babae. Pero sa pagkakataong ito ay parang hindi na niya napigilan ang kanyang sarili at tuluyan ng humalakhak ng humalakhak ng ubod lakas. Umaalog ang buo niyang katawan dahil sa sobrang katatawa.

Matinding takot ang naramdaman ko. Gusto kong tumakbo pero hindi ako makakilos. Naninigas ang buong katawan ko. Tinangka kong sumigaw ngunit mahihinang ungol lamang ang lumabas sa aking bibig. Pinikit ko ang aking mga mata, umaasang guni-guni lang ang lahat ng iyon. Ngunit pagdilat ko ay naroroon pa rin ang babae, na ngayon ay dahan-dahang tumatayo sa kanyang kinauupuan. Hindi ko alam kung bakit pero alam ko ang susunod niyang gagawin. Haharap siya sa akin. Ipapakita niya ang kanyang nagdudugong mukha.

Sa takot ay nakahanap ako ng lakas. Naigalaw ko ang aking katawan at tumakbo ako ng tumakbo. Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Ang tanging alam ko lang ay dapat makalayo ako sa babaeng iyon.

Hindi ko na alam ang mga sumunod na nangyari. Ang tanging naaalala ko na lamang ay inaalog ni James ang balikat ko. Tinatanong niya kung ano ang nangyayari sa akin. Nagmasid ako sa paligid, kinikilala kung nasaan ako. Nagulat ako ng makitang nasa kalsada na pala ako. Nakalabas ako ng building ng hindi ko namalayan! Tiningnan ko si James, bakas sa mukha niya ang pag-aalala.

"…ka lang ba? Ba't ang putla-putla ng mukha mo? Saan ka ba papunta?" sunod-sunod na tanong niya sa akin, ngunit tanging titig lang ang naisagot ko.

Muli kong iginala ang aking mga mata sa paligid. Dis-oras na ng gabi pero maliwanag pa dahil sa mga ilaw na nagmumula sa mga nagtataasang building, sa mga nagkalat na taxi, at sa nagdaramihang mga street lights.

"May babae…" sinimulan ko ngunit ngayong napapalibutan ako ng ingay at liwanag, parang isang malaking kalokohan kung ikukuwento ko sa kanya ang aking nakita. Baka isipin niya ay nababaliw na ako. Nakatingin lang sa akin si James, naghihintay.

"W-Wala," ang tanging nasabi ko.

"Anong wala! Kani-kanina lang eh para kang hinahabol ng 'sanlibong aswang. Saka, di ba may shift ka ngayon? Baka ma-job abandonment ka niyan!

Naalala ko bigla na may trabaho nga pala ako. Pati headset ko ay hindi ko na napansin na naiwanan ko pala ng tumakbo ako.

"Ayos lang ako," mahinang sagot ko.

"Sigurado ka ba diyan sa sinasabi mo? Baka may sakit ka?" may halong inis na tanong sa akin ni James.

"Wala. Mabuti pa umakyat na tayo," yaya ko sa kanya.

Pagkaakyat ay nagpasama ako kay James sa station kung saan ako nag-calls. Kung saan ko naiwan ang aking headset. Pagdating doon ay wala na ang babae. Malinis din ang station, wala ni isa mang patak ng dugo sa keyboard. Wala na din ang headset ko. Nang ituro ko kay James kung saan ako nag-calls kanina ay natahimik siya. Tinitigan niya akong mabuti.

"Sigurado ka bang dito ka nag-calls kanina?" tanong niya sa akin. Napansin ko na nagbago ang tono ng kanyang pagsasalita.

"Oo naman," sagot ko. "Bakit…?"

Bago ko pa man maituloy ang tanong ko ay napansin ko ang station number na nakapaskil kung saan nakaupo ang babae kanina.

10566.

Nagkatinginan kami ni James. Bakas sa namumutla niyang mukha ang takot.

"M-Mabuti pa lumipat ka na lang sa ibang station," mabilis niyang sinabi.

Dali-dali kaming umalis sa lugar na iyon, naghanap ng lugar kung saan maraming tao. Nakahinga lang kami ng maluwag ng nasa pantry na kami. Umupo kami sa tapat ng TV, kung saan ipinapalabas ang isang lumang pelikula.

"I-report mo na lang na nawawala yung headset mo. Baka may nakapulot nun," sabi niya sa akin bagamat hindi iyon ang sinasabi ng kanyang mukha. Alam kong pareho kami ng iniisip. Alam namin kung sino ang kumuha ng headset ko.

Mabilis namang napalitan ang nawawala kong headset, na hindi na nakita pa. Hindi na ako nag-calls sa station na iyon. Hindi ko na din nakita pa ang babae.

Ngunit sa pagtulog ko ay palagi ko siyang nakikita. Sa mga panaginip ko ay laging nandoon siya, nakaupo sa station 10566. Tawa siya ng tawa, at pagkatapos ay dahan-dahang tatayo, haharap sa akin para ipakita ang kanyang mukha. Ngunit sa panaginip ko ay hindi ako makatakbo. Hindi ako makatakas. Wala akong magawa kundi pagmasdan ang duguang mukha ng babae. Titig na titig sa akin ang kanyang mapupulang mata. Kahit ang kanyang mga ngipin ay kulay pula na sa dugo. Pagkatapos ay itataas niya ang kanyang kanang kamay at makikita kong hawak-hawak niya ang aking headset. Inaabot niya ito sa akin. Hinahamon akong kunin ito sa kanya. Pinapangakong ibibigay niya ito sa akin basta't lumapit lang ako.

Sa panaginip kong ito, bago ako magising ng sumisigaw, ay hahakbang ako papalapit sa kanya.